Huwebes, Setyembre 12, 2013

Bakit nasa Panganib ang mga Nag-aabang Ng Pasko?

   

    "Ano bang hinihintay mo,Pasko?" Ang kasabihang ito ay pabiro o pang-iinis sa sinumang  umaasa o may hinihintay. Pinapakita nito ang katotohanan, na ang pinakahihintay na okasyon ng karaniwang tao ay ang pagsapit ng Pasko. Halos buong mundo at lahat ng lahi ay apektado ng kapaskuhan. Mga bata nga raw ang pinakamasaya sa ganitong kapanahunan ganun din ang mga negosyante't namumuhunan. Halos lahat ay masaya, kahit yung mga walang inaasahang bonus. Ang sabi nga, pinakamasayang kapanahunan daw ito sa loob ng isang taon kaya nga may mga nagka-ideya na gawing buong isang taong Pasko ang konsepto ng kanilang negosyo, halimbawa ay yung Paskuhan sa Pampanga, o yung disenyo ng Snow world ng Star City. Sa loob ng daan-daang taon ay talagang pinanabikan ng marami ang kapaskuhan dulot ng kakaibang ligaya o tuwa sa pagdiriwang nito. Ngunit bakit ganito ang aking pamagat? Nasa delikadong kalagayang espirituwal ang sinumang "excited" o sabik na nag-aabang ng kapaskuhan! Nanganganib na mapahamak o masadlak sa impiyerno ang maraming nananabik sa pagdiriwang ng Pasko! BAKIT?

   Talakayin ko muna yung kakaibang pakiramdam kapag sumasapit ang kapaskuhan. Bakit nga ba may pambihirang damdamin ang hatid ang kapaskuhan? Isang  sentimental na haplos sa puso na pinagsamang pananabik, tuwa at lungkot. Nais kong ipaunawa ito sa isang ilustrasyong batay sa tunay kong karanasan. Noong bagong salta ako sa Maynila, gustong-gusto kong dumaan sa mga mararangyang kainan o restoran. Nalalanghap ko kasi ang mga kakaibang lutuin nila. Masaya ako sapagkat masarap sa aking pang-amoy, ngunit kasabay nito ang lungkot kasi hanggang sa pagsinghot na lang ako. Wala akong kakayanang alamin at tikman kung ano yung masarap na aking nalalanghap. Ngunit dumating ang panahon na kaya ko nang pumasok sa restoran na dating dinadaan-daanan ko lang. Nalaman ko na rin at natikman kung ano yung mga pagkaing nalalanghap ko. Dahil natikman ko na, balewala na sa akin ang mga nalalanghap ko sa mga restoran na ito.
   Paano ko iuugnay ang aking karanasan sa damdaming humahaplos sa puso ng maraming tao kapag sumasapit ang kapaskuhan? Ito ang aking pagkakaunawa:  Ang damdaming humahaplos sa maraming tao kapag sumasapit ang kapaskuhan ay inihahalintulad sa napakasarap na nalalanghap ko noon tuwing dumadaan ako sa mga mararangyang restoran. Ang napakabait na Dios ay may inihahaing napakainam na handog sa sangkatauhan. Hindi ito lubos na maunawaan ng mga tao, hindi pa kasi  nila ito natatanggap o natitikman. Ito ay kanilang 'nalalanghap' pa lamang sa tuwing sumasapit ang kapaskuhan. Ano nga bang pinakamainam (pinaka-"the best") na inihandog ng mapagmahal na Diyos sa sangkatauhan? Ganito ang sinabi ni Hesus sa Juan 3:16:
"Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay Niya ang Kanyang Bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa Kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan."

    Sa tuwing sasapit ang kapaskuhan, nalalanghap ng maraming tao ang iniaalok na kaligtasan ng Amang mapagmahal. (Ito 'yung haplos sa puso na nadarama ng karaniwang tao tuwing sasapit ang Pasko) Ang iniaalok Niya ay ang Kanyang Anak, ang Panginoong Hesus; ang tanging Tagapagligtas! Siya ay matatanggap, matitikman, mararanasan ng sinumang sumasampalataya. Nakakagulat ang sinabi ng Panginoong Hesus sa Juan 6:53 "Tandaan ninyo: malibang kainin ninyo ang Aking laman at inumin ang Aking dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay!" Malalim ang kahulugan nito ngunit sa simpleng pang-unawa sinasabi ni Hesus, na Siya ay kailangang tanggapin at Siya (ang Panginoong Hesus) na lamang ang maging kasiyahan, kabusugan at maging lahat-lahat sa sinumang naghahangad na mapunta sa kanyang kaharian (kaligtasan).
   Noong panahong wala pa akong kaugnayan sa Panginoong Hesus, katulad din ng iba ang nararamdaman ko tuwing naririnig ko ang mga awiting pamasko, iba ang dating kapag nakikita ko ang mga pamaskong dekorasyon, ngunit naglahong lahat ang epekto nito ng matanggap ko na ang Panginoong Hesus sa aking puso. Nakita ko at naranasan kung gaano kaganda at kadakila ng pag-ibig ng Diyos sa akin. Kulang ang salita para ilarawan ang kagandahan at kaluwalhatian ng Diyos.
 Unti-unting nahayag sa akin ang mga kamangha-manghang kagandahan at kasiyahang makalangit kung kaya nagmimistulang basura ang mga karangyaan at kagarbohan ng sanlibutan. Kasama na ang komersiyalismo ng Pasko.

   Bakit nga ba delikadong mapunta ng impiyerno ang mga nag-aabang ng pasko? Sapagkat nagkakasya na lang sila sa paglanghap sa iniaalok na kaligtasan (yung kakaibang saya/pakiramdam hatid ng kapaskuhan). Wala pa silang tunay na pagkakakilala at buhay na karanasan sa Tagapagligtas (sapagkat hindi pa totohanang nananampalataya). Nakukuntento sila sa aliw na bigay ng Santa Claus, krismastri, parol, krismaslayt, pamaskong dekorasyon, noche-buena, karoling, bonus, krismas party, krismas raffle, aginaldo, simbang gabi, magagandang damit at sapatos at marami pang iba. Sinumang totoong Kristyano na tumanggap ng kaligtasan, ay wala nang epekto sa kanya ang taon-taong pagdiriwang ng Pasko. Hindi na Pasko ang pinananabikan ng totoong kristiyano kundi ang pagbabalik ng Panginoong Hesu-Kristo!


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento