Lunes, Abril 15, 2013


     
    Karaniwang mahimbing ang tulog ng nakakarami kapag hatinggabi. Walang kamalay-malay sa kung anumang kaganapan sa kapaligiran at walang kaalam-alam sa anumang maaring mangyayari o banta ng panganib at  kapahamakan. Ang talinhaga ng Panginoong Hesus sa Mateo 25:1-13 ay napakahalagang panawagan sa masyadong kritikal nating kapanahunan. Ang sigaw sa hatinggabi (sisikapin nating alamin kung bakit  sa hatinggabi sumigaw), na maituturing na pambubulahaw, ay isang panawagan at babala ay para sa lahat. Sa talinhagang ito,  sampu lang ang nakarinig at tumugon.  At sa sampung ito, lima lang ang nakinabang at talagang  napabuti.  Layunin ng blog na ito na magsilbing panggising sa mga espesyal na nilalang na itinakda ng Panginoong Hesus sa Kanyang kaligtasan at kaluwalhatian. Bagama’t ang sigaw sa hatinggabi (babala o panawagan) ay para sa lahat, hindi maipagkakaila na hindi ito papakinabangan ng nakararami. Marubdob kong panalangin, na nawa ay mapabilang ka sa kakaunti na tutugon sa panawagang- 
     GUMISING, BUMANGON, MAGBANTAY at SALUBUNGIN ANG PANGINOONG HESUS NA PAPARATING! Talagang napakaikli na ng panahon!

Pananabik sa Isang Paparating


         Sa isang pamilyang may inaabangang kaanak na paparating mula sa malayong lugar ay karaniwang natataranta sa paghahanda, nandun ang kaabalahan sa pagsasaayos ng mga bagay-bagay para sa ikatutuwa ng paparating na kapamilya. Ang alab ng pananabik ay hindi  talaga nakabatay sa kung anong pasalubong ang maaaring tanggapin sa halip ito ay depende kung gaano niya kamahal ang paparating. Gaano man ang ingay at saya ng inyong kapitbahay dahil nagbalikbayan ang kanilang kaanak  ay walang  isyu sa iyo, ano nga ba naman ang kaugnayan mo  sa dumating? Ngunit ibang-iba siyempre kung and paparating ay ang kabiyak mo sa buhay, magulang, anak o kapatid na labis mong mahal. Kung gumagabi na at wala pa ang pinakamamahal mong kabiyak, o ang isa sayong mga anak, ano ang iyong nararamdaman? Ano ang iyong pakiramdam kung nagpauna na ang iyong pinakamamahal mula sa malayo na siya ay uuwi at paparating na? Ang paghihintay o pag-aabang nang may pananabik ay gawain ng isang nagmamahal sa kanyang karelasyon na lubhang napakahalaga sa kanyang buhay…
       Merong Isang tiyak na darating, maraming banal na lingkod ng Diyos ang naatasang ipauna ang tiyak Niyang pagdating. Naitala ito sa Banal na Kasulatan (ang Bibliya) at nagpapatunay na Siya, Si Hesus na nagpakilala, nangaral, gumawa ng himala,  naglingkod sa bayan ng Israel at ang kasukdulan ay ihain ang Kanyang buhay sa krus ng kalbaryo, mahigit 2 libong taon na ang nakalipas ay muling babalik upang sunduin ang mga nananalig sa Kanya. Talagang maasahan ang lahat ng propesiya ng Bibliya,  ngunit ang pinakamatibay sa mga ito ay ang mismong pahayag ng Panginoong Hesus….
        “Kapag naroroon na Ako at naipaghanda na kayo ng matitirhan, BABALIK AKO at isasama kayo sa kinaroroonan  Ko…” (Juan 14:3)  Seryosong pangako ng isang ni minsan ay hindi nagsinungaling at talagang hindi maaaring  magsinungaling. (I Pedro 2:22). Sapagkat Siya na ngangako ay ang KATOTOHANAN mismo. (Juan14:6).
       Ang pagdating ng kamatayan sa bawat nilikhang may buhay ay isang tiyak na kaganapan ngunit may katumbas ito na isa ring katiyakan, ang Panginoong Hesus ay tiyak na muling darating! Ang mahalagang tanong:  ano ang katuturan at kahalagahan nito sa iyo? Katulad ng aking naunang binanggit- tanging yaong may mga totoong personal na kaugnayan ang sabik na mag-aabang o maghihintay sa isang napakahalagang paparating. May personal ka bang kaugnayan kay HESUS na anumang sandali ay paparating na?
   Masyadong napakahiwaga ng katotohanan na ang Panginoong Hesus ay talagang napakalapit nang dumating. Para itong isang kathang-isip, o  isang alamat na sa natural na pag-iisip ay malabong maganap. Mas madali pang yakapin ang katotohanan na lahat ng tao ay mamamatay bagamat marami nang  tao sa ngayon, na  ang pamumuhay,  isip at pakiramdam ay para bagang habambuhay na silang mananatili  sa mundong ito.  Nakatitiyak ako na ang pagkakakilala at pagkakaroon ng personal na kaugnayan sa TOTOONG HESUS ang magkukumbinsi sa sinuman na totoong babalik na nga ang kanyang pinanaligan, ang Panginoong HESUS!


Ang Nakagisnan kong “Hesus” at ang ibang Hesus


         Masasabi kong ako’y mapalad sapagka’t nakagisnan ko sa aking mga magulang ang kamalayan na mayroong Diyos, o isang Persona na nakahihigit kanino man  na Siyang Maylikha ng lahat. Napakalaking tulong sa aking kaunawaan ang impormasyong nakuha ko sa aking ama’t ina na mayroong Diyos na dapat pahalagahan at bigyan ng nararapat na paglilingkod. Masasabi kong ang kamalayan patungkol sa Diyos mula sa kanila ay nakatulong kung ano man ako ngayon. Ngunit isang katotohanan ang aking natuklasan matapos ang pambihirang karanasan sa aking buhay. Ibang Hesus pala ang aking nakamulatan na siyang dating tinatangkilik ng aking ama’t ina maging ng aming buong angkan! Ano o sinong Hesus ito? Ang Hesus na taon-taong isinisilang tuwing Disyembre at taon-taong namamatay kapag Mahal na Araw. Naalala ko pa ang pagsaway ng aking ina habang naglalaro kami ng aking mga kapatid, Biyernes Santo noon,  “Mangilabot nga kayo, patay si Hesus, harutan kayo ng harutan!”. Madalas din kaming napapagalitan kapag may ginagawang kalokohan sa harap ng mga imahen at  larawang relihiyoso. “Ang lakas ng loob ninyong magsinungaling, at gumawa ng kalokohan e, ayan nasa harap kayo ni Hesus!” . Sa aking murang isipan nagtatanong na ako noon,”Ganito nga ba ang hitsura ni Hesus at may ‘kodak’ na ba noon?“ Sa limitado kong pang-unawa ay tinanggap ko na rin ang paniniwala na ang larawan at mga rebulto, ay yun na rin mismo ang Dios. May mga pagkakataon na nakikita kong maalikabok na ang mga larawan at imahen, nasa isip ko noon “An dudumi na nila, mapunasan nga ang mga diyos na to. Matutuwa ang mga ‘to at bibigyan ako ng ‘swerte’ dahil nililinis ko sila.” Ngunit nagsisimula na rin akong magtaka. Maraming pangalan ang kahilera ng Hesus na nakikilala ko. Naipapantay siya sa kung sino-sinong santo o santa. Ang lalo kong ipinagtataka ang Hesus na hindi na lumaki at nanatiling maliit at tinawag na “Sto.Nino” at ang Hesus na kung hindi man lagi na lang pasan ay lagi na lang nakapako sa krus. Unti-unti ko ring napuna na may iba ring Hesus ang isang  mapangahas na sekta kung saan  ipinapangalandakan nila na ang Hesus nila ay  tao lang at yung sa iba naman ang Hesus nila ay propeta lang. At meron ding “hesus” ang mga palamura, sinungaling , mayayabang, mga alaskador,  tsismosa, mapanira, mayayabang, lasinggo, manloloko, sugarol at marami pang iba.
              Ang Bibliya ay nagsabing meron ngang ibang diyos kaya’t ang IISA at TOTOONG DIYOS mismo ay nagbabala na huwag magkaroon ng ibang diyos. (Exodo20:3). Kung meron ngang ibang diyos (tinawag din ng Bibliya na “diyos-dyusan”)  ay meron ding ibang Hesus. Diretsahang binanggit ni Pablo sa 2Corinto 11:4, bilang babala sa mga Kristyano “ Malugod ninyong tinanggap ang IBANG Hesus, kaysa ipinangaral ko!” Meron ngang ibang hesus maliban sa TOTOONG PANGINOONG HESUS!  Ang dating kong kinikilala noon ay hindi siya yung Totoo. Bagamat tinatanggalan ko siya ng dumi’t alikabok wala siyang kakayanang linisin ang karumihan ng katauhan ko’t pamilya. Wala siyang magawang remedyo sa kaguluhan at kahirapan ng aming sambahayan at higit sa lahat walang magawa ang dati kong Hesus na payapain ang aking kalooban o pawiin ang takot at pangamba kapag naiisip ko ang kamatayan at ang panunumbat ng budhi dulot ng  marami kong  kasalanan. Kasi nga iba siya na nakagisnan ng aming angkan. Kinakailangan munang umabot ako sa gulang na 27 bago ko natagpuan ang TOTOONG HESUS!

At Natagpuan ko ang TOTOO, 

Nakatitiyak Ako!

           Isang pambihirang karanasan ang gusto kong ibahagi at  kung karanasan mo rin ito, natitiyak ko na malaking kasiyahan at kapakinabangan sayo ang pagsusubaybay sa Blog na ito. At kung bago at kakaiba saiyo ang aking isasaysay, nais kitang payuhan kasabay ang dalangin na nawa maranasan mo rin ito upang maging makabuluhan at makatotohanan para sa iyo ang patungkol sa paghihintay sa Panginoong HESUS na talagang napakalapit  nang dumating.
            Mahigit 2 dekada na ang lumipas nasumpungan ko ang aking sarili sa pinakamalim na yugto ng kabigatan, kalungkutan at pagkabagot sa buhay. Sa gulang na 27, ay parang sagad na ang aking kapaguran at ayaw ko nang magpatuloy. Bagamat may matatag na trabaho,  hindi naman ito sapat at  ang dami-daming  kulang. Kasabay nito ang pakiramdam ng pag-iisa na bagamat  hanap ay karamay ngunit puno naman ng pag-aalinlangan sa mga taong nakapalibot. Minumulto ng mga pangit na karanasan at sinusumbatan dahil sa mga hayag at lihim na kabulukan. Parang gusto kung magtago ngunit walang makublihan. Gusto kong matapos na ang lahat pero hindi naman sumagi sa isip ko na kitlin ang sarili. Salamat na lang!
           Naalala ko ang isang kababayan, sinuwerte daw siya dahil sa kanyang santo. Dahil na rin sa naipamulat ng aking mga magulang na talagang meron ngang Diyos, bumili ako ng ganun sa Quiapo. Napapailing ako kapag naaalala ko ang tagpo na yon sa buhay ko, nabibili pala ang ‘diyos’! Dala ko na ang imahen nang mapansin ko sa simbahan na maraming naglalakad ng paluhod. Naisip ko na matutuwa ang “diyos” na karga ko kung gagawin ko rin ito. Naglakad nga ako nang paluhod habang kalong ko ang imahen na noon ay akala ko na si Hesus yun. Nang naglalakad na ako nang paluhod, wala akong maramdamang kagaanan sa isip at kalooban sa halip ang hapdi sa mga tuhod ko ay lalong nagpalala sa miserable kong kalagayan. Mahirap din ang maglakad ng paluhod at may karga ka pang imahen. Sa likod ng utak ko, “meron kayang Diyos na sa halip na kinakarga ay ako na lang sana ang kargahin? Kasi sobrang hirap na hirap na ako, damdamin, isip at ngayon, pisikal na katawan. Palagay ko meron, maghahanap ako.” Buti na lang naghanap ako kasi may sinabi ang Bibliya sa Mateo7:7- Humingi kayo at kayo’y bibigyan, HUMANAP KAYO AT KAYO’Y MAKAKASUMPONG, kumatok kayo at kayo’y pagbubuksan. “Yun pala, totoong HESUS na ang aking hinahanap, at ako’y di nabigo.
           Minsan isang hapon, umuwi ako ng wala sa oras mula sa aking pinapasukan. Sa inuupahan kong kuwarto binuksan ko ang telebisyon. Nataon na may isang mgangangaral sa programang yun, may hawak siyang Bibliya. Isang malaking pagtataka ang naganap sa akin sa panonood kong  iyon kung saan  eksakto sa kalagayan ko ang tinatalakay ng preacher lalo na nung banggitin niya ang “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagal at nabibigatan sa inyong pasanin at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan...” Napagtanto ko na ang mga salitang iyon ay mismong pananalita ng Panginoong Hesus sa Mateo 11:28. Sapul na sapol ang buo kong kamalayan ng mga sandaling iyon, ang tanong ko sa sarili, “Gusto kong lumapit, hirap na hirap na ako, pero paano ako lalapit?” At talagang nakapagtataka, ang mga tanong sa isip ko ay kaagad sinasagot ng programang iyon at ito ang sagot- “Hindi kinalulugdan ng Diyos ang hindi nanalig sa Kanya. SAPAGKAT ANG SINUMANG LUMALAPIT SA DIYOS AY DAPAT MANIWALANG MAY DIYOS AT SIYA ANG NAGBIBIGAY NG GANTIMPALA SA MGA HUMAHANAP SA KANYA”. Lumapit nga ako sa Panginoong Hesus nang mga sandaling iyon sa pamamagitan ng pananalig. At ang paglapit ko nang may pananalig ay may kalakip na napakahalagang panalangin. Panalangin na  may seryosong  pagpapakababa at pagsisisi, panalangin ng pagsuko ng buong buhay at panalangin ng pagtanggap sa TOTOONG HESUS na namatay sa krus alang-alang sa aking mga kasalanan. Tinanggap ko ang Panginoong Hesus bilang aking Manunubos, Tagapagligtas at Hari ng aking buhay. Pagkatapos noon, isang biglang kakaibang pakiramdam ang naganap sa buo kong katauhan! Pambihirang KAGALAKAN, KALAYAAN at KAPAYAPAAN!
           Kinabukasan, sa parehong oras muli akong umuwi upang balikan ang programang iyon. Kaya lang ibang programa na ang aking napanood, ngunit patungkol pa rin sa Panginoong Diyos. At sa pagkakataong iyon ang itinampok ng programa ay mga patotoo ng mga taong pinaghimalaan ng buhay na Diyos. Mga taong puno ng bisyo at kasamaan na binago, mga may sakit na pinagaling, mga iniligtas sa panganib at kapahamakan. Halos lahat ay luhaan sa kanilang taos-pusong pasasalamat at di ko namalayan, may masaganang luha na rin palang umaagos sa aking pisngi. Napagtibay sa aking puso at isipan, “Ang Panginoong HESUS na taglay ko ngayon ang Siyang may gawa ng lahat ng iyon sa kanilang mga buhay! Buhay, makapangyarihan at sobrang napakabuti ng Hesus na aking nasumpungan!” Mahimalang yugto iyon ng aking buhay at naging hudyat upang ang mga sumunod ay hindi na katulad ng dati. Matinding pananabik ang naramdaman ko sa Panginoon ng mga sandaling iyon kung kaya’t naudyukan akong bumili ng Bibliya. Walang  nagpayo o nagsabi sa akin pero nakaramdam ako ng matinding pangangailangan sa mahiwagang aklat na iyon, ang Bibliya. Binasa ko ito, halos araw at gabi. Dati na rin akong nakapagbasa nito, pero wala akong maiintindihan noon, lagi lang akong inaantok. Ngunit ibang-iba na, magmula ng makilala ko ang totoong Panginoong Hesus, pakiwari ko ay direkta akong kinakausap ng Diyos habang binabasa ko ito. Lalo kong nakita kung ano ang kalagayan ko sa Kanyang harapan at kung ano ang kalagayan ng karaniwang tao o ng mga taga-sanlibutan. Higit sa lahat, sa pamamagitan ng Salita ng Diyos na nasa Bibliya, lalong nagpakilala sa akin ang Panginoong Hesus!  Sapagkat ayon sa Juan 20:31- “Ang mga natala rito (nilalaman ng Bibliya) ay sinulat upang sumampalataya kayong si Hesus ang Mesias (ang Kristo), ang Anak ng Diyos, at sa gayo’y magkaroon kayo ng buhay sa pamamagitan Niya.” . Ang buhay na tinutukoy nito ay ang buhay na galing sa Diyos, buhay na walang hanggang at buhay na bago! Nag-iiba nga ang buhay at ang takbo nito ang sinumang nakasumpong sa tunay na Hesu-Kristo! Maipapangalandakan ko na totoo na nga ang aking nasumpungan, ang  aking unang batayan (1)SIYA ay nagpapakilala sa pamamagitan  ng Kanyang Salita. Si Hesus mismo ang Salita.
“ Sa pasimula pa’y naroon na ang Salita. Kasama ng Diyos ang Salita at ang Salita ay Diyos.” (Juan1:1)  “Naging tao ang Salita at Siya’y nanirahan sa piling natin...” (Juan1:14)
         Ang pangalawang(2) kung batayan sa aking pagkakilala sa totoong Hesus: Nagpapakilala Siya sa mga totoong sumasampalataya Kanya.  Sinabi ni Hesus- “Mapapalad ang mga naniniwala (nananalig/ nananampalataya) kahit hindi nila ako nakikita.”.(Juan 20:29). Ang pananampalataya ay hindi nakabatay sa nakikita(2Corinto5:7) , ang pananampalataya ay sa puso (Roma10:10)! At kung ito ay sa puso, dapat lang na ito’y nakadarama! Kaya sinabi sa 2Corinto 13:5-
   “Tiyakin ninyong mabuti kung kayo ay nasa pananampalataya; subukin ninyo ang inyong sarili. Hindi ba ninyo nadaramang sumasainyo si Cristo Hesus?” Nasa mabigat akong sitwasyon nang makilala ko ang Panginoong Hesus. Dahil nakilala ko ang Totoo, biglang naiba ang naramdaman ko. Nawala ang panunumbat ng aking budhi dulot ng marami kong kasalanan, nawala ang sakit  sanhi ng tinamong mga kaapihan at mga pangit na karanasan, naglaho ang bigat sa maraming kakapusan, at miserableng kalagayan. Nawala ang depresyon,lungkot, takot at ibang negatibong pandama- napalitan ng IISA lang: SI HESUS, na Siyang  PAG-IBIG NG DIYOS! Ang pagkakakilala kay Hesus  ay  katumbas ng lubos na pagkakaunawa at  pagkadarama ng napakadakilang pag-ibig ng Diyos. May nararamdaman ang mga tunay na nakakilala kay HESUS, nadarama niya ang pag-ibig ng Diyos at talagang ito’y nadama ko!

        Marami-rami na rin ang naringgan ko ng ganito-  “Mahal nga ba talaga ako ng Diyos? Para namang hindi. Bakit ganito ang kalagayan ko? Yung mayayaman lang ang mahal Niya. Aber, kung talagang mahal niya ako, gawin din Niya akong kasingyaman nung milyonaryo na yon!” “Kung mahal ako ng Diyos, bakit ganito ang pagkakalikha Niya sa mukha ko?” Aaminin ko rin sa aking sarili, noong hindi ko nakikilala ang Totoo, duda rin ako sa awa o pag-ibig ng Diyos sapagkat nandun ang pagtatanong bakit hinahayaang Niyang danasin ninuman ang inaayawan ng tao kung Siya ay mahabagin o mapagmahal? Ito ang isang malinaw, hindi pa nakikilala ng sinuman ang totoong Hesus kung hindi pa niya nadarama ang pambihirang pag-ibig ng Diyos! Sa isang mahirap lamang na ang hinihinging ebidensiya ng pagmamahal ng Diyos ay yaong payamanin siya ay isang mababaw na hamon bagama’t sa unang tingin ay parang tama naman. Bakit? Anong, hihingiing ebidensiya ng dati nang napakayaman para mapatunayang mahal siya ng Diyos? Paanong maibibigay sa 2 tao na may magkasalungat na hitsura at magkaibang kalagayan sa buhay ang iisang ebidensiya ng pag-ibig ng Diyos? Tunay na napakagaling ng Diyos, iisang kapamaraanan lang Niya pinatunayan ang pagmamahal Niya sa sangkatauhan!

        “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya ibinigay Niya ang kanyang bugtong na ANAK, upang ang sumampalataya sa Kanya ay hindi mapahamak (sa impyerno), kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan(sa langit kapiling ng Diyos)!” (Juan 3:16)
        Mula sa pinakakawawang tao sa sanlibutan hanggang sa pinakamayaman at pinakamakapangyarihan, iisang ebidensiya ng pagmamahal ang ibinigay ng Diyos Ama- ito ay ang pagkakaloob Niya ng pinakamamahal na Bugtong Niyang Anak: ang Panginooong Hesus! Inilarawan ng Bibliya na ang langit na kaharian ng Diyos ay batbat ng pinakamainam na bagay kasama ang mga lansangan at gusaling binubuo ng mga lantay na ginto at mamahaling hiyas, ngunit hindi ito ang pinaka-kasiyahan at kayamanan ng Ama kundi si Hesus mismo, na Kanyang Anak,  ito ang napili ng Ama na ibigay sa makasalanang sangkatauhan! Si Hesus ang ebidensiya ng pag-ibig ng Diyos. At katulad ng Ama, pinatunayan din ni Hesus ang Kanyang pagmamahal sa lahat ng tao- INIALAY NIYA ANG KANYANG BUHAY AT DANASIN ANG MALUPIT NA KAMATAYAN SA KRUS ALANG-LANG SA IKATUTUBOS NG KASALANAN NG SANLIBUTAN!
Mula sa labi ni Hesus:
          “Walang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan...”  (Juan 15:13).  Ngunit ang sabi ng Biblia ang mga makasalanan ay kaaway ng Diyos hindi mga kaibigan! ((Roma5:10) Unawain natin ang kadakilaan ng pag-ibig ng Panginoong Hesus;  “Ngunit ipinadama ng Diyos ang Kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Hesu-Kristo para sa atin noong tayo’y mga makasalanan(kaaway ng Diyos)  pa.(Roma5:8). At ang napakalinaw at napakatibay na kapakinabangan ng dakilang pag-ibig ng Diyos sa bawat tatanggap at mananalig kay HESUS ay ang KALIGTASAN ayon misamo sa katotohanan ng Juan 3:16. Seguridad na ang hantungan ng kaluluwa ay sa maluwalhating kaharian ng Diyos sa langit. Ang pagkakaunawa sa dakilang pag-ibig ng Diyos (sang-ayon sa pagkakakilala sa totoong HESUS) ay naghahatid sa katiyakan ng espirituwal na kaligtasan, o buhay na walang hanggan. Unawain natin kung gaano kahalaga ng pagkakakilala kay Hesus at  ng pag-ibig ng Diyos, ito ay BUHAY NA WALANG HANGGAN!
         “ANO NGA BA ANG MAPAPALA NG TAO KUNG MAKAMTAN MAN NIYA ANG LAHAT NG KAYAMANAN NG BUONG DAIGDIG KUNG MAPAPAHAMAK NAMAN ANG BUHAY NIYA SA KAPARUSAHAN SA  IMPYERNO! (Marcos 8:36)

       Meron pa akong 2 natitirang batayan (pangatlo  at pang-apat) kung bakit tahasan kung ipinangangalandakan na talagang ang biblikal at tunay na Hesus ay nakikilala at tinataglay ko na ngayon. Una nga, nagpakilala Siya sa akin sa pamamagitan ng Kanyang Salita, pangalawa nagpakilala Siya sa akin dahil aking pananalig sa Kanya, at sa pananalig na yon nadama ko at naunawaan ang labis Niyang pag-ibig sa akin,  lubos kong naunawaan ang kahalagahan ng kamatayan Niya sa krus ng kalbaryo at bunga nito, taglay ko na rin ang katiyakan na ako ay ligtas! Bago ko ihatid ang ikatlong batayan ng aking pagkakakilala sa tunay na Hesus nauudyukan ako na kumbinsihin ka na sang-ayonan sa iyong puso panalanging ito...

Dakilang Diyos, buong puso akong lumalapit 
nang may pananalig sa Iyo
Ayaw ko pong mapahamak at masayang 
ang buhay na ito na galing sa Iyo,
Alam ng aking isip na may Isang namatay 
sa krus para sa katulad kong
makasalanan, nais kong madama ito sa aking puso, 
ang dakilang pag-ibig mo.
Ang Panginooong Hesus pala ang ebidensiya 
ng pag-ibig mo sa akin
nais ko Siyang tanggapin sa aking puso 
bilang Tagapagligtas at Panginoon
ng buhay ko. Kasabay ng pag-amin sa lahat kong kasalanan, ako po’y patawarin N’yo!
Panginoong Hesus, isinusuko ko sa Iyo ang buong buhay ko. Lalo ka pong magpakilala
 sa akin, gusto kong magkaroon ng totoong kaugnayan sa Iyo,
nais kitang mahalin at paglingkuran, 
nais kong asahan ang pangako Mo, 
na ikaw ay babalik upang ako’y sunduin.
Ito ang aking panalangin
Sa Ngalan mo Hesus, Amen!

      Bakit Hindi Interesado ang marami sa Pagbabalik ni Hesus?
                
         Napakaraming dahilan kung bakit walang interes ang marami sa katotohanang isinisigaw ng Bibliya na si Hesus ay talagang muling babalik at talagang paparating na Siya, kaunting panahon na lang ang natitira. Nawa ay matalakay kong lahat ang maraming dahilang ito,  ngunit ang ilan ay sa mga ito ay nabanggit ko na; muli nating balikan-
         Hindi maaaring abangan o hintayin ninuman nang may pananabik ang Panginoong Hesus na paparating KUNG -

·         Hindi pa niya nakikilala ang totoong Hesus ng Bibliya. Ibang Hesus pa ang tinataglay niya. Yung Hesus na itinuro ng relihiyon, tradisyon, mula sa mga ninuno at angkan.

·         Hindi pa makita ang kahalagahan ng Salita ng Diyos (na nasa Bibliya), salita ng tao o prinsipyo ang pinaiiral. Wala sa hinagap ang sinasabi ng Bibliya na paparating na si Hesus!

·         Wala pa siyang personal at totohanang kaugnayan sa Panginoong Hesus
·         Wala pang tunay na pananalig, sa halip, nasa relihiyon at ritwal na kasanayan lang.
·         Walang pang ideya sa dakilang pag-ibig ng Diyos, hindi pa nakikita ang kahalagahan ng naganap sa krus ng kalbaryo.

·         Walang pagtugon sa pag-ibig ng Diyos, walang pagpapahalaga sa Diyos

·         Hindi pa tumanggap ng kapatawaran sapagkat hindi pa nagagawang magsisi ng totohanan

·         Hindi interesado sa kaharian ng Diyos, nakatuon lang sa sanlibutan at mga iniaalok nito

·         Walang muwang sa inaalok na kaligtasan o pagliligtas ng Diyos kaya’t nasa kalalagayan na ang tinatahak ay kapahamakan sa apoy ng impyerno.


       Ilan lang ito sa maraming dahilan kung bakit kakaunti lang ang nag-aabang sa muling pagbabalik ng Panginoong Hesus.

Tatalakayin natin sa susunod ang iba pa. Nawa kabilang ka sa munting kawan na ang isisigaw ng puso ay: “Panginoong Hesus nawa ay dumating Ka na!”

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento