Naitala sa Aklat ng Bagong Tipan ang tatlong espesyal na karakter sa panahon ng Panginoong Hesus na masasabi kong mapapalad. Sila ay nagkakapareho sa isang mahalagang bagay: Silang tatlo ay parehong naghintay sa ipinangakong Mesiyas (Sugo) o Kristo. Tanging ang bayan ng Israel o mga Hudyo ang pinangakuan ng Mesiyas ng Dios Ama. Ang kahulugan ng pagdating ng Mesiyas ay ang pagdating ng Manunubos o pagliligtas sa bayang Israel, ang kahulugan din nito ay ang pagpapalaya na gagawin ng Dios sa Kanyang bayang pinili at ang ganap na paghahari ng Diyos. Halos alam ng lahat ng Hudyo (mga Israelita) ang pangakong ito ngunit walang masyadong naitalang nanabik at talagang naghintay. Kabilang sa kakaunting nag-abang sa pangako ng unang pagdating ng Panginoong Hesus ay ang tatlong ito , sina Simeon (Lucas2:25), Propetisang si Ana (Lucas2:36) at si Jose na taga-Arimatea. (Lucas23:51-52).
Dahil sa kanilang paghihintay sa unang pagdating ng Panginoong Hesus, sila ay nabigyan ng mga espesyal na prebelihiyo. Nakalong ni Simeon ang Panginoong Hesus, nangaral si Ana patungkol sa pagdating ng Mesiyas sa harapan mismo ni Hesus at inilagak ni Jose sa nararapat ang banal na katawan ng Panginoong Hesus.
Dahil din sa pag-aabang ng tatlong ito sa unang naipangakong pagdating ng Mesiyas, hindi sila nabigo at inilarawan ng Bibliya kung anong uring mananampalataya sila: matapat, malapit sa Diyos, madalas na nasa templo, mapagsamba, laging nananalangin, nag-aayuno, mabuti at matuwid. (Lucas23:L51-52) Sa panahon natin ngayon, meron pa kayang mga mananampalataya na nasa panyapak nina Simeon, Ana at Jose na nananabik sa ipinangakong pagdating muli ng Panginoong Hesus? Alalahanin natin na kung maraming propesiya ang naitala sa unang pagdating ng Panginoon, higit na mas maraming propesiya ang naitala sa ikalawa Niyang pagdating. Sabi ng ilang Iskolar sa Bibliya, sa bawat isang(1) propesiya tungkol sa unang pagdating katumbas nito ay tatlong (3) propesiya tungkol sa muli Niyang pagparito. At pakaalalahanin natin na ang Panginoong Hesus mismo ang nagsabing: "Ako ay muling paririto!"
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento