Huwebes, Abril 18, 2013

Ang Panginoong HESUS na Paparating sa Pagpapakilala ng Banal na Espiritu



    Lagi kong binibigyang diin na tanging yun lamang na nakakakilala at may personal na kaugnayan sa totoong Hesus ang makukumbisi na talagang malapit nang bumalik ang Panginoong HESUS, hindi lang maniniwala kundi may pananabik na makaharap ang kanyang Tagapagligtas. Hindi dapat mabalewala ang babala sa 2 Corinto 11:4 "...tinanggap ninyo ang ibang Hesus!" Hindi malayong mangyari na merong mga nasa kalipunan ng mga born-again christian na ibang Hesus pa rin ng taglay o kaya naman sa una ay totoo nga ang tinanggap ngunit sa kalaunan, iniwan niya ang Totoo at dinampot ang isang hindi totoo. Lalo pa nga na isa sa palatantadaan sa pagbabalik ng Panginoon ay ang pagkakadaya ng maraming nagsasabing kristiyano. Nabanggit ko na nakilala ko ang totoong Hesus, una sa pamamagitan ng Kanyang Salita, pangalawa sa aking pananampalataya na siyang daan upang madama ko ang dakilang pag-ibig ng Diyos. At ngayon nga itong pangatlo, nakilla ko ang Hesus ng Bibliya sapagkat tiyak ako na kumilos ang Banal na Espiritu upang masumpungan ko at makilala ang Totoong Anak ng Diyos. Bakit ko nasabi ito? Naalala ko ng una kong makilala ang Panginoong Hesus, nakita ko ang sarili ko na maraming kasalanan at naudyukan akong magsisi at humingi ng kapatawaran. Alam kong hindi lang ako ang may gawa noon, dahil ang sabi ng Bibliya "Pagdating ng Banal na Espiritu,patutunayan Niya sa mga tao na mali ang pagkakaunawa nila sa kasalanan, ipakikilala Niya kung ano ang matuwid at kahatulan." (Juan 16:8). Ang sabi ng Salita ng Diyos hindi pa nakikilala ng isang tao ang totoong Diyos kung patuloy pa rin siyang nagkakasala. (1Juan3:6) Ngunit kung ang Banal na Espiritu ang Siyang nagpapakilala, tatalakayin Niya ang mga dapat ituwid sa ating buhay. Inaamin ko, nang makilala ko ang totoong Hesus, ay pilit pa ring sumisingit ang ibang hesus upang bigyan ko rin ng pansin. Salamat na lang sa Banal na Espiritu, at maagap Niyang sinasabi, huwag yan, hindi yan ang Hesus na ipinakikilala Ko. Napakatibay ng sinabi ng Panginoong Hesus, 
"SUSUGUIN KO SIYA SA INYO BUHAT SA AMA, AT SIYA ANG MAGPAPATOTOO TUNGKOL SA AKIN!"
     Alalahanin natin ang babala ni Pablo sa 2Corinto11:4, kapag maling aral daw ang tinatanggap ng sinuman, ibang espiritu rin ang tinatangkilik niya. At kung ibang aral at espiritu ang taglay niya siguradong ibang 'hesus' ang meron siya. Alalahanain natin ang dami-daming lumalaganap ngayong ibang katuruan sa mga kalipunan ng kristyanong gawain. Mga aral na nagbibigay ng katuwaan ng laman, mga aral patungkol sa pansarili at pansanlibutang kapakinabangan. Mga aral na magaan na hindi nag-uudyok ng pagpapabanal at pagtatapat sa pag-ibig ng Diyos. Ang sabi ng Bibliya, "Darating ang panahon iiwan ng marami ang wastong aral, susundin nila ang kanilang hilig. Pipili sila ng mga mgangaral ng ang ituturo ay yung gusto lamang nilang marinig!" (2Timoteo4:3). Ngayon na ang panahon na iyon. Sigurado ako na ang mga popular na mgangangaral na ito ay walang pasanin na ipangaral sa mga nasasakupan na malapit nang dumating si Hesus. Ngunit purihin ang Panginoong Hesus sa isinugo Niyang Banal na Espiritu, nagagaganap ang sinabi Niya sa Juan 16:13- 
"Pagdating ng Espiritu ng Katotohanan, tutulungan Niya kayo upang maunawaan ang buong katotohanan!". 
Kapag naipakilala na sa sinuman ng Banal na Espiritu ang totoong HESUS, nakatitiyak ako, aabangan niya ang nalalapit na pagbabalik ng Panginoong Hesus! Alalahanin natin na ang mga totoong nagmamahal lamang ang maghihintay sa kanyang minamahal. Ang mga naghihintay ay puno ng pag-asa! ang sabi ng Bibliya- "Ang Banal na Espiritu ang nagbubuhos ng pag-ibig ng Diyos sa ating mga puso kaya't hindi tayo nabibigo sa ating pag-asa." (Roma5:5)
    Ang isang nagmamahal ay laging umaasa. Umaasa na siya ay babalikan ng kanyang minamahal. Salamat sa Banal na Espiritu! Purihin ka Panginoong Hesus!


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento