Tunay na pambihirang pagkakamulat ang naganap sa akin nang ako ay mahango sa maling paniniwala kasabay ng pagkakaunawa na ako ay tumanggap na ng kaligtasan dahil sa pananalig sa totoong Hesus. Anumang oras na lisanin ko ang mundong ito ay meron na akong katiyakan na hindi na ako ibubulid sa apoy ng impyerno sa halip ang destino ko ay doon na sa maluwalhating kaharian ng Panginoong Hesus.
Nag-iba na rin ang aking pananaw. Iba na rin ang kalipunan ng mga sinasamahan ko sa pagsamba na ang katawagan ay mga "born-again christian". Agad kong nakita sa kanila ang malaking kaibahan. Mapalad ako sapagkat ang mga nauna kong nakahalubilo ay talagang mga maaamo at mapagpakumbabang mananampalataya. Totoo ang pakikitungo at agad mararamdaman ang pagmamahal at pagmamalasakitan. Ang ganda ng aking pakiramdam kapag kasama ko sila na ang kagalakan ay katulad din ng kasiyahan ko; ang manalangin, magbulay-bulay ng Salita ng Diyos, magpuri at sumamba sa buhay na Diyos. Malayong-malayo sa mga dati kong kasama sa lumang paniniwala. Wala sa kanila ang pagiging mga palamura, mayayabang, sinungaling, mapang-alipusta o mapagpaimbabaw. Tanging sa mga kamananampalataya na lang ako nakikipagpalagayang-loob. Kagalakan ko na ang makipag-isa sa mga katulad kong nagsuko ng buhay sa Panginoong Hesus. Kung kaya inakala ko na ang mga bago kong kasama sa 'born-again christian fellowship' ay lahat totoong kristiyano. Mga katulad kong binago na rin ng Panginoon na ang dalawang katangian ay ang magmahal na lamang sa Dios at magpakatino o layuan ang kasalanan. Habang lumalalim ako sa pananampalataya, may unti-unti akong natuklasan, kasabay ng pagkakaunawa ko ng mga sumusunod na talata:
"Hindi lahat ng tumatawag sa akin ng 'Panginoon, Panginoon!' ay papasok sa kaharian
ng langit, ngunit kundi yaon lamang na sumusunod sa kalooban ng aking Amang nasa
langit." (Mateo7:21)
"Mag-ingat kayo sa mga bulaaang propeta, nagsisilapit sila sa inyo na animo'y maaamong
tupa, ngunit ang totoo'y mababangis na asong-gubat!" (Mateo7:15)
"Hindi ito dapat pagtakhan! Sapagkat si satanas man ay maaaring magkunwaring anghel
ng kaliwanagan. Kaya hindi katakatakang magkunwaring lingkod ng katwiran ang mga
lingkod ng diablo." (2Corinto 11;14-15) "...Ako'y nasuong sa panganib sa mga
mapagkunwaring kapatid..." (2Corinto 11:26)
"Sa inyo naman ay may lilitaw na mga bulaang guro. Gagamitan nila ng katusuhan ang
pagtuturo ng mga aral na makasisira sa inyong pananampalataya..." (2Pedro2:1)
"Sapagkat nakasalingit sa inyo(mga maka-Diyos) ang ilang taong walang Diyos at ang
kaloob ng Diyos ay ginagamit sa kamunduhan." (Judas4)
"Mga minamahahal huwag ninyong paniwalaan agad ang nagsasabing sumasakanila ang Espiritu. Sa halip subukin muna ninyo kung mula sa Diyos ang espiritung sumasakanila, sapagkat marami nang bulaang propeta ang lumitaw sa sanlibutang ito."
Lalo pa may mga kakaibang karanasan na rin ako sa mga inaakala kong kamananampalataya. Madaming pagkakataon na ako'y nag-abot ng tulong sa mga 'kapatid' na ngangailangan, ngunit nalaman kong sila pala ay nananamantala lamang at meron pang sa kabila ng pagdamay na naigawad ay nagagawa pang manira. Kung sabagay ang tulong na naibigay sa kanila ay totoong sa Diyos ko ginawa, ngunit kung naging matalino lamang ako ay merong mas karapat-dapat na nakinabang sa mga nakuha sa akin. Ang lubos ko ring ipinagtataka meron akong nakahalubilo na 'kristyano' daw ngunit hindi maipagkakaila ang ipinapakitang mabigat na kalooban, umaabot sa puntong nasusuklam sa hindi ko malamang kadahilananan. Hindi na rin mabilang ang mga nakilala ko na may ibang pananaw sa Salita ng Diyos kung kaya maging ang pamantayan nila sa buhay ay iba sa natutunan ko mula sa Panginoon. Unti-unti kong nauunawaan ang isang panganib kapag kaagad mong sinasang-ayonan ang nagpapakilalang mananampalataya rin. May mahigpit na pamantayan ang katuwiran ng Diyos at ito ay hindi pwedeng ikompromiso ngunit dahil na rin sa pailalim na impluwensiya ng mga nagsasabing 'kristiyano' ang pamantayan ng Dios ay maaaring masalaula. Akalain ko bang maririnig ko sa kalipunan ng mananampalataya ang katulad nito, "Walang masama sa pag-inom ng alak, wag lang magpakalasing!". May mga pagkakataon na matapos akong makipaghalubilo sa isang kalipunan ng mga mangangaral ay para bang nagkaroon ako ng 'pananabik' sa mga bagay na itinakwil ko na. At napagtanto ko, nagkulang ako ng panalangin at pagpapabalot ng espirituwal na proteksiyon, lalo na ng dugo ng Panginoong Hesus, kung kaya nasagap ko ko at naapektuhan sa mga kinahihiligan ng mga ito. Lubhang napakadelikado na nga ng kapanahunan ngayon, mas delikado pa sa panahon ni Pablo nang sabihin niya na siya ay nanganib sa mga pekeng kapatid. (2 Corinto 11:26) . Tulad ng aking sinabi iniingatan ko na wag maging mapanghusga, lalo pa naunawaan ko rin na meron din namang mga totoo, na nasa kalagayang depektibo pa o kaya marami pang dapat na matanggap na pagtutuwid mula sa Panginoon. Ngunit hindi maaaring pasubalian ang isang katotohanan- maraming peke sa kalipunan ng mga mananampalataya lalo na sa panahon ngayon, ang Bibliya mismo ang nagpapatunay dito. Ito ang aking obserbasyon, sa mga nagsasabing kristyano na nagbigay ng malungkot na karanasan sa akin, lumilihis sila sa dalawang bagay na ito: una sa pag-ibig ng Diyos (pagkahabag at malasakit sa kapatid), pangalawa sa kabanalan ng Diyos(pagiging matuwid ayon sa pamantayan ng Salita). Karaniwang magkasama itong tinataglay ng mga peke. Pero higit kong binibigyan ng diin ay ang pag-ibig sa kapatid. Parang pinipiga ang puso ko ng malaman ko ang daing ng isang kapatid nang ganito: "Alam mo may masaganang handaan kina Sister, an daming inimbita, e, kami na kalapit bahay lang nila hindi man lang inalok..."."Mas matamis ang pakikitungo niya sa mga hindi mananampalataya kaysa sa mga kapatiran." Sana inalam muna niya sa akin kung totoo yung tsismis sa akin sa halip na ipinagsasabi niya. Kung tunay siyang kapatid dapat pinagsabihan niya ako nang hayagan, sa halip na dagdagan pa ang kasiraan ko."
Naalala ko ang isang lingkod ng Diyos, si Elijah, dumadaing siya sa Panginoon, ang sabi niya wala ng natirang totoong lingkod ng Diyos, nagiisa na lang daw siya. Pero ang sabi ng Panginoon meron pa namang totoo na katulad niya.(1Hari19:14) Naniniwala akong madami pa ring totoong mananampalataya sa ngayon,at ang mga totoong ito ay ipinagiingat ng Diyos sa mga naglilipanang pekeng 'kapatid'. At ito ang aking napuna, ang mga totoo ay talagang interesado sa pagbabalik ng Panginoong Hesus. At ang mga bulaang ito ay pailalim na inihahayag ang 2Pedro3:4.
"Asan na ba yang sinasabi niyong darating si Hesus, ang tagal na niyan, a?!'
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento