Martes, Abril 30, 2013

PANGINOON HESUS, BILISAN MO ANG PAGBABALIK, HALIKA KA NA! (ni David Wilkerson)




   Sa aklat ng Pahayag, ibinalita ni Hesus, “Makinig kayo!” wika ni Hesus. “Darating na ako! Mapalad ang tumutupad sa mga hulang nilalaman ng aklat na ito!” (Pahayag 22:7). Pagkatapos ng limang talata sinabi ni Kristo, “Makinig kayo!” wika ni Hesus. “Darating na ako! Dala ko ang mga gantimpalang ibibigay sa bawat isa ayon sa kanyang ginawa!” (22:12).

   Narito ang mga pagsamo ng mga nakatinging umaasa sa pagbabalik ni Hesus: “Sinasabi ng Espiritu at ng babaing ikakasal. ‘Halika’” (22:17). Ito ay tumutukoy sa babaing ikakasal kay Kristo, na kumakatawan sa lahat ng mananampalataya na pumapailalim sa kanya. Ang lahat ng mga lingkod na ito ay muling-isinilang, nilinis ng dugo na mga mananampalataya.

   Maari mong itanong, “Nauunawaan ko na ito ang tangis ng puso ng mga mananampalataya. Ngunit bakit ang Espiritu ay tumatangis din kay Hesus, ‘Halika!’ Sapagkat ito ang huling panalangin ng Banal na Espirtu, alam na ang kanyang gawain sa sanlibutan ay malapit nang matapos. Katulad ni Pablo o Pedro na nasabihan ng Diyos na ang kanilang oras ay maiksi na, ang Espiritu ay tumangis din, “Halika, Panginoong Hesus.”

  Kaya, saan natin naririnig ang tangis ng Espiritu ngayon? Dumarating ito sa pamamagitan ng mga nakaupo kasama si Kristo sa mala-langit na kalagayan, na nabubuhay at naglalakad kasama ang Espiritu, ang kanilang katawan ang templo ng Banal na Espiritu. Tumatangis ang Espiritu at sa pamamagitan nila, “Bilisan mo, Panginoon, halika.”

    Kailan ang huling sandali na nanalangin ka, “Panginoon Hesus, bilisan mo ang pagbabalik, halika na”? Sa aking sarili, hindi ko matandaan ang panalangin na ganito. Hindi ko nalaman na maari kong madaliin ang pagbabalik ni Kristo sa pagpapaubaya sa Espiritu na idalangin ang panalanging ito sa pamamagitan ko. Gayunman si Pedro ay nagbigay ng katunayan ng di-kapani-paniwalang katotohanang ito: “Samantalang hinihintay ninyo ang Araw ng Diyos. Magsikap kayong mabuti upang madali ang pagdating ng Araw na iyon—araw ng pagkatupok ng kalangitan at pagkatunaw sa matinding init ng mga bagay na naroon” (2 Pedro 3:12). Sa Griyego, ang pariralang “pagmamadali…ang pagdating ng araw na iyon” ay nangangahulugan “na madaliin, patuloy na manghikayat.” Sinabi Pedro na ang mga umaasang mga panalangin natin ay nagmamadali, nagbubumilis, hinihikayat ang Ama na ipadala na ang kanyang Anak ng mabilisan.

   Ang mahabaging pagtitiyaga ng Panginon ay ang nagdidikta ng tamang pagkakataon ng kanyang pagbabalik. Kaya, nangangahulugan ba na hindi na natin ipapanalangin ang kanyang pagbabalik? Hindi, si Kristo mismo ang nagsabi sa atin, “Sapagkat sa panahong iyon ang mga tao’y magdaranas ng napakalaking kapighatiang hindi pa nararanasan mula nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, at hindi na mararanasan pa kahit kalian. Kung hindi paiikliin ng Diyos ang panahong iyon, walang maliligtas; ngunit alang-alang sa kanyang mga hinirang, paiikliin niya iyon” (Marcos 13:19-20). Isipin kung ano ang mangyayari kung, sa buong sanlibutan, ang ikakasal kay Kristo ay gigising at mananalangin sa Espiritu, “Hesus, halika.”








MAGING HANDA


MAGING HANDA (ni David Wilkerson)

       Sa Mateo 24 gumamit si Hesus ng parabola upang mangaral tungkol sa pagiging handa sa kanyang pagbalik: “Kaya maging handa kayo lagi, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na di ninyo inaasahan. Ang tapat at matalinong alipin ang siyang pinapamahala ng kanyang panginoon sa ibang mga alipin, upang bigyan sila ng kanilang pagkain sa karampatang panahon. Mapalad ang aliping iyon, kapag dinatnan siyang gumagawa ng gayon sa pagbabalik ng kanyang panginoon. Sinasabi ko sa inyo; pamamahalain siya ng kanyang panginoon sa lahat ng kanyang ari-arian.

     Ngunit kung masama ang aliping iyon, sasabihin niya sa sarili, ‘Matatagalan pa bago magbalik ang aking panginoon, at sisimulang bugbugin ang kanyang mga kapwa alipin, at makipagkainan at makipag-inuman sa mga lasenggo. Babalik ang panginoon ng aliping iyon sa araw na hindi niya inaasahan at sa oras na hindi niya alam. Buong higpit na parurusahan siya ng panginoon, at isasama sa mga mapag-paimbabaw. Doo’y tatangis siya at magngangalit ang kanyang mga ngipin” (Mateo 24: 44-51).

Itala na si Hesus ay nangungusap tungkol sa mga lingkod dito, pakahulugang mga mananampalataya. Isang alipin ay tinawag na tapat at isa ay masama. Ano ang dahilan bakit tinawag na masama ang huli sa mata ng Diyos? Ayon kay Hesus, ito ay isang bagay na “sasabihin niya sa kanyang puso” (24:48). Ang aliping ito ay hindi nagsasabi sa kanyang isipan at hindi niya ito ipinangangaral. Ngunit iniisip niya ito. Ipinagbili niya ang kanyang puso sa mala-dimonyong kasinungalingan, “Ipinagpaliban ng Panginoon ang kanyang pagbabalik.” Pansinin hindi niya sinabi, “Ang Panginoon ay hindi darating,” ngunit ipinagpaliban niya ang pagbalik.” Sa ibang salita, “Si Hesus ay hindi biglaang darating o kaya’y hindi inaasahan. Hindi siya babalik sa aking panahon.”

Ang “masamang aliping ito” ay malinaw na isang uri ng mananampalataya, marahil isa sa ministeryo. Siya ay inutusan na “magbantay” at “maging handa,” “sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaasahan” (Mateo 24:44). Gayunman ang lalaking ito ay pinagaan ang kanyang budhi sa pagtanggap ng kasinungalingan ni Satanas.


    Ipinakita ni Hesus sa atin ang bunga ng ganitong uri ng pag-iisip. Kapag ang isang alipin ay naniniwala na ipinagpaliban ng Panginoon ang kanyang pagbabalik, kung gayon ay wala siyang nakikitang dahilan upang mamuhay na matuwid. Hindi niya kailangan na makipag-isa at mamuhay ng mapayapa kasama ang kapwa alipin. Hindi niya nakikita ang pangangailangan na mapag-ingatan ang pagkaka-isa sa kanyang tahanan at trabaho, sa iglesya. Maari niyang pagmalupitan ang kapwa alipin, akusahan sila, magtanim ng sama ng loob, siraan ang kanilang puri. Katulad ng sabi ni Pedro, ang lalaking ito ay dinadala ng kahalayan. Nais niyang mamuhay sa dalawang mundo, ang mamuhay na makasalanan habang naniniwala na siya ay ligtas mula sa makatuwirang paghuhusga.

ANG NALALAPIT NA PAGDATING NI KISTO


     ANG NALALAPIT NA PAGDATING NI KISTO 
(ni David wilkerson)

  Isinulat ni Pablo, “Tungkol naman sa pagparito ng ating Panginoong Hesu-Kristo at sa pagtitipon niya sa atin, ipinamamanhik namin sa inyo, mga kapatid, na huwag kayong magugulat agad o mababahala sa balitang dumating na ang Panginoon” (2 Tesalonica 2:1-2).

Ipinakikita ng mga mangungutya, “Nakita ninyo, mayroon sa mga naunang iglesya ang yumanig sa mga mananampalataya na may pahayag na si Kristo ay padating na. At sinabi ni Pablo sa kanila, ‘Hindi, huwag kayong mag-alala tungkol dito. Huwag ninyong hayaang makabahala o makabalisa ito sa inyo.’”

Ngunit hindi iyon ang isiniwalat ng orihinal na Griyego. Ang ugat na salita ay “[huwag mayanig]…na ang araw ng Diyos ay dumating na.” Ang nakabahala sa mga taga Tesalonica ay yaong inisip nilang si Kristo ay dumating na at ito ay di nila nakita. Muling tiniyak ni Pablo sa kanila sa sumunod na kapitulo, “Sa anumang paraan, huwag kayong padadaya kaninuman. Ang araw ng Panginoon ay hindi darating hangga’t di nagaganap ang huling paghihimagsik laban sa Diyos at ang paglitaw ng Suwail, ang itinalaga sa walang katapusang kaparusahan” (2:3). Si Pablo ay nangungusap lamang sa kanilang mga takot nang sinabi niya , “Huwag kayong mag-alala sapagkat mayroon munang dalawang bagay na dapat mangyari.”

Kaya, ano ang pangunahing teolohiya ni Pablo sa tungkol sa pagdating ni Kristo? Natagpuan natin ito sa dalawang daanan: “Dapat ninyong gawin ito sapagkat alam ninyong panahon na upang gumising kayo sa pagkakatulog. Ang paglilgtas sa atin ay higit na malapit ngayon kaysa noong tayo’y magsimulang manalig sa kanya” (Roma 13:11-12). “Ipadama ninyo sa lahat ang inyong kagandahang loob. Malapit nang dumating ang Panginoon” (Filipos 4:5). Si Pablo ay tumangis, “Gumising kayo! Lampas na ang hating-gabi. Ang pagdating ni Kristo ay malapit na, kayat gumising kayo. Huwag kayong maging batugan. Si Hesus ay darating para sa mga umaasa sa kanya.”

Maaring tanungin ng mga mapangila, “Ngunit paano ang mismong salita ni Pablo? Sinabi niya na may dalawang bagay na dapat munang mangyari bago dumating si Kristo. Una, hindi darating si Kristo hanggang hindi nangyayari ang matinding pagbalikwas. Pangalawa, ang anti-Kristo ay babangon muna at ihahayag ang sarili na siya ang Diyos. Kailangang makita natin ang anti-Kristo na nakaupo sa templo, hinihingi na siya ay sambahin, bago dumating si Hesus.”

Bago ang lahat, kailangang munang payag kang magbulag-bulagan upang hindi makita ang nagngangalit na pagbalikwas ay mahigpit na nakahawak sa sanlibutan. Kawalan ng pananalig ay tumatagas sa gitna ng mga nasyon, na ang mga mananampalataya ay nahuhulog palayo sa pananalig sa lahat ng kapaligiran. Ang pagbalikwas na binanggit ni Pablo ay maliwanag na dumating na.

Maaring sabihin ng iba, “maliwanag na sinabi ni Pablo na hindi darating si Hesus hanggang wala ang anti-Kristo sa kapangyarihan.” Isa-alang-alang ang sinabi ng Kasulatan: “Sino nga ang sinungaling? Hindi ba ang tumatangging si Hesus ang Kristo? Ito nga ang anti-Kristo: ang ayaw kumilala sa Ama at Anak” (1 Juan 2:22). Ayon kay Juan, ang anti-Kristo ay ang itinatanggi ang Ama at Anak. At higit pa, sinabi niya, ang pagdami ng mga anti-Kristo ay patunay na tayo ay namumuhay sa mga huling-araw. Sa madaling sabi, wala nang maaari pang pumigil  sa pagbabalik ni Kristo!



Seryosong Lingkod ng Diyos


      Dalawang taon na ang lumipas,  ang bansang America ay nawalan ng isang maituturing ko na namumukod-tanging  lingkod ng Diyos na seryosong nangaral patungkol sa katuwiran ng Diyos at pagpapaunawa ng kalagayan ng huling kapanahunan lalo na sa pag-aabang sa pagbabalik ng Panginoong Hesus. Abril 11, 2011 nang siya ay umuwi na sa Kanyang pinakaaabangang Manunubos. Nais kong itampok ang ilan sa kanyang mga lathalain patungkol sa pagbabalik ng Panginoong Hesus.


ANG PAGDATING NI JESUS
(ni David Wilkerson)
Naniniwala ako na malapit nang dumating si Jesus. Nakikita natin ang mga bansa ay nagtitipon laban sa Israel. Ang mga pangyayari ay mabilis na patungo sa Armageddon.

“Kapag nakita ninyo ang lahat ng ito, malalaman ninyong malapit na ang pagdating ng Anak ng Tao, talagang malapit na” (Mateo 24:33).​

“Ngunit walang nakakaalam ng araw at oras ng pagsapit niyon, kahit ang mga anghel sa langit o maging ang Anak man. Ang Ama lamang ang nakakaalam nito” (t. 36).

Ang lahat ng senyales ay nakatutok sa digmaan sa Gitnang Silangan laban sa bansang Israel. Mula sa mga kaguluhan sa mga bansang Arabo ay magkakaisa ang mga ito para puksain ang Israel. Tayo ay nakamasid sa katuparan ng mga hula na ating ipinangaral sa maraming taon na.

Yaong mga nakakaalam ng Kasulatan ay mayroong panloob na kamulatan ng Espiritu Santo sa pagababalik ng Panginoon. Naririnig ang pagtawag ng Espiritu Santo na namamahay sa atin na, dumadaing, “Panginoong Jesus, bumalik ka na.” sinabi ni Jesus.

“Kaya't maging handa kayo dahil hindi ninyo alam kung kailan darating ang inyong Panginoon” (t. 42).

“Kaya't lagi kayong maging handa, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo nalalaman” (t. 44).

“Mapalad ang aliping iyon kapag dinatnan siyang tapat na naglilingkod sa pagbabalik ng kanyang Panginoon” (t. 46).

Mga minamahal, nadarama ba ninyo—namamalayan ba ninyo—na ito na ang mga huling araw? Nakikibahagi ba kayo pananabik sa kanyang pagbabalik?

Tumingin sa itaas; ang ating katubusan ay nalalapit na!

Miyerkules, Abril 24, 2013

Mag-aliwan Tayo sa Katotohanang Babalik na Ang Panginoong Hesus

     Naniniwala akong seryoso si Pablo sa kanyang ipinapagawa sa mga mananampalataya na sila ay mag-aliwan sa katotohanang babalik na ang Panginoong Hesus. (I Tesalonica 4:18) Sa palagay ko hindi lang ito isang suhestiyon sa panahong wala nang maisip gawin ang mga mananampalataya. Sa halip ito ay isang mahalagang payo o paghihikayat at isa ring pananagutan sa kapwa kapatid. Nararapat nga naman, na tayo bilang magkakapatid,ay maging daluyan ng kaaliwan(kasiyahan) at pagpapala sa kapwa kapatid. Bigyan natin sila ng kaaliwan sa halip na kabigatan o sakit ng kalooban. Napakadaming dahilan kung bakit may kaaliwan sa pagbabalik ng Panginoong Hesus, may ilan akong babanggitin, dalangin ko na may mabigyan akong kaaliwan:

        *  Nang magpasya tayong magsuko ng buhay ka Hesus, simula na ito na tayo ay kamumuhian ng sanlibutan. sabi nga ng Bibliya kung taga sanlibutan pa ang sinuman, mamahalin siya nito at kung hindi na siya taga-sanlibutan kamumuhian na siya nito.  Ang sabi sa 2Timoteo3:12, ang sinumang namumuhay ng matuwid kasama si Hesus ay uusigin. Sa pagbabalik ni Hesus, wala ng aapi sa atin kasabay nito parurusahan ang mga umapi sa atin. Masaya di ba?

       *  Nang iniligtas tayo ng Panginoong Hesus, naiba na ang ating pagkamamamayan (citizenship). Sabi ng Bibliya tayo ay mga dayuhan na sa mundong ito. Pinakamasarap nang sandali sa isang nasa ibang bayan ang siya ay magbalikbayan doon sa langit na tunay nating tahanan.

      * Tiniyak ng Salita ng Diyos na may gantimpala ang lahat nating pagpapagal para sa Panginoong Hesus. Mayroon pa ngang koronang binabanggit! Di ka ba nananabik kung anong hitsura ng mansiyon na itinayo ni Hesus para sa iyo? Ang linaw ng pangako Niya, pagnatapos na ang titirahan natin, babalik na Siya. Nararamdaman ko halos tapos na iyon babalik na Siya.

      * Dalawang kapamaraanan lang para makalipat tayo mula sa mundong ito papunta sa kaharian ng ating Panginoon. Kung papapiliin tayo, siyempre, hindi pisikal na kamatayan ang pipiliin natin kundi ang "rapture" {ang pagbabalik ni Hesus). Sabagay wala na ang takot sa kamatayan ang mga totoong napatawad pero meron kasing kamatayan na masakit o mahapdi, mabuti kung bigla. Napakaganda kung babalik na si hesus, di na natin makikitang ilalagay sa kabaong ang mga mahal natin sa buhay sa halip kasama silang dadagitin ng Panginoong Hesus. Matibay ang pangako Niya, kung tayo ay mananalig kasamang maliligtas ang mga mahal natin sa buhay. (Gawa 16:31)

    Ipagpapatuloy ko ang iba pang dahilan kung bakit may kaaliwan sa pagbabalik ng Panginoon sa susunod na araw. Gusto ko munang aliwin kayo sa  video na ito.



Martes, Abril 23, 2013

Ang Pambihirang Hiwaga ng Pagbabalik ng Panginoong Hesus


       Sa natural na pag-iisip, napakahirap ngang paniwalaan na Ang Hesus ng Bibliya ay babalik. Mas madali kasing maniwala sa isang pangyayari kapag naganap na kaysa magaganap pa lamang. May mga pangyayari sa Bibliya na talagang naganap na at kapag ito ay napag-uusapan ay bihira naman ang nagdududa. Inilahad ng Bibliya ang unang pagkakagunaw ng mundo sa pamamagitan ng baha. Bagamat kataka-taka ang pangyayaring yun ngunit wala pa naman akong narinig na nagsasabing hindi totoong nangyari ang dakilang baha na iyon kung saan namatay lahat ng tao sa mundo at tanging pamilya ni Noah ang naligtas. Dahil na rin siguro sa mga natagpuang labi ng arko na hanggan ngayon ay nasa bundok ng Ararat,ito ay natuklasan sa ekspedisyon ng mga Amerikano nung taong 1949.     

 
   Pambihirang kaganapan yon sa mahiwagang kapamaraanan ng Diyos, kumbinsido ang marami sapagkat naganap na nga. E paano kung nagkataon na meron ulit propesiya sa Bibliya na pangalawang arko na gagawin ang isa pang katulad ni Noah sa henerasyong kasalukuyan? Seseryosuhin kaya ng marami, samantalang magaganap pa lang ito? Wala ng pangalawang arko na inihahayag ang Bibliya, ngunit may ipinauuna ang Salita ng Diyos na MAS MAHALAGA PA SA ARKO NI NOAH na dapat paghandaan at pakinabangan ng maraming tao na nagnanais na maligtas. Salamat na lang na sa buong buhay ko ay wala pa akong narinig na nagduda kung talagang may isang Hesus na nagpakasakit hanggang sa mamatay sa krus ng kalbaryo doon sa Jerusalem. Halos buong mundo ay nabigyan ng impormasyon na ang Hesus na ito ay namatay upang akuin ang kasalanan ng mundo at sa ika-3 araw ay muling nabuhay at may mga nakakitang Siya ay umakyat sa langit. 


   Pambihirang pangyayari ito! Pero walang nagpasubali o nag-alinlangan sa nangyaring ito. Halos lahat ay kumbinsido. Ito ay dahil madaling paniwalaan ang mga naganap na lalo pa't may mga pisikal na ebidensiya. Pero meron akong naunawaan-bagamat nalalaman ng sangkatauhan ang pangyayari sa krus ng kalbaryo at kahit wala namang kumukwestiyon kung talagang nangyari ito, ay wala namang totohanang pagpapahalaga ang marami. Walang interes o pagpapahalaga sa krus ng Panginoong Hesus Hesu-Kristo at ang Biblia mismo ang nagsabi sa Filipos 3:18:
         "Marami ngayong namumuhay bilang mga kaaway ng krus ni Hesu-Kristo!"


    
    Ang mga babalang ito ang madalas na inuuli-ulit ni Pablo sa mga pinamamalasakitan niya, at may kasama pa itong pagluha! Taglay ni Pablo ang matinding bigat ng damdamin na sa kabila ng kadakilaan ng pagpapakasakit ng Manunubos ay babalewalain lang ito ng nakararami. Kung ang dakilang pag-ibig na naipamalas sa krus ng kalbaryo ay na isasantabi, at wala ring interes sa mahiwagang muling pagkabuhay at pag-akyat sa langit ng Mesias, paano pa kaya magkakainteres sa isang nakatakdang magaganap na pagbabalik ng Panginoong Hesus? 

     Ano nga bang HIWAGA ang kalakip sa magaganap na pagbabalik ng Panginoong Hesus?
   Mangyayari sa mga tunay na mananampalataya (mga banal na nagmamahal sa Panginoong Hesus) ang naganap kina Enoch (Genesis5:24) at Elias (2Hari2:11). Naitala sa Bibliya ang dalawang lingkod ng Diyos na hindi dumanas ng pisikal na kamatayan sa halip, mahimala silang kinuha ng Diyos sa mundong ito at inilipat sa eternal na kaharian ng Diyos. Ang hiwagang ito ay tinatawag na pagdagit o mas kilala sa salitang English na 'rapture'. Karaniwang lumilipat mula sa mundong ito ang mga banal patungo sa kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng kamatayan, ngunit ibang-iba ang magaganap kapag dumating na ang Panginoong Hesus, ito ay biglaan at palihim. Magugulat na lang ang marami sa biglang pagkawala ng mga seryoso at totoong nagmamahal kay kristo. Pagbulay-bulayan natin ang mga batayang ito sa Banal na Bibliya:

     "Sa panahong iyon, may 2 lalaking gumagawa sa bukid, kukunin ang isa at iiwan ang isa. May 2 babaing magkasamang gumigiling; kukunin ang isa at iiwan ang isa. Kaya magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam kung anong araw paririto ang inyong Panginoon."
(Mateo24:41-42)

      "Pakinggan ninyo ang hiwagang ito; hindi mamamatay ang lahat, ngunit lahat tayo ay babaguhin sa isang iglap, sa isang kisap-mata, kasabay ng huling tunog ng trumpeta ang mga patay ay muling bubuhayin at di na muling mamamatay. Babaguhin tayong lahat sapagkat itong katawang nabubulok ay dapat mapalitan ng katawang hindi mabubulok o mamamatay." 
(1Corinto15:51-53)

      "Ito ang aral ng Panginoon na sinasabi namin sa inyo: pagparito ng Panginoon, tayong mga nabubuhay ay hindi mauuna sa mga namatay na. Sa araw na yaon, kasabay ng malakas na utos, ng tinig ng arkanghel, at ng tunog ng trumpeta ng Diyos, bababa ang Panginoon mula sa langit. Bubuhayin muna ang mga namatay  na nananalig kay Cristo. Pagkatapos, tayong mga nabubuhay pa ay titipunin niya sa ulap at isasama sa mga binuhay upang salubungin sa papawirin ang Panginoon. sa gayon ay makakapiling Niya tayo magpakailanman. Kaya nga MAG-ALIWAN kayo sa pamamagitan ng aral na ito." (I Tesalonica 4:15-18)

      Nais kong talakayin ng mas detalyado pa ang malalim na hiwagang ito patungkol sa pagbabalik ng Panginoong Hesus sa mga susunod kong ibabahagi. 
    Pero dadalhin ko muna sainyo ang isang aralin mula kay Bluemo, inilathala niya sa Web noong 10 November 2011. 
  
   RAPTURE - (Hiwaga ng Pagpapalit ng Katawang Panlupa)The mistery of body change
     Si Kristo ay isang halimbawa ng mga kaganapang paparating. Nang siya ay nabuhay na maguli, ang kanyang katawan sa libingan ay hindi natagpuan nang ikatlong araw. Ito ay isang pangyayari na nagpapakita at nagpapatotoo na may pagbangong muli mula sa mga patay. Kung ito ay hindi naganap sa Panginoong Hesus, ano ang ating pag-asa sa ating pananampataya? Ibig sabihin, ang pagkabuhay ng ating Panginoon ay ating pag-asa na kung tayo ay mamatay sa ating pananampalataya sa kanya ay mayroon tayong panibagong buhay.
Ating tingnan sandali hindi ang kanyang pagkabuhay kundi ang anyo ng kanyang katawan nang siya ay nagpakita sa kanyang mga alagad. Ang katawan ng ating Panginoon ay kakaiba sa normal na katawan ng tao. Ito ay hindi na muling magkakaroon ng kamatayan sapagkat ito'y nasa imortal na anyo. Ang tawag dito ay Katawang may kaluwalhatian (GLORIFIED BODY).
Kung ating pag-aaralan, hindi lang ang ating Panginoon ang muling nabuhay nang araw na iyon sapagkat nang Siya ay namatay, ang kanyang Espiritu ay dumako sa kalaliman ng lupa kung saan siya'y nangaral sa mga espiritung bilanggo doon sa tinatawag na "abraham's bossom".
 Ang Abraham's bossom ay lugar kung saan ang mga matutuwid na namamatay sa lumang tipan mula kay adan hanggan bago mamatay si Kristo ay tumutungo doon at naghihintay ng katubusan. Kaya nga nang dumating ang ating Panginoon, sa kaniyang kamatayan naganap ang katubusan ng mga banal sa Lumang tipan sapagkat Siya'y nangaral doon. Ang mga nasa lumang tipan ay mga tao na nabuhay sa katuwiran ng Diyos, subalit ang mga nasa bagong tipan ay mga tao na nabuhay sa pananampalataya kay Kristo. Kaya't ang dalawang tipan ay tinubos ng Isang Kristo lamang.
Nang ang ating Panginoon ay nabuhay, ang mga libingan ay nangabuksan at ang mga bihag (banal) ay kasama Niyang nangabuhay na mag-uli at umakyat sa kalangitan. Ito ang unang bahagi ng Rapture.
Ang Pangalawang bahagi ng Rapture ay magaganap sa Iglesia (kalipunan ng mga mananampalataya), ito'y mga banal na tao na sumasampalataya sa mga salita ng ating Panginoon. Ang Panginoon ay umakyat sa langit ngunit may pangakong magbabalik para kunin ang Iglesia na kung tawagin ni Apostol Pablo ay kasintahan ng ating Panginoon. Sa paanong paraan ito magaganap??
 Sa mga sulat ni Apostol Pablo sa 1 Corinto 15:12-58 at 1 Tesalonica 4:13-18 ay kanyang inihayag kung paano ito magaganap. Sa una ipinakita niya na may katawang nabubulok at hindi nabubulok, katawang makalangit at katawang makalupa, katawang may kasiraan at katawang walang kasiraan. Ang katawang panlupa ay hindi maaaring umakyat sa langit dahil hindi ito maaaring umangat sa lupa at mangangailangan ito ng mga kagamitan pang kalawakan. Ngunit anong uri ng katawan mayroon ang panglangit? Gaya nang kay Kristo na nakalalagos maging sa mga pader, makalalakad sa tubig at sa isang iglap ay makararating kung saan niya ibig; (teleport) higit sa lahat makapapasok sa kalangitan.
Ipinahayag din ni Pablo na ang pagdating ng Panginoon ay may sigaw, tinig ng Arkanghel at Tunog ng Pakakak.
Ang SIGAW ay mensahe ng paghahanda. Ito ay mensaherong nagbibigay ng warning sa pagdating ng ating Panginoon. Sa unang pagdating ng Panginoon sa lupa ay may SIGAW SA ILANG na naghanda sa daan ng KORDERO ng Diyos. Sa muling pagbabalik ng Panginoon ay mayroong ding Sigaw ng paghahanda katulad sa talinghaga ng sampung dalaga. Ang sigaw na ito ay SIGAW SA HATINGGABI. Ito ay mensahe PAGLABAS (called-out) ng kanyang tunay na Iglesia sa mga sistema ng Relihiyon at PAGHAHANDA sa pagbabalik ng ating Panginoon na walang dungis at kapintasan (virgin).
Ang Tinig ng Arkanghel ay mensahe ng Panginoon sa pagbubukas ng mga misterong nakatago sa kanyang mga salita (Bible) at ito'y ihahayag lamang sa kanyang kasintahan (the virgin church ). Ang mensaheng ito ay kamangmangan sa mundo sapagkat hindi nila ito maiintindihan. Sila'y titingin ngunit hindi makakakita at makikinig ngunit hindi makakaunawa dahil sa paglawak ng mga haka ng tao. Ito'y para lamang sa kaniyang Iglesia. Ang iglesia ay hindi isang organisasyon kundi mga indibiduwal na tinatawag palabas sa katuwiran at pilosopiya ng tao patungo sa Katotohanan at Katuwiran ng mga salita ng Diyos. Ang tunog ng Pakakak ay huling mensahe sa Iglesia. Ito ay hindi literal na tunog. Ito ay mensaheng magbabago sa katawan ng mga taong may tunay na pananampalataya. Kapag ang huling trumpeta ay tumunog na, ang mga namatay kay Kristo ay magbabagong walang kasiraan, ibig sabihin ay may kaluwalhatiang katawan gaya ng katawan ng ating Panginoon (glorified body) sa kanyang pagkabuhay na maguli. At kung ang mga namatay ay nabuhay na maguli, ang mga nabubuhay sa pananampalataya na dinatnan ng Panginoon ay magkakaroon ng pagbabagong katawan na may kaluwalhatian. Mauunang babaguhin ang mga namatay at susunod ang mga nabubuhay. Hindi sila sabay sa pagbabagong katawan ngunit sabay silang aangat sa lupa upang salubungin ang Panginoon sa Alapaap ng konseptong unang aakyat sa alapaap ang mga namatay at susunod ang mga nabubuhay ay maling kaisipan sapagkat ang rapture ay misteryo ng pagbabagong katawan. Kapag ang mga namatay at nabubuhay ay pareho nang may katawang maluwalhati (glorified body) sila'y sabay na aangat sa lupa upang salubungin ang ating Panginoong Hesus katulad ng lalaking naghihintay sa babaeng ikakasal. "The bridegroom and the bride."

Lunes, Abril 22, 2013

Ang Aking Maling Akala





     Tunay na pambihirang  pagkakamulat ang naganap sa akin nang ako ay mahango sa maling paniniwala kasabay ng pagkakaunawa na ako ay tumanggap na ng kaligtasan dahil sa pananalig sa totoong Hesus. Anumang oras na lisanin ko ang mundong ito ay meron na akong katiyakan na hindi na ako ibubulid sa apoy ng impyerno sa halip ang destino ko ay doon na sa maluwalhating kaharian ng Panginoong Hesus.
     Nag-iba na rin ang aking pananaw. Iba na rin ang kalipunan ng mga sinasamahan ko sa pagsamba na ang katawagan ay mga "born-again christian". Agad kong nakita sa kanila ang malaking kaibahan. Mapalad ako sapagkat ang mga nauna kong nakahalubilo ay talagang mga maaamo at mapagpakumbabang mananampalataya. Totoo ang pakikitungo at agad mararamdaman ang pagmamahal at pagmamalasakitan. Ang ganda ng aking pakiramdam kapag kasama ko sila na ang kagalakan ay katulad din ng kasiyahan ko; ang manalangin, magbulay-bulay ng Salita ng Diyos, magpuri at sumamba sa buhay na Diyos. Malayong-malayo sa mga dati kong kasama sa lumang paniniwala. Wala  sa kanila ang pagiging mga palamura, mayayabang, sinungaling, mapang-alipusta o mapagpaimbabaw. Tanging sa mga kamananampalataya na lang ako nakikipagpalagayang-loob. Kagalakan ko na ang makipag-isa sa mga katulad kong nagsuko ng buhay sa Panginoong Hesus. Kung kaya inakala ko na ang mga bago kong kasama sa 'born-again christian fellowship' ay lahat totoong kristiyano. Mga katulad kong binago na rin ng Panginoon na ang dalawang katangian ay ang magmahal na lamang sa Dios at magpakatino o layuan ang kasalanan.  Habang lumalalim ako sa pananampalataya, may unti-unti akong natuklasan, kasabay ng pagkakaunawa ko ng mga sumusunod na talata:
  
     "Hindi lahat ng tumatawag sa akin ng 'Panginoon, Panginoon!' ay papasok sa kaharian
      ng langit, ngunit kundi yaon lamang na sumusunod sa kalooban ng aking Amang  nasa
      langit." (Mateo7:21)

     "Mag-ingat kayo sa mga bulaaang propeta, nagsisilapit sila sa inyo na animo'y maaamong 
      tupa, ngunit ang totoo'y mababangis na asong-gubat!" (Mateo7:15)

      "Hindi ito dapat pagtakhan! Sapagkat si satanas man ay maaaring magkunwaring anghel
       ng kaliwanagan. Kaya hindi katakatakang magkunwaring lingkod ng katwiran ang mga
       lingkod ng diablo." (2Corinto 11;14-15) "...Ako'y nasuong sa panganib sa mga
       mapagkunwaring kapatid..." (2Corinto 11:26)

      "Sa inyo naman ay may lilitaw na mga bulaang guro. Gagamitan nila ng katusuhan ang
      pagtuturo ng mga aral na makasisira sa inyong pananampalataya..." (2Pedro2:1)

       "Sapagkat nakasalingit sa inyo(mga maka-Diyos) ang ilang taong walang Diyos at ang
        kaloob ng Diyos ay ginagamit sa kamunduhan." (Judas4)

     Sinisikap kong ako'y huwag mahuhulog sa panghuhusga sa kapwa ko kristiyano ngunit hindi ko maaaring isantabi ang Salita ng Diyos,  sa IJuan4:1- 
    "Mga minamahahal huwag ninyong paniwalaan agad ang nagsasabing sumasakanila ang Espiritu. Sa halip subukin muna ninyo kung mula sa Diyos ang espiritung sumasakanila, sapagkat marami nang bulaang propeta ang lumitaw sa sanlibutang ito."  
     Lalo pa may mga kakaibang karanasan na rin ako sa mga inaakala kong kamananampalataya. Madaming pagkakataon na ako'y nag-abot ng tulong sa mga 'kapatid' na ngangailangan, ngunit nalaman kong sila pala ay nananamantala lamang at meron pang sa kabila ng pagdamay na naigawad ay nagagawa pang manira. Kung sabagay ang tulong na naibigay sa kanila ay totoong sa Diyos ko ginawa, ngunit kung naging matalino lamang ako ay merong mas karapat-dapat na nakinabang sa mga nakuha sa akin. Ang lubos ko ring ipinagtataka meron akong nakahalubilo na 'kristyano' daw ngunit hindi maipagkakaila ang ipinapakitang mabigat na kalooban, umaabot sa puntong nasusuklam sa hindi ko malamang kadahilananan. Hindi na rin mabilang ang mga nakilala ko na may ibang pananaw sa Salita ng Diyos kung kaya maging ang pamantayan nila sa buhay ay iba sa natutunan ko mula sa Panginoon. Unti-unti kong nauunawaan ang isang panganib kapag kaagad mong sinasang-ayonan ang nagpapakilalang mananampalataya rin. May mahigpit na pamantayan ang katuwiran ng Diyos at ito ay hindi pwedeng ikompromiso ngunit dahil na rin sa pailalim na impluwensiya ng mga nagsasabing 'kristiyano' ang pamantayan ng Dios ay maaaring masalaula. Akalain ko bang maririnig ko sa kalipunan ng mananampalataya ang katulad nito, "Walang masama sa pag-inom ng alak, wag lang magpakalasing!". May mga pagkakataon na matapos akong makipaghalubilo sa isang kalipunan ng mga mangangaral ay para bang nagkaroon ako ng 'pananabik' sa mga bagay na itinakwil ko na. At napagtanto ko, nagkulang ako ng panalangin at pagpapabalot ng espirituwal na proteksiyon, lalo na ng dugo ng Panginoong Hesus, kung kaya nasagap ko ko at naapektuhan sa mga kinahihiligan ng mga ito. Lubhang napakadelikado na nga ng kapanahunan ngayon, mas delikado pa sa panahon ni Pablo nang sabihin niya na siya ay nanganib sa mga pekeng kapatid. (2 Corinto 11:26) . Tulad ng aking sinabi iniingatan ko na wag maging mapanghusga, lalo pa naunawaan ko rin na meron din namang mga totoo, na nasa kalagayang depektibo pa o kaya marami pang dapat na matanggap na pagtutuwid mula sa Panginoon. Ngunit hindi maaaring pasubalian ang isang katotohanan- maraming peke sa kalipunan ng mga mananampalataya lalo na sa panahon ngayon, ang Bibliya mismo ang nagpapatunay dito. Ito ang aking obserbasyon, sa mga nagsasabing kristyano na nagbigay ng malungkot na karanasan sa akin, lumilihis sila sa dalawang bagay na ito: una sa pag-ibig ng Diyos (pagkahabag at malasakit sa kapatid), pangalawa sa kabanalan ng Diyos(pagiging matuwid ayon sa pamantayan ng Salita). Karaniwang magkasama itong tinataglay ng mga peke. Pero higit kong binibigyan ng diin ay ang pag-ibig sa kapatid. Parang pinipiga ang puso ko ng malaman ko ang daing ng isang kapatid nang ganito: "Alam mo may masaganang handaan kina Sister, an daming inimbita, e, kami na kalapit bahay lang nila hindi man lang inalok..."."Mas matamis ang pakikitungo niya sa mga hindi mananampalataya kaysa sa mga kapatiran." Sana inalam muna niya sa akin kung totoo yung tsismis sa akin sa halip na ipinagsasabi niya. Kung tunay siyang kapatid dapat pinagsabihan niya ako nang hayagan, sa halip na dagdagan pa ang kasiraan ko."  
    Naalala ko ang isang lingkod ng Diyos, si Elijah, dumadaing siya sa Panginoon, ang sabi niya wala ng natirang totoong lingkod ng Diyos, nagiisa na lang daw siya. Pero ang sabi ng Panginoon meron pa namang totoo na katulad niya.(1Hari19:14) Naniniwala akong madami pa ring totoong mananampalataya sa ngayon,at ang mga totoong ito ay ipinagiingat ng Diyos sa mga naglilipanang pekeng 'kapatid'. At ito ang aking napuna, ang mga totoo ay talagang interesado sa pagbabalik ng Panginoong Hesus. At ang mga bulaang ito ay pailalim na inihahayag ang 2Pedro3:4. 
   "Asan na ba yang sinasabi niyong darating si Hesus, ang tagal na niyan, a?!' 
      

     

Ang Nagpapatunay na Totoo ang Hesus na Taglay





     Narito tayo sa panahon na puno ng mga imitasyon (panggagaya sa orihinal) o mga pekeng bagay. Karaniwan ay hirap matukoy kung alin nga ba talaga ang totoo o alin ang peke. Karaniwang indikasyon ng mga totoo o orihinal ay mataas ang halaga o ito ay mahal. Kung kaya ang ilang tusong negosyante ay tinataasan ang presyo ng kanyang pekeng paninda upang akalain ng mamimili na ito ay orihinal. May ilan din naman na kuntento na rin kahit alam niyang imitasyon lang ang kanyang nabili at ang katwiran ay hindi naman siya nahirapan na magkaroon nito. At sa katwirang ito marami ang napapanatag o kuntento na kahit ang tinatangkilik niya ay peke. Ang silbi ng mga pekeng produkto ay panandalian at madalas ito ay may dulot na panganib o perwisyo at sa larangang espirituwal hindi maaari ang imitasyon sapagkat tiyak na kapahamakan ang hatid nito at ang perwisyo ay magpasawalanghanggang kaparusahan sa apoy ng impyerno.



    Ang tusong diablo na siyang may akda ng lahat ng pamemeke at kasinungalingan ay aktibong kumikilos ngayong huling kapanahunan. Kaya nga nagbabala ang Bibliya na maging ang mga hinirang (yaong mga totoong nanalig at tumanggap kay HESUS) ay pagtatangkaang dayain ng diablo. (Mateo 24:24, 2 Tesalonica 2:10). Gustong ialok ng diablo ang pekeng 'hesus' at ang malungkot na katotohanan AY nagtatagumpay siya sa larangang ito. Marami sa ngayon ang kuntento, tumatawa, humahalakhak kahit hindi totoong Hesus ng Bibliya ang taglay nila.
  
    Madaling makakita ng pekeng hesus. Ngunit pahirapang matagpuan ang Totoo. Bakit nga ba? Ang kasagutan ay nasa 2 Corinto 4:4.  "Hindi sila sumasampalataya (sa tunay na HESUS) sapagkat ang kanilang isip ay binulag ng diablo. Sila'y binulag nito upang hindi nila makita ang liwanag ng Mabuting Balita (ebanghelyo ng kaligtasan) tungkol sa kaningningan ni Cristo na Siyang larawan ng Diyos."  Gagawin lahat ng diablo mahadlangan lang ang sinuman na kilalanin at tanggapin ang tunay na Tagapagligtas. Ngunit hindi nagpabaya ang napakabuting Diyos. Alam Niya na may kaunting bilang na hindi makukuntento sa "diyos" na tinataglay ng nakararami. Maliit na bilang na maghahanap sa TOTOONG HESUS."Ang maghahanap ay makakasumpong!"(Mat.7:7) 


    Kaya't ang panawagan  ng Isaiah 55:6- "Hanapin na ang Panginoong Diyos habang maaari pa Siyang matagpuan, tawagin na Siya habang malapit pa!" Ang totoong Hesus ay maaari pang matagpuan hangga't ang sinuman ay hindi pa inaabutan ng kamatayan. May pagkakataon pa hangga't hindi pa nagaganap ang kanyang muling pagparito. Alang-alang sa kaunting maghahanap sa Totoong Hesus, at upang hindi magkamali ang mga hinirang, si Hesus NA SIYAng KATOTOHANAN  ay isinugo ang Espiritu ng KATOTOHANAN (ang Banal na Espiritu) para sa kapakanan ng tunay Niyang bayan. Ang sabi ng Panginoong Hesus sa Juan 16:7- "Kinakailangan kong umalis nang sa gayon AY maisugo ko sa inyo ang Banal na Espiritu para sa inyong ikabubuti!"

    Unawain natin ang dakilang kapamaraanan ng Diyos. Ayon sa Bibliya, walang ibang literal na bayan ng Diyos kundi ang Israel. At sinumang isinilang mula sa lahi ni Abraham ay kabilang sa mga anak ng Diyos. Ipinangangalandakan ng mga Israelita o mga Hudyo na ang Diyos ang kanilang Ama. (Juan 8:41) Dahil sa kaisipang ito ng mga Hudyo ipinagyayabang nila na sumasakanila ang Diyos kahit ano pa ang uri ng kanilang pamumuhay. Sapagkat talaga namang sila ay bayan ng Diyos, ganito ang kapamaraanan Niya para maituwid ang Kanyang bayang Israel, ipinadala ng Dios Ama, ang Kanyang Anak sa Israel. AT NAGLAKAD ANG DIYOS (SA KATAUHAN NI HESUS) SA KANYANG BAYAN. Hindi lumabas ng Israel si Hesus, dun lang Siya naglibot sa Israel. At dito nagkaroon ng pagtutuwid. Inaakala ng mga Hudyo na porke isinilang silang Israelita ay otomatik na silang bayan ng Diyos, o sumasakanila na ang Diyos,ngunit ipinamukha sa kanila ng Panginoong Hesus na sila'y nagkakamali. Ang naging batayan ay si Hesus mismo! Hindi nila kinilala at tinanggap ang DIYOS na naglalakad sa kanilang kalagitnaan! Ganito ang pananalita ng Panginoong Hesus sa Juan 8:42-44, 
"KUNG TALAGANG ANG DIYOS ANG IYONG AMA, IIBIGIN NINYO AKO SAPAGKAT NAGMULA AKO SA DIYOS. hINDI AKO NAPARITO SA GANANG SARILI KO LAMANG KUNDI SINUGO NIYA AKO. BAKIT HINDI NIYO MAUNAWAAN ANG SINASABI KO? SAPAGKAT HINDI NIYO MATANGGAP ANG INIARAL KO' aNG DIYABLO ANG INYONG AMA, AT KUNG ANO ANG GUSTO NIYA AY IYON ANG INYONG GINAGAWA..."

    Dahil sa hindi pagkilala at pagtanggap sa Isinugo (si Hesus), ang bayan ng Diyos (Israel) ay nagkaroon ng bagong pagkakakilanlan: ang nag-aakalang anak ng Diyos ay anak pala ng diablo. Dating bayan ng Diyos, yun pala ay diablo ang kanilang ama.


     Ganito rin ang naging pamantayan sa kasalukuyang bayan ng Diyos, ang espirituwal na Israel (mga  kristiyano). Kung noon ang kondisyon para mapabilang sa bayan ng Diyos ay dapat mula sa lahi ni Abraham, ngayon naman ang kondisyon ay nasa Juan 1:12... "Ngunit ang sinumang tumanggap at nanalig sa Kanya (Panginoong Hesus) ay pinagkalooban Niya ng karapatan na maging anak ng Diyos!" Ang mga tumanggap na ito ay tinawag na mga kristyano o mga mananampalataya. Sila ay umalis na sa nakagisnang relihiyon at naidagdag sa mga dumadalo ng pananambahang kristyano o 'Christian fellowship'. Sila na ngayong ang bayan ng Diyos. Kung noon ang Ama ay nagsugo ng Kanyang Anak sa Kanyang bayan, ang anak naman ang nagsugo ng Banal na Espiritu upang matukoy talaga ang totoong mga anak ng Diyos. Ang Isinugo (ang Banal na Espiritu) ay tanging sa mga kristyano lang nananahan, hindi Siya maaaring pumunta sa mga kulto o kilalang relihiyon, tanging sa mga 'Christian fellowship' lang. Ang tanong, sino sa mga nagsasabing 'born-again' ang kumikilala, tumanggap at nagpapahalaga sa Banal na Espiritu? Sa panahon ng Panginoong Hesus, ang mga nag-aakalang bayan ng Diyos ay nagkaroon ng pagkakakilanlan, mga anak pala sila ng diablo sapgkat itinakwil nila ang Isinugo. Sa panahon natin ngayon, marami rin ang mag-aakalang kay Hesu-Kristo sila ngunit ang totoo, hindi naman pala. Tahasan ang sinasabi ng Salita ng Diyos sa Roma 8:9- "Ngunit hindi na kayo namumuhay ayon sa laman kundi ayon sa Espiritu, kung talagang nananahan sainyo ang Espiritu ng Dios. Kung ang Espiritu ni Cristo ay wala sa isang tao, hindi Siya kay Cristo." 


      Gaano man pala kaaktibo ang sinuman sa gawaing kristiyano, kung makalaman at makasanlibutan pa rin, hindi pala siya kay Cristo, sapagkat hindi pinahalagahan ang Isinugo (ang Banal na Espiritu). Kung hindi siya kay Cristo, kanino siya? May yugto sa buhay-kristyano ko na talagang ako'y mistulang nawala sa espirituwal na katinuan, na para bang wala na akong kaibahan sa mga walang Cristo sa buhay. Salamat na lang sa masaganang biyaya ng Diyos, at ako ay natauhan at nakapagsisi ng totohananan. Malinaw na dahilan ng aking pagkawala o'pagwawala' ay dahil naisantabi ko ang Banal na Espiritu. Lubhang napakahalaga ng ginagampananan ng Espiritu ng Diyos sa huling kapanahunang ito. Hindi lahat ng nagsasabing Kristiyano ay nagtataglay ng Totoong Hesus-kristo, yaon lamang na ginagabayan ng Banal na Espiritu! Ayon sa Juan 1:12, ang tumanggap at nanalig kay Hesus ay binigyan ng karapatang maging anak ng Diyos, alalahanin natin na ang karapatan ay pwedeng bawiin ng nagbigay, kapag binalewala lamang ng pinagbigyan, ang matibay na batayan sa ating kapanahunan sa pagiging anak ng Diyos ay matatagpuan sa Roma 8:14- 
"ANG LAHAT NG PINAPATNUBAYAN NG ESPIRITU NG DIYOS AY MGA ANAK NG DIYOS!"

Huwebes, Abril 18, 2013

Ang Panginoong HESUS na Paparating sa Pagpapakilala ng Banal na Espiritu



    Lagi kong binibigyang diin na tanging yun lamang na nakakakilala at may personal na kaugnayan sa totoong Hesus ang makukumbisi na talagang malapit nang bumalik ang Panginoong HESUS, hindi lang maniniwala kundi may pananabik na makaharap ang kanyang Tagapagligtas. Hindi dapat mabalewala ang babala sa 2 Corinto 11:4 "...tinanggap ninyo ang ibang Hesus!" Hindi malayong mangyari na merong mga nasa kalipunan ng mga born-again christian na ibang Hesus pa rin ng taglay o kaya naman sa una ay totoo nga ang tinanggap ngunit sa kalaunan, iniwan niya ang Totoo at dinampot ang isang hindi totoo. Lalo pa nga na isa sa palatantadaan sa pagbabalik ng Panginoon ay ang pagkakadaya ng maraming nagsasabing kristiyano. Nabanggit ko na nakilala ko ang totoong Hesus, una sa pamamagitan ng Kanyang Salita, pangalawa sa aking pananampalataya na siyang daan upang madama ko ang dakilang pag-ibig ng Diyos. At ngayon nga itong pangatlo, nakilla ko ang Hesus ng Bibliya sapagkat tiyak ako na kumilos ang Banal na Espiritu upang masumpungan ko at makilala ang Totoong Anak ng Diyos. Bakit ko nasabi ito? Naalala ko ng una kong makilala ang Panginoong Hesus, nakita ko ang sarili ko na maraming kasalanan at naudyukan akong magsisi at humingi ng kapatawaran. Alam kong hindi lang ako ang may gawa noon, dahil ang sabi ng Bibliya "Pagdating ng Banal na Espiritu,patutunayan Niya sa mga tao na mali ang pagkakaunawa nila sa kasalanan, ipakikilala Niya kung ano ang matuwid at kahatulan." (Juan 16:8). Ang sabi ng Salita ng Diyos hindi pa nakikilala ng isang tao ang totoong Diyos kung patuloy pa rin siyang nagkakasala. (1Juan3:6) Ngunit kung ang Banal na Espiritu ang Siyang nagpapakilala, tatalakayin Niya ang mga dapat ituwid sa ating buhay. Inaamin ko, nang makilala ko ang totoong Hesus, ay pilit pa ring sumisingit ang ibang hesus upang bigyan ko rin ng pansin. Salamat na lang sa Banal na Espiritu, at maagap Niyang sinasabi, huwag yan, hindi yan ang Hesus na ipinakikilala Ko. Napakatibay ng sinabi ng Panginoong Hesus, 
"SUSUGUIN KO SIYA SA INYO BUHAT SA AMA, AT SIYA ANG MAGPAPATOTOO TUNGKOL SA AKIN!"
     Alalahanin natin ang babala ni Pablo sa 2Corinto11:4, kapag maling aral daw ang tinatanggap ng sinuman, ibang espiritu rin ang tinatangkilik niya. At kung ibang aral at espiritu ang taglay niya siguradong ibang 'hesus' ang meron siya. Alalahanain natin ang dami-daming lumalaganap ngayong ibang katuruan sa mga kalipunan ng kristyanong gawain. Mga aral na nagbibigay ng katuwaan ng laman, mga aral patungkol sa pansarili at pansanlibutang kapakinabangan. Mga aral na magaan na hindi nag-uudyok ng pagpapabanal at pagtatapat sa pag-ibig ng Diyos. Ang sabi ng Bibliya, "Darating ang panahon iiwan ng marami ang wastong aral, susundin nila ang kanilang hilig. Pipili sila ng mga mgangaral ng ang ituturo ay yung gusto lamang nilang marinig!" (2Timoteo4:3). Ngayon na ang panahon na iyon. Sigurado ako na ang mga popular na mgangangaral na ito ay walang pasanin na ipangaral sa mga nasasakupan na malapit nang dumating si Hesus. Ngunit purihin ang Panginoong Hesus sa isinugo Niyang Banal na Espiritu, nagagaganap ang sinabi Niya sa Juan 16:13- 
"Pagdating ng Espiritu ng Katotohanan, tutulungan Niya kayo upang maunawaan ang buong katotohanan!". 
Kapag naipakilala na sa sinuman ng Banal na Espiritu ang totoong HESUS, nakatitiyak ako, aabangan niya ang nalalapit na pagbabalik ng Panginoong Hesus! Alalahanin natin na ang mga totoong nagmamahal lamang ang maghihintay sa kanyang minamahal. Ang mga naghihintay ay puno ng pag-asa! ang sabi ng Bibliya- "Ang Banal na Espiritu ang nagbubuhos ng pag-ibig ng Diyos sa ating mga puso kaya't hindi tayo nabibigo sa ating pag-asa." (Roma5:5)
    Ang isang nagmamahal ay laging umaasa. Umaasa na siya ay babalikan ng kanyang minamahal. Salamat sa Banal na Espiritu! Purihin ka Panginoong Hesus!


"Matatagalan Pa Naman Yata?"




      Nais ko lang linawin na kapag nababanggit ang muling pagbabalik ng Panginoong Hesus ay hindi ito nangangahulugan ng katapusan ng mundo.(2Pedro3:12) Totoong tinakda ng Salita ng Diyos na talagang may nakatatakdang pag-gunaw ang mundo ngunit ayon sa pagkakaunawa ko sa Bibliya, ito ay matagal pa. Ang tinititiyak ko ay talagang anumang oras ay maaari nang maganap ang pagbabalik ni Hesus, ito yung tinatawag na "rapture" ng nakararaming mananampalataya. Detalyado ang Bibliya sa pagbibigay palatandaan kung kelan malapit na ang pagbabalik ni HESUS. Walang babala o tagubilin ang Bibliya na dapat paghandaan ang magaganap na pag-gunaw, ngunit napakaraming tagubilin ang Bibliya na maging handa, magbantay sa pagbabalik ni Hesus.(ITesalonica5:1-11). Ang Panginoong Hesus  mismo ang mahigpit na nagbilin: "Kaya't maging handa kayong lagi, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaasahan!". Bakit kinakailangang maghanda? Ang pangakong pagbabalik ng Panginoong Hesus ay ang pagkakaloob ng ganap na kaligtasan sa mga nabubuhay na mananampalataya upang ihatid sa Kanyang kaharian upang iadya sa matinding kaparusahang daranasin ng mundong ito sa kamay ng Anti-kristo kasabay ang matinding ngitngit ng Diyos sa mga taong bumalewala sa inialok niyang kaligtasan. Samakatuwid ang "rapture" o pagbabalik ni Hesus ay katapusan ng pag-asang maligtas ang tao. May limit din naman ang paakakataong ibinibigy sa tao upang magsisi at ayusin ang sarili sa harapan ng Diyos na papaparating. Nabanggit ko na halos 99% nang nagaganap ang mga pahiwatig sa nalalapit na pagbabalik ng Panginoon. Siyasatin niyo ang mga talata sa Mateo24:1-21, Marcos13:3-13, Lucas21:7-19, 2Tim3:1-6 at marami pang iba. Itanong natin sa mga nakakatanda sa atin kung ang madalas nating nababalita sa pandaigdigang pamamahayag ay nagaganap noong kapanahunan nila. Tiyak ang sasabihin nila, "Ngayon lang nangyayari ang mga ganito!" Gusto kong idetalye ang mga palatandaang ito sa mga susunod na araw. Tingnan muna natin ang ilang mga larawang ito. Masasabi kong masayadong delikado kung aakalain ng isang mananampalataya na matagal pang darating ang Panginoong Hesus. Hindi ba pamaya-maya na lang natin nabalitaan ang mga pangyayaring ito?
(Paki-klik ng larawan para makita ang aktuwal na laki)






Martes, Abril 16, 2013

Nanabik sa Tagapag-ligtas ang mga Totoong Naligtas

     May mga katotohanang akong nais dalhin na ang dakilang kaganapan (ang pagbabalik ng Panginoong HESUS) ay maaari nang mangyari anumang oras ngayon. Ang kaganapang ito na 2 libong taon nang inaabangan ng mga totoong kristyano ay natitiyak kong sa kasalukuyang henerasyon magaganap! Ang bawat detalye ng mga PALATANDAAN na inilaahad ng Biblia ay 99% nang masasaksihan sa kasalukuyan. Ito'y tatalakayin ko sa mga susunod na posting. Nais ko munang bigyan diin ang katotohanan na TANGING ANG MGA TOTOONG NALIGTAS (naging totoong kristyano/mananampalataya) ANG TUNAY NA MANINIWALANG TALAGANG DARATING NA SI HESUS! Bakit?

        1)Ang mga tumanggap ng kaligtasan ay naligtas dahil sa pananampalataya sa Salita. (Roma 10:17)
           Kung nanalig siya sa Salita hindi pwedeng balewalain niya ang katotohanang babalik si Hesus 
           sapagkat ito ay mahalagang bahagi ng Salita! At si Hesus mismo ang nagsalita na "BABALIK NA
          AKO!"
       
       2)Ang mga totoong naligtas ay totoong nakaunawa at nakadama ng dakilang pag-ibig ng Diyos! (Juan
           3:16) Ang mga totoong nakadama ng pag-ibig ng Diyos ay totoong magmamahal sapagkat sabi
           ng 1Juan4:19, NAGAGAWA NATING MAGMAHAL SAPAGKAT ANG DIYOS ANG  
           UNANG NAGMAHAL SA ATIN. Laging naghihintay ang sinumang nagmamahal

     Ang hangad  ko't panalangin, nawa totoong nakatanggap ng kaligtasan ang susubaybay ng aking blog na ito. Pagpalain tayong lahat ng Panginoong Hesus! Wala ng ibinigay na pangalan sa sangkatauhan upang maligtas kundi ang Panginoong Hesus! (Gawa 4:12) 

Lunes, Abril 15, 2013


     
    Karaniwang mahimbing ang tulog ng nakakarami kapag hatinggabi. Walang kamalay-malay sa kung anumang kaganapan sa kapaligiran at walang kaalam-alam sa anumang maaring mangyayari o banta ng panganib at  kapahamakan. Ang talinhaga ng Panginoong Hesus sa Mateo 25:1-13 ay napakahalagang panawagan sa masyadong kritikal nating kapanahunan. Ang sigaw sa hatinggabi (sisikapin nating alamin kung bakit  sa hatinggabi sumigaw), na maituturing na pambubulahaw, ay isang panawagan at babala ay para sa lahat. Sa talinhagang ito,  sampu lang ang nakarinig at tumugon.  At sa sampung ito, lima lang ang nakinabang at talagang  napabuti.  Layunin ng blog na ito na magsilbing panggising sa mga espesyal na nilalang na itinakda ng Panginoong Hesus sa Kanyang kaligtasan at kaluwalhatian. Bagama’t ang sigaw sa hatinggabi (babala o panawagan) ay para sa lahat, hindi maipagkakaila na hindi ito papakinabangan ng nakararami. Marubdob kong panalangin, na nawa ay mapabilang ka sa kakaunti na tutugon sa panawagang- 
     GUMISING, BUMANGON, MAGBANTAY at SALUBUNGIN ANG PANGINOONG HESUS NA PAPARATING! Talagang napakaikli na ng panahon!

Pananabik sa Isang Paparating


         Sa isang pamilyang may inaabangang kaanak na paparating mula sa malayong lugar ay karaniwang natataranta sa paghahanda, nandun ang kaabalahan sa pagsasaayos ng mga bagay-bagay para sa ikatutuwa ng paparating na kapamilya. Ang alab ng pananabik ay hindi  talaga nakabatay sa kung anong pasalubong ang maaaring tanggapin sa halip ito ay depende kung gaano niya kamahal ang paparating. Gaano man ang ingay at saya ng inyong kapitbahay dahil nagbalikbayan ang kanilang kaanak  ay walang  isyu sa iyo, ano nga ba naman ang kaugnayan mo  sa dumating? Ngunit ibang-iba siyempre kung and paparating ay ang kabiyak mo sa buhay, magulang, anak o kapatid na labis mong mahal. Kung gumagabi na at wala pa ang pinakamamahal mong kabiyak, o ang isa sayong mga anak, ano ang iyong nararamdaman? Ano ang iyong pakiramdam kung nagpauna na ang iyong pinakamamahal mula sa malayo na siya ay uuwi at paparating na? Ang paghihintay o pag-aabang nang may pananabik ay gawain ng isang nagmamahal sa kanyang karelasyon na lubhang napakahalaga sa kanyang buhay…
       Merong Isang tiyak na darating, maraming banal na lingkod ng Diyos ang naatasang ipauna ang tiyak Niyang pagdating. Naitala ito sa Banal na Kasulatan (ang Bibliya) at nagpapatunay na Siya, Si Hesus na nagpakilala, nangaral, gumawa ng himala,  naglingkod sa bayan ng Israel at ang kasukdulan ay ihain ang Kanyang buhay sa krus ng kalbaryo, mahigit 2 libong taon na ang nakalipas ay muling babalik upang sunduin ang mga nananalig sa Kanya. Talagang maasahan ang lahat ng propesiya ng Bibliya,  ngunit ang pinakamatibay sa mga ito ay ang mismong pahayag ng Panginoong Hesus….
        “Kapag naroroon na Ako at naipaghanda na kayo ng matitirhan, BABALIK AKO at isasama kayo sa kinaroroonan  Ko…” (Juan 14:3)  Seryosong pangako ng isang ni minsan ay hindi nagsinungaling at talagang hindi maaaring  magsinungaling. (I Pedro 2:22). Sapagkat Siya na ngangako ay ang KATOTOHANAN mismo. (Juan14:6).
       Ang pagdating ng kamatayan sa bawat nilikhang may buhay ay isang tiyak na kaganapan ngunit may katumbas ito na isa ring katiyakan, ang Panginoong Hesus ay tiyak na muling darating! Ang mahalagang tanong:  ano ang katuturan at kahalagahan nito sa iyo? Katulad ng aking naunang binanggit- tanging yaong may mga totoong personal na kaugnayan ang sabik na mag-aabang o maghihintay sa isang napakahalagang paparating. May personal ka bang kaugnayan kay HESUS na anumang sandali ay paparating na?
   Masyadong napakahiwaga ng katotohanan na ang Panginoong Hesus ay talagang napakalapit nang dumating. Para itong isang kathang-isip, o  isang alamat na sa natural na pag-iisip ay malabong maganap. Mas madali pang yakapin ang katotohanan na lahat ng tao ay mamamatay bagamat marami nang  tao sa ngayon, na  ang pamumuhay,  isip at pakiramdam ay para bagang habambuhay na silang mananatili  sa mundong ito.  Nakatitiyak ako na ang pagkakakilala at pagkakaroon ng personal na kaugnayan sa TOTOONG HESUS ang magkukumbinsi sa sinuman na totoong babalik na nga ang kanyang pinanaligan, ang Panginoong HESUS!


Ang Nakagisnan kong “Hesus” at ang ibang Hesus


         Masasabi kong ako’y mapalad sapagka’t nakagisnan ko sa aking mga magulang ang kamalayan na mayroong Diyos, o isang Persona na nakahihigit kanino man  na Siyang Maylikha ng lahat. Napakalaking tulong sa aking kaunawaan ang impormasyong nakuha ko sa aking ama’t ina na mayroong Diyos na dapat pahalagahan at bigyan ng nararapat na paglilingkod. Masasabi kong ang kamalayan patungkol sa Diyos mula sa kanila ay nakatulong kung ano man ako ngayon. Ngunit isang katotohanan ang aking natuklasan matapos ang pambihirang karanasan sa aking buhay. Ibang Hesus pala ang aking nakamulatan na siyang dating tinatangkilik ng aking ama’t ina maging ng aming buong angkan! Ano o sinong Hesus ito? Ang Hesus na taon-taong isinisilang tuwing Disyembre at taon-taong namamatay kapag Mahal na Araw. Naalala ko pa ang pagsaway ng aking ina habang naglalaro kami ng aking mga kapatid, Biyernes Santo noon,  “Mangilabot nga kayo, patay si Hesus, harutan kayo ng harutan!”. Madalas din kaming napapagalitan kapag may ginagawang kalokohan sa harap ng mga imahen at  larawang relihiyoso. “Ang lakas ng loob ninyong magsinungaling, at gumawa ng kalokohan e, ayan nasa harap kayo ni Hesus!” . Sa aking murang isipan nagtatanong na ako noon,”Ganito nga ba ang hitsura ni Hesus at may ‘kodak’ na ba noon?“ Sa limitado kong pang-unawa ay tinanggap ko na rin ang paniniwala na ang larawan at mga rebulto, ay yun na rin mismo ang Dios. May mga pagkakataon na nakikita kong maalikabok na ang mga larawan at imahen, nasa isip ko noon “An dudumi na nila, mapunasan nga ang mga diyos na to. Matutuwa ang mga ‘to at bibigyan ako ng ‘swerte’ dahil nililinis ko sila.” Ngunit nagsisimula na rin akong magtaka. Maraming pangalan ang kahilera ng Hesus na nakikilala ko. Naipapantay siya sa kung sino-sinong santo o santa. Ang lalo kong ipinagtataka ang Hesus na hindi na lumaki at nanatiling maliit at tinawag na “Sto.Nino” at ang Hesus na kung hindi man lagi na lang pasan ay lagi na lang nakapako sa krus. Unti-unti ko ring napuna na may iba ring Hesus ang isang  mapangahas na sekta kung saan  ipinapangalandakan nila na ang Hesus nila ay  tao lang at yung sa iba naman ang Hesus nila ay propeta lang. At meron ding “hesus” ang mga palamura, sinungaling , mayayabang, mga alaskador,  tsismosa, mapanira, mayayabang, lasinggo, manloloko, sugarol at marami pang iba.
              Ang Bibliya ay nagsabing meron ngang ibang diyos kaya’t ang IISA at TOTOONG DIYOS mismo ay nagbabala na huwag magkaroon ng ibang diyos. (Exodo20:3). Kung meron ngang ibang diyos (tinawag din ng Bibliya na “diyos-dyusan”)  ay meron ding ibang Hesus. Diretsahang binanggit ni Pablo sa 2Corinto 11:4, bilang babala sa mga Kristyano “ Malugod ninyong tinanggap ang IBANG Hesus, kaysa ipinangaral ko!” Meron ngang ibang hesus maliban sa TOTOONG PANGINOONG HESUS!  Ang dating kong kinikilala noon ay hindi siya yung Totoo. Bagamat tinatanggalan ko siya ng dumi’t alikabok wala siyang kakayanang linisin ang karumihan ng katauhan ko’t pamilya. Wala siyang magawang remedyo sa kaguluhan at kahirapan ng aming sambahayan at higit sa lahat walang magawa ang dati kong Hesus na payapain ang aking kalooban o pawiin ang takot at pangamba kapag naiisip ko ang kamatayan at ang panunumbat ng budhi dulot ng  marami kong  kasalanan. Kasi nga iba siya na nakagisnan ng aming angkan. Kinakailangan munang umabot ako sa gulang na 27 bago ko natagpuan ang TOTOONG HESUS!

At Natagpuan ko ang TOTOO, 

Nakatitiyak Ako!

           Isang pambihirang karanasan ang gusto kong ibahagi at  kung karanasan mo rin ito, natitiyak ko na malaking kasiyahan at kapakinabangan sayo ang pagsusubaybay sa Blog na ito. At kung bago at kakaiba saiyo ang aking isasaysay, nais kitang payuhan kasabay ang dalangin na nawa maranasan mo rin ito upang maging makabuluhan at makatotohanan para sa iyo ang patungkol sa paghihintay sa Panginoong HESUS na talagang napakalapit  nang dumating.
            Mahigit 2 dekada na ang lumipas nasumpungan ko ang aking sarili sa pinakamalim na yugto ng kabigatan, kalungkutan at pagkabagot sa buhay. Sa gulang na 27, ay parang sagad na ang aking kapaguran at ayaw ko nang magpatuloy. Bagamat may matatag na trabaho,  hindi naman ito sapat at  ang dami-daming  kulang. Kasabay nito ang pakiramdam ng pag-iisa na bagamat  hanap ay karamay ngunit puno naman ng pag-aalinlangan sa mga taong nakapalibot. Minumulto ng mga pangit na karanasan at sinusumbatan dahil sa mga hayag at lihim na kabulukan. Parang gusto kung magtago ngunit walang makublihan. Gusto kong matapos na ang lahat pero hindi naman sumagi sa isip ko na kitlin ang sarili. Salamat na lang!
           Naalala ko ang isang kababayan, sinuwerte daw siya dahil sa kanyang santo. Dahil na rin sa naipamulat ng aking mga magulang na talagang meron ngang Diyos, bumili ako ng ganun sa Quiapo. Napapailing ako kapag naaalala ko ang tagpo na yon sa buhay ko, nabibili pala ang ‘diyos’! Dala ko na ang imahen nang mapansin ko sa simbahan na maraming naglalakad ng paluhod. Naisip ko na matutuwa ang “diyos” na karga ko kung gagawin ko rin ito. Naglakad nga ako nang paluhod habang kalong ko ang imahen na noon ay akala ko na si Hesus yun. Nang naglalakad na ako nang paluhod, wala akong maramdamang kagaanan sa isip at kalooban sa halip ang hapdi sa mga tuhod ko ay lalong nagpalala sa miserable kong kalagayan. Mahirap din ang maglakad ng paluhod at may karga ka pang imahen. Sa likod ng utak ko, “meron kayang Diyos na sa halip na kinakarga ay ako na lang sana ang kargahin? Kasi sobrang hirap na hirap na ako, damdamin, isip at ngayon, pisikal na katawan. Palagay ko meron, maghahanap ako.” Buti na lang naghanap ako kasi may sinabi ang Bibliya sa Mateo7:7- Humingi kayo at kayo’y bibigyan, HUMANAP KAYO AT KAYO’Y MAKAKASUMPONG, kumatok kayo at kayo’y pagbubuksan. “Yun pala, totoong HESUS na ang aking hinahanap, at ako’y di nabigo.
           Minsan isang hapon, umuwi ako ng wala sa oras mula sa aking pinapasukan. Sa inuupahan kong kuwarto binuksan ko ang telebisyon. Nataon na may isang mgangangaral sa programang yun, may hawak siyang Bibliya. Isang malaking pagtataka ang naganap sa akin sa panonood kong  iyon kung saan  eksakto sa kalagayan ko ang tinatalakay ng preacher lalo na nung banggitin niya ang “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagal at nabibigatan sa inyong pasanin at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan...” Napagtanto ko na ang mga salitang iyon ay mismong pananalita ng Panginoong Hesus sa Mateo 11:28. Sapul na sapol ang buo kong kamalayan ng mga sandaling iyon, ang tanong ko sa sarili, “Gusto kong lumapit, hirap na hirap na ako, pero paano ako lalapit?” At talagang nakapagtataka, ang mga tanong sa isip ko ay kaagad sinasagot ng programang iyon at ito ang sagot- “Hindi kinalulugdan ng Diyos ang hindi nanalig sa Kanya. SAPAGKAT ANG SINUMANG LUMALAPIT SA DIYOS AY DAPAT MANIWALANG MAY DIYOS AT SIYA ANG NAGBIBIGAY NG GANTIMPALA SA MGA HUMAHANAP SA KANYA”. Lumapit nga ako sa Panginoong Hesus nang mga sandaling iyon sa pamamagitan ng pananalig. At ang paglapit ko nang may pananalig ay may kalakip na napakahalagang panalangin. Panalangin na  may seryosong  pagpapakababa at pagsisisi, panalangin ng pagsuko ng buong buhay at panalangin ng pagtanggap sa TOTOONG HESUS na namatay sa krus alang-alang sa aking mga kasalanan. Tinanggap ko ang Panginoong Hesus bilang aking Manunubos, Tagapagligtas at Hari ng aking buhay. Pagkatapos noon, isang biglang kakaibang pakiramdam ang naganap sa buo kong katauhan! Pambihirang KAGALAKAN, KALAYAAN at KAPAYAPAAN!
           Kinabukasan, sa parehong oras muli akong umuwi upang balikan ang programang iyon. Kaya lang ibang programa na ang aking napanood, ngunit patungkol pa rin sa Panginoong Diyos. At sa pagkakataong iyon ang itinampok ng programa ay mga patotoo ng mga taong pinaghimalaan ng buhay na Diyos. Mga taong puno ng bisyo at kasamaan na binago, mga may sakit na pinagaling, mga iniligtas sa panganib at kapahamakan. Halos lahat ay luhaan sa kanilang taos-pusong pasasalamat at di ko namalayan, may masaganang luha na rin palang umaagos sa aking pisngi. Napagtibay sa aking puso at isipan, “Ang Panginoong HESUS na taglay ko ngayon ang Siyang may gawa ng lahat ng iyon sa kanilang mga buhay! Buhay, makapangyarihan at sobrang napakabuti ng Hesus na aking nasumpungan!” Mahimalang yugto iyon ng aking buhay at naging hudyat upang ang mga sumunod ay hindi na katulad ng dati. Matinding pananabik ang naramdaman ko sa Panginoon ng mga sandaling iyon kung kaya’t naudyukan akong bumili ng Bibliya. Walang  nagpayo o nagsabi sa akin pero nakaramdam ako ng matinding pangangailangan sa mahiwagang aklat na iyon, ang Bibliya. Binasa ko ito, halos araw at gabi. Dati na rin akong nakapagbasa nito, pero wala akong maiintindihan noon, lagi lang akong inaantok. Ngunit ibang-iba na, magmula ng makilala ko ang totoong Panginoong Hesus, pakiwari ko ay direkta akong kinakausap ng Diyos habang binabasa ko ito. Lalo kong nakita kung ano ang kalagayan ko sa Kanyang harapan at kung ano ang kalagayan ng karaniwang tao o ng mga taga-sanlibutan. Higit sa lahat, sa pamamagitan ng Salita ng Diyos na nasa Bibliya, lalong nagpakilala sa akin ang Panginoong Hesus!  Sapagkat ayon sa Juan 20:31- “Ang mga natala rito (nilalaman ng Bibliya) ay sinulat upang sumampalataya kayong si Hesus ang Mesias (ang Kristo), ang Anak ng Diyos, at sa gayo’y magkaroon kayo ng buhay sa pamamagitan Niya.” . Ang buhay na tinutukoy nito ay ang buhay na galing sa Diyos, buhay na walang hanggang at buhay na bago! Nag-iiba nga ang buhay at ang takbo nito ang sinumang nakasumpong sa tunay na Hesu-Kristo! Maipapangalandakan ko na totoo na nga ang aking nasumpungan, ang  aking unang batayan (1)SIYA ay nagpapakilala sa pamamagitan  ng Kanyang Salita. Si Hesus mismo ang Salita.
“ Sa pasimula pa’y naroon na ang Salita. Kasama ng Diyos ang Salita at ang Salita ay Diyos.” (Juan1:1)  “Naging tao ang Salita at Siya’y nanirahan sa piling natin...” (Juan1:14)
         Ang pangalawang(2) kung batayan sa aking pagkakilala sa totoong Hesus: Nagpapakilala Siya sa mga totoong sumasampalataya Kanya.  Sinabi ni Hesus- “Mapapalad ang mga naniniwala (nananalig/ nananampalataya) kahit hindi nila ako nakikita.”.(Juan 20:29). Ang pananampalataya ay hindi nakabatay sa nakikita(2Corinto5:7) , ang pananampalataya ay sa puso (Roma10:10)! At kung ito ay sa puso, dapat lang na ito’y nakadarama! Kaya sinabi sa 2Corinto 13:5-
   “Tiyakin ninyong mabuti kung kayo ay nasa pananampalataya; subukin ninyo ang inyong sarili. Hindi ba ninyo nadaramang sumasainyo si Cristo Hesus?” Nasa mabigat akong sitwasyon nang makilala ko ang Panginoong Hesus. Dahil nakilala ko ang Totoo, biglang naiba ang naramdaman ko. Nawala ang panunumbat ng aking budhi dulot ng marami kong kasalanan, nawala ang sakit  sanhi ng tinamong mga kaapihan at mga pangit na karanasan, naglaho ang bigat sa maraming kakapusan, at miserableng kalagayan. Nawala ang depresyon,lungkot, takot at ibang negatibong pandama- napalitan ng IISA lang: SI HESUS, na Siyang  PAG-IBIG NG DIYOS! Ang pagkakakilala kay Hesus  ay  katumbas ng lubos na pagkakaunawa at  pagkadarama ng napakadakilang pag-ibig ng Diyos. May nararamdaman ang mga tunay na nakakilala kay HESUS, nadarama niya ang pag-ibig ng Diyos at talagang ito’y nadama ko!

        Marami-rami na rin ang naringgan ko ng ganito-  “Mahal nga ba talaga ako ng Diyos? Para namang hindi. Bakit ganito ang kalagayan ko? Yung mayayaman lang ang mahal Niya. Aber, kung talagang mahal niya ako, gawin din Niya akong kasingyaman nung milyonaryo na yon!” “Kung mahal ako ng Diyos, bakit ganito ang pagkakalikha Niya sa mukha ko?” Aaminin ko rin sa aking sarili, noong hindi ko nakikilala ang Totoo, duda rin ako sa awa o pag-ibig ng Diyos sapagkat nandun ang pagtatanong bakit hinahayaang Niyang danasin ninuman ang inaayawan ng tao kung Siya ay mahabagin o mapagmahal? Ito ang isang malinaw, hindi pa nakikilala ng sinuman ang totoong Hesus kung hindi pa niya nadarama ang pambihirang pag-ibig ng Diyos! Sa isang mahirap lamang na ang hinihinging ebidensiya ng pagmamahal ng Diyos ay yaong payamanin siya ay isang mababaw na hamon bagama’t sa unang tingin ay parang tama naman. Bakit? Anong, hihingiing ebidensiya ng dati nang napakayaman para mapatunayang mahal siya ng Diyos? Paanong maibibigay sa 2 tao na may magkasalungat na hitsura at magkaibang kalagayan sa buhay ang iisang ebidensiya ng pag-ibig ng Diyos? Tunay na napakagaling ng Diyos, iisang kapamaraanan lang Niya pinatunayan ang pagmamahal Niya sa sangkatauhan!

        “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya ibinigay Niya ang kanyang bugtong na ANAK, upang ang sumampalataya sa Kanya ay hindi mapahamak (sa impyerno), kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan(sa langit kapiling ng Diyos)!” (Juan 3:16)
        Mula sa pinakakawawang tao sa sanlibutan hanggang sa pinakamayaman at pinakamakapangyarihan, iisang ebidensiya ng pagmamahal ang ibinigay ng Diyos Ama- ito ay ang pagkakaloob Niya ng pinakamamahal na Bugtong Niyang Anak: ang Panginooong Hesus! Inilarawan ng Bibliya na ang langit na kaharian ng Diyos ay batbat ng pinakamainam na bagay kasama ang mga lansangan at gusaling binubuo ng mga lantay na ginto at mamahaling hiyas, ngunit hindi ito ang pinaka-kasiyahan at kayamanan ng Ama kundi si Hesus mismo, na Kanyang Anak,  ito ang napili ng Ama na ibigay sa makasalanang sangkatauhan! Si Hesus ang ebidensiya ng pag-ibig ng Diyos. At katulad ng Ama, pinatunayan din ni Hesus ang Kanyang pagmamahal sa lahat ng tao- INIALAY NIYA ANG KANYANG BUHAY AT DANASIN ANG MALUPIT NA KAMATAYAN SA KRUS ALANG-LANG SA IKATUTUBOS NG KASALANAN NG SANLIBUTAN!
Mula sa labi ni Hesus:
          “Walang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan...”  (Juan 15:13).  Ngunit ang sabi ng Biblia ang mga makasalanan ay kaaway ng Diyos hindi mga kaibigan! ((Roma5:10) Unawain natin ang kadakilaan ng pag-ibig ng Panginoong Hesus;  “Ngunit ipinadama ng Diyos ang Kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Hesu-Kristo para sa atin noong tayo’y mga makasalanan(kaaway ng Diyos)  pa.(Roma5:8). At ang napakalinaw at napakatibay na kapakinabangan ng dakilang pag-ibig ng Diyos sa bawat tatanggap at mananalig kay HESUS ay ang KALIGTASAN ayon misamo sa katotohanan ng Juan 3:16. Seguridad na ang hantungan ng kaluluwa ay sa maluwalhating kaharian ng Diyos sa langit. Ang pagkakaunawa sa dakilang pag-ibig ng Diyos (sang-ayon sa pagkakakilala sa totoong HESUS) ay naghahatid sa katiyakan ng espirituwal na kaligtasan, o buhay na walang hanggan. Unawain natin kung gaano kahalaga ng pagkakakilala kay Hesus at  ng pag-ibig ng Diyos, ito ay BUHAY NA WALANG HANGGAN!
         “ANO NGA BA ANG MAPAPALA NG TAO KUNG MAKAMTAN MAN NIYA ANG LAHAT NG KAYAMANAN NG BUONG DAIGDIG KUNG MAPAPAHAMAK NAMAN ANG BUHAY NIYA SA KAPARUSAHAN SA  IMPYERNO! (Marcos 8:36)

       Meron pa akong 2 natitirang batayan (pangatlo  at pang-apat) kung bakit tahasan kung ipinangangalandakan na talagang ang biblikal at tunay na Hesus ay nakikilala at tinataglay ko na ngayon. Una nga, nagpakilala Siya sa akin sa pamamagitan ng Kanyang Salita, pangalawa nagpakilala Siya sa akin dahil aking pananalig sa Kanya, at sa pananalig na yon nadama ko at naunawaan ang labis Niyang pag-ibig sa akin,  lubos kong naunawaan ang kahalagahan ng kamatayan Niya sa krus ng kalbaryo at bunga nito, taglay ko na rin ang katiyakan na ako ay ligtas! Bago ko ihatid ang ikatlong batayan ng aking pagkakakilala sa tunay na Hesus nauudyukan ako na kumbinsihin ka na sang-ayonan sa iyong puso panalanging ito...

Dakilang Diyos, buong puso akong lumalapit 
nang may pananalig sa Iyo
Ayaw ko pong mapahamak at masayang 
ang buhay na ito na galing sa Iyo,
Alam ng aking isip na may Isang namatay 
sa krus para sa katulad kong
makasalanan, nais kong madama ito sa aking puso, 
ang dakilang pag-ibig mo.
Ang Panginooong Hesus pala ang ebidensiya 
ng pag-ibig mo sa akin
nais ko Siyang tanggapin sa aking puso 
bilang Tagapagligtas at Panginoon
ng buhay ko. Kasabay ng pag-amin sa lahat kong kasalanan, ako po’y patawarin N’yo!
Panginoong Hesus, isinusuko ko sa Iyo ang buong buhay ko. Lalo ka pong magpakilala
 sa akin, gusto kong magkaroon ng totoong kaugnayan sa Iyo,
nais kitang mahalin at paglingkuran, 
nais kong asahan ang pangako Mo, 
na ikaw ay babalik upang ako’y sunduin.
Ito ang aking panalangin
Sa Ngalan mo Hesus, Amen!

      Bakit Hindi Interesado ang marami sa Pagbabalik ni Hesus?
                
         Napakaraming dahilan kung bakit walang interes ang marami sa katotohanang isinisigaw ng Bibliya na si Hesus ay talagang muling babalik at talagang paparating na Siya, kaunting panahon na lang ang natitira. Nawa ay matalakay kong lahat ang maraming dahilang ito,  ngunit ang ilan ay sa mga ito ay nabanggit ko na; muli nating balikan-
         Hindi maaaring abangan o hintayin ninuman nang may pananabik ang Panginoong Hesus na paparating KUNG -

·         Hindi pa niya nakikilala ang totoong Hesus ng Bibliya. Ibang Hesus pa ang tinataglay niya. Yung Hesus na itinuro ng relihiyon, tradisyon, mula sa mga ninuno at angkan.

·         Hindi pa makita ang kahalagahan ng Salita ng Diyos (na nasa Bibliya), salita ng tao o prinsipyo ang pinaiiral. Wala sa hinagap ang sinasabi ng Bibliya na paparating na si Hesus!

·         Wala pa siyang personal at totohanang kaugnayan sa Panginoong Hesus
·         Wala pang tunay na pananalig, sa halip, nasa relihiyon at ritwal na kasanayan lang.
·         Walang pang ideya sa dakilang pag-ibig ng Diyos, hindi pa nakikita ang kahalagahan ng naganap sa krus ng kalbaryo.

·         Walang pagtugon sa pag-ibig ng Diyos, walang pagpapahalaga sa Diyos

·         Hindi pa tumanggap ng kapatawaran sapagkat hindi pa nagagawang magsisi ng totohanan

·         Hindi interesado sa kaharian ng Diyos, nakatuon lang sa sanlibutan at mga iniaalok nito

·         Walang muwang sa inaalok na kaligtasan o pagliligtas ng Diyos kaya’t nasa kalalagayan na ang tinatahak ay kapahamakan sa apoy ng impyerno.


       Ilan lang ito sa maraming dahilan kung bakit kakaunti lang ang nag-aabang sa muling pagbabalik ng Panginoong Hesus.

Tatalakayin natin sa susunod ang iba pa. Nawa kabilang ka sa munting kawan na ang isisigaw ng puso ay: “Panginoong Hesus nawa ay dumating Ka na!”