Huwebes, Agosto 15, 2013

Mula sa Lahing Nag-aabang ng Kristo- Nalikha si Superman

     Hindi pa ipinapanganak ang aking mga magulang, lumilipad na sa pahina ng Amerkanong komiks ang karakter ni Superman. Naging masyadong kilala ito, at lumipad na rin sa mga programang pangradyo, pangtelebisyon at lalo na sa daigdig ng pelikula. Halos 75 taon na ring pumapailanlang sa mundo ng kathang-isip si Superman. Kung hindi ako nagkakamali, siya ang pinakanangunguna sa mga tinaguriang 'superhero'. Nakakaungos siya kina Batman, Spiderman, Iron Man at iba pa. Kakaiba ang karisma ng karakter na ito sapagkat taglay ni superman ang pambihirang kapangyarihan para iligtas ang mundo sa mga masasama. Nakatawag sa aking pansin na ang mga lumikha pala ng karakter na ito ay 2 Hudyo. Ang nag-iisang lahi sa mundo na nag-aabang ng ipinangakong Kristo. Ito ay sina Jerry Seigel, ang manunulat o may katha at Joe Shuster, taga-guhit o nagsalarawan ng obrang Superman. Bagamat parehong lumaki sa Amerika, ang dalawang ito ay parehong galing sa purong lahi ng mga Hudyo. Katulad ng nakalipas nating pinag-aralan, ang mga Hudyo ay pinangakuan ng Diyos ng isang makapangyarihang Lider/Hari o Kristo(Mesiyas) na magtatanggol sa kanila sa lahat ng kaapihan. Nabigo sila kay Hesus at nakumbinsing hindi Siya ang Kristo kaya't lubos na umaasang mayroon pang ibang darating at sa loob ng 2,000 taon ay patuloy pa ring naghihintay hanggang ngayon. Naniniwala ako na ito ang nakaimpluwensiya sa 2 Hudyong kabataan na makalikha ng isang karakter batay sa kanilang pinakaaasam-asam, ang ang magkaroon ng tagapagtanggol na nagtataglay ng pambihirang kapangyarihan. Sa paghahangad ng mga Hudyo na dumating ang kanilang Kristo nalikha ang karakter na ito na alam kong kinasihan ng kaaway ng Diyos. At ito ang aking napagtanto, hindi lang ang mga Hudyo, kundi maging ang lahat ng sangkatauhan ay ikinokondisyon ng espiritu ng anti-kristo (1Juan2:18) na umaasa sa isang pambihirang nilalang na magiging tagapagligtas ng sangkatauhan sa lahat ng krisis at problema ng mundo. Ito ay isang blaspemiya( pang-iinsulto sa Diyos), sapagkat walang ibang may hawak sa lahat ng lunas at solusyon sa problema ng mundo kundi ang Panginoong Hesus mismo. Ngunit ano ang mensaheng ipinahihiwatig ng karakter ni Superman? Hindi si Hesus ang kailangan ng mundo kundi ang isang paparating na pambihirang lalaki na kagigiliwan ng lahat dahil may taglay na talino at kapangyarihan na angat sa lahat. Napamaang ako nang malaman ko na ang orihinal na karakter na nilikha nina Seigel at Shuster ay hindi naman pala mabait na tagapagtanggol kundi isang Superman na halang ang isip at kaluluwa na may hangaring kontrolin at sakupin ang buong mundo. Naiba na lang ito nang nabaril at napatay ang ama ni Seigel kung kaya't hinangad niya na mayroon sanang  isang may kapangyarihan na hindi tinatablan ng bala, at tagapagtanggol ng mga Hudyo katulad ng inaabangan ng kanilang mga ninuno-ang Kristo. Anuman o sinumang hinahangaan at kinagigiliwan ng tao na hindi naman si Hesus o ang Kanyang pamantayan ang tinatampok, ay mula sa kalaban ng Diyos. Ang pagkakalikha kay Superman ng 2 Hudyo ay bunga lang ng ginawang pagredyek ng kanilang mga ninuno sa totoong Kristo. Si Superman ay simbolo ng malapit nang magpakilala sa mundo- ang Antikristo. Alam niyo na ba ang ibang ipinapahiwatig ng "S" sa dibdib ni Superman?




    







    


Ang Pangako ay para sa Bayan ng Diyos


   Lalo kung napagtanto na talagang napakahirap pumasok sa kaharian ng Diyos. (Mateo 7:14; 19:24; Marcos 10:25; 1Pedro 4:18). Tingnan na lang natin ang Israel, nasaksihan na nila ang mga kamangha-manghang ginawa at pagsama ng buhay na Diyos, ngunit nagawa pa nilang i-redyek ang pinakadakilang katuparan ng ipinangakong Kristo sa katauhan ni Hesus. Isang dahilan ang nakita ko dito, sa pag-aabang nila ng katuparan sa pangako ng Diyos, may detalye sa propesiya silang naisantabi o kinalimutan. Hari nga ang Kristong darating, ngunit Siya ay mapagpakumbaba, simpleng-simple, maamo at nakatakdang magbata ng matinding hirap at dusa alang-alang sa espirituwal na kaharian. (Isaias 53) Ang nakararaming Hudyo ay nakatuon lamang sa maringal at matikas na kalagayan ng Haring Kristo kaya't di nila naarok ang hiwaga ng katauhan ng totoong Kristo. Ngunit may ilang sa Israel na hindi nabigo sa paghihintay sa kanilang Kristo at sila ay nagkaroon ng pambihirang karanasan sa kaganapan ng ipinangakong Kristo. Sila'y sila Simon at Ana (Lucas 2:25-38), Jose (Marcos 15:43) at ang babaing Samaritana (Juan 4:25). Nakatitiyak ako, nasa kamalayan nila ang detalye ng ipinangakong Mesiyas kayat hindi nila naitakwil si Hesus. 
    Sa kasalukuyan, ang literal na bayan ng Diyos (Israel) ay nag-aabang pa rin sa ipinangakong Kristo/Mesiyas, ngunit ang espirituwal na bayan ng Diyos (Mga mananampalataya/ mga Kristiyano) ang pagdating ng Kristo (unang pagdating) ay naganap na. Ang inaabangan sa ngayon ng mga totoong bayan ng Diyos ay ang ipinangakong pangalawang pagdating. Ang buong detalye nito ay nasa kamalayan ng mga totoong tinubos ng dugo ni Kristo Hesus.    
    Ang napakatibay na detalye nito ay ang katotohanang si Hesus mismo ang nagsabing Siya ay muling babalik. (Juan 14:3 at Pahayag 22:20) Ang mga pangakong ito ay markado sa kamalayan ng sinumang totoong kabilang sa bayan ng Diyos. Samakatuwid, hindi interesado sa muling pagbabalik ni Hesus ang hindi kabilang sa tunay na kalipunan ng mga mananampalataya. Sapagkat ang pangako ng Diyos (ang pagbabalik ni Hesus) ay esklusibong para lamang sa bayan ng Diyos.

Bakit May Anti-kristong Lilitaw?


    

    Kapag huling panahon ang pinag-uusapan, hindi maaaring hindi mabanggit ang Anti-kristo. (1 Juan 2:18) Malaki ang kinalaman nito sa nalalapit na pagbabalik ng Panginoong Hesus, ang totoo at nag-iisang KRISTO. Nais kong talakayin ito sapagkat may kaugnayan ang Anti-kristo sa mahahalagang kaganapan sa huling kapanahunang tinutukoy ng Bibliya at ang karakter ng Anti-kristo ay isa ring pagpapaunawa ng Bibliya para sa kapakanan ng mga mananampalataya. (Pahayag 13:18). Kung susuriin ang salitang "anti" na ikinabit sa salitang "kristo", ito ay nangangahulugan ng kalaban; kasalungat; at huwad na kapalit/kahalili. At ang salitang 'Kristo' ay tumutukoy sa Mesiyas, Sugo o "Ang Nilangisan"(the Anointed One) at ang nag-iisang may karapatan sa titulong Kristo ay ang Panginoong Hesus lamang!
     



     Ayon sa Bibliya, (Genesis 12:2-3) iisang lahi o bayan lang ang talagang itinangi ng makapangyarihang Diyos, ang Israel (mga Israelita o mga Hudyo). Walang ibang literal na bayang tinutukoy kapag sinasabing 'bayan ng Diyos' kundi ang Israel lamang. Kung kaya, ang nag-iisa at totoong Diyos ay kilala rin sa tawag na Diyos ng Israel. Ang bayang itinangi ng Diyos ay laging dumaranas ng pagkamuhi at pang-aapi mula sa ibang lahi o bayan lalo na nga sa mga panahong ang mga Hudyo o Israelita ay nasa panahong lumilimot/tumatalikod sa kanilang Diyos. Dahil na rin sa habag at tipan ng Diyos sa Kanyang bayan, pinangakuan Niya ito ng isang Kristo (Mesiyas/Sugo) na magliligtas sa kanila sa lahat ng kaapihan. Tunay na walang ibang lahi o bayan na pinangakuan ang Diyos ng isang Mesiyas/kristo kundi ang Israel lamang. Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa napakaraming propesiya ng Lumang Tipan patungkol sa pangakong Kristo, at karaniwang binabanggit na ang Kristo ay isang haring makapangyarihan- Isaiah 9:6-7; 11:10-14; 25:8-9; 42:1; 55:4; 59:16-17; 61:1-2; Jeremias 23:5-6; Daniel 2:44; 7:13-14; 9:25; Mikas 5:2-5; Zacarias 3:8-9; 6:12; 9:9; Malakias 3:1 at marami pang iba. Karaniwang binabanggit sa ipinangakong Kristo na palalayain Niya ang Kanyang bayan (Israel) sa pagkakaalipin ng dayuhan, ipagtatanggol, bibigyan ng kapayapaan, kasaganaan at karangalan.

    Ang pangakong ito sa bayan ng Israel ay tinupad ng Diyos na hindi marunong sumira o lumimot sa Kanyang Pangako. Ang Kristo, ang Panginoong Hesus ay dumating sa bayang hinirang. (Mateo 12:17; 21:4-5; Lucas 4:17-21.). Ngunit masaklap ang nangyari sa bayang Israel- niredyek/tinanggihan nila ang tunay na Kristo at ang pinakamatindi ay ang akusahan ang Kristo bilang isang Impostor na kriminal na dapat parusahan sa krus ng kalbaryo. Bakit nga ba nagkaganito? Nabigo ang mga Hudyo (mga Israelita) sa inaasahan nila sa dumating na Kristo. Hindi sila nakuntento sa mga himalang nasaksihan, mga pagpapagaling sa mga maysakit, pagpapalayas sa mga inalilihan ng diablo, pagbuhay sa mga patay, sa pagpaparami ng tinapay at isda. Sa huling nabanggit sila lalong nagkainteres (Juan 6:14-15). Hinabol nila si Hesus, upang ulitin ito (ang magparami ng tinapay at isda) ngunit sila ay nabigo sa halip tumanggap sila ng sermon na mabigat- "Si Hesus ang pagkain na dapat nilang tangkilikin." (Juan 6:55) Nadismaya ang mga Hudyo, inaasahan nila na sila'y mapapalaya sa Emperyo ng Roma sapagkat nagkataon  noon na sakop ang Israel ng Roma, ang ipinangakong Kristo ang magpapalaya sa kanila, ngunit ibang kalayaan ang iniaalok ng dumating na Kristo! Ang wika ni Hesus sa Juan 8:36 "Kapag kayo'y pinalaya ng Anak, tunay ngang kayo'y malaya!" Kalayaan mula sa kasalanan ang layunin ni Hesus (Juan 8:34-35). Ngunit ayaw ng mga Hudyo nito, kalayaan sa Roma ang habol nila. Inaabangan ng mga Hudyo ang maringal o magarbong kaharian mula sa dumating na Kristo, ngunit nabigo sila sapagkat mga pipitsuging mangingisgisda ang mga alalay ng Hari hindi nila maarok ang sinasabi ni Hesus na ang kaharian Niya ay hindi sa mundong ito kundi sa kalangitan. (Juan 18:36) Gusto nilang makita ang Kristo na nakaupo sa maringal na trono, ngunit puso ang nais pagharian ni Hesus. (Lucas 17:21) Makalupang kayamanan ang hanap ng mga Hudyo sa dumating na Kristo, ngunit ibang kayamanan ang inaalok ng Panginoong Hesus. Kaligtasan ng kaluluwa na higit pa sa pinagsamang yaman ng buong mundo (Marcos 8:36). Kayamanang hindi mauubos at magpasawalang-hanggan. (Lucas18:22). Pangkasalukuyan at pansanlibutang pakinabang ang habol ng mga Hudyo sa inaasahang kristo kaya sila ay nadismaya sa mga inaalok ng totoong Kristo. Dahil sa pagkabigo ng mga Hudyo napagtanto nila, hindi si Hesus ang inaasahan nilang Kristo, mayroon pang tiyak na darating, ang kristo na papasa sa kanilang panlasa at inaasahan. Kaya nga magaganap sa mga Hudyo ang eksaktong sinabi ng Panginoong Hesus sa Juan 5:43-

    "Naparito Ako sa Ngalan ng Aking Ama, at ayaw ninyo Akong tanggapin. Kung may ibang pumarito sa kanyang sariling pangalan, siya'y inyong tatanggapin!"

    Hanggang ngayon, magmula nang ipinapako ng mga Hudyo sa mga Romano ang totoong Kristo, mahigit 2,000 libong taon nang naghihintay ng kristo ang Israel. Talagang lilitaw ito sapagkat ipinauna na ng Bibliya na darating nga ito at siyang kikilalanin ng bayang Israel. Ngunit ang kikilalanin nilang kristo ay ang Anti-kristo, sa una ay magpapakitang napakaamong pag-asa ng lahat ngunit siya ang pinakamasamang nilalang na nabubuhay sa mundo na siyang maghahasik ng lagim sa buong mundo sapagkat siya ay sasapian mismo ng kanyang ama, walang iba kundi si satanas. Ipapahintulot ito ng Diyos upang sa sandaling lumitaw na ang tunay na kulay ng Anti-kristo ay lubos na mauunawaan ng mga Hudyo na ang ipinako nila sa krus, ang Panginoong Hesus, ang Siya palang tunay na ipinangakong Kristo mula sa Diyos Ama! May espesyal na plano ang Panginoong Diyos para sa kaligtasan ng mga Hudyo, hindi lang sa lagim ng Anti-kristo kundi sa espiritwal nilang kaligtasan. Hinding-hindi nila tatanggapin ang 666 na tatak ng Anti-kristo, sa halip magpapapugot sila ng ulo bilang selyo ng kanilang pananalig sa totoong Kristo! Ngunit sa mga hindi Hudyo,na kinabibilangan natin, ang kaligtasan natin ay sa pagtanggap sa Kristong ipinako sa krus ng kalbaryo. Sinumang hindi Hudyo na magkamali tulad ng pagkakamali ng Hudyo na itakwil si Hesus ay wala ng ibang kapamaraanang maligtas kahit pa sila magpapugot ng ulo. sa mga Hudyo lang ang pagkakataong iyon. Para maligtas ka, tanggapin mo si HESUS, Siya na niredyek ng mga Hudyo; seryosohin mo sa iyong puso ang panalangin ito-  

    Makapangyarihang Amang nasa langit, salamat po sa dakilang pagmamahal Mo sa akin, ibinigay Mo sa akin ang Iyong Bugtong na Anak na si Hesus bilang aking Tagapagligtas.
Hinding-hindi ko Siya tatanggihan tulad ng ginawa ng mga Hudyo, sa halip tinatanggap ko Siya sa aking puso bilang aking Panginoon, Diyos at HARI ng aking buhay. Nanalig ako na Siya ay namatay sa krus alang-alang sa akin. Patawad sa lahat kong kasalanan, palayain mo ako sa pagkakagapos nito. Panginoong Hesus, manatili Ka sa aking puso, mamahalin Kita at paglilingkuran habang ako ay nabubuhay. Ito ang pagsamo ko sa Iyo Ama sa Pangalan ni Hesus. Amen

Huwebes, Agosto 8, 2013

Ang Ginagampanan ng Banal na Espiritu Habang Papalapit ang Pagbabalik ni Hesus Part5

Iba pang Mahahalagang Ginagampanan ng
Banal na Espiritu Habang Nalalapit ang
Pagbabalik ng Panginoong HESUS





     Ako'y nakatitiyak na ang sinumang nagtataglay ng Banal na Espiritu ay hindi maaaring magkamali ng HESUS na kanyang pagtitiwalaan at mamahalin. At napapakinggan niya ang mabanayad na tinig ng kanyang dakilang Pastol na magbantay, maghanda sa pamamagitan ng pagpapakabanal at pagiging ganap sa pag-ibig. Sa tulong ng Espiritu Santo ay laging aalingawngaw sa kanyang espirituwal na pandinig ang tinig ng totoong HESUS- "DARATING NA AKO..."



 Abangan

Ang Ginagampanan ng Banal na Espiritu Habang Papalapit ang Pagbabalik ni Hesus Part4


Pagpapaala-ala ng mga Sinabi ng Panginoong Hesus   


   Habang papalapit ang pagbabalik ng Panginoon, isa pang tanda ang ipinahiwatig ng Salita ng Diyos: tatalikod sa tamang aral ang nakararami. (2Timoteo4:3). Magiging masakit sa kanilang pandinig ang katotohanan dulot ng puro/dalisay na Salita ng Diyos kayat ibabaling sa mga kwentong kinatha ng tao (2 Timoteo 4:4) at hahanap ng mga mangangaral, yung nakakakiliti lang sa pandinig nila ang ituturo. (2Timoteo 4:3) Isang kristiyanong gawain ang minsan ay nadaluhan ko, ako ay nagulat sa mangangaral na wala ng hawak na Bibliya at ang nakapalabok sa mensahe niya ay mga kaisipan at popular na kapahayagan nina Plato, Confucius, Mahatma Gandhi, Mother Theresa at iba pang mapilosopiyang tao. At ang mga nakikinig naman ay "amen" nang "amen"! Ako ay kinilabutan, gaano man katalino at kabait ang isang tao kung hindi siya tinubos ni Kristo ay hindi dapat pag-aksayahan ng banal na oras na para lamang sa Salita ng Diyos. At ang mahalagang AMEN ay para lamang sa puro at dalisay na kapahayagan mula sa Salita ng Diyos. Kaya nga nasa kalalagayang nanganganib ang ilang mga tupa sapagkat nag-"amen" sila sa mga kapahayagan na hindi galing sa buhay na Diyos na naging sanhi upang sila ay manghina at madaya. Isang kilalang banyagang propeta ang dumalaw sa bansa at nagdeklara na ang bansang dinalaw niya ay pagpapalain daw ang ekonomiya at mas aangat kaysa mga karatig na bansa at nagbanggit pa ng palugit na taon. Natuwa ang mga nakarinig ngunit iyon ang naging hudyat upang bumagsak ang kanilang espirituwal na kalagayan. Hindi kataka-takang nagayumang sumali sa maduming pulitika ang mahahalagang lider upang tulungang matupad ang propesiyang binitiwan. Sa halip na magbantay (magpakatino) sa nalalapit na pagbabalik ni Hesus ay nabaling na tuloy sa pag-aabang na umasenso ang bansa! Kaya't dito muling papasok ang napakahalagang gawain ng Banal na Espiritu. Ipapaala-ala Niya kung ano lamang ang dalisay na katuruan at mga sinabi ng Panginoong Hesus. Ang Panginoon mismo ang nagsabi sa Juan 14:26-
"Ngunit ang Patnubay, ang Espiritu Santo na susuguin ng Ama sa Pangalan Ko ang Siyang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at magpapaalaala ng lahat ng sinabi ko sa inyo!" 
   Hindi maililigaw ninuman ang isang totoong kinakasihan ng Banal na Espiritu, sapagkat hindi lohika nina Buddha o Muhammad ang ituturo Niya kundi ang dalisay na mga Salitang binitiwan ng Panginoon Hesus mismo. Sabi ng Panginoon, ang mga tupa ay makikinig sa aking tinig,(Juan 10:27). Pinagtitibay ng Banal na Espiritu ang relasyon ng tupa sa dakilang Pastol sapagkat Siya ang nagkukumpirma sa tupa na iyon nga talaga ang pinasasabi ng Pastol.
   Hindi lang mga mapanganib na tinig ng mga bulaang propeta at mangangaral ang umaalingawngaw ngayon. Ang mapagkondenang bulong ng diablo ay palakas ng palakas sa mga huling araw. Nandiyan din ang mga tinig mula sa sanlibutan na humihikayat na paggugulan ng panahon at mga kaabalahan ang mga pansanlibutang isyu. Mga pang-araw-araw na pag-aasikaso sa mga pangunahing pangangailangan. Lalong paingay nang paingay ang sanlibutan at ang madayang tinig diyablo na siyang sanhi ng espirituwal na pagkakahimbing ng nakararami sa kalipunan ng mananampalataya. May ginagawang panggising ang Banal na Espiritu. Anumang kasinungalingan at panggugulo ng kaaway, ito ay nasasapawan ng mga Salitang ipinapaala-ala ng Banal na Espiritu sa mga tunay na tupang Kanyang pinananahanan. Sa palagay n'yo, ano'ng Salita ng Panginoong Hesus ang mahigpit na ipinapaalaala ng Banal na Espiritu sa ating kapanahunan? Tiyak kasama ang mga ito: Marcos 13:33, 1 Tesalonica 5:23, Pahayag 22:20 at marami pang iba!



Ang Ginagampanan ng Banal na Espiritu Habang Papalapit ang Pagbabalik ni Hesus Part3


Ibinubuhos ang Pagmamahal sa Panahong
Nanlalamig ang Pag-ibig ng Marami

     Ipinauna ng Panginoong Hesus na sa panahong malapit na Siyang bumalik ang pag-ibig ng marami ay manlalamig,(Mateo24:12) ito ay dahil sa matinding kasamaang umiiral. Nandito na nga ang panahong tinutukoy ng Bibliya. Mas madaling makita sa panahon ngayon ang kalupitan, karahasan, pananamantala, panlalamang, paninira, inis, galit, pang-iinsulto, kagaspangan, walang-pakialamanan at marami pang manipestasyon ng kawalan ng pagmamahal/awa/pagmamalasakit sa kapwa. Sabagay ang isyu patungkol sa pag-ibig ay hindi naman talaga inaasahan ng Diyos sa mga hindi pa kumikilala sa Kanya. Walang ideya ang isang makasanlibutan/makasalanan kung ano nga ba ang tunay na kahulugan ng pag-ibig na tinutukoy ng Bibliya. Ang pag-ibig/pagmamahal ay naipagkakamali sa damdamin ng paghahangad o pagnanasa. At sa kapanahunang ito ang mundo ay punong-puno ng iba't-ibang pagnanasa. May mga pagnanasang napagbibigyan, ngunit mas marami ang hanggang pagnanasa na lang. Kaya't ang mundong ito ay nababatbat ng kalungkutan sapagkat punong-puno ng pagnanasa ngunit kapos sa pag-ibig. Ito ang napagtanto ko, lahat ng tao ay naghahangad lumigaya. 
    Ngunit wala silang ideya kung ano talaga ang makapagpapaligaya sa kanila. Hinanap nila ito sa pamamagitan ng pagkamal ng salapi, pagbili ng mga kalayawan o karangyaan ng mundo, pagnanasa sa mga taong natitipuhan nila, ngunit hindi pa rin sila makuntento. Ako ay nakatitiyak, na merong puwang/espasyo sa puso ng tao na hindi kailanman maaaring punuan ng anumang aliw na inaalok ng mundo. Isa lang ang maaaring makapuno sa puwang na ito- ang pag-ibig ng Diyos. Sa mga natural na tao, bakit nga ba may haplos sa puso kapag papalapit na ang kapaskuhan? Kapag ang kalendaryo ay sumasapit na sa buwang may "-ber" at nagpapatugtog na ng pamaskong awitin? Naalala ko noon, magkahalong lungkot at pananabik ang nadarama ko kapag sumasagi sa kamalayan ko na magpapasko na naman. Ngunit ito ay noong hindi ko pa nauunawaan at natatanggap ang pag-ibig ng Diyos. Sa ngayon, ang buwan ng Disyembre ay wala nang kaibahan sa ibang mga buwan. Kaya pala ganun, sapagkat nagbibigay ang kapaskuhan ng ideya sa bawat puso patungkol sa pag-ibig ng Diyos. Nasusundot ng kapaskuhan ang puwang sa puso ng tao na dapat mapunuan. Nakakalungkot nga lang na sa nakararami, nanatiling ideya lamang ang pag-ibig na pinatunayan sa krus ng kalbaryo at patuloy na binabalewala ng tao sa paglipas ng ilang libong kapaskuhan! Mas hinangad pa ng marami na magkaroon ng krismastri, krismaslayt at kung ano-ano pang pamaskong burluloy kaysa sa Kanya (si Hesus) na katibayan ng pag-ibig ng Diyos. Ngunit ang Banal na Espiritu, ang ikatlong Persona ng Diyos, ay patuloy pa rin sa Kanyang banayad na pagpapaunawa patungkol sa pag-ibig ng Diyos. Naniniwala akong lalong pinagbubuti ng Banal na Espiritu ang Kanyang gawaing ito sapagkat malapit na ring matapos ang kanyang ministeryo habang papalapit nang papalapit ang pagbabalik ng Panginoong Hesus. Ayon sa Roma 5:5-
"Tumitibay ang ating pag-asa (pagbabalik ng Panginoon), sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinubuhos ng Banal na Espiritu sa ating mga puso!" 
    Lubhang kailangan ng bayan ng Diyos ang pagbubuhos ng Banal na Espiritu ng pag-ibig ng Diyos sa ating mga puso. Nakakalungkot sapagkat mahirap nang madama ngayon ang pagmamahalan sa mga nagsasabing kristiyano. Mas mdaling umiral ang paghihinala at samaan ng loob kaysa magpatawaran. Kampihan na ang nangyayari, parang barkadahan na lang, may pinipiling kagigiliwan at meron namang binabalewala at inaapi. 

   Ang makalangit na pag-ibig ay walang pinipili. Kung matamis ka sa isang kapatid dapat ay ganun sa lahat. Maraming nasa kalipunan ng mananampalataya ang nag-aabang lang ng kasiraan ng kanyang kapwa at kiliting-kiliti na ipagkakalat ito. Kung may pag-ibig ang taong ito (sapagkat sumasakanya ang Banal na  Espiritu) anumang narinig niya laban sa kapatid ay kaagad itong ipararating sa kanya upang maituwid o kaya mapaalalahanan. Ayon nga sa Kawikaan 27:5, Ang hayagang pagsaway ay mainam kaysa lihim na pagdamay!". Ilan nga ba ang bunga ng Banal na Espiritu? Sa pagkakaunawa ko ay isa lang, -pag-ibig! Bagama't siyam ang nabanggit sa Galacia 5:22-23, ang walo nito ay paglalarawan lamang sa unang nabanggit, ang pag-ibig! Ito ay pinagtitibay din sa 1 Corinto 13:4-13, kung ano nga ba ang kahulugan ng pag-ibig ng Diyos.

    Napakahalagang isyu ng pag-ibig ngayong panahon na talagng nagbabadya na ang muling pagbabalik ng Panginoong Hesus. Kulang na ang panahon may mga taong dapat pang maabot ng Ebanghelyo ng kaligtasan. Hindi makatotohanang mag-ebanghelyo ang sinumang walang pag-ibig ng Diyos sa puso. Ang manipestasyon ng totoong pag-ibig ay ang pagkakaroon ng malasakit sa espirituwal na kapakanan ng mga kaluluwa. Ang paghahangad na huwag  mapahamak sa impiyerno ang sinuman ay likas na damdamin at pasanin ng sinumang nagtataglay ng pag-ibig ng Diyos. Sa panahong napakaraming anak ng Diyos ang nadadaya, mga nanghihina at nahahatak ng kasalanan at sanlibutan, mga hilahod na sa  mabibigat na pagsubok ang mahabaging kamay ng Diyos ay umaabot pa rin sa pamamagitan ng mga kinakasihan ng Banal na Espiritu sapagkat ang puso ay patuloy pa ring dinadaluyan ng pag-ibig ng Diyos. Ang pagmamahal sa kapatiran ay katibayan din ng pagmamahal sa Diyos sapagkat sinabi ng 1 Juan 4:20 "Kung hindi  magawang mahalin ninuman ang kapatid na kanyang nakikita, paano pa niya magagawang mahalin ang Diyos na hindi nakikita?" Ang kinakasihan ng Banal na Espiritu ay nagmamahal sa kapatiran  kasabay ng pagmamahal sa Panginoong Hesus.

    Malaki ang pananagutan ng bawat tinubos ng dugo ng Panginoong Hesus. Ang sabi nga ng Panginoon,"Maging abala kayo sa makabuluhang gawain hanggang sa Aking pagbabalik!" (Lucas 19:13) at "Ang pinagkatiwalaan ng mas maraming bagay ay pananagutin ng mas mabigat!". Ang mga inaasahan ng Panginoon sa atin ay ating magagampanan sapagkat may kapangyarihan ang pag-ibig na ibinubuhos ng Banal na Espiritu sa atin. "Ang lahat ng ito ay nagagawa ko sa udyok ng pag-ibig ni Kristo."(2 Corinto 5:14)
    Katulad ng madalas kong pinagdiinan sa mga nakalipas kong aralin- ang isang nagmamahal ay laging naghihintay at nag-aabang. Dahil sa ginagawa ng Banal na Espiritu na pagbuhos ng pag-ibig ng Diyos sa ating mga puso(Roma5:5), lalo nating namamahal ang ating mga kapatid at higit sa lahat ang ating Panginoong Hesus kaya nga lalong pinananabikan natin ang Kanyang pagbabalik. Sinabi ni Hesus sa Lucas 12:45 "Ang aliping nag-aakalang matatagalan pa ang pagbabalik ng Panginoon (walang pananabik) ay nagiging malupit (walang pagmamahal) sa kasamahan niya at nagpapasasa lang sa hilig ng laman!". Kaya nga daratnan siya ng Diyos na hindi handa upang parusahan. Hindi kasi nagtataglay ng Banal na Espiritu kaya't wala ang pag-ibig ng Diyos. Ngunit may iilan na puno ng pag-ibig ang puso  dahil sa Banal na Espiritu. Dalisay ang pagdamay sa mga kapatid, nagpapakasipag sa ministeryo ng Panginoon at lubusang nananalangin na dumating na ang kanyang pinakaiibig- ang Panginoong Hesus!






Lunes, Agosto 5, 2013

Ang Ginagampanan ng Banal na Espiritu Habang Papalapit ang Pagbabalik ni Hesus Part2

Pagpapabanal sa mga Totoong Mananampalataya

  Tinalakay ko sa nakalipas na aralin, na ang pagbabalik ng Panginoon ay nagiging makatotohanan/reyalistiko sa kamalayan ng mga totoong kristiyano sa pamamagitan ng pagpapaunawa ng Banal na Espiritu. (I Corinto 2:9-10) Kung wala ang Banal na Espiritu sa sinumang nagsasabing kristiyano, ang pagbabalik ng Panginoon ay nagmimistulang imahinasyon o kathang-isip lamang kung kaya hindi na kailangang panabikan o paghandaan.

  Ngayon naman, isang napakahalagang ginagawa ng Banal na Espiritu ang nais kong bigyang diin, ito ay ang pagpapabanal sa mga hinirang (mga totoong natubos sa pamamagitan ng kamatayan ni Hesus sa krus). Pinakamahirap na aspeto sa buhay kristiyano ay ang kaisipan at panawagan na ang sinumang interesadong pumunta ng langit ay nararapat lamang na maging banal/matuwid o nagtatagumpay laban sa pagkakasala o tukso ng kasalanan. Ang aspetong ito ay madalas na naisasantabi o hindi popular na usapin sa panahon ngayon. Marami pa ngang mangangaral na umiiwas sa ganitong tema ng kanilang pangangaral (ang pagpapakabanal) sa pangambang baka maging kabigatan sa kanilang kongregasyon at baka maging sanhi pa ng pagkawala ng mga dumadalo. Mas maginhawa nga naman na ang pag-usapan na lamang ay ang kabaitan at kapangyarihan ng Diyos na laging gustong-gustong magpala. subalit napakahigpit ng panawagan ng napakabait at BANAL na Diyos na magpakabanal ang Kanyang bayan. (Efeso 1:4; Efeso 5:27; 1Pedro 1:15-16). Kaakibat ng nalalapit na pagbabalik ng Panginoon ay ang mahigpit na paalala ng Diyos na magbantay o maghanda (Mat.24:42, 25:13). At ang tinutukoy na paghahanda at pagbabantay ay ang pagpapakabanal o pagpapakadalisay ng mga kristiyano. Napakalinaw ng sinabi sa I Juan 3:3, "Ang sinumang umaasa sa pagbabalik ng Panginoon ay nagpapakadalisay (nagpapakabanal) kung paanong Siya ay dalisay!" At dito papasok ang napakahalagang ginagampanan ng Banal na Espiritu. Si Hesus mismo ang nagsabi sa Juan 16:8, "Kapag dumating na ang Banal na Espiritu, ipapaunawa Niya sa sanlibutan na ang kasalanan ay kasalanan, kung ano talaga ang pagiging matuwid at kahatulan."
  Masasabing ang kasalukuyang henerasyon na ang pinakamasama at pinakamahalay sa lahat ng kapanahunan. Ang mga tao ay nasasanay na at hindi na nagugulat sa mga nakakarimarim na kasalanan o paglapastangan sa Diyos. Kamakailan lang ay napabalita na tatanggapin na ng isang sekta na maging santa nila ang isang binabae. Isang sikat personalidad na kilala sa pang-iinsulto ng karaniwang tao ang kinagigiliwan ng marami. Mistula pa ngang kinaiinggitan ang isang maraming karelasyon o nagpapalit-palit ng asawa. Ang masaklap pa nito, ang mga kinamumuhian ng Diyos na mga gawain ay nasusumpungan na rin sa mga kalipunan ng mga nagsasabing "kristiyano". Ang mga bangayan, batuhan ng putik at tsismisan ay nagiging kalakaran na sa mga nagsasabing krisiyano. Ilan na ba ang mga tinatawag na "sister" ang nabubuntis nang hindi kasal? Isang dahilan kung bakit maraming mananampalatayang nahuhulog sa  pagkakasala ay dahil sa patibong ng diablo na pagaanin ang kasalanan hanggang sa magmistulang karaniwang kalakaran na lang. Kinokondisyon ang tao na wala namang panganib o 'consequence' ang kasalanan. Ang nakakaalam ng tama ngunit hindi ginawa ay nagkakasala. (Santiago4:17) Ang hindi nananalangin ay nagkakasala. Ngunit hindi na ito inaalinta ng iba, nakakatulog na nang mahimbing sapagkat nakumbinsi na sila ng diablo na nauunawaan naman ng Diyos ang kanilang kapaguran at kaabalahan. Dito papasok ang napakahalagang gawain ng Banal na Espiritu(Juan 16:8) ito ay kung talagang Siya ay nananahan sa isang nagsasabing kristiyano. Isang masigasig na tagadalo ng kristiyanong pagtitipon, ang napatunayan ko kung bakit hindi interesado sa pagbabalik ni Hesus, kasi pala siya ay nagtitinda ng alak at sigarilyo. Kung sumasakanya ang Banal na Espiritu, hindi siya matatahimik na ipagpatuloy ito. Sobrang madaya ang kasalanan, minsan, nakapasok na ito ng hindi namamalayan. Ngunit salamat sa Banal na Espiritu, nasasaliksik Niya ang kaliit-liitang pagsalansang sa pamantayan ng Diyos. Natutuklasan kaagad ang pagsingit ng mga hinananakit, sama ng loob, karumihan, kayabangan, kasinungalingan at iba pang pagsalangsang. Ako'y napagpala sa isang kilala kong mananampalataya na sinikap na maisayos ang kasal niya sa kanyang kinakasama bilang pagpapahalaga sa panawagan ng Banal na Espiritu. Yung isa pang kakilala ko ay iniwan na lang ang kinakasama na ayaw naman siyang pakasalan upang pagbigyan din ang panawagan ng Banal na Espiritu. 
    Dahil sa masaganang biyaya ng Diyos, sa determinasyong ng mananampalataya at sa konbiksyon (pagpapa-unawa) ng Banal na Espiritu ay merong mga nagsisipaghanda at nanabik sa pagbabalik ng Panginoong Hesus nang may kabanalan at nagtatagumpay laban sa kasalanan.





Huwebes, Agosto 1, 2013

Ang Ginagampanan ng Banal na Espiritu Habang Papalapit ang Pagbabalik ni Hesus

Ang Hindi Makita ng mga Mata at Marinig ng mga Tainga
     
Ang likas na sangkatauhan (mga natural na tao na hindi pa nakaranas ng espirituwal na kapanganakan) ay tumutugon lamang sa pisikal na pakiramdam dulot ng limang(5) pandama: paningin, panlasa, pandinig, panghipo at pang-amoy sa mga natural/pisikal na bagay na matatagpuan sa sanlibutan. 
    Inaakala ng nakararami na ang pinakamainam at pinakaaasam-asam ay dapat nagbibigay ng kasapatan at kasiyahan sa pamamagitan ng limang pandamang pisikal. Masaya ang tao kapag nakakatikim siya ng masasarap na putahe; kapag malaki at mamahaling t.v. ang pinapanooran, kapag nakatira sa disente at komportableng tirahan; kapag kumpleto sa gadget tulad ng laptop, iphone, tablet, magarang sasakyan at marami pang iba. Karaniwang solusyon para makamit ang lahat ng ito ay ang magkaroon ng maraming-maraming pera! Ngunit ang Panginoong Diyos ay may napakagandang inihahanda sa mga nagmamahal sa Kanya na hindi kayang namnamin ng 5 pisikal na pandama at lalong hindi kayang tugunan ng pinakamayamang tao sa mundo, sa madaling salita hindi kayang tumbasan ng pera. Ang sabi ng 1 Corinto 2:9-12-
       "Ganito ang sinasabi ng Kasulatan: 'Hindi pa nakikita ng mata, ni naririnig ng tainga, Hindi pa rin sumasagi sa isip ng tao, Ang inihanda ng Diyos sa mga umiibig sa Kanya.' Subalit ito ay inihayag ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. Nasasaliksik ng Espiritu ang lahat ng bagay, maging ang pinakamalalim na panukala ng Diyos. Walang nakaaalam sa iniisip ng isang tao maliban sa kanyang espiritu. Gayon din naman, walang nakakaalam sa mga iniisip ng Diyos maliban sa Espiritu ng Diyos. Hindi ang espiritu ng sanlibutan kundi ang Espiritu ng Diyos ang tinanggap natin upang ating maunawaan ang mga kaloob sa atin."

   Ano nga ba ang inihahanda ng Diyos sa umiibig sa Kanya? Ito ay ang tinutukoy sa talata na 'pinakamalalim na panukala ng Diyos'. Ito ang sinasabing HIWAGA sa 1 Corinto 15:51-53. Ito rin ang tinutukoy ni Pablo na 'aral ng Panginoon' sa 1Tesalonica 4:15-18. Ito rin ang tinutukoy sa Tito2:13 na "mapalad na pag-asa". samakatuwid ang inihahanda ng Panginoon sa umiibig sa Kanya ay ang Kanyang pagbabalik upang sunduin ang Kanyang minamahal para sa isang kasalan. Oo, ang pagbabalik ng Panginoon ay hudyat ng isang kasalan! (Pahayag 19:6-9) Walang pinakamatamis sa isang nagmamahal kundi ang handugan ng kasal ang Kanyang iniibig! Mahirap itong unawain ng mga makalaman at makasanlibutan na ang tanging alam ay ang bisa at kapangyarihan ng pera. Ang tanging makakaunawa nito ay ang mga umiibig sa Panginoong Hesus sapagkat, sumasakanila Banal na Espiritu. Ano ang ginagawa ng Banal na Espiritu? Ipinapakita, ipinaparinig at ipinapaunawa kung ano ang inilalaan ng Diyos sa mga umiibig sa Kanya. Lubhang napakahalaga ng ginagampanan ng Banal na Espiritu sa mga panahong ito- ipinauunawa at pinatutunayan Niyang talagang babalik ang Panginoong HESUS! Kaya't ang mga kinakasihan/pinapatnubayan ng Banal na Espiritu ay talagang nananabik sa pagbabalik ng kanyang Panginoon at Tagapagligtas.