Naibahagi ko sa mga naunang paksa ang ilang kadahilanan kung bakit mas nakararami sa mga nagsasabing mga 'kristiyano' ang hindi interesado sa siguradong pagbabalik ng Panginoong Hesus. Isang tiyak na karagdagang dahilan ay ang kanyang damdamin at pananaw patungkol sa mundo o sanlibutang kanyang kinalalagyan. Natuklasan ko na maraming dumadalo ng fellowship na masyado pa ring lulong sa napakaraming inaalok ng sanlibutan. Wiling-wili at masyado pang kinikiliti ng mga bagay-bagay na temporal o pangsanlibutan.
Mahigpit ang tagubilin ng Salita ng Diyos kung ano dapat at maging damdamin ng isang iniligtas sa pansamantalang mundong kanyang ginagalawan. Ayon sa I Juan2:15-
"Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan o ang mga bagay sa sanlibutan. Wala ang pag-ibig ng Ama sa sinumang umiibig sa sanlibutan!"
Nabanggit ko noon na ang katibayan ng pag-ibig ng Amang Diyos ay ang Anak Niyang si Hesus. Ang tinutukoy na pag-ibig ng Ama ay si Hesus mismo, at si Hesus din ang katibayan ng pag-ibig sa Ama. Kung ganun, ang nagmamahal sa mga bagay-bagay sa mundo ay hindi nagtataglay kay Hesus, at dahil wala sa kanya si Hesus, wala rin ang pagmamahal sa Ama.
Nakatitiyak ako dito, imposibleng manabik sa pagbabalik ni Hesus ang sinumang lulong na lulong sa sanlibutan. Isang 'mananampalataya' ang nakausap ko, talagang walang dating sa kanya na anumang oras ay babalik si Hesus, kaya pala siya ganun kasi inaabangan niya ang isang "propesiya" na ang kanyang bayan ay aasenso! Mas interesado siya sa ginhawang materyal at pinansiyal kaysa sa pagdating ng Nagmamay-ari ng lahat ng kayamanan. Marami akong nalaman na nangibang-bayan, ayaw na niyang umuwi sa tunay niyang bayan kasi natutunan na niyang mahalin ang banyagang bayan.
Ngunit ang mga totoong makalangit na pansamantalang nasa sanlibutan ay laging naghahangad na umuwi sa tunay niyang bayan, ang langit, gaano man kaganda ng mga inaalok ng mundong ito. Ang sabi ng Panginoong Hesus sa Lucas 12:34,
"Kung nasaan ang iyong kayamanan,
nandun din ang iyong puso."
May mangilan-ngilan na nakaunawa, wala na sa mundo ang yaman at kasiyahan nila, kundi nandun na sa kalangitan, sa piling ng Ama, walang iba kundi ang Panginoong Hesus. Kung kaya nasa langit na nakatuon ang kanilang puso at wala na sa mundo... kaya ano pa ang kanilang gagawin? Kundi ang maghintay sa Kanya na nangako!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento