Martes, Mayo 7, 2013

Ipanalangin si Bro.Eddie Villanueva (Pray for Bro.Eddie Villanueva)



    Mababatbat ng maraming isyu sa kalipunan ng mananampaltaya ang mga huling araw at ito ay nangangailangan ng matitinding panalangin. Seryosong panalangin ang panawagan habang nalalapit ang pagbabalik ng Panginoong Hesus. (Lucas 18:7-8) Kabilang dito ay ang pananalangin sa mga lider ng pananampalataya. Kabilang sa mga dapat ipanalangin ay si Bro.Eddie Villanueva, lalo pa nga na siya ang pangunahing may tangan sa bandila ng biblikal na pananampaltaya sa ating bayang Pilipinas. May ilang konsiderasyon akong naunawaan kung bakit lahat ng kristiyanong Pilipino ay dapat siyang ipanalangin:

1)Una nga dahil siya ang pinakakilalang lider ng biblikal na pananampalataya sa Pilipinas. Dala niya ang pangalan ng Panginoong Hesus maging ang pangalan ng bawat Pilipinong tinubos ng dugo ni Hesus. Higit pa sa boto natin upang siya ay manalo, mas kailangan niya ang panalangin natin nang sa gayon, anuman ang maging kahinatnan ng eleksiyon ay huwag magmarka sa kaisipan ng mga taong dapat maligtas, na ang Diyos ng mga kristiyano ay Diyos ng mga talunan. Alalahanin natin kamakailan lang ang sikat nating kababayan ay magkasunod na natalo sa kanyang larangan kung kelan pa naman ipinaalam niya sa mundo na nakikilala na niya ang biblikal na Diyos. Sa halip dahil sa panalangin natin, ay maunawaan ng mga tao na ang Diyos natin ay hindi nalulugod sa 2 larangang ito,  ang maruming pulitika at bayolenteng boksing. Nang sa gayun hindi tayo mahirapang kumbisihin sila sa Ebanghelyo ng kaligtasan.

2) Pangalawa, mas mabigat at kumplikado ang landas na tinatahak ni Bro.Eddie, kesa sa mga tinahak ng ibang karaniwang lingkod ng Diyos. Simpleng-simple ang itinatakda ng Salita ng Diyos sa mga pangunahing lider ng iglesiya ito ay matatagpuan sa Gawa 6:4.
 "At iuukol namin ang BUONG panahon sa pananalangin
 at pangangaral ng Salita." 
   Paano nga ba maiaangkop ang 2Timoteo2:4 sa pasanin ngayon ni Bro.Eddie? Dapat talagang siya ay ipanalangin. Masisisi nga ba natin si Bro.Eddie kung taglay niya ang patriyotikong kaisipan katulad ng ating mga bayani kung saan hindi katakatakang naipagdidiinan niya ang pag-ibig sa Diyos at sa bayan.
   At sa ating pananalangin para sa kanya ay maaaring maikonsidera ni Bro.Eddie ang 3 ulit na tanong ni Hesus kay Pedro. (Juan21:15-17) "Higit na iniibig mo ba Ako kaysa mga ito?"

3) Sa pananalangin natin kay Bro.Eddie, mabibigyan siya ng katalinuhan sa pagsasalita sa publiko na hindi malalagay sa kompromiso ang pamantayan ng Salita ng Diyos. At hindi rin mapighati ang puso ng mga sensitibo sa espirituwal. Sobrang nadismaya ang ilan sa mga papuring nabitiwan niya noon sa yumaong lider ng samahang ayaw maniwalang ang biblikal na Hesus ay tunay na Diyos at sa lider ng kultong samahan na nagpapakilalang siya (lider ng kulto) ang anak ng diyos! Ipanalangin natin na magkaroon ng katapangan si Bro.Eddie na tukuyin kung alin o kaninong Diyos ang totoo!


4) Hindi maipagkakaila na napakalaki ang nagawa ni Bro.Eddie sa kalipunan ng mga mananampalataya sa Pilipinas at maaari pa rin siyang magamit ng Diyos kahit hindi sa pagkakaroon ng posisyon sa pamahalaan. Kahanga-hanga ang kaloob sa kanya ng Diyos na kakayanan bilang lider. Kung siya ay maipanalangin ng matindi ay mapapangunahan pa rin niya ang mga kristiyanong Pilipino na ganapin ang 2 Cronica 7:14. Linawin natin na ang bayang pinili na tinutukoy sa mga talatang ito ay hindi ang bayang Pilipinas, kundi ang mga totoong tinubos ng dugo ni Hesus. Kung magagawa ito ng tunay na bayan ng Diyos, ay mapapabuti rin ang lupaing kinalalagyan natin, ang bayang Pilipinas. Sa aking palagay mas maraming dapat ayusin sa kalipunan ng mga kristiyano kaysa sa alinmang pamahalaan ng bayan. Nakatitiyak ako na higit na ito ang pasanin ng Panginoon ngayong napakalapit na ng Kanyang pagbabalik. Ang maisaayos at maihanda ang Kanyang Iglesiya bilang dalisay, walang bahid o kapintasang kasintahan na kanyang pakakasalan. 
    Hindi pwedeng diktahan ang sinuman kong sino ang napupusuan niyang iboboto, ngunit ang pananalangin para sa kapatiran lalo pa ito ay lider ay isang mahalagang pananagutan. Ipanalangin si Bro.Eddie at iboto ang Panginoong Hesus sa ating mga puso!
   

2 komento:

  1. Maganda sana kung mabasa ito nina bro.Eddie at mga taga-JIL. God bless po...

    TumugonBurahin
  2. hindi po ata ipinananalangin ng mga miyembro niya si bro.eddie kaya mali-mali ang desisyon ng kanilang pastor. o kung ipinagpi-pray man ay di dinirinig kasi may mga kasalanan. yun na lang ang pagtuunan ng mga pastor ang makapanumbalik ang mga miyembro na nagbaback-slide.

    TumugonBurahin