Martes, Setyembre 24, 2013

Seryosong Paghahanda para sa Dakilang Handaan


     
     Malinaw ang dahilan kung bakit muling babalik ang Panginoong Hesus- "Ako'y aalis at kung naipaghanda Ko na kayo ng inyong titirhan, babalikan Ko kayo upang tanggapin maging akin nang sa ganun kung nasaan Ako ay nandoon din kayo!" (Juan 14:3). Kapag naganap na ang pagbabalik ng Panginoong Hesus, bago Niya dalhin sa inihandang tirahan, ang mga mapapalad na pinangakuan ay magkakaroon muna ng isang malaki at dakilang handaan! Isang pambihira at maluwalhating salu-salo na tinatawag ng Pahayag 19:9 'hapunan pangkasalan ng Kordero' (marriage supper of the Lamb). Ang sabi nga ng talata- mapalad ang mga naanyayahan sa pambihirang salu-salong ito. Anumang salu-salo ay nangangailangan ng paghahanda. Hindi lang tirahan ang inihahanda ng Panginoon kundi ang isang maluwalhating salu-salo (handaan).

   Puro paghahanda ang ginagawa ng Diyos (1Corinto 2:9) kaya't hindi kataka-takang hingiin Niya sa Kanyang mga babalikan na magbantay o maghanda rin.(Mt.24:42, Mt.24:43, Mt.25:13, Marcos 13:33, Marcos 13:35, Lucas 12:37, Lucas 21:36 at marami pang iba). Ang panawagan ng Diyos sa Israel (Amos 4:12), "Maghanda kayo sa pagharap sa Diyos!" ay higit na umaalingawngaw ngayon sa mga totoong tagasunod ng Panginoong Hesu-kristo.
  Paano at anong paghahanda ito? Tingnan natin ang I Juan 3:3- "Ang sinumang umaasa sa pagbabalik ng Panginoon ay nagpapakadalisay kung paanong SIYA ay dalisay!" Inihayag ng Daniel 12:10 at Pahayag 22:11 ang magiging kalagayan nag nakararami at mangilan-ngilan- "Sa huling panahon (sa nalalapit ng pagbabalik ni Hesus) ang masasama ay lalo pang magpapakasama ngunit ang mga matuwid at banal ay lalo pang magpapakadalisay!
   Tunay na bawat bahagi ng Salita ng Diyos ay mahalaga at dapat pagtuuunan ng pansin ngunit may mga bahagi ng katotohanan ng Salita na dapat mabigyan ng diin sa partikular na pagkakataon o kapanahunan. Sa panahong nagbabadya ang malawakang krisis maginhawang mapakinggan sa mga pangangaral ang katotohanang ang Diyos ay Diyos ng pagpapala. Ngunit hindi dapat maisantabi na ang sitwasyon o kapanahunan ngayon kung saan kaliwa't kanan ang balita tungkol sa mga pagtaas ng bigas at mga bilihin, malaganap na kasamaan, giyera/labanan, mga kalamidad sa maraming dako ng mundo ay hudyat ng nalalapit ng pagbabalik ng Panginoon, kaya't nakatitiyak ako na ang naaangkop na mensahe ngayon sa bawat pangangaral ay ang MAGHANDA!  Isang seryosong lingkod ng Diyos ang nangangaral ng kabanalan sa kanyang kawan ang umaming nahihirapang makasunod ang kanyang mga nasasakupan at maging siya mismo! Ayon sa kanya- "May nangangaral na nga patungkol sa pagpapakabanal ay nabibigatan pang makasunod ang ilan, paano pa kung wala nang mangangaral patungkol sa pagpapakabanal?" Tanggapin natin ang katotohanan na ito ang pinakamahirap na aspeto sa larangan ng pananampalataya ngunit hindi ito dapat maisantabi sa halip ay dapat ipursige sa biyaya ng Diyos at sa kahabagan ng Banal na Espiritu. Sa mangilan-ngilan na nanatiling gising, nagbabantay at naghahanda ang  mga talatang ito ay yumuyugyog sa kanilang mga kamalayan:

  "Ginagawa Niya ito upang maiharap sa Kanyang Sarili ang Iglesiya, marilag, banal, walang batik at
walang anumang dungis o kulubot." (Efeso 5:27)

   "Nawa'y lubusan kayong pabanalin ng Diyos...at nawa'y panatilihin Niyang walang kapintasan ang buo ninyong
katauhan-ang espiritu, kaluluwa at katawan hanggang sa pagbabalik ng Panginoong Hesu-kristo!" ( 1 Tesalonica 5:23)

   "Kaya nga mga minamahal, samantalang kayo'y naghihintay, SIKAPIN ninyong mamuhay na payapa, walang dungis at kapintasan!" (2 Pedro 3:14)

"Ang sinumang umaasa sa pagbabalik ng Panginoon ay nagpapakadalisay kung paanong SIYA ay dalisay!" (1 Juan 3:3)


    Ang makakasalo sa dakilang handaan at ang titira sa inihandang tahanan ng mapaghandang Diyos ay yaong mga nagsipaghanda.   

        Kaibigan ikaw ba ay naghahanda na?

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento