Huwebes, Agosto 15, 2013

Ang Pangako ay para sa Bayan ng Diyos


   Lalo kung napagtanto na talagang napakahirap pumasok sa kaharian ng Diyos. (Mateo 7:14; 19:24; Marcos 10:25; 1Pedro 4:18). Tingnan na lang natin ang Israel, nasaksihan na nila ang mga kamangha-manghang ginawa at pagsama ng buhay na Diyos, ngunit nagawa pa nilang i-redyek ang pinakadakilang katuparan ng ipinangakong Kristo sa katauhan ni Hesus. Isang dahilan ang nakita ko dito, sa pag-aabang nila ng katuparan sa pangako ng Diyos, may detalye sa propesiya silang naisantabi o kinalimutan. Hari nga ang Kristong darating, ngunit Siya ay mapagpakumbaba, simpleng-simple, maamo at nakatakdang magbata ng matinding hirap at dusa alang-alang sa espirituwal na kaharian. (Isaias 53) Ang nakararaming Hudyo ay nakatuon lamang sa maringal at matikas na kalagayan ng Haring Kristo kaya't di nila naarok ang hiwaga ng katauhan ng totoong Kristo. Ngunit may ilang sa Israel na hindi nabigo sa paghihintay sa kanilang Kristo at sila ay nagkaroon ng pambihirang karanasan sa kaganapan ng ipinangakong Kristo. Sila'y sila Simon at Ana (Lucas 2:25-38), Jose (Marcos 15:43) at ang babaing Samaritana (Juan 4:25). Nakatitiyak ako, nasa kamalayan nila ang detalye ng ipinangakong Mesiyas kayat hindi nila naitakwil si Hesus. 
    Sa kasalukuyan, ang literal na bayan ng Diyos (Israel) ay nag-aabang pa rin sa ipinangakong Kristo/Mesiyas, ngunit ang espirituwal na bayan ng Diyos (Mga mananampalataya/ mga Kristiyano) ang pagdating ng Kristo (unang pagdating) ay naganap na. Ang inaabangan sa ngayon ng mga totoong bayan ng Diyos ay ang ipinangakong pangalawang pagdating. Ang buong detalye nito ay nasa kamalayan ng mga totoong tinubos ng dugo ni Kristo Hesus.    
    Ang napakatibay na detalye nito ay ang katotohanang si Hesus mismo ang nagsabing Siya ay muling babalik. (Juan 14:3 at Pahayag 22:20) Ang mga pangakong ito ay markado sa kamalayan ng sinumang totoong kabilang sa bayan ng Diyos. Samakatuwid, hindi interesado sa muling pagbabalik ni Hesus ang hindi kabilang sa tunay na kalipunan ng mga mananampalataya. Sapagkat ang pangako ng Diyos (ang pagbabalik ni Hesus) ay esklusibong para lamang sa bayan ng Diyos.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento