Huwebes, Agosto 8, 2013

Ang Ginagampanan ng Banal na Espiritu Habang Papalapit ang Pagbabalik ni Hesus Part4


Pagpapaala-ala ng mga Sinabi ng Panginoong Hesus   


   Habang papalapit ang pagbabalik ng Panginoon, isa pang tanda ang ipinahiwatig ng Salita ng Diyos: tatalikod sa tamang aral ang nakararami. (2Timoteo4:3). Magiging masakit sa kanilang pandinig ang katotohanan dulot ng puro/dalisay na Salita ng Diyos kayat ibabaling sa mga kwentong kinatha ng tao (2 Timoteo 4:4) at hahanap ng mga mangangaral, yung nakakakiliti lang sa pandinig nila ang ituturo. (2Timoteo 4:3) Isang kristiyanong gawain ang minsan ay nadaluhan ko, ako ay nagulat sa mangangaral na wala ng hawak na Bibliya at ang nakapalabok sa mensahe niya ay mga kaisipan at popular na kapahayagan nina Plato, Confucius, Mahatma Gandhi, Mother Theresa at iba pang mapilosopiyang tao. At ang mga nakikinig naman ay "amen" nang "amen"! Ako ay kinilabutan, gaano man katalino at kabait ang isang tao kung hindi siya tinubos ni Kristo ay hindi dapat pag-aksayahan ng banal na oras na para lamang sa Salita ng Diyos. At ang mahalagang AMEN ay para lamang sa puro at dalisay na kapahayagan mula sa Salita ng Diyos. Kaya nga nasa kalalagayang nanganganib ang ilang mga tupa sapagkat nag-"amen" sila sa mga kapahayagan na hindi galing sa buhay na Diyos na naging sanhi upang sila ay manghina at madaya. Isang kilalang banyagang propeta ang dumalaw sa bansa at nagdeklara na ang bansang dinalaw niya ay pagpapalain daw ang ekonomiya at mas aangat kaysa mga karatig na bansa at nagbanggit pa ng palugit na taon. Natuwa ang mga nakarinig ngunit iyon ang naging hudyat upang bumagsak ang kanilang espirituwal na kalagayan. Hindi kataka-takang nagayumang sumali sa maduming pulitika ang mahahalagang lider upang tulungang matupad ang propesiyang binitiwan. Sa halip na magbantay (magpakatino) sa nalalapit na pagbabalik ni Hesus ay nabaling na tuloy sa pag-aabang na umasenso ang bansa! Kaya't dito muling papasok ang napakahalagang gawain ng Banal na Espiritu. Ipapaala-ala Niya kung ano lamang ang dalisay na katuruan at mga sinabi ng Panginoong Hesus. Ang Panginoon mismo ang nagsabi sa Juan 14:26-
"Ngunit ang Patnubay, ang Espiritu Santo na susuguin ng Ama sa Pangalan Ko ang Siyang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at magpapaalaala ng lahat ng sinabi ko sa inyo!" 
   Hindi maililigaw ninuman ang isang totoong kinakasihan ng Banal na Espiritu, sapagkat hindi lohika nina Buddha o Muhammad ang ituturo Niya kundi ang dalisay na mga Salitang binitiwan ng Panginoon Hesus mismo. Sabi ng Panginoon, ang mga tupa ay makikinig sa aking tinig,(Juan 10:27). Pinagtitibay ng Banal na Espiritu ang relasyon ng tupa sa dakilang Pastol sapagkat Siya ang nagkukumpirma sa tupa na iyon nga talaga ang pinasasabi ng Pastol.
   Hindi lang mga mapanganib na tinig ng mga bulaang propeta at mangangaral ang umaalingawngaw ngayon. Ang mapagkondenang bulong ng diablo ay palakas ng palakas sa mga huling araw. Nandiyan din ang mga tinig mula sa sanlibutan na humihikayat na paggugulan ng panahon at mga kaabalahan ang mga pansanlibutang isyu. Mga pang-araw-araw na pag-aasikaso sa mga pangunahing pangangailangan. Lalong paingay nang paingay ang sanlibutan at ang madayang tinig diyablo na siyang sanhi ng espirituwal na pagkakahimbing ng nakararami sa kalipunan ng mananampalataya. May ginagawang panggising ang Banal na Espiritu. Anumang kasinungalingan at panggugulo ng kaaway, ito ay nasasapawan ng mga Salitang ipinapaala-ala ng Banal na Espiritu sa mga tunay na tupang Kanyang pinananahanan. Sa palagay n'yo, ano'ng Salita ng Panginoong Hesus ang mahigpit na ipinapaalaala ng Banal na Espiritu sa ating kapanahunan? Tiyak kasama ang mga ito: Marcos 13:33, 1 Tesalonica 5:23, Pahayag 22:20 at marami pang iba!



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento