Huwebes, Setyembre 5, 2013

Kritikal na Babala


Bakit gayon na lamang ang paghihinagpis ng mga naiwan?
   

"Kapag sinasabi ng mga tao, 'Tiwasay at panatag ang lahat,' biglang darating ang kapahamakan. Hindi sila makakaiwas sapagkat ang pagdating nito ay tulad ng pagsumpong ng pagdaramdam ng babaing manganganak." (ITesalonica 5:3)
    

    Ang tinutukoy ng talatang ito ay ang nalalapit na pagbabalik ng Panginoong Hesus! Ngunit bakit ito ay inilalarawan bilang "darating na kapahamakan"? Pinagtibay ng Bibliya na ang pagbabalik ng Panginoong Hesus ay para sa ganap na kaligtasan ng mangilan-ngilan na talagang nagsipagbantay at nagsipaghanda.(Mateo 24:44) Mga mananampalatayang namumuhay ng banal at matuwid na itinakda sa kaligtasan hindi sa kapahamakan. (I Tesalonica 5:9). Kapahamakan ang katumbas ng pagbabalik ni Hesus sa mas maraming bilang sapagkat nabigo silang pakinabangan ang pagkakataong ibinigay ng Diyos upang makapagsisi at ayusin ang sarili sa harapan ng banal na Diyos. Kapag dumating na ang Panginoon, hudyat ito na tapos na ang pag-aalok ng Diyos ng kaligtasan! Kapag kinuha na ng Panginoong Hesus ang mga banal (totoong kristiyano), wala ng pag-asang pumunta ng langit ang mga naiwan, kaya't ito ay katumbas ng malagim na kapahamakan! Katulad ng naituro ko noong una, matagal pa ang katapusan ng mundo, ngunit napakalapit nang matapos ang palugit para maligtas ang sangkatauhan sapagkat anumang oras ay darating na nga ang Panginoong Hesus. Habang hindi pa ito nagaganap, ang kritikal na babala o panawagan ay inihahayag sa maraming tao, suriin mo kaibigan ang mga susumusunod, maaaring kabilang ka sa binibigyan ng mahigpit na babala:

* Ikaw ay nasa relihiyon at kuntento na linggo-linggo ay dumadalo naman sa mga rituwal at maseremonyang pagsisimba.

* Panatag na ginagawa ang mga bagay na nakakahiya lang kung may nakakakita, at kung wala naman ay ayos lang.

* May pangangatwiran na natural lang ang magkasala sa kaisipang "Sapagkat ako ay tao lang!".

* Nag-aakalang hindi ka masyadong masama sapagkat wala ka namang inaapakang tao at mayroon ka namang ginagawang kabutihan bilang pangtakip sa kung anuman ang iyong pagkukulang.

* Umiikot lang ang buhay mo kung paanong makaraos araw-araw at magkaroon ng konti o lubos-lubos na kasiyahan dulot ng telebisyon, cellphone, computer (facebook), at kung ano-ano pang gadget. Ito ang halos umuukupa sa marami mong oras.

* Wiling-wili kang kumanta o makinig ng mga nauusong musika at awiting makamundo. Wala sa kamalayan mo na ang awitin ay marapat lamang sa Diyos na dapat dakilain at papurihan at ang tinig mo at esklusibong para sa Diyos lang.

* Kinikilig kang pag-usapan ang tsismis at kasiraan ng iba. Hanap-hanap at nakikiliti ka rin sa mga balitang artista.

* Ang pagpupursige mo ay ang umasenso at magkamal ng madaming pera sa kaisipan na kapag ma-pera, "solved" lahat ng problema!

* Wala kang interes sa Bibliya.

* Wala kang ganang makipag-usap sa Diyos. Pero minsan naman ay nagdarasal din kung may mabigat na problema at kung sino-sinong pangalan ang binabanggit. Ang kapag may problema, tao kaagad ang naiisip na lapitan.

* Ikaw ay nasa kongregasyon ng mga nagbi-Bibliya at nagha-haleluya ngunit ang pang-araw-araw na pamumuhay mo ay walang kaibahan sa mga nasa relihiyon o nakararaming pagano (walang-Diyos)

* Ipinagmamalaki ang laki at karangyaan ng kinabibilangang kongregasyon at hangang-hanga sa husay at galing ng mga mangangaral.

* May pangambang baka manghina o mapahamak kapag mahiwalay sa kinawiwilihang kongregasyon.

* Palipat-lipat ka ng kongregasyon sa paghahanap ng higit na mapakikinabangan o kaya, kaagad umaalis kapag nasusukol o may kinaiinisan at inaayawan.

* Kiliting-kiliti sa mga mensahe ng mga ekspertong mangangaral kung paanong yumaman, maging mahusay, magaling at dakila, ngunit nangingiwi sa mga mensaheng magpakabanal, magpakababa, maging patay at limutin ang sarili upang si Hesus na lang ang maging lahat-lahat.

* Merong mga taong kinagigiliwan ngunit marami ring iniiwasan at kinaiinisan. May poot at hinahanakit sa ala-ala at presensiya ng sinuman.

* Hangad mong itampok ang sarili kaya idinadako ang pansin sa kasiraan o kahinaan ng iba.

* Kinatatamaran ang mga espirituwal na pananagutan (pagbabasa ng Bibliya, pananalangin, pag-aayuno, pag-eebanghelyo, pagdalo sa pagsamba) at mabilis na naisasantabi bilang pagbigay puwang sa mga sekular o pansariling kadahilanan.

* Walang ganap na pagkakakilala at pagpapahalaga sa Banal na Espiritu kaya nagtitinda pa rin  o tumatangkilik ng sigarilyo, alak, pornograpiya, sugal, lotto at kung ano-ano pang hilig ng laman at mundo.

* Walang kaalam-alam sa espirituwal na labanan. Ayaw palayasin ang diablo at magaan lang ang pakikitungo sa pwersa ng kadiliman, palambing pa na tinatawag ang kaaway ng Diyos sa pangalang "taning".

* Walang malasakit sa espirituwal na kapakanan ng kapamilya. Panatag ang loob kahit nakikitang binabalewala ang Panginoong Hesus at ang Kanyang Salita. Hindi man lang nagbabahagi ng Ebanghelyo ng Kaligtasan.

* Walang ideya o pananabik na ang Panginoong Hesus ay darating na anumang oras!

   Napakarami pa sana akong babanggitin ngunit hayaan na lang natin na ang Banal na Espiritu ang magdagdag sa mga nabanggit ko. Alalahanin natin, na isa o dalawa lang sa mga ito ang taglay ninuman, nakakapangilabot na panganib ang katumbas ng pagbabalik ng Panginoong Hesus! Nangangahulugan ito ng kapahamakan. Ngunit hindi pa naman huli ang lahat- masusumpungan pa rin naman ang masaganang habag ng Diyos. Ito ang kritikal na babala o panawagan:
     Dapat lamang na hanapin ang Diyos habang malapit pa Siya at maaari pang masumpungan. (Isaiah55:6)
 At sa habag at kapamaraanan ng Banal na Espiritu, pigain natin ang ating puso at kamalayan na maunawaan ang kadakilaan ng pag-ibig ng Diyos na ipinamalas Niya sa krus ng kalbaryo. Magdesisyon tayo na isuka at isumpa ang kasalanan at yakapin ang Salita ng Diyos at talikuran o iwan ang lahat, alang-alang sa Kanya na higit na mahalaga... ang Panginoong Hesus! (Filipos 3:8)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento