Biyernes, Hulyo 26, 2013

Mga Manunuya/Manlilibak Patungkol sa Pagbabalik ng Panginoong Hesus Part2

   

 Nabanggit ko sa nakalipas na isyu na ang mga pelikulang "Rapture Palooza" at "This is the End" ay kaganapan ng 2Pedro 3:3-5; 
  "Una sa lahat, dapat niyong malamang sa mga huling araw ay lilibakin (tutuyain) kayo at pagtatawanan ng mga taong namumuhay ayon sa kanilang mahahalay na pita. Sasabihin nila, "Si Cristo'y nangakong darating, hindi ba? Nasaan na Siya ngayon? Inabot na ng kamatayan ang ating mga magulang ngunit wala pa ring pagbabago buhat ng lalangin ang mundong ito!" Walang halaga sa kanila ang katotohanang ang langit at lupa ay nalikha ng Diyos sa bisa ng Kanyang Salita..."
   
    Sa nasabing 2 pelikula, ipinakita ang mga eksena na dumating na ang Panginoon kaya biglang naglaho paitaas ang mga 'mananampalataya'. Malaki ang paniniwala ko na may ideya sa Bibliya ang mga may-likha ng 2 pelikulang ito ngunit tiyak kong kabilang sila sa mga tinutukoy sa Filipos 3:19 at 2Pedro 3:3. Hindi sila nangimi na haluan ng kabalbalan o kabulastugan ang banal na katotohanan ng Bibliya. Ano ba ang gustong iparating ng eksenang katulad ng mga ito: biglang bumagsak ang bote ng beer sapagkat ang manginginom ay kinuha na ng Dios; isang ina na ni-'rapture' ngunit muling bumalik dahil sa kakatwang kadahilanan; isang napunta ng langit ngunit nagmumura at nagsalita ng malaswa at marami pang iba. Maliwanag na mga manlilibak ang mga gumawa ng pelikulang ito, sila mismo ay ginagawang biro ang nalalapit na pagbabalik ng Panginoong Hesus. Hindi sila kuntento na sila lang ang tumawa at gusto nilang ang buong mundo ay tumawa rin patungkol sa seryosong pinaniniwalaan ng mga totoong kristiyano na ang Panginoong Hesus ay babalik. Gusto ng mga manlilibak na kumbinsihin ang lahat na ang pagbabalik ni Hesus ay isang malaking kalokohan. Ito rin ang aking palagay, sinumang may alam na babalik na nga ang Panginoon  ngunit walang interes o hindi nananabik, ay malamang patungo na sa kategoriya ng manlilibak o isa nang tahimik na manunuya o pasimpleng nag-iinsulto sa mga nagmamahal sa pagbabalik ng Panginoon. 
   Sa talatang 2Pedro 3:4, pansinin natin ang pangungusap na "inabot na ng kamatayan ang ating mga magulang", nangangahulugan ito na kapwa hudyo ang tumutuya sa kapwa hudyong nanalig kay Hesus. Pwedeng kasamahan niya ang nanlilibak. At ang kasamahang nanlilibak ay namumuhay sa mahahalay na pita ng laman. Sa ating kapanahunan, pwedeng kapareho ng sekta ang mga manlilibak na ito at nagsasabing "nagkamatayan na ang mga espirituwal lider natin o yung matatandang pastor, e hanggang ngayon, wala namang pagbabalik na nangyayari?" Malinaw na inilalarawan ng 2Pedro3:3 kung sino ang mga manlilibak-"mga taong namumuhay ayon  sa kanilang mahahalay na pita!". Samakatuwid, ito yung mga nagsasabing 'kristiyano' ngunit nasa kalalagayan pa ring makalaman, makasarili at makasanlibutan. Ang pamumuhay, hilig, galaw, pananalita at pananaw ay kapareho lang ng nakararaming walang alam sa Bibliya o pagkakakilala sa totoong Diyos. Mga dumadalo ng kristiyanong pagtitipon ngunit pumapadyak at kinikiliti pa rin ng mga sekular o makasanlibutang awitin. Kamakailan, sobra akong nadismaya sapagkat nasaksihan ko mismo kung paanong ang mga naturingang lider sa pananampalataya ay masayang pinag-uusapan ang kinagigiliwan nilang teleserye patungkol sa kabaklaan. Hindi kataka-taka na hindi man lang mabanggit sa kanilang usapan na malapit nang dumating ang Panginoon kaya nga mala-Sodoma na ang nangyayari ngayon sa lipunan.(Lucas 17:28) Sa mga pagtitipon naman ng mga mangangaral, ay hindi man lang matalakay ang kaaliwan(1Tesalonica 4:18) sa nalalapit na pagbabalik ni Hesus sa halip ay kinikilig sa mga tsismis o kasiraan ng kasamahan o kaya pag-usapan masasarap na pagkain o pumunta ng mga kilalang restoran at magpakabusog. Salamat sa mga mananampalataya na tumutugon sa panawagan na mag-ayuno. Isang katiyakan dito: napakarami sa mga aktibong dumadalo ng kristiyanong gawain, mga lider at mangangaral ang hindi nanabik sa pagbabalik ni Hesus sapagkat nasa kalalagayang makasarili (2Timoteo3:2), makalaman(Roma8:8) at makasanlibutan(1Juan2:16). At ang dahilan nito- ang BANAL NA ESPIRITU ay naisasantabi (1Tesalonica 5:19) at pinipighati (Efeso 4:30). Tandaan natin: ANG MGA TOTOONG ANAK NG DIYOS AY YAONG PINAPATNUBAYAN (GINAGABAYAN) NG BANAL NA ESPIRITU! (Roma 8:14)

   Mahalagang ginagawa ng Banal na Espiritu upang patnubayan ang mga totoong kristiyano ay ang pagbibigay ng pananabik sa pagbabalik ng Panginoong Hesus. Sobrang napakahalaga ng ginagampanan ng Banal na Espiritu sa huling panahon kaugnay nang nalalapit na pagbabalik ng Panginoong Hesus. Patuloy nawa Niya akong gabayan sapagkat nais ko itong talakayin sa mga susunod pang isyu. Ipanalangin po ninyo ako na kahit mabigat ang mga natatalakay ko at tatalakayin pa ay maging kalakasan pa rin sa mga totoong tupa.





Walang komento:

Mag-post ng isang Komento