Lunes, Mayo 20, 2013

Sila na Hindi Nag-abang sa Mesiyas

     
       Hindi mapapasubalian na talagang kakaunti ang nag-abang sa mga Hudyo (mga Israelita, bayang pinili ng Dios) sa ipinangakong pagdating ng Mesiyas. Nabanggit ko sa nakaraaang post na kabilang sa kakaunting naghintay ay sina Simeon, Ana at Jose. At dahil sa kanilang pag-aabang sila ay tumanggap ng pambihirang prebelihiyo mula sa Diyos at higit sa lahat inilarawan ng Bibliya kung anong uri silang mananampalataya. Sila ay matutuwid na tagasunod ng Diyos.
  Sa kabilang dako, ano ang naging kahihinatnan ng mas nakakararami noong kanilang kapanahunan? Sa kawalan nila ng interes sa ipinangako ng Ama, ang pagdating ng Mesiyas ito ang naganap sa kanila: Dumating ang Mesiyas nang hindi nila namalayan, at dahil dito, ang Dumating ay kanilang tinuya, inusig at hanggang sa hatulang ipako sa krus hanggang mamatay.
    Ang sinumang nagsasabing mananampalataya, ngunit hindi talaga nag-aabang sa pagbabalik ng Panginoong Hesus, ay maaaring humantong sa muli nilang paghatol na ipakong muli ang Panginoong Hesus. Pakinggan natin ang mensahe sa panaginip ng isang kapatid:
Sa panaginip ng kapatid natin, labis siyang nababagabag bakit ang ingay-ingay sa loob ng bahay sambahan? Wala siyang marinig kundi pukpukan ng martilyo, e wala namang mga karpentiro? Ang mapanalangining kapatid ay lumuhang nagsumamo sa Diyos, nagtanong kung bakit puro pukpukan ang naririnig niya sa  loob ng pananambahan. Nangusap ang Panginoon sa Kanya: "Marami sa mga kasama mo sa pananambahan ang hanggang ngayon, ay ipinapako pa rin Ako sa krus...".

      Si Pablo mismo ang nagsabi, marami sa panahon ngayon ang namumuhay bilang kaaway ng krus ng Panginoong Hesus. (Filipos3:18-19)

1 komento: