Isang paglalarawan ng Bibliya kung ano ang magiging kalagayan ng nakararami sa mga huling araw kung kailan darating na nga ang Panginoong Hesus ay ang pagiging malupit ng mga tao. Ang pagiging malupit ay kabaliktaran ng pagiging mahabagin o maawain. Ang kawalan ng habag ng mga tao ay ipinauna na ng Salita ng Diyos sa 2Timoteo 3:3. Nandito na tayo sa henerasyon o kapanahunan na kitang-kita ang kawalan ng awa sa kapwa. Karaniwan na sa balita ang mga karumal-dumal na krimen, na mistulang mga hayop na lang ang mga taong pinapatay. Hindi pa gaanong natatagalan ang ginawang pagmalupit ng mga alagad ng batas sa nahuli nilang nagkasala kung saan tinalian at kinoryente pa ang maselang parte ng katawan hanggang sa mapatay. Yaong maramihang pagpatay sa mga mamahayag doon sa dako ng Mindanao. Hindi na mabilang ang mga balita patungkol sa mga 'salvage victim'. Maraming kaganapan ang napabalita na ang kawalan ng habag ay mismong sa loob ng mga tahanan nagaganap. Ang nakakaawang sanggol na dapat ay unang tumanggap ng habag mula sa kanyang magulang ay natatagpuan na lang sa mga basurahan,C.R. at kung saan-saan pa. Paminsan-minsan ay may mga naitatampok naman ng pampublisidad pagpapakita ng habag lalo na yaong mga "foundation" ng mga himpilan ng telebisyon, sa mga ginawa nilang pagtulong ngunit alalahanin natin na ang mga ganitong publisidad ng pagkaawa ay may mga layuning pansarili, kasama na nga dito ang makaiwas sa babayarang buwis. Minsan nga naiisip ko, bakit kaya ang mga dambuhalang istasyong ito ay nangangalap pa ng ipantutulong samantalang ang laki-laki naman ng kanilang mga kinikita? Hindi mapapasubalian na ito na nga ang kapanahunan na ang mga tao ay wala ng habag sa kapwa at kung meron man ay pagpapakitang tao na lamang.
Nais kung magbanggit ng ilang kadahilan kung bakit nawawala na ang damdaming mahabagin sa maraming tao ngayon:
1.Ang pagdami ng mga alalahanin sa buhay. (pressure of life). Praktikal na kaisipan ng karaniwang tao na bago maawa sa iba, sarili muna ang uunahin. Sa mabigat na sitwasyon ng buhay nauudyukan ang mga tao na maging makasarili.
2.Ang pagdagsa ng mga masasama at mapagsamantala. Isang malungkot na katotohanan ngayon na ang mga pulubi na talagang dapat kaawaan ay bahagi na pala ng isang malawakang panloloko o sindikato. Makailang ulit na rin na ako ay tumulong sa mga mag-ina na nanghihingi ng pamasahe makauwi lang sa tahanan nila ngunit napagtanto ko na ito pala ay isang modus operande o isang panloloko. Ang pagkahabag ay nahahadlangan upang huwag konsentihin ang panloloko at katamaran ng iba.
3.Ang pagkaakit sa maraming iniaalok ng sanlibutan. Ang habag o awa ay sa puso natatagpuan. Kung ang puso ay puno ng paghahangad sa napakaraming iniaalok sa mundo, nawawalan ng puwang ang awa. Karaniwang malupit ang naghahangad na magkamal ng kayamanan at mga bagay-bagay na magbibigay kasiyahan sa kanyang laman. Makakadama pa kaya ng awa sa kanyang mag-ina ang isang ama na nahuhumaling sa isang mapanuksong babae? Ang mga napapatay sa hold-up, kidnapping, carnaping, akyat-bahay ay pinagkaitan ng habag ng mga haling na haling sa pera at materyal na bagay.
4.Impluwensiyang makadiyablo. Todo na ang ginawang pagpalaganap ng kalupitan at karahasan ng mga kaaway ng Diyos sa kapanahunang ito. Maraming espiritu siyang pinapalaganap sa napakaraming kapamaraanan. Epektibong nagagamit ng diablo ay ang makabagong teknolohiya. Maraming damdamin ang nagiging manhid dahil sa mga karahasang napapanood sa mga pelikula at telebisyon. Ang pinakamapanganib ngayon ay ang mga makadiyablong laro sa kompyuter. Matinding karahasan ang kumukundisyon sa isip at puso ng mga kabataan. Ang mga kabataang pagkalulutong magmura sa mga computer shop habang naglalaro ng mga karahasan ay napakalabong maawa o mahabag sa mga magulang nagpapakahirap para sila ay maitaguyod.
Ang mga Totoong Kaawa-awa
Madaling matukoy kung sino ang mga kahabag-habag. Karaniwan, sila ay yaong mga yagit na yagit na nakatira sa mga barong-barong, sa ilalim ng mga tulay, sa mga bangketa o kariton. Mga taong minsan na lang sa isang araw kung kumain o halos hindi na kumakakain. Nakakaawa din talaga ang mga taong may mabibigat na karamdaman lalo na yaong walang maipanggamot o pangpaospital. Ngunit ang Bibliya ay may tinukoy na totoong kahabag-habag. (Pahayag3:12)
Ang mga taong ito sa unang tingin ay hindi dapat kahabagan sa halip ay dapat pa ngang kainggitan. Bakit? Ang dami-dami nilang pera. Ang gaganda ng mga kasuotan at kaybabangong tingnan. De-kotse, ang gaganda ng tirahan. Ang sasarap ng mga kinakain, nakakapasok sa mga kilalang hotel at restoran. Nasa kanila ang iba-ibang makabagong gadget, tulad ng mamahaling cellphone, computer, laptop, tablet at kung anu-ano pa. Nagpapasasa ng mga kalayawan ng mundo, ang lulutong at napakalakas kung maghalakhakan ngunit sa paningin ng Diyos, sila ay kahaba-habag! Bakit? Sapagkat ang mga ito ay nakabingit sa kaparusahan sa apoy ng impyerno sapagkat hindi nila kilala at taglay ang totoong Hesus na tanging Tagapagligtas. Ang sabi ng Bibliya ang dinidiyos nila ay pera. Ang linaw ng sinabi sa Filipos 3:19 "Kapahamakan ang kahihinatnan nila sapagkat ang dinidiyos nila ay ang hilig ng kanilang mga laman!" Ang mga kahabag-habag na ito ay hindi lamang pakanta-kanta o hagalpakan ng hagalpakan kundi mahimbing pa ring nakakatulog samantalang ang puso at pamumuhay ay punong-puno ng kasalanan at patuloy na bumabalewa sa tunay na Panginoong Hesus.
Ang Mga Totoong Marunong Maawa
Para sa akin, ang mga totoong mahabagin ay yaong mga tunay na nagsipagsisi at tumanggap ng kahabagan mula sa Panginoong Hesus. Yaong lamang na mga totoong nagsisuko ng buhay sa Kanya at tumalikod sa kasalanan ang maaaring mahabag sa mga kahabag-habag na nabanggit sa itaas. Ang pusong tumanggap ng kapatawaran ng Diyos ang siya lamang maaaring mahabag sa mga nakatakdang mapahamak.
Ang pinakasukdulan ng kahabagan na maaaring maigawad sa mga kaawa-awang nilalang ay ang nasain o hangarin na huwag silang mapahamak sa apoy ng impiyerno! Ang makakagawa nito ay yaon lamang na totoong tumanggap ng kaligtasan, mga tunay na kristiyano na sa anumang paraan at pagkakataon ang ipinapakilala at ibinabahagi ang tanging Tagapagligtas, ang Panginoong Hesus! Nagagawa nila ito sapagkat ang kanilang mga puso ay puno ng totoong kahabagan ng Diyos. Kahabagan na galing mismo sa puso ng Panginoong Hesus.
Kalupitan man ang inabot ng Panginoon kung bakit nakabayubay Siya sa krus, ngunit nang mga sandaling iyon walang ibang laman ang puso ni Hesus kundi ang matinding kahabagan sa mga makasalanan taglay ang hangarin na sila ay mailigtas sa kapahamakan sa impiyerno.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento