Marami na rin akong nakausap patungkol sa tayming o kapanahunan ng pagbabalik ng Panginoong Hesus. Mas marami sa kanila ang nagsasabing napakatagal pa ang pagbabalik ng Panginoong Hesus. Isang dahilan ay sapagkat napakarami pa ring tao ang hindi kumikilala sa totoong Hesus. Napakarami pa ring masasama at makasalanan. Sapagkat totoo nga naman na kapag bumalik ang Panginoon, tapos na ang palugit sa pagkakaloob ng kaligtasan. Ayaw ng Diyos na marami ang mapapahamak. Kaya naaantala ang pagbabalik ni Hesus ay upang mabigyan ng pagkakataong magsisi ang mga tao upang sila rin ay maligtas. Ang kaisipang ito ay totoo ayon sa sinabi ng 2 Pedro 3:9. Samakatuwid kung ayaw pa ring magsisi at kumilala sa totoong Hesus ang maraming tao ay hindi pa darating ang Panginoong Hesus. Tama kaya ang kaisipang ito?
Isang tagadalo ng kristiyanong pananambahan ang nagsabing hindi pa daw darating ang Panginoon sapagkat hindi pa ligtas ang kanyang mga kapamilya. Ang tanong ko sa kanya "Ibinabahagi mo ba sa kanila ang kaligtasan at naisasamo mo ba sila sa Panginoon?" Hindi siya nakasagot sa tanong ko. Kung siniseryoso niya ang pangako ng Diyos sa Gawa 16:31 at siya ay tapat na tagasunod ni Kristo ay pwede namang ilang minuto o segundo bago dumating ang Panginoon at magbalik-loob sa Diyos ang kanyang mga mahal sa buhay at tumanggap ng pagliligtas ng Diyos! Pwedeng bang batayan na matagal pang babalik si Hesus sapagkat hindi pa masigasig sa pag-aakay ng kanilang sambahayan ang mga nagsasabing 'kristiyano'? o kaya, babalik na talaga ang Panginoon kasi pwersahan na niyang hinihila sa gawain ang kanyang mga kapamilya? Maiaantala nga ba ang pagbabalik ng Panginoon ng isang 'kristiyanong' tinatamad na ebanghelyohan ang kaniyang kapamilya?
Ang sabi ng Mateo 24:14, "Ipapangaral sa buong sanlibutan ang Mabuting Balita (Ebanghelyo) saka darating ang wakas!". Naging batayan ito ng ilan na matagal pang darating si Hesus sapagkat marami pang tribo ang hindi nararating ng Ebanghelyo. At may narinig din akong nagsabi na magdobol taym na ang mga misyonero at ebanghelista na humayo upang mapadali na ang pagdating ng Panginoon. Sa aking palagay, dahil sa mahimalang kapamaraanan ng Diyos, ay naipalaganap na ang Ebanghelyo sa lahat ng panig ng mundo at naabot na rin ang mga kaliit-liitang tribo. Pagbulay-bulayan natin ang tanong na ito: Kung sakali bang tumigil na sa paghayo ang mga mangangaral ay mapipigilan na nito ang nakaambang pagdating ng Panginoon?
Pauli-ulit na nagpapaala-ala ang Bibliya na ang susunduin ng Panginoon sa Kanyang pagbabalik ay ang mga nagsipaghandang mga mananampalataya na namumuhay ng banal at matuwid. Kung ganun, kapag talagang babalik na ang Panginoon ay makikita na ang mga kongregasyong kristiyano na ganap na sa pag-ibig at kabanalan. E paano ngayon 'yan- ang makikita sa mga dumadalo sa mga gawain ay mga makasanlibutan pa rin. Ang mga karakter ay walang pinagkaiba sa mga nasa relihiyon o kulto. Kung ano ang galaw, sayaw at hilig ng mundo ay ganun din sila . Kung ganun, matatagalan pa pala ang pagbabalik ng Panginoon sapagkat makalaman at makasanlibutan pa rin ang mga dumadalo ng kristiyanong pananambahan?
Kung susuriin ang mga nailahad kong argumento, nakatitiyak ako sa aking konklusyon: hindi kayang impluwensiyahan ng sinuman kung kelan gugustuhin ng Panginoon na Siya ay bumalik. Binanggit na kasi ni Hesus kung kelan Siya babalik- "Ako'y babalik kapag natapos ko na ang inihahanda kong titirhan ninyo!" (Juan 14:3)
Ito'y pinagtitibay din ng talinhaga ng 10 dalaga sa Mateo 25:1-12. Hindi na hinintay ng lalaking ikakasal ang 5 dalaga na makabili ng kinakailangang langis. Pinagsarhan na sila ng pinto. May sariling orasan o panahon ang Panginoon, kailangan lang na sundin ang tagubilin Niya na maghanda at magbantay ang sinumang nais na makasama sa gagawin Niyang pagsundo.
Nakatitiyak ako na nalulugod ang Panginoon at pahahalagahan Niya ang mga nagsusumamo na Siya ay dumating na.(Maranatha) Ngunit kahit walang manalangin na Siya ay dumating na, ay tiyak darating pa rin Siya!
Kung saan nasasanay o madalas ang sinuman doon siya dadatnan ng Panginoong HESUS!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento