Sa natural na pag-iisip, napakahirap ngang paniwalaan na Ang Hesus ng Bibliya ay babalik. Mas madali kasing maniwala sa isang pangyayari kapag naganap na kaysa magaganap pa lamang. May mga pangyayari sa Bibliya na talagang naganap na at kapag ito ay napag-uusapan ay bihira naman ang nagdududa. Inilahad ng Bibliya ang unang pagkakagunaw ng mundo sa pamamagitan ng baha. Bagamat kataka-taka ang pangyayaring yun ngunit wala pa naman akong narinig na nagsasabing hindi totoong nangyari ang dakilang baha na iyon kung saan namatay lahat ng tao sa mundo at tanging pamilya ni Noah ang naligtas. Dahil na rin siguro sa mga natagpuang labi ng arko na hanggan ngayon ay nasa bundok ng Ararat,ito ay natuklasan sa ekspedisyon ng mga Amerikano nung taong 1949.
Pambihirang kaganapan yon sa mahiwagang kapamaraanan ng Diyos, kumbinsido ang marami sapagkat naganap na nga. E paano kung nagkataon na meron ulit propesiya sa Bibliya na pangalawang arko na gagawin ang isa pang katulad ni Noah sa henerasyong kasalukuyan? Seseryosuhin kaya ng marami, samantalang magaganap pa lang ito? Wala ng pangalawang arko na inihahayag ang Bibliya, ngunit may ipinauuna ang Salita ng Diyos na MAS MAHALAGA PA SA ARKO NI NOAH na dapat paghandaan at pakinabangan ng maraming tao na nagnanais na maligtas. Salamat na lang na sa buong buhay ko ay wala pa akong narinig na nagduda kung talagang may isang Hesus na nagpakasakit hanggang sa mamatay sa krus ng kalbaryo doon sa Jerusalem. Halos buong mundo ay nabigyan ng impormasyon na ang Hesus na ito ay namatay upang akuin ang kasalanan ng mundo at sa ika-3 araw ay muling nabuhay at may mga nakakitang Siya ay umakyat sa langit.
Pambihirang pangyayari ito! Pero walang nagpasubali o nag-alinlangan sa nangyaring ito. Halos lahat ay kumbinsido. Ito ay dahil madaling paniwalaan ang mga naganap na lalo pa't may mga pisikal na ebidensiya. Pero meron akong naunawaan-bagamat nalalaman ng sangkatauhan ang pangyayari sa krus ng kalbaryo at kahit wala namang kumukwestiyon kung talagang nangyari ito, ay wala namang totohanang pagpapahalaga ang marami. Walang interes o pagpapahalaga sa krus ng Panginoong Hesus Hesu-Kristo at ang Biblia mismo ang nagsabi sa Filipos 3:18:
"Marami ngayong namumuhay bilang mga kaaway ng krus ni Hesu-Kristo!" Ang mga babalang ito ang madalas na inuuli-ulit ni Pablo sa mga pinamamalasakitan niya, at may kasama pa itong pagluha! Taglay ni Pablo ang matinding bigat ng damdamin na sa kabila ng kadakilaan ng pagpapakasakit ng Manunubos ay babalewalain lang ito ng nakararami. Kung ang dakilang pag-ibig na naipamalas sa krus ng kalbaryo ay na isasantabi, at wala ring interes sa mahiwagang muling pagkabuhay at pag-akyat sa langit ng Mesias, paano pa kaya magkakainteres sa isang nakatakdang magaganap na pagbabalik ng Panginoong Hesus?
Ano nga bang HIWAGA ang kalakip sa magaganap na pagbabalik ng Panginoong Hesus?
Mangyayari sa mga tunay na mananampalataya (mga banal na nagmamahal sa Panginoong Hesus) ang naganap kina Enoch (Genesis5:24) at Elias (2Hari2:11). Naitala sa Bibliya ang dalawang lingkod ng Diyos na hindi dumanas ng pisikal na kamatayan sa halip, mahimala silang kinuha ng Diyos sa mundong ito at inilipat sa eternal na kaharian ng Diyos. Ang hiwagang ito ay tinatawag na pagdagit o mas kilala sa salitang English na 'rapture'. Karaniwang lumilipat mula sa mundong ito ang mga banal patungo sa kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng kamatayan, ngunit ibang-iba ang magaganap kapag dumating na ang Panginoong Hesus, ito ay biglaan at palihim. Magugulat na lang ang marami sa biglang pagkawala ng mga seryoso at totoong nagmamahal kay kristo. Pagbulay-bulayan natin ang mga batayang ito sa Banal na Bibliya:
"Sa panahong iyon, may 2 lalaking gumagawa sa bukid, kukunin ang isa at iiwan ang isa. May 2 babaing magkasamang gumigiling; kukunin ang isa at iiwan ang isa. Kaya magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam kung anong araw paririto ang inyong Panginoon."
(Mateo24:41-42)
"Pakinggan ninyo ang hiwagang ito; hindi mamamatay ang lahat, ngunit lahat tayo ay babaguhin sa isang iglap, sa isang kisap-mata, kasabay ng huling tunog ng trumpeta ang mga patay ay muling bubuhayin at di na muling mamamatay. Babaguhin tayong lahat sapagkat itong katawang nabubulok ay dapat mapalitan ng katawang hindi mabubulok o mamamatay."
(1Corinto15:51-53)
"Ito ang aral ng Panginoon na sinasabi namin sa inyo: pagparito ng Panginoon, tayong mga nabubuhay ay hindi mauuna sa mga namatay na. Sa araw na yaon, kasabay ng malakas na utos, ng tinig ng arkanghel, at ng tunog ng trumpeta ng Diyos, bababa ang Panginoon mula sa langit. Bubuhayin muna ang mga namatay na nananalig kay Cristo. Pagkatapos, tayong mga nabubuhay pa ay titipunin niya sa ulap at isasama sa mga binuhay upang salubungin sa papawirin ang Panginoon. sa gayon ay makakapiling Niya tayo magpakailanman. Kaya nga MAG-ALIWAN kayo sa pamamagitan ng aral na ito." (I Tesalonica 4:15-18)
Nais kong talakayin ng mas detalyado pa ang malalim na hiwagang ito patungkol sa pagbabalik ng Panginoong Hesus sa mga susunod kong ibabahagi.
Pero dadalhin ko muna sainyo ang isang aralin mula kay Bluemo, inilathala niya sa Web noong 10 November 2011.
RAPTURE - (Hiwaga ng Pagpapalit ng Katawang Panlupa)The mistery of body change
Si Kristo ay isang halimbawa ng mga kaganapang paparating. Nang siya ay nabuhay na maguli, ang kanyang katawan sa libingan ay hindi natagpuan nang ikatlong araw. Ito ay isang pangyayari na nagpapakita at nagpapatotoo na may pagbangong muli mula sa mga patay. Kung ito ay hindi naganap sa Panginoong Hesus, ano ang ating pag-asa sa ating pananampataya? Ibig sabihin, ang pagkabuhay ng ating Panginoon ay ating pag-asa na kung tayo ay mamatay sa ating pananampalataya sa kanya ay mayroon tayong panibagong buhay.
Ating tingnan sandali hindi ang kanyang pagkabuhay kundi ang anyo ng kanyang katawan nang siya ay nagpakita sa kanyang mga alagad. Ang katawan ng ating Panginoon ay kakaiba sa normal na katawan ng tao. Ito ay hindi na muling magkakaroon ng kamatayan sapagkat ito'y nasa imortal na anyo. Ang tawag dito ay Katawang may kaluwalhatian (GLORIFIED BODY).
Kung ating pag-aaralan, hindi lang ang ating Panginoon ang muling nabuhay nang araw na iyon sapagkat nang Siya ay namatay, ang kanyang Espiritu ay dumako sa kalaliman ng lupa kung saan siya'y nangaral sa mga espiritung bilanggo doon sa tinatawag na "abraham's bossom".
Ang Abraham's bossom ay lugar kung saan ang mga matutuwid na namamatay sa lumang tipan mula kay adan hanggan bago mamatay si Kristo ay tumutungo doon at naghihintay ng katubusan. Kaya nga nang dumating ang ating Panginoon, sa kaniyang kamatayan naganap ang katubusan ng mga banal sa Lumang tipan sapagkat Siya'y nangaral doon. Ang mga nasa lumang tipan ay mga tao na nabuhay sa katuwiran ng Diyos, subalit ang mga nasa bagong tipan ay mga tao na nabuhay sa pananampalataya kay Kristo. Kaya't ang dalawang tipan ay tinubos ng Isang Kristo lamang.
Nang ang ating Panginoon ay nabuhay, ang mga libingan ay nangabuksan at ang mga bihag (banal) ay kasama Niyang nangabuhay na mag-uli at umakyat sa kalangitan. Ito ang unang bahagi ng Rapture.
Ang Pangalawang bahagi ng Rapture ay magaganap sa Iglesia (kalipunan ng mga mananampalataya), ito'y mga banal na tao na sumasampalataya sa mga salita ng ating Panginoon. Ang Panginoon ay umakyat sa langit ngunit may pangakong magbabalik para kunin ang Iglesia na kung tawagin ni Apostol Pablo ay kasintahan ng ating Panginoon. Sa paanong paraan ito magaganap??
Sa mga sulat ni Apostol Pablo sa 1 Corinto 15:12-58 at 1 Tesalonica 4:13-18 ay kanyang inihayag kung paano ito magaganap. Sa una ipinakita niya na may katawang nabubulok at hindi nabubulok, katawang makalangit at katawang makalupa, katawang may kasiraan at katawang walang kasiraan. Ang katawang panlupa ay hindi maaaring umakyat sa langit dahil hindi ito maaaring umangat sa lupa at mangangailangan ito ng mga kagamitan pang kalawakan. Ngunit anong uri ng katawan mayroon ang panglangit? Gaya nang kay Kristo na nakalalagos maging sa mga pader, makalalakad sa tubig at sa isang iglap ay makararating kung saan niya ibig; (teleport) higit sa lahat makapapasok sa kalangitan.
Ipinahayag din ni Pablo na ang pagdating ng Panginoon ay may sigaw, tinig ng Arkanghel at Tunog ng Pakakak.
Ang SIGAW ay mensahe ng paghahanda. Ito ay mensaherong nagbibigay ng warning sa pagdating ng ating Panginoon. Sa unang pagdating ng Panginoon sa lupa ay may SIGAW SA ILANG na naghanda sa daan ng KORDERO ng Diyos. Sa muling pagbabalik ng Panginoon ay mayroong ding Sigaw ng paghahanda katulad sa talinghaga ng sampung dalaga. Ang sigaw na ito ay SIGAW SA HATINGGABI. Ito ay mensahe PAGLABAS (called-out) ng kanyang tunay na Iglesia sa mga sistema ng Relihiyon at PAGHAHANDA sa pagbabalik ng ating Panginoon na walang dungis at kapintasan (virgin).
Ang Tinig ng Arkanghel ay mensahe ng Panginoon sa pagbubukas ng mga misterong nakatago sa kanyang mga salita (Bible) at ito'y ihahayag lamang sa kanyang kasintahan (the virgin church ). Ang mensaheng ito ay kamangmangan sa mundo sapagkat hindi nila ito maiintindihan. Sila'y titingin ngunit hindi makakakita at makikinig ngunit hindi makakaunawa dahil sa paglawak ng mga haka ng tao. Ito'y para lamang sa kaniyang Iglesia. Ang iglesia ay hindi isang organisasyon kundi mga indibiduwal na tinatawag palabas sa katuwiran at pilosopiya ng tao patungo sa Katotohanan at Katuwiran ng mga salita ng Diyos. Ang tunog ng Pakakak ay huling mensahe sa Iglesia. Ito ay hindi literal na tunog. Ito ay mensaheng magbabago sa katawan ng mga taong may tunay na pananampalataya. Kapag ang huling trumpeta ay tumunog na, ang mga namatay kay Kristo ay magbabagong walang kasiraan, ibig sabihin ay may kaluwalhatiang katawan gaya ng katawan ng ating Panginoon (glorified body) sa kanyang pagkabuhay na maguli. At kung ang mga namatay ay nabuhay na maguli, ang mga nabubuhay sa pananampalataya na dinatnan ng Panginoon ay magkakaroon ng pagbabagong katawan na may kaluwalhatian. Mauunang babaguhin ang mga namatay at susunod ang mga nabubuhay. Hindi sila sabay sa pagbabagong katawan ngunit sabay silang aangat sa lupa upang salubungin ang Panginoon sa Alapaap ng konseptong unang aakyat sa alapaap ang mga namatay at susunod ang mga nabubuhay ay maling kaisipan sapagkat ang rapture ay misteryo ng pagbabagong katawan. Kapag ang mga namatay at nabubuhay ay pareho nang may katawang maluwalhati (glorified body) sila'y sabay na aangat sa lupa upang salubungin ang ating Panginoong Hesus katulad ng lalaking naghihintay sa babaeng ikakasal. "The bridegroom and the bride."
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento