Biyernes, Mayo 31, 2013

Malupit at Walang Habag na Kapanahunan

     Isang paglalarawan ng Bibliya kung ano ang magiging kalagayan ng nakararami sa mga huling araw kung kailan darating na nga ang Panginoong Hesus ay ang pagiging malupit ng mga tao. Ang pagiging malupit ay kabaliktaran ng pagiging mahabagin o maawain. Ang kawalan ng habag ng mga tao ay ipinauna na ng Salita ng Diyos sa 2Timoteo 3:3. Nandito na tayo sa henerasyon o kapanahunan na kitang-kita ang kawalan ng awa sa kapwa. Karaniwan na sa balita ang mga karumal-dumal na krimen, na mistulang mga hayop na lang ang mga taong pinapatay. Hindi pa gaanong natatagalan ang ginawang pagmalupit ng mga alagad ng batas sa nahuli nilang nagkasala kung saan tinalian at kinoryente pa ang maselang parte ng katawan hanggang sa mapatay. Yaong maramihang pagpatay sa mga mamahayag doon sa dako ng Mindanao. Hindi na mabilang ang mga balita patungkol sa mga 'salvage victim'. Maraming kaganapan ang napabalita na ang kawalan ng habag ay mismong sa loob ng mga tahanan nagaganap. Ang nakakaawang sanggol na dapat ay unang tumanggap ng habag mula sa kanyang magulang ay natatagpuan na lang sa mga basurahan,C.R. at kung saan-saan pa. Paminsan-minsan ay may mga naitatampok naman ng pampublisidad pagpapakita ng habag lalo na yaong mga "foundation" ng mga himpilan ng telebisyon, sa mga ginawa nilang pagtulong ngunit alalahanin natin na ang mga ganitong publisidad ng pagkaawa ay may mga layuning pansarili, kasama na nga dito ang makaiwas sa babayarang buwis. Minsan nga naiisip ko, bakit kaya ang mga dambuhalang istasyong ito ay nangangalap pa ng ipantutulong samantalang ang laki-laki naman ng kanilang mga kinikita? Hindi mapapasubalian na ito na nga ang kapanahunan na ang mga tao ay wala ng habag sa kapwa at kung meron man ay pagpapakitang tao na lamang.


   Nais kung magbanggit ng ilang kadahilan kung bakit nawawala na ang damdaming mahabagin sa maraming tao ngayon:
   
   1.Ang pagdami ng mga alalahanin sa buhay. (pressure of life). Praktikal na kaisipan ng karaniwang tao na bago maawa sa iba, sarili muna ang uunahin. Sa mabigat na sitwasyon ng buhay nauudyukan ang mga tao na maging makasarili.

   2.Ang pagdagsa ng mga masasama at mapagsamantala. Isang malungkot na katotohanan ngayon na ang mga pulubi na talagang dapat kaawaan ay bahagi na pala ng isang malawakang panloloko o sindikato. Makailang ulit na rin na ako ay tumulong sa mga mag-ina na nanghihingi ng pamasahe makauwi lang sa tahanan nila ngunit napagtanto ko na ito pala ay isang modus operande o isang panloloko. Ang pagkahabag ay nahahadlangan upang huwag konsentihin ang panloloko at katamaran ng iba.

   3.Ang pagkaakit sa maraming iniaalok ng sanlibutan. Ang habag o awa ay sa puso natatagpuan. Kung ang puso ay puno ng paghahangad sa napakaraming iniaalok sa mundo, nawawalan ng puwang ang awa. Karaniwang malupit ang naghahangad na magkamal ng kayamanan at mga bagay-bagay na magbibigay kasiyahan sa kanyang laman. Makakadama pa kaya ng awa sa kanyang mag-ina ang isang ama na nahuhumaling sa isang mapanuksong babae? Ang mga napapatay sa hold-up, kidnapping, carnaping, akyat-bahay ay pinagkaitan ng habag ng mga haling  na haling sa pera at materyal na bagay.

   4.Impluwensiyang makadiyablo. Todo na ang ginawang pagpalaganap ng kalupitan at karahasan ng mga kaaway ng Diyos sa kapanahunang ito. Maraming espiritu siyang pinapalaganap sa napakaraming kapamaraanan. Epektibong nagagamit ng diablo ay ang makabagong teknolohiya. Maraming damdamin ang nagiging manhid dahil sa mga karahasang napapanood sa mga pelikula at telebisyon. Ang pinakamapanganib ngayon ay ang mga makadiyablong laro sa kompyuter. Matinding karahasan ang kumukundisyon sa isip at puso ng mga kabataan. Ang mga kabataang pagkalulutong magmura sa mga computer shop habang naglalaro ng mga karahasan ay napakalabong maawa o mahabag sa mga magulang nagpapakahirap para sila ay maitaguyod.

Ang mga Totoong Kaawa-awa

   Madaling matukoy kung sino ang mga kahabag-habag. Karaniwan, sila ay yaong mga yagit na yagit na nakatira sa mga barong-barong, sa ilalim ng mga tulay, sa mga bangketa o kariton. Mga taong minsan na lang sa isang araw kung kumain o halos hindi na kumakakain. Nakakaawa din talaga ang mga taong may mabibigat na karamdaman lalo na yaong walang maipanggamot o pangpaospital. Ngunit ang Bibliya ay may tinukoy na totoong kahabag-habag. (Pahayag3:12)


   Ang mga taong ito sa unang tingin ay hindi dapat kahabagan sa halip ay dapat pa ngang kainggitan. Bakit? Ang dami-dami nilang pera. Ang gaganda ng mga kasuotan at kaybabangong tingnan. De-kotse, ang gaganda ng tirahan. Ang sasarap ng mga kinakain, nakakapasok sa mga kilalang hotel at restoran. Nasa kanila ang iba-ibang makabagong gadget, tulad ng mamahaling cellphone, computer, laptop, tablet at kung anu-ano pa. Nagpapasasa ng mga kalayawan ng mundo, ang lulutong at napakalakas kung maghalakhakan ngunit sa paningin ng Diyos, sila ay kahaba-habag! Bakit? Sapagkat ang mga ito ay nakabingit sa kaparusahan sa apoy ng impyerno sapagkat hindi nila kilala at taglay ang totoong Hesus na tanging Tagapagligtas. Ang sabi ng Bibliya ang dinidiyos nila ay pera. Ang linaw ng sinabi sa Filipos 3:19 "Kapahamakan ang kahihinatnan nila sapagkat ang dinidiyos nila ay ang hilig ng kanilang mga laman!" Ang mga kahabag-habag na ito ay hindi lamang pakanta-kanta o hagalpakan ng hagalpakan kundi mahimbing pa ring nakakatulog samantalang ang puso at pamumuhay ay punong-puno ng kasalanan at patuloy na bumabalewa sa tunay na Panginoong Hesus.

Ang Mga Totoong Marunong Maawa

   Para sa akin, ang mga totoong mahabagin ay yaong mga tunay na nagsipagsisi at tumanggap ng kahabagan mula sa Panginoong Hesus. Yaong lamang na mga totoong nagsisuko ng buhay sa Kanya at tumalikod sa kasalanan ang maaaring mahabag sa mga kahabag-habag na nabanggit sa itaas. Ang pusong tumanggap ng kapatawaran ng Diyos ang siya lamang maaaring mahabag sa mga nakatakdang mapahamak. 

    Ang pinakasukdulan ng kahabagan na maaaring maigawad sa mga kaawa-awang nilalang ay ang nasain o hangarin na huwag silang mapahamak sa apoy ng impiyerno! Ang makakagawa nito ay yaon lamang na totoong tumanggap ng kaligtasan, mga tunay na kristiyano na sa anumang paraan at pagkakataon ang ipinapakilala at ibinabahagi ang tanging Tagapagligtas, ang Panginoong Hesus! Nagagawa nila ito sapagkat ang kanilang mga puso ay puno ng totoong kahabagan ng Diyos. Kahabagan na galing mismo sa puso ng Panginoong Hesus. 

    Kalupitan man ang inabot ng Panginoon kung bakit nakabayubay Siya sa krus, ngunit nang mga sandaling iyon walang ibang laman ang puso ni Hesus kundi ang matinding kahabagan sa mga makasalanan taglay ang hangarin na sila ay mailigtas sa kapahamakan sa impiyerno.

Dahilan ng Unang Pagparito ng Panginoon at ang Muling Pagparito

      Maraming makakapagpatunay sa mga talaang historikal ng mundo na mayroong isang kilalang persolinadad na nabuhay at may ministeryong ginanap sa bansang Israel, ito ay walang iba kundi ang Panginoong Hesus. Nailahad man ito sa mga sekular na kasaysayan ng mundo, higit na mapanghahawakan ang katibayan nito sa mga pahina ng Banal na Kasulatan, ang Bibliya. Nabanggit ng Bibliya ang mga kadahilanan kung bakit naparito sa mundo ang Anak ng Diyos at sa partikular na lugar, sa Israel. Ang nais kong talakayin ay ang matibay na dahilan na mismong si Hesus ang tahasang nagsabi:
   "Ako ay naparito (unang pagparito) upang tawagin ang mga makasalanan, hindi ang mga banal!" (Mateo9:13)

    Ngunit alalahanin natin na ang Banal na Kasulatan ay naghahayag ng isang katotohanan na maaaring hindi matatanggap ng mga relihiyoso. "Ang lahat ay nagkasala at walang sinumang karapat-dapat sa paningin ng Diyos".(Roma 3:23) Sobrang nadismaya ang mga relihiyosong Pariseo kung bakit ang isang matuwid na katulad ni Hesus, ay nakikisama at nakikisalong kumain sa mga makasalanan (Mateo9:9-13). Ipinapaunawa ng Panginoon na Siya ay nananawagan kaya inilalapit Niya ang Kanyang sarili sa mga makasalan upang sila ay tawagin patungo sa banal at matuwid na paghahari ng Diyos. Dahil wala naman talagang banal kundi ang Diyos, ang panawagan ay para sa lahat na nag-aakalang bayan ng Diyos, ngunit makasalanan naman. Ang panawagan ni Hesus sa una ay sa Israel lamang ngunit umabot ang panawagang ito sa lahat ng sulok ng mundo. At ang tutugon sa panawagan, ay tunay na magsisisi at kikilala sa Panginoong Hesus bilang Hari at Tagapagligtas ng kanilang buhay. At dahil dito, ang mga makasalanang tumugon sa panawagan ay sasailalim sa proseso na pagbabagong-buhay tungo sa kabanalan ng Diyos. (2Cor3:18 at 5:17). Samakatuwid, ang dahilan ng unang pagparito ng Panginoon ay ang tawagin ang mga makasalanan(ang lahat). At sa mga mga tumugon, maiiba na ang kategorya nila, mula sa pagiging makasalanan, sila ay pinapaging-banal. Sapagkat ang presensiya ni Hesus sa bawat buhay ng nagsitanggap sa Kanya ay susi ng pagbabagong-buhay. Sabi ni Hesus, "Walang kayong magagawa kung kayo ay hiwalay sa Akin!"(1Juan15:5).


   At ang mga tumugong ito, hindi na sila makasalanan, sila ay pinapaging matuwid, at sila na ang dahilan ng muling pagparito ng Panginoong Hesus. Ang sabi ng 1Juan3:3 ang sinumang umaasa sa pagparito ng Panginoong Hesus ay nagpapakadalisay kung paanong Siya ay dalisay. Ayon sa 1Tesalonica5:23-"Nawa'y lubusan kayong pabanalin ng Diyos na Siyang nagbibigay ng kapayapaan. At nawa'y panatilihin niyang walang kapintasan ang buo ninyong katauhan- ang espiritu, kaluluwa at katawan hanggang sa pagparito ng Panginoong Hesus!

   Kung gayon, napakalinaw, ang unang dahilan ng pagparito ng Panginoon ay para sa mga makasalanan at ang muli Niyang pagparito ay para na sa mga matuwid(banal)
   Yamang hindi pa nagaganap ang muli Niyang pagparito, kasalukuyan pa rin Siyang nananawagan. Tumugon ka na ba?

Miyerkules, Mayo 22, 2013

Muling Nabuhay para sa Mahalagang Mensahe



     Marami-rami na rin akong nalaman na nag-agaw-buhay, naging 'comatose' at saglit na nawalan ng hininga o sinabing "clinically dead" ngunit nakarekober o muling nanumbalik ang buhay taglay ang mga ekstra-ordinaryong mga pagsasalaysay sa naganap sa kanila samantalang nakahimlay ang katawang walang malay/buhay. Kadalasang mga naririnig ko- may mga sumasalubong daw sa kanila. Parang bumubulusok sa isang napakalalim na balon. Pumapasok sa isang napakaliwanag na lugar at kung ano-ano pa. May agam-agam ako o pag-aalinlangan sa mga kwentong ito sapagkat posibleng ito ay halusinasyon ng isang maysakit o kaya naman ay karaniwang panaginip lamang. Ngunit kung ang pagsasalaysay ay mula sa isang seryosong kristiyano at lingkod pa ng Diyos, marapat lamang na pagtuunan ito ng atensiyon, lalo pa nga kung may mensaheng ipinararating na galing daw sa Panginoon.
  Hayaan niyong ibahagi ko sa inyo ang sinasabing tunay na naganap sa isang Pastor na taga-Malaysia, ipinapaubaya ko rin sainyong suriin kung gaano ito katotoo. Ngunit para sa akin may hatid itong kaaliwan sapagkat ang ika-anim na mensaheng sinasabi na galing sa Panginoon ay dati ko nang alam at kinasasabikan. Kahit wala ang paglalahad na ito ng Pastor na taga-Malaysia, kumbinsido ako na talagang DARATING NA NGA ANG PANGINOONG HESUS!
(Pakipindot ng nasa ibaba para mabasa ang karanasan ni Pastor Brani.)


Angelica Zambrano: "Talagang may Langit at Impyerno at Totoong Paparating na si Hesus!"




    Para sa akin, sapat na ang katotohanang inihahayag ng Bibliya kung ano talaga ang mga nakatakdang magaganap sa lalo't madaling panahon. Ang eksakto at buong panukala ng Diyos ay kumpleto nang naitala sa Kanyang Banal na Kasulatan (ang Bibliya),  sa kabila nito, ay maaari pa rin namang maghayag ng karagdagang mensahe at paalala ang Panginoong Diyos sa lahat ng henerasyon. At naniniwala ako, na sa kapanahunan natin higit na nagpapaalala ang Panginoon, lalo pa nga na sa henerasyong ito ay maaari na ngang bumalik ang Panginoong Hesus. Ang Panginoon ay maaaring magpaalala ng Kanyang naihayag ng Salita sa pamamagitan ng mga pambihirang karanasan ng Kanyang mga maaalab na taga-sunod. Kabilang dito ang karanasan ng isang kabataang kristiyano na sinasabing pinahintulutan ng Diyos na makarating ng langit at impyerno sa ikabubuti ng kanyang paghahayagan. Sainyo ko rin ipinauubaya ang pagsusuri sa katotohanan ng pangyayaring ito, ngunit huwag ninyong pag-alinlanganan ang mga talata na hango mismo sa Bibliya. Maaaring pumalya ang memorya ng tao, ngunit ang Salita ng Diyos ay hindi maaaring dagdagan o bawasan. Ang mga kasalukuyang kapahayan ng Diyos ay hindi maaring sumalungat o lumagpas sa mga Salitang naihayag na sa Banal na Kasulatan. Mas mainam na ang babasa sa kasaysayan ni Angelica ay may alam na sa pangunahing aral ng Bibliya. Lakipan niyo ng panalangin habang binabasa niyo ang kasaysayan ni Angelica.

Kasaysayan ni Angelica
(Pakipindot na lang.)

Lunes, Mayo 20, 2013

Sila na Hindi Nag-abang sa Mesiyas

     
       Hindi mapapasubalian na talagang kakaunti ang nag-abang sa mga Hudyo (mga Israelita, bayang pinili ng Dios) sa ipinangakong pagdating ng Mesiyas. Nabanggit ko sa nakaraaang post na kabilang sa kakaunting naghintay ay sina Simeon, Ana at Jose. At dahil sa kanilang pag-aabang sila ay tumanggap ng pambihirang prebelihiyo mula sa Diyos at higit sa lahat inilarawan ng Bibliya kung anong uri silang mananampalataya. Sila ay matutuwid na tagasunod ng Diyos.
  Sa kabilang dako, ano ang naging kahihinatnan ng mas nakakararami noong kanilang kapanahunan? Sa kawalan nila ng interes sa ipinangako ng Ama, ang pagdating ng Mesiyas ito ang naganap sa kanila: Dumating ang Mesiyas nang hindi nila namalayan, at dahil dito, ang Dumating ay kanilang tinuya, inusig at hanggang sa hatulang ipako sa krus hanggang mamatay.
    Ang sinumang nagsasabing mananampalataya, ngunit hindi talaga nag-aabang sa pagbabalik ng Panginoong Hesus, ay maaaring humantong sa muli nilang paghatol na ipakong muli ang Panginoong Hesus. Pakinggan natin ang mensahe sa panaginip ng isang kapatid:
Sa panaginip ng kapatid natin, labis siyang nababagabag bakit ang ingay-ingay sa loob ng bahay sambahan? Wala siyang marinig kundi pukpukan ng martilyo, e wala namang mga karpentiro? Ang mapanalangining kapatid ay lumuhang nagsumamo sa Diyos, nagtanong kung bakit puro pukpukan ang naririnig niya sa  loob ng pananambahan. Nangusap ang Panginoon sa Kanya: "Marami sa mga kasama mo sa pananambahan ang hanggang ngayon, ay ipinapako pa rin Ako sa krus...".

      Si Pablo mismo ang nagsabi, marami sa panahon ngayon ang namumuhay bilang kaaway ng krus ng Panginoong Hesus. (Filipos3:18-19)

Sina Simeon, Ana at Jose na taga-Arimatea

   Naitala sa Aklat ng Bagong Tipan ang tatlong espesyal na karakter sa panahon ng Panginoong Hesus na masasabi kong mapapalad. Sila ay nagkakapareho sa isang mahalagang bagay: Silang tatlo ay parehong naghintay sa ipinangakong Mesiyas (Sugo) o Kristo. Tanging ang bayan ng Israel  o mga Hudyo ang pinangakuan ng Mesiyas ng Dios Ama. Ang kahulugan ng pagdating ng Mesiyas ay ang pagdating ng Manunubos o pagliligtas sa bayang Israel, ang kahulugan din nito ay ang pagpapalaya na gagawin ng Dios sa Kanyang bayang pinili at ang ganap na paghahari ng Diyos. Halos alam ng lahat ng Hudyo (mga Israelita) ang pangakong ito ngunit walang masyadong naitalang nanabik at talagang naghintay. Kabilang sa kakaunting nag-abang sa pangako ng unang pagdating ng Panginoong Hesus ay ang tatlong ito , sina Simeon (Lucas2:25), Propetisang si Ana (Lucas2:36) at si Jose na taga-Arimatea. (Lucas23:51-52).
     Dahil sa kanilang paghihintay sa unang pagdating ng Panginoong Hesus, sila ay nabigyan ng mga espesyal na prebelihiyo. Nakalong ni Simeon ang Panginoong Hesus, nangaral si Ana patungkol sa pagdating ng Mesiyas sa harapan mismo ni Hesus at inilagak ni Jose sa nararapat ang banal na katawan ng Panginoong Hesus.


                                           

     Dahil din sa pag-aabang ng tatlong ito sa unang naipangakong pagdating ng Mesiyas, hindi sila nabigo at inilarawan ng Bibliya kung anong uring mananampalataya sila: matapat, malapit sa Diyos, madalas na nasa templo, mapagsamba, laging nananalangin, nag-aayuno, mabuti at matuwid. (Lucas23:L51-52) Sa panahon natin ngayon, meron pa kayang mga mananampalataya na nasa panyapak nina Simeon, Ana at Jose na nananabik sa ipinangakong pagdating muli ng Panginoong Hesus? Alalahanin natin na kung maraming propesiya ang naitala sa unang pagdating ng Panginoon, higit na mas maraming propesiya ang naitala sa ikalawa Niyang pagdating. Sabi ng ilang Iskolar sa Bibliya, sa bawat isang(1) propesiya tungkol sa unang pagdating katumbas nito ay tatlong (3) propesiya tungkol sa muli Niyang pagparito. At pakaalalahanin natin na ang Panginoong Hesus mismo ang nagsabing: "Ako ay muling paririto!"

Martes, Mayo 7, 2013

Ipanalangin si Bro.Eddie Villanueva (Pray for Bro.Eddie Villanueva)



    Mababatbat ng maraming isyu sa kalipunan ng mananampaltaya ang mga huling araw at ito ay nangangailangan ng matitinding panalangin. Seryosong panalangin ang panawagan habang nalalapit ang pagbabalik ng Panginoong Hesus. (Lucas 18:7-8) Kabilang dito ay ang pananalangin sa mga lider ng pananampalataya. Kabilang sa mga dapat ipanalangin ay si Bro.Eddie Villanueva, lalo pa nga na siya ang pangunahing may tangan sa bandila ng biblikal na pananampaltaya sa ating bayang Pilipinas. May ilang konsiderasyon akong naunawaan kung bakit lahat ng kristiyanong Pilipino ay dapat siyang ipanalangin:

1)Una nga dahil siya ang pinakakilalang lider ng biblikal na pananampalataya sa Pilipinas. Dala niya ang pangalan ng Panginoong Hesus maging ang pangalan ng bawat Pilipinong tinubos ng dugo ni Hesus. Higit pa sa boto natin upang siya ay manalo, mas kailangan niya ang panalangin natin nang sa gayon, anuman ang maging kahinatnan ng eleksiyon ay huwag magmarka sa kaisipan ng mga taong dapat maligtas, na ang Diyos ng mga kristiyano ay Diyos ng mga talunan. Alalahanin natin kamakailan lang ang sikat nating kababayan ay magkasunod na natalo sa kanyang larangan kung kelan pa naman ipinaalam niya sa mundo na nakikilala na niya ang biblikal na Diyos. Sa halip dahil sa panalangin natin, ay maunawaan ng mga tao na ang Diyos natin ay hindi nalulugod sa 2 larangang ito,  ang maruming pulitika at bayolenteng boksing. Nang sa gayun hindi tayo mahirapang kumbisihin sila sa Ebanghelyo ng kaligtasan.

2) Pangalawa, mas mabigat at kumplikado ang landas na tinatahak ni Bro.Eddie, kesa sa mga tinahak ng ibang karaniwang lingkod ng Diyos. Simpleng-simple ang itinatakda ng Salita ng Diyos sa mga pangunahing lider ng iglesiya ito ay matatagpuan sa Gawa 6:4.
 "At iuukol namin ang BUONG panahon sa pananalangin
 at pangangaral ng Salita." 
   Paano nga ba maiaangkop ang 2Timoteo2:4 sa pasanin ngayon ni Bro.Eddie? Dapat talagang siya ay ipanalangin. Masisisi nga ba natin si Bro.Eddie kung taglay niya ang patriyotikong kaisipan katulad ng ating mga bayani kung saan hindi katakatakang naipagdidiinan niya ang pag-ibig sa Diyos at sa bayan.
   At sa ating pananalangin para sa kanya ay maaaring maikonsidera ni Bro.Eddie ang 3 ulit na tanong ni Hesus kay Pedro. (Juan21:15-17) "Higit na iniibig mo ba Ako kaysa mga ito?"

3) Sa pananalangin natin kay Bro.Eddie, mabibigyan siya ng katalinuhan sa pagsasalita sa publiko na hindi malalagay sa kompromiso ang pamantayan ng Salita ng Diyos. At hindi rin mapighati ang puso ng mga sensitibo sa espirituwal. Sobrang nadismaya ang ilan sa mga papuring nabitiwan niya noon sa yumaong lider ng samahang ayaw maniwalang ang biblikal na Hesus ay tunay na Diyos at sa lider ng kultong samahan na nagpapakilalang siya (lider ng kulto) ang anak ng diyos! Ipanalangin natin na magkaroon ng katapangan si Bro.Eddie na tukuyin kung alin o kaninong Diyos ang totoo!


4) Hindi maipagkakaila na napakalaki ang nagawa ni Bro.Eddie sa kalipunan ng mga mananampalataya sa Pilipinas at maaari pa rin siyang magamit ng Diyos kahit hindi sa pagkakaroon ng posisyon sa pamahalaan. Kahanga-hanga ang kaloob sa kanya ng Diyos na kakayanan bilang lider. Kung siya ay maipanalangin ng matindi ay mapapangunahan pa rin niya ang mga kristiyanong Pilipino na ganapin ang 2 Cronica 7:14. Linawin natin na ang bayang pinili na tinutukoy sa mga talatang ito ay hindi ang bayang Pilipinas, kundi ang mga totoong tinubos ng dugo ni Hesus. Kung magagawa ito ng tunay na bayan ng Diyos, ay mapapabuti rin ang lupaing kinalalagyan natin, ang bayang Pilipinas. Sa aking palagay mas maraming dapat ayusin sa kalipunan ng mga kristiyano kaysa sa alinmang pamahalaan ng bayan. Nakatitiyak ako na higit na ito ang pasanin ng Panginoon ngayong napakalapit na ng Kanyang pagbabalik. Ang maisaayos at maihanda ang Kanyang Iglesiya bilang dalisay, walang bahid o kapintasang kasintahan na kanyang pakakasalan. 
    Hindi pwedeng diktahan ang sinuman kong sino ang napupusuan niyang iboboto, ngunit ang pananalangin para sa kapatiran lalo pa ito ay lider ay isang mahalagang pananagutan. Ipanalangin si Bro.Eddie at iboto ang Panginoong Hesus sa ating mga puso!
   

Makamundo at Makalangit


    Naibahagi ko sa mga naunang paksa ang ilang kadahilanan kung bakit mas nakararami sa mga nagsasabing mga 'kristiyano' ang hindi interesado sa siguradong pagbabalik ng Panginoong Hesus. Isang tiyak na karagdagang dahilan ay ang kanyang damdamin at pananaw patungkol sa mundo o sanlibutang kanyang kinalalagyan. Natuklasan ko na maraming dumadalo ng fellowship na masyado pa ring lulong sa napakaraming inaalok ng sanlibutan. Wiling-wili at masyado pang kinikiliti ng mga bagay-bagay na temporal o pangsanlibutan.
    Mahigpit ang tagubilin ng Salita ng Diyos kung ano dapat at maging damdamin ng isang iniligtas sa pansamantalang mundong kanyang ginagalawan. Ayon sa I Juan2:15-

"Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan o ang mga bagay sa sanlibutan. Wala ang pag-ibig ng Ama sa sinumang umiibig sa sanlibutan!"
   Nabanggit ko noon na ang katibayan ng pag-ibig ng Amang Diyos ay ang Anak Niyang si Hesus. Ang tinutukoy na pag-ibig ng Ama ay si Hesus mismo, at si Hesus din ang katibayan ng pag-ibig sa Ama. Kung ganun, ang nagmamahal sa mga bagay-bagay sa mundo ay hindi nagtataglay kay Hesus, at dahil wala sa kanya si Hesus, wala rin ang pagmamahal sa Ama.
     Nakatitiyak ako dito, imposibleng manabik sa pagbabalik ni Hesus ang sinumang lulong na lulong sa sanlibutan. Isang 'mananampalataya' ang nakausap ko, talagang walang dating sa kanya na anumang oras ay babalik si Hesus, kaya pala siya ganun kasi inaabangan niya ang isang "propesiya" na ang kanyang bayan ay aasenso! Mas interesado siya sa ginhawang materyal at pinansiyal kaysa sa pagdating ng Nagmamay-ari ng lahat ng kayamanan. Marami akong nalaman na nangibang-bayan, ayaw na niyang umuwi sa tunay niyang bayan kasi natutunan na niyang mahalin ang banyagang bayan. 


  Ngunit ang mga totoong makalangit na pansamantalang nasa sanlibutan ay laging naghahangad na umuwi sa tunay niyang bayan, ang langit, gaano man kaganda ng mga inaalok ng mundong ito. Ang sabi ng Panginoong Hesus sa Lucas 12:34, 
"Kung nasaan ang iyong kayamanan, 
nandun din ang iyong puso." 
   May mangilan-ngilan na nakaunawa, wala na sa mundo ang yaman at kasiyahan nila, kundi nandun na sa kalangitan, sa piling ng Ama, walang iba kundi ang Panginoong Hesus. Kung kaya nasa langit na nakatuon ang kanilang puso at wala na sa mundo... kaya ano pa ang kanilang gagawin? Kundi ang maghintay sa Kanya na nangako!










Linggo, Mayo 5, 2013

Kalakasan Mula sa Kapatiran



    Katulad ng mungkahi ng kapatid nating si Pablo sa ITesalonica4:18, Ang mga mananampalataya ay nararapat lamang na mag-aliwan o magpalakasan sa pamamagitan ng katotohanan na talagang babalik na muli ang Panginoong Hesus. Bilang pagsunod sa kalooban ng Diyos bahagi na ng buhay-kristiyano ko ang magpaalala sa mga kapatiran na totoong may rapture o pagbabalik ng Panginoong Hesus upang magbigay ng kaaliwan at kalakasan. May mga panahon din naman na gusto kong ako naman ang tumanggap ng kaaliwan o kalakasan sa pamamagitan ng mga kapatid na may interes o pagkakaalam na ang Panginoon ay talagang babalik na nga. Ngunit bibihira akong makasumpong ng mga 'kristiyano' na nagbibigay ng kalakasan patungkol sa huling panahon na kung saan may pagkakaunawa sila sa lagay ng panahon patungkol sa pagbabalik ng Panginoong Hesus. Masasabi ko na sa limang(5) nakakausap kong mananampalataya ay isa(1) lang ang may kaunawaan at pananabik na napakalapit na talaga ng pagbabalik ng Panginoong Hesus. Dahil bihira nga ito, nais kong itampok ang isang seryosong kapatid na nagbigay ng kalakasan sa akin sapagkat may pagkaunawa siya na hinog na nga ang panahon sa pagbabalik ng Panginoong Hesus. Siya ay si Sis.Marina Tolentino ng Palmera Homes, San Jose del Monte,Bulacan.