Biyernes, Mayo 31, 2013

Dahilan ng Unang Pagparito ng Panginoon at ang Muling Pagparito

      Maraming makakapagpatunay sa mga talaang historikal ng mundo na mayroong isang kilalang persolinadad na nabuhay at may ministeryong ginanap sa bansang Israel, ito ay walang iba kundi ang Panginoong Hesus. Nailahad man ito sa mga sekular na kasaysayan ng mundo, higit na mapanghahawakan ang katibayan nito sa mga pahina ng Banal na Kasulatan, ang Bibliya. Nabanggit ng Bibliya ang mga kadahilanan kung bakit naparito sa mundo ang Anak ng Diyos at sa partikular na lugar, sa Israel. Ang nais kong talakayin ay ang matibay na dahilan na mismong si Hesus ang tahasang nagsabi:
   "Ako ay naparito (unang pagparito) upang tawagin ang mga makasalanan, hindi ang mga banal!" (Mateo9:13)

    Ngunit alalahanin natin na ang Banal na Kasulatan ay naghahayag ng isang katotohanan na maaaring hindi matatanggap ng mga relihiyoso. "Ang lahat ay nagkasala at walang sinumang karapat-dapat sa paningin ng Diyos".(Roma 3:23) Sobrang nadismaya ang mga relihiyosong Pariseo kung bakit ang isang matuwid na katulad ni Hesus, ay nakikisama at nakikisalong kumain sa mga makasalanan (Mateo9:9-13). Ipinapaunawa ng Panginoon na Siya ay nananawagan kaya inilalapit Niya ang Kanyang sarili sa mga makasalan upang sila ay tawagin patungo sa banal at matuwid na paghahari ng Diyos. Dahil wala naman talagang banal kundi ang Diyos, ang panawagan ay para sa lahat na nag-aakalang bayan ng Diyos, ngunit makasalanan naman. Ang panawagan ni Hesus sa una ay sa Israel lamang ngunit umabot ang panawagang ito sa lahat ng sulok ng mundo. At ang tutugon sa panawagan, ay tunay na magsisisi at kikilala sa Panginoong Hesus bilang Hari at Tagapagligtas ng kanilang buhay. At dahil dito, ang mga makasalanang tumugon sa panawagan ay sasailalim sa proseso na pagbabagong-buhay tungo sa kabanalan ng Diyos. (2Cor3:18 at 5:17). Samakatuwid, ang dahilan ng unang pagparito ng Panginoon ay ang tawagin ang mga makasalanan(ang lahat). At sa mga mga tumugon, maiiba na ang kategorya nila, mula sa pagiging makasalanan, sila ay pinapaging-banal. Sapagkat ang presensiya ni Hesus sa bawat buhay ng nagsitanggap sa Kanya ay susi ng pagbabagong-buhay. Sabi ni Hesus, "Walang kayong magagawa kung kayo ay hiwalay sa Akin!"(1Juan15:5).


   At ang mga tumugong ito, hindi na sila makasalanan, sila ay pinapaging matuwid, at sila na ang dahilan ng muling pagparito ng Panginoong Hesus. Ang sabi ng 1Juan3:3 ang sinumang umaasa sa pagparito ng Panginoong Hesus ay nagpapakadalisay kung paanong Siya ay dalisay. Ayon sa 1Tesalonica5:23-"Nawa'y lubusan kayong pabanalin ng Diyos na Siyang nagbibigay ng kapayapaan. At nawa'y panatilihin niyang walang kapintasan ang buo ninyong katauhan- ang espiritu, kaluluwa at katawan hanggang sa pagparito ng Panginoong Hesus!

   Kung gayon, napakalinaw, ang unang dahilan ng pagparito ng Panginoon ay para sa mga makasalanan at ang muli Niyang pagparito ay para na sa mga matuwid(banal)
   Yamang hindi pa nagaganap ang muli Niyang pagparito, kasalukuyan pa rin Siyang nananawagan. Tumugon ka na ba?

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento