Halos araw-araw at oras-oras, masasaksihan ang kaganapan ng mga palatandaan ng pagbabalik ng Panginoong Hesus. Hindi na nagugulat ang maraming tao sa pamaya-mayang lindol na maraming namamatay sa iba't ibang panig ng mundo, nung isang araw lang 400 ang namatay sa lindol sa Pakistan. Pamaya-maya lang ang labanan at giyera. Biglang bumubulusok pataas ang presyo ng mga bilihin lalo na nga ang bigas! Sobrang krimen, kasamaan, pagkagahaman at kalaswaan ang makikita kahit saan, ngunit ang tao ay nasasanay na, hindi nagugulat. Kahit pa nga ang putukan ay nasa katabing barangay lang at kahit pa umabot ng isandaan ang kilo ng bigas- tuloy pa rin ang buhay! Lahat ng palatandaan ay nandito na ngunit wala pa ring pakiaalam ang maraming tao! Bakit? Sapagkat ang sabi ng Mateo 24:36-44 ang pagbabalik ng Panginoong Hesus ay parang karaniwang araw pa rin- ang mga tao ay nagsisikain, nagsisi-inom at nag-aasawahan!
Sa kabila ng maraming tanda ng pagbabalik ng Panginoon, ordinaryo pa rin ang kalakaran ng mundo!
Ngunit ang hiwagang ito ay tiyak at nakatakdang maganap! Anumang oras ngayon. Nandito na nga kasi ang lahat ng palatandaan na darating na ang Panginoong Hesus!
Kahit nasanay na sa mga kagimbal-gimbal na mga balita ay tiyak na magugulat pa rin ang sangkatauhan sa pambihirang balitang ito- naglahong parang bula ang mga kristiyano! Dalawang uring tao ang magugulat- una yung mga walang alam sa bibliya na si Hesus nga ay darating, pangalawa yung mga nakasama ng mga totoong kristiyano na may alam na darating si Hesus ngunit hindi naman sineryoso kaya't hindi naghanda!
Ipanalangin natin na hindi natin masasaksihan ang mga ganitong balita, sapagkat kalagim-lagim ang sasapitin ng mga makakatunghay sa ganitong mga balita!
Ang ganitong mga balita ay hindi masasaksihan ng mga mapapalad sapagkat sila nga ang laman ng pambihirang balita! At hinding-hindi sila mabibigla! Ang mapapalad na ito ay ang tinutukoy ng Bibliya sa I Tesalonica 5:1-9. Mga nasa panig ng kaliwanagan sapagkat si Hesus na Siyang liwanag (Juan 8:12) ay kanilang tinanggap at minahal ng lubusan. Kilala nila at konektado sila sa Panginoong Hesus ang nag-iisang Diyos at Tagapagligtas!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento