Lunes, Agosto 5, 2013

Ang Ginagampanan ng Banal na Espiritu Habang Papalapit ang Pagbabalik ni Hesus Part2

Pagpapabanal sa mga Totoong Mananampalataya

  Tinalakay ko sa nakalipas na aralin, na ang pagbabalik ng Panginoon ay nagiging makatotohanan/reyalistiko sa kamalayan ng mga totoong kristiyano sa pamamagitan ng pagpapaunawa ng Banal na Espiritu. (I Corinto 2:9-10) Kung wala ang Banal na Espiritu sa sinumang nagsasabing kristiyano, ang pagbabalik ng Panginoon ay nagmimistulang imahinasyon o kathang-isip lamang kung kaya hindi na kailangang panabikan o paghandaan.

  Ngayon naman, isang napakahalagang ginagawa ng Banal na Espiritu ang nais kong bigyang diin, ito ay ang pagpapabanal sa mga hinirang (mga totoong natubos sa pamamagitan ng kamatayan ni Hesus sa krus). Pinakamahirap na aspeto sa buhay kristiyano ay ang kaisipan at panawagan na ang sinumang interesadong pumunta ng langit ay nararapat lamang na maging banal/matuwid o nagtatagumpay laban sa pagkakasala o tukso ng kasalanan. Ang aspetong ito ay madalas na naisasantabi o hindi popular na usapin sa panahon ngayon. Marami pa ngang mangangaral na umiiwas sa ganitong tema ng kanilang pangangaral (ang pagpapakabanal) sa pangambang baka maging kabigatan sa kanilang kongregasyon at baka maging sanhi pa ng pagkawala ng mga dumadalo. Mas maginhawa nga naman na ang pag-usapan na lamang ay ang kabaitan at kapangyarihan ng Diyos na laging gustong-gustong magpala. subalit napakahigpit ng panawagan ng napakabait at BANAL na Diyos na magpakabanal ang Kanyang bayan. (Efeso 1:4; Efeso 5:27; 1Pedro 1:15-16). Kaakibat ng nalalapit na pagbabalik ng Panginoon ay ang mahigpit na paalala ng Diyos na magbantay o maghanda (Mat.24:42, 25:13). At ang tinutukoy na paghahanda at pagbabantay ay ang pagpapakabanal o pagpapakadalisay ng mga kristiyano. Napakalinaw ng sinabi sa I Juan 3:3, "Ang sinumang umaasa sa pagbabalik ng Panginoon ay nagpapakadalisay (nagpapakabanal) kung paanong Siya ay dalisay!" At dito papasok ang napakahalagang ginagampanan ng Banal na Espiritu. Si Hesus mismo ang nagsabi sa Juan 16:8, "Kapag dumating na ang Banal na Espiritu, ipapaunawa Niya sa sanlibutan na ang kasalanan ay kasalanan, kung ano talaga ang pagiging matuwid at kahatulan."
  Masasabing ang kasalukuyang henerasyon na ang pinakamasama at pinakamahalay sa lahat ng kapanahunan. Ang mga tao ay nasasanay na at hindi na nagugulat sa mga nakakarimarim na kasalanan o paglapastangan sa Diyos. Kamakailan lang ay napabalita na tatanggapin na ng isang sekta na maging santa nila ang isang binabae. Isang sikat personalidad na kilala sa pang-iinsulto ng karaniwang tao ang kinagigiliwan ng marami. Mistula pa ngang kinaiinggitan ang isang maraming karelasyon o nagpapalit-palit ng asawa. Ang masaklap pa nito, ang mga kinamumuhian ng Diyos na mga gawain ay nasusumpungan na rin sa mga kalipunan ng mga nagsasabing "kristiyano". Ang mga bangayan, batuhan ng putik at tsismisan ay nagiging kalakaran na sa mga nagsasabing krisiyano. Ilan na ba ang mga tinatawag na "sister" ang nabubuntis nang hindi kasal? Isang dahilan kung bakit maraming mananampalatayang nahuhulog sa  pagkakasala ay dahil sa patibong ng diablo na pagaanin ang kasalanan hanggang sa magmistulang karaniwang kalakaran na lang. Kinokondisyon ang tao na wala namang panganib o 'consequence' ang kasalanan. Ang nakakaalam ng tama ngunit hindi ginawa ay nagkakasala. (Santiago4:17) Ang hindi nananalangin ay nagkakasala. Ngunit hindi na ito inaalinta ng iba, nakakatulog na nang mahimbing sapagkat nakumbinsi na sila ng diablo na nauunawaan naman ng Diyos ang kanilang kapaguran at kaabalahan. Dito papasok ang napakahalagang gawain ng Banal na Espiritu(Juan 16:8) ito ay kung talagang Siya ay nananahan sa isang nagsasabing kristiyano. Isang masigasig na tagadalo ng kristiyanong pagtitipon, ang napatunayan ko kung bakit hindi interesado sa pagbabalik ni Hesus, kasi pala siya ay nagtitinda ng alak at sigarilyo. Kung sumasakanya ang Banal na Espiritu, hindi siya matatahimik na ipagpatuloy ito. Sobrang madaya ang kasalanan, minsan, nakapasok na ito ng hindi namamalayan. Ngunit salamat sa Banal na Espiritu, nasasaliksik Niya ang kaliit-liitang pagsalansang sa pamantayan ng Diyos. Natutuklasan kaagad ang pagsingit ng mga hinananakit, sama ng loob, karumihan, kayabangan, kasinungalingan at iba pang pagsalangsang. Ako'y napagpala sa isang kilala kong mananampalataya na sinikap na maisayos ang kasal niya sa kanyang kinakasama bilang pagpapahalaga sa panawagan ng Banal na Espiritu. Yung isa pang kakilala ko ay iniwan na lang ang kinakasama na ayaw naman siyang pakasalan upang pagbigyan din ang panawagan ng Banal na Espiritu. 
    Dahil sa masaganang biyaya ng Diyos, sa determinasyong ng mananampalataya at sa konbiksyon (pagpapa-unawa) ng Banal na Espiritu ay merong mga nagsisipaghanda at nanabik sa pagbabalik ng Panginoong Hesus nang may kabanalan at nagtatagumpay laban sa kasalanan.





Walang komento:

Mag-post ng isang Komento