Huwebes, Agosto 1, 2013

Ang Ginagampanan ng Banal na Espiritu Habang Papalapit ang Pagbabalik ni Hesus

Ang Hindi Makita ng mga Mata at Marinig ng mga Tainga
     
Ang likas na sangkatauhan (mga natural na tao na hindi pa nakaranas ng espirituwal na kapanganakan) ay tumutugon lamang sa pisikal na pakiramdam dulot ng limang(5) pandama: paningin, panlasa, pandinig, panghipo at pang-amoy sa mga natural/pisikal na bagay na matatagpuan sa sanlibutan. 
    Inaakala ng nakararami na ang pinakamainam at pinakaaasam-asam ay dapat nagbibigay ng kasapatan at kasiyahan sa pamamagitan ng limang pandamang pisikal. Masaya ang tao kapag nakakatikim siya ng masasarap na putahe; kapag malaki at mamahaling t.v. ang pinapanooran, kapag nakatira sa disente at komportableng tirahan; kapag kumpleto sa gadget tulad ng laptop, iphone, tablet, magarang sasakyan at marami pang iba. Karaniwang solusyon para makamit ang lahat ng ito ay ang magkaroon ng maraming-maraming pera! Ngunit ang Panginoong Diyos ay may napakagandang inihahanda sa mga nagmamahal sa Kanya na hindi kayang namnamin ng 5 pisikal na pandama at lalong hindi kayang tugunan ng pinakamayamang tao sa mundo, sa madaling salita hindi kayang tumbasan ng pera. Ang sabi ng 1 Corinto 2:9-12-
       "Ganito ang sinasabi ng Kasulatan: 'Hindi pa nakikita ng mata, ni naririnig ng tainga, Hindi pa rin sumasagi sa isip ng tao, Ang inihanda ng Diyos sa mga umiibig sa Kanya.' Subalit ito ay inihayag ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. Nasasaliksik ng Espiritu ang lahat ng bagay, maging ang pinakamalalim na panukala ng Diyos. Walang nakaaalam sa iniisip ng isang tao maliban sa kanyang espiritu. Gayon din naman, walang nakakaalam sa mga iniisip ng Diyos maliban sa Espiritu ng Diyos. Hindi ang espiritu ng sanlibutan kundi ang Espiritu ng Diyos ang tinanggap natin upang ating maunawaan ang mga kaloob sa atin."

   Ano nga ba ang inihahanda ng Diyos sa umiibig sa Kanya? Ito ay ang tinutukoy sa talata na 'pinakamalalim na panukala ng Diyos'. Ito ang sinasabing HIWAGA sa 1 Corinto 15:51-53. Ito rin ang tinutukoy ni Pablo na 'aral ng Panginoon' sa 1Tesalonica 4:15-18. Ito rin ang tinutukoy sa Tito2:13 na "mapalad na pag-asa". samakatuwid ang inihahanda ng Panginoon sa umiibig sa Kanya ay ang Kanyang pagbabalik upang sunduin ang Kanyang minamahal para sa isang kasalan. Oo, ang pagbabalik ng Panginoon ay hudyat ng isang kasalan! (Pahayag 19:6-9) Walang pinakamatamis sa isang nagmamahal kundi ang handugan ng kasal ang Kanyang iniibig! Mahirap itong unawain ng mga makalaman at makasanlibutan na ang tanging alam ay ang bisa at kapangyarihan ng pera. Ang tanging makakaunawa nito ay ang mga umiibig sa Panginoong Hesus sapagkat, sumasakanila Banal na Espiritu. Ano ang ginagawa ng Banal na Espiritu? Ipinapakita, ipinaparinig at ipinapaunawa kung ano ang inilalaan ng Diyos sa mga umiibig sa Kanya. Lubhang napakahalaga ng ginagampanan ng Banal na Espiritu sa mga panahong ito- ipinauunawa at pinatutunayan Niyang talagang babalik ang Panginoong HESUS! Kaya't ang mga kinakasihan/pinapatnubayan ng Banal na Espiritu ay talagang nananabik sa pagbabalik ng kanyang Panginoon at Tagapagligtas.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento