Ipinauna ng Bibliya na isa sa indikasyon na malapit nang dumating ang Panginoong Hesus ay ang pagtalikod ng mga dating sumasampalataya. (1Timoteo4:1) Dati ang mga tumatalikod sa pananampalataya ay nawawala na o hindi na nakikita sa mga kristiyanong pagtitipon. Ang nakakalungkot na katotohanan, ay marami pa ring aktibong dumadalo sa mga Lingguhang pagtitipon ngunit nasa kalalagayang tumatalikod na sa pananampalataya. Paanong masasabi na ang isang palagian namang dumadalo ay tumatalikod na pala sa Panginoon o sa pananampalataya? Ito ay kung ang yung dumadalo ay hindi na nanalangin araw at gabi at ang batayang ito ay makikita natin sa Lucas 18:7-8. Inihayag ng Panginoong Hesus ang isang pag-aalala ng sabihin Niya: "Ngunit pagdating ng Anak ng Tao (si HESUS) sa daigdig na ito, may makikita kaya Siyang nananalig sa Kanya?". At ang batayan ni Hesus sa mga nananalig sa Kanya ay ang mga hinirang na dumaraing sa kanya araw at gabi. Ang paalalang manalangin ng walang humpay ay panawagan na ng Diyos sa mga hinirang sa lahat ng panahon, "Maging matiyaga sa panalangin!" (ITesalonica5:17). Ngunit nakatitiyak ako na ang pinakamahigpit at pinakamalakas na panawagan sa mga hinirang na manalangin araw at gabi ay sa panahong ito, kung saan talagang napakalapit nang bumalik ang Panginoong Hesus! Bakit? Bibigyan ko kayo ng 3 kadahilanan.
1.Matinding hatak ng tukso at pagpukaw ng laman sa huling kapanahunan. Batbat ng maraming elemento na nakapupukaw ng laman ang mga huling araw. Sinabi pa nga ng Bibliya na marami sa ngayong ang dinidiyos ay ang mga hilig ng laman.(Fil3:19) Naglilipana ang mga nakakatukso sa paningin (t.v., internet, gadget, bisyo, barkada, atbp.) at mga alok para sa kasiyahan ng laman. Mahigpit ang babala ng Bibliya na ang pagkakalulong sa laman ay katumbas ay kamatayang espirituwal.(Roma8:5-8) Malinaw ang solusyon na inihayag ng Panginoonh Hesus upang mapagtagumpayan ang tukso- MANALANGIN!(Mateo26:41)
2.Umaatikabong labanang espirituwal sapagkat kulang na ang panahon ng diyablo. Sinabi ng Bibliya sa Pahayag 12:12 na naghuhuramentado na ang diyablo sapagkat konting panahon na lang ang natitira sa kanya. Doble-doble at grabeng pwersa niya ang iniuumang sa mga hinirang at ang nakakalungkot maraming mga perwisyo niya ang hindi nailagan ng mga mananampalataya. Ang mga anak ng Diyos ay mga mandirigma ng Diyos, at ang kawal upang magtagumpay ay dapat taglay ang kasuutan bilang mandirigma. (Efeso6:14-17). Hindi kalooban ng Diyos na ang bayan Niyang susunduin ay tadtad ng sugat, pasa, o bugbog at perwisyo ng diyablo, sa halip isang matikas na mananagumpay. Isang kapamaraanan lang upang maisuot natin ang kasuutan ng espirituwal na kawal at durugin ang kaaway ito ay ang- MANALANGIN! (Efeso6:18)
3.Pagdagsa ng mga alalahanin at maraming pangangailangan. Ipapahintulot din naman ng ating Panginoon na ang mga hinirang ay malagay sa mahihirap na sitwasyon at mga mahigpit na pangangailangan sa panahon na talagang napakakritikal. Ipinauna na ito ng Panginoon sa Juan 16:33 at 2Timoteo3:1. At sa bawat pagkakataon na kailangang-kailangan ng mga hinirang ang mga pabor at himala ng buhay na Diyos isa lang naman ang dapat gawin- MANALANGIN! (FIL.4:6)
Sa pangkalahatan, lalo kung nauunawaan kung bakit dapat talagang manalangin ang mga totoong nag-aabang sa Panginoon Hesus- nais ng Panginoon na mapagtibay ang relasyon ng Kanyang bayan sa Kanya. Ang isang mapanalanginin ay masyadong malapit sa Diyos. At yun ang nais Niya ang masolo ang Kanyang minamahal upang mapagtibay ang isang makatotohanang relasyon ng pagmamahalan. Ang paglaho ng pag-ibig ay ang pagkawala rin ng pag-uusap o komunikasyon. Malapit na malapit at laging nag-uusap ang dalawang nagmamahalan. Alalahanin natin, ang pagbabalik ni Hesus ay hudyat ng isang kasalan.(Pahayag19:7-8). Ang dalawang nagmamahalan na malapit nang ikasal ay laging nag-uusap.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento