Huwebes, Agosto 8, 2013

Ang Ginagampanan ng Banal na Espiritu Habang Papalapit ang Pagbabalik ni Hesus Part3


Ibinubuhos ang Pagmamahal sa Panahong
Nanlalamig ang Pag-ibig ng Marami

     Ipinauna ng Panginoong Hesus na sa panahong malapit na Siyang bumalik ang pag-ibig ng marami ay manlalamig,(Mateo24:12) ito ay dahil sa matinding kasamaang umiiral. Nandito na nga ang panahong tinutukoy ng Bibliya. Mas madaling makita sa panahon ngayon ang kalupitan, karahasan, pananamantala, panlalamang, paninira, inis, galit, pang-iinsulto, kagaspangan, walang-pakialamanan at marami pang manipestasyon ng kawalan ng pagmamahal/awa/pagmamalasakit sa kapwa. Sabagay ang isyu patungkol sa pag-ibig ay hindi naman talaga inaasahan ng Diyos sa mga hindi pa kumikilala sa Kanya. Walang ideya ang isang makasanlibutan/makasalanan kung ano nga ba ang tunay na kahulugan ng pag-ibig na tinutukoy ng Bibliya. Ang pag-ibig/pagmamahal ay naipagkakamali sa damdamin ng paghahangad o pagnanasa. At sa kapanahunang ito ang mundo ay punong-puno ng iba't-ibang pagnanasa. May mga pagnanasang napagbibigyan, ngunit mas marami ang hanggang pagnanasa na lang. Kaya't ang mundong ito ay nababatbat ng kalungkutan sapagkat punong-puno ng pagnanasa ngunit kapos sa pag-ibig. Ito ang napagtanto ko, lahat ng tao ay naghahangad lumigaya. 
    Ngunit wala silang ideya kung ano talaga ang makapagpapaligaya sa kanila. Hinanap nila ito sa pamamagitan ng pagkamal ng salapi, pagbili ng mga kalayawan o karangyaan ng mundo, pagnanasa sa mga taong natitipuhan nila, ngunit hindi pa rin sila makuntento. Ako ay nakatitiyak, na merong puwang/espasyo sa puso ng tao na hindi kailanman maaaring punuan ng anumang aliw na inaalok ng mundo. Isa lang ang maaaring makapuno sa puwang na ito- ang pag-ibig ng Diyos. Sa mga natural na tao, bakit nga ba may haplos sa puso kapag papalapit na ang kapaskuhan? Kapag ang kalendaryo ay sumasapit na sa buwang may "-ber" at nagpapatugtog na ng pamaskong awitin? Naalala ko noon, magkahalong lungkot at pananabik ang nadarama ko kapag sumasagi sa kamalayan ko na magpapasko na naman. Ngunit ito ay noong hindi ko pa nauunawaan at natatanggap ang pag-ibig ng Diyos. Sa ngayon, ang buwan ng Disyembre ay wala nang kaibahan sa ibang mga buwan. Kaya pala ganun, sapagkat nagbibigay ang kapaskuhan ng ideya sa bawat puso patungkol sa pag-ibig ng Diyos. Nasusundot ng kapaskuhan ang puwang sa puso ng tao na dapat mapunuan. Nakakalungkot nga lang na sa nakararami, nanatiling ideya lamang ang pag-ibig na pinatunayan sa krus ng kalbaryo at patuloy na binabalewala ng tao sa paglipas ng ilang libong kapaskuhan! Mas hinangad pa ng marami na magkaroon ng krismastri, krismaslayt at kung ano-ano pang pamaskong burluloy kaysa sa Kanya (si Hesus) na katibayan ng pag-ibig ng Diyos. Ngunit ang Banal na Espiritu, ang ikatlong Persona ng Diyos, ay patuloy pa rin sa Kanyang banayad na pagpapaunawa patungkol sa pag-ibig ng Diyos. Naniniwala akong lalong pinagbubuti ng Banal na Espiritu ang Kanyang gawaing ito sapagkat malapit na ring matapos ang kanyang ministeryo habang papalapit nang papalapit ang pagbabalik ng Panginoong Hesus. Ayon sa Roma 5:5-
"Tumitibay ang ating pag-asa (pagbabalik ng Panginoon), sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinubuhos ng Banal na Espiritu sa ating mga puso!" 
    Lubhang kailangan ng bayan ng Diyos ang pagbubuhos ng Banal na Espiritu ng pag-ibig ng Diyos sa ating mga puso. Nakakalungkot sapagkat mahirap nang madama ngayon ang pagmamahalan sa mga nagsasabing kristiyano. Mas mdaling umiral ang paghihinala at samaan ng loob kaysa magpatawaran. Kampihan na ang nangyayari, parang barkadahan na lang, may pinipiling kagigiliwan at meron namang binabalewala at inaapi. 

   Ang makalangit na pag-ibig ay walang pinipili. Kung matamis ka sa isang kapatid dapat ay ganun sa lahat. Maraming nasa kalipunan ng mananampalataya ang nag-aabang lang ng kasiraan ng kanyang kapwa at kiliting-kiliti na ipagkakalat ito. Kung may pag-ibig ang taong ito (sapagkat sumasakanya ang Banal na  Espiritu) anumang narinig niya laban sa kapatid ay kaagad itong ipararating sa kanya upang maituwid o kaya mapaalalahanan. Ayon nga sa Kawikaan 27:5, Ang hayagang pagsaway ay mainam kaysa lihim na pagdamay!". Ilan nga ba ang bunga ng Banal na Espiritu? Sa pagkakaunawa ko ay isa lang, -pag-ibig! Bagama't siyam ang nabanggit sa Galacia 5:22-23, ang walo nito ay paglalarawan lamang sa unang nabanggit, ang pag-ibig! Ito ay pinagtitibay din sa 1 Corinto 13:4-13, kung ano nga ba ang kahulugan ng pag-ibig ng Diyos.

    Napakahalagang isyu ng pag-ibig ngayong panahon na talagng nagbabadya na ang muling pagbabalik ng Panginoong Hesus. Kulang na ang panahon may mga taong dapat pang maabot ng Ebanghelyo ng kaligtasan. Hindi makatotohanang mag-ebanghelyo ang sinumang walang pag-ibig ng Diyos sa puso. Ang manipestasyon ng totoong pag-ibig ay ang pagkakaroon ng malasakit sa espirituwal na kapakanan ng mga kaluluwa. Ang paghahangad na huwag  mapahamak sa impiyerno ang sinuman ay likas na damdamin at pasanin ng sinumang nagtataglay ng pag-ibig ng Diyos. Sa panahong napakaraming anak ng Diyos ang nadadaya, mga nanghihina at nahahatak ng kasalanan at sanlibutan, mga hilahod na sa  mabibigat na pagsubok ang mahabaging kamay ng Diyos ay umaabot pa rin sa pamamagitan ng mga kinakasihan ng Banal na Espiritu sapagkat ang puso ay patuloy pa ring dinadaluyan ng pag-ibig ng Diyos. Ang pagmamahal sa kapatiran ay katibayan din ng pagmamahal sa Diyos sapagkat sinabi ng 1 Juan 4:20 "Kung hindi  magawang mahalin ninuman ang kapatid na kanyang nakikita, paano pa niya magagawang mahalin ang Diyos na hindi nakikita?" Ang kinakasihan ng Banal na Espiritu ay nagmamahal sa kapatiran  kasabay ng pagmamahal sa Panginoong Hesus.

    Malaki ang pananagutan ng bawat tinubos ng dugo ng Panginoong Hesus. Ang sabi nga ng Panginoon,"Maging abala kayo sa makabuluhang gawain hanggang sa Aking pagbabalik!" (Lucas 19:13) at "Ang pinagkatiwalaan ng mas maraming bagay ay pananagutin ng mas mabigat!". Ang mga inaasahan ng Panginoon sa atin ay ating magagampanan sapagkat may kapangyarihan ang pag-ibig na ibinubuhos ng Banal na Espiritu sa atin. "Ang lahat ng ito ay nagagawa ko sa udyok ng pag-ibig ni Kristo."(2 Corinto 5:14)
    Katulad ng madalas kong pinagdiinan sa mga nakalipas kong aralin- ang isang nagmamahal ay laging naghihintay at nag-aabang. Dahil sa ginagawa ng Banal na Espiritu na pagbuhos ng pag-ibig ng Diyos sa ating mga puso(Roma5:5), lalo nating namamahal ang ating mga kapatid at higit sa lahat ang ating Panginoong Hesus kaya nga lalong pinananabikan natin ang Kanyang pagbabalik. Sinabi ni Hesus sa Lucas 12:45 "Ang aliping nag-aakalang matatagalan pa ang pagbabalik ng Panginoon (walang pananabik) ay nagiging malupit (walang pagmamahal) sa kasamahan niya at nagpapasasa lang sa hilig ng laman!". Kaya nga daratnan siya ng Diyos na hindi handa upang parusahan. Hindi kasi nagtataglay ng Banal na Espiritu kaya't wala ang pag-ibig ng Diyos. Ngunit may iilan na puno ng pag-ibig ang puso  dahil sa Banal na Espiritu. Dalisay ang pagdamay sa mga kapatid, nagpapakasipag sa ministeryo ng Panginoon at lubusang nananalangin na dumating na ang kanyang pinakaiibig- ang Panginoong Hesus!






Walang komento:

Mag-post ng isang Komento