Huwebes, Agosto 15, 2013

Bakit May Anti-kristong Lilitaw?


    

    Kapag huling panahon ang pinag-uusapan, hindi maaaring hindi mabanggit ang Anti-kristo. (1 Juan 2:18) Malaki ang kinalaman nito sa nalalapit na pagbabalik ng Panginoong Hesus, ang totoo at nag-iisang KRISTO. Nais kong talakayin ito sapagkat may kaugnayan ang Anti-kristo sa mahahalagang kaganapan sa huling kapanahunang tinutukoy ng Bibliya at ang karakter ng Anti-kristo ay isa ring pagpapaunawa ng Bibliya para sa kapakanan ng mga mananampalataya. (Pahayag 13:18). Kung susuriin ang salitang "anti" na ikinabit sa salitang "kristo", ito ay nangangahulugan ng kalaban; kasalungat; at huwad na kapalit/kahalili. At ang salitang 'Kristo' ay tumutukoy sa Mesiyas, Sugo o "Ang Nilangisan"(the Anointed One) at ang nag-iisang may karapatan sa titulong Kristo ay ang Panginoong Hesus lamang!
     



     Ayon sa Bibliya, (Genesis 12:2-3) iisang lahi o bayan lang ang talagang itinangi ng makapangyarihang Diyos, ang Israel (mga Israelita o mga Hudyo). Walang ibang literal na bayang tinutukoy kapag sinasabing 'bayan ng Diyos' kundi ang Israel lamang. Kung kaya, ang nag-iisa at totoong Diyos ay kilala rin sa tawag na Diyos ng Israel. Ang bayang itinangi ng Diyos ay laging dumaranas ng pagkamuhi at pang-aapi mula sa ibang lahi o bayan lalo na nga sa mga panahong ang mga Hudyo o Israelita ay nasa panahong lumilimot/tumatalikod sa kanilang Diyos. Dahil na rin sa habag at tipan ng Diyos sa Kanyang bayan, pinangakuan Niya ito ng isang Kristo (Mesiyas/Sugo) na magliligtas sa kanila sa lahat ng kaapihan. Tunay na walang ibang lahi o bayan na pinangakuan ang Diyos ng isang Mesiyas/kristo kundi ang Israel lamang. Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa napakaraming propesiya ng Lumang Tipan patungkol sa pangakong Kristo, at karaniwang binabanggit na ang Kristo ay isang haring makapangyarihan- Isaiah 9:6-7; 11:10-14; 25:8-9; 42:1; 55:4; 59:16-17; 61:1-2; Jeremias 23:5-6; Daniel 2:44; 7:13-14; 9:25; Mikas 5:2-5; Zacarias 3:8-9; 6:12; 9:9; Malakias 3:1 at marami pang iba. Karaniwang binabanggit sa ipinangakong Kristo na palalayain Niya ang Kanyang bayan (Israel) sa pagkakaalipin ng dayuhan, ipagtatanggol, bibigyan ng kapayapaan, kasaganaan at karangalan.

    Ang pangakong ito sa bayan ng Israel ay tinupad ng Diyos na hindi marunong sumira o lumimot sa Kanyang Pangako. Ang Kristo, ang Panginoong Hesus ay dumating sa bayang hinirang. (Mateo 12:17; 21:4-5; Lucas 4:17-21.). Ngunit masaklap ang nangyari sa bayang Israel- niredyek/tinanggihan nila ang tunay na Kristo at ang pinakamatindi ay ang akusahan ang Kristo bilang isang Impostor na kriminal na dapat parusahan sa krus ng kalbaryo. Bakit nga ba nagkaganito? Nabigo ang mga Hudyo (mga Israelita) sa inaasahan nila sa dumating na Kristo. Hindi sila nakuntento sa mga himalang nasaksihan, mga pagpapagaling sa mga maysakit, pagpapalayas sa mga inalilihan ng diablo, pagbuhay sa mga patay, sa pagpaparami ng tinapay at isda. Sa huling nabanggit sila lalong nagkainteres (Juan 6:14-15). Hinabol nila si Hesus, upang ulitin ito (ang magparami ng tinapay at isda) ngunit sila ay nabigo sa halip tumanggap sila ng sermon na mabigat- "Si Hesus ang pagkain na dapat nilang tangkilikin." (Juan 6:55) Nadismaya ang mga Hudyo, inaasahan nila na sila'y mapapalaya sa Emperyo ng Roma sapagkat nagkataon  noon na sakop ang Israel ng Roma, ang ipinangakong Kristo ang magpapalaya sa kanila, ngunit ibang kalayaan ang iniaalok ng dumating na Kristo! Ang wika ni Hesus sa Juan 8:36 "Kapag kayo'y pinalaya ng Anak, tunay ngang kayo'y malaya!" Kalayaan mula sa kasalanan ang layunin ni Hesus (Juan 8:34-35). Ngunit ayaw ng mga Hudyo nito, kalayaan sa Roma ang habol nila. Inaabangan ng mga Hudyo ang maringal o magarbong kaharian mula sa dumating na Kristo, ngunit nabigo sila sapagkat mga pipitsuging mangingisgisda ang mga alalay ng Hari hindi nila maarok ang sinasabi ni Hesus na ang kaharian Niya ay hindi sa mundong ito kundi sa kalangitan. (Juan 18:36) Gusto nilang makita ang Kristo na nakaupo sa maringal na trono, ngunit puso ang nais pagharian ni Hesus. (Lucas 17:21) Makalupang kayamanan ang hanap ng mga Hudyo sa dumating na Kristo, ngunit ibang kayamanan ang inaalok ng Panginoong Hesus. Kaligtasan ng kaluluwa na higit pa sa pinagsamang yaman ng buong mundo (Marcos 8:36). Kayamanang hindi mauubos at magpasawalang-hanggan. (Lucas18:22). Pangkasalukuyan at pansanlibutang pakinabang ang habol ng mga Hudyo sa inaasahang kristo kaya sila ay nadismaya sa mga inaalok ng totoong Kristo. Dahil sa pagkabigo ng mga Hudyo napagtanto nila, hindi si Hesus ang inaasahan nilang Kristo, mayroon pang tiyak na darating, ang kristo na papasa sa kanilang panlasa at inaasahan. Kaya nga magaganap sa mga Hudyo ang eksaktong sinabi ng Panginoong Hesus sa Juan 5:43-

    "Naparito Ako sa Ngalan ng Aking Ama, at ayaw ninyo Akong tanggapin. Kung may ibang pumarito sa kanyang sariling pangalan, siya'y inyong tatanggapin!"

    Hanggang ngayon, magmula nang ipinapako ng mga Hudyo sa mga Romano ang totoong Kristo, mahigit 2,000 libong taon nang naghihintay ng kristo ang Israel. Talagang lilitaw ito sapagkat ipinauna na ng Bibliya na darating nga ito at siyang kikilalanin ng bayang Israel. Ngunit ang kikilalanin nilang kristo ay ang Anti-kristo, sa una ay magpapakitang napakaamong pag-asa ng lahat ngunit siya ang pinakamasamang nilalang na nabubuhay sa mundo na siyang maghahasik ng lagim sa buong mundo sapagkat siya ay sasapian mismo ng kanyang ama, walang iba kundi si satanas. Ipapahintulot ito ng Diyos upang sa sandaling lumitaw na ang tunay na kulay ng Anti-kristo ay lubos na mauunawaan ng mga Hudyo na ang ipinako nila sa krus, ang Panginoong Hesus, ang Siya palang tunay na ipinangakong Kristo mula sa Diyos Ama! May espesyal na plano ang Panginoong Diyos para sa kaligtasan ng mga Hudyo, hindi lang sa lagim ng Anti-kristo kundi sa espiritwal nilang kaligtasan. Hinding-hindi nila tatanggapin ang 666 na tatak ng Anti-kristo, sa halip magpapapugot sila ng ulo bilang selyo ng kanilang pananalig sa totoong Kristo! Ngunit sa mga hindi Hudyo,na kinabibilangan natin, ang kaligtasan natin ay sa pagtanggap sa Kristong ipinako sa krus ng kalbaryo. Sinumang hindi Hudyo na magkamali tulad ng pagkakamali ng Hudyo na itakwil si Hesus ay wala ng ibang kapamaraanang maligtas kahit pa sila magpapugot ng ulo. sa mga Hudyo lang ang pagkakataong iyon. Para maligtas ka, tanggapin mo si HESUS, Siya na niredyek ng mga Hudyo; seryosohin mo sa iyong puso ang panalangin ito-  

    Makapangyarihang Amang nasa langit, salamat po sa dakilang pagmamahal Mo sa akin, ibinigay Mo sa akin ang Iyong Bugtong na Anak na si Hesus bilang aking Tagapagligtas.
Hinding-hindi ko Siya tatanggihan tulad ng ginawa ng mga Hudyo, sa halip tinatanggap ko Siya sa aking puso bilang aking Panginoon, Diyos at HARI ng aking buhay. Nanalig ako na Siya ay namatay sa krus alang-alang sa akin. Patawad sa lahat kong kasalanan, palayain mo ako sa pagkakagapos nito. Panginoong Hesus, manatili Ka sa aking puso, mamahalin Kita at paglilingkuran habang ako ay nabubuhay. Ito ang pagsamo ko sa Iyo Ama sa Pangalan ni Hesus. Amen

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento