Huwebes, Hulyo 25, 2013

Mga Manunuya/Manlilibak Patungkol sa Pagbabalik ng Panginoong Hesus

   Isa sa malinaw na tanda na nasa huling panahon na nga ang henerasyong ito kung kelan talagang malapit nang dumating ang Panginoong Hesus ay ang inihayag ng Diyos sa pamamagitan ni Pedro sa 2 Pedro 3:3-5;
  "Una sa lahat, dapat niyong malamang sa mga huling araw ay lilibakin (tutuyain) kayo at pagtatawanan ng mga taong namumuhay ayon sa kanilang mahahalay na pita. Sasabihin nila, "Si Cristo'y nangakong darating, hindi ba? Nasaan na Siya ngayon? Inabot na ng kamatayan ang ating mga magulang ngunit wala pa ring pagbabago buhat ng lalangin ang mundong ito!" Walang halaga sa kanila ang katotohanang ang langit at lupa ay nalikha ng Diyos sa bisa ng Kanyang Salita..."

   Karaniwang hinahamak o inaapi ang sinumang nagkaroon ng makatotohanang relasyon sa Panginoong Hesus. Sa sandaling ang isang makasalanan ay totoong nagsisi at tumanggap ng kapatawaran at bagong buhay kay Kristo, siya ay kusang humihiwalay na sa sanlibutan, at ang sanlibutang iniwan niya ay nagkakaroon na ng hayagan o pailalim na pagkamuhi sa kanya. Ang sabi nga sa I Juan3:13- "Kaya nga mga kapatid, huwag kayong magtaka kung kinapopootan kayo ng sanlibutan." Indikasyon din nga ito kung ang isang dumadalo ng kristiyanong gawain ay talagang pag-aari na nga Ng Panginoon (totoong ligtas) o kasama lang sa mga mapagkunwari(mga peke). Ang mga kristiyanong totoo ay kinaiinisan ng mundo samantalang ang mga peke ay tumatanggap ng matamis na pakikitungo. Ang linaw ng sinabi ng Panginoong Hesus sa Juan 15:18-19, "Kung namumuhi sainyo ang sanlibutan, alalahanin ninyo na Ako ang una nilang kinamuhian. Kung makasanlibutan pa kayo, kagigiliwan pa nila kayo, ngunit pinili ko na kayo kaya nga nasusuklam na sila sa inyo." Ang sabi din sa 2 Timoteo 3:12, "Ang sinumang namumuhay ng matuwid na kasama ang Panginoong Hesus ay daranas ng pag-uusig!".
   Hindi na kailangan pang humanap ng dahilan para kainisan ng sanlibutan ang mga papunta ng langit. Wala namang pamimiwersiyo ang kaya pang gawin ng maaamong tupa ng Panginoon. Ngunit isang tiyak na dahilan upang pagtawanan(tuyain/kainisan) ng sanlibutan ang mga kristiyano ay ang hayagang pangungusap na si Hesus ay talagang babalik na. Madalas kong nababanggit na ang sinumang may tunay na kaugnayan kay Hesus ay talagang kariringgan ng mga paghahayag na darating na nga Siya. Ang mga totoong mananampalataya noong panahon nina Pablo ay laging pagbabalik ng Panginoon ang bukam-bibig. (ICorinto 16:22, 1Tesalonica 4:18). Nandito na nga ba ang mga mapang-insulto o manlilibak sa mga kristiyanong laging bukam-bibig na paparating na si Hesus? 
   Maaaring akalain na wala pa ang mga manlilibak na ito kasi nga bihira o mahirap ng makakita ng isang puspos na mananampalataya na naghahayag na darating na ang Panginoon. Ngunit matibay ang aking paniniwala na nandito na nga ang mga manlilibak. At ang kanilang panlilibak, pangungutya at pag-iinsulto ay ginagawa na sa ngayon sa pamamagitan ng mga pelikula o panoorin. Ginagawang katatawanan ang seryosong katotohanan ng Bibliya na paparating na si Hesus upang kunin ang sa Kanya. Pang-buong mundo na ang pang-iinsulto ng mga makalamang ito sa pamamagitan ng mga sekular na pelikula katulad ng "Rapture Palooza" at "This is the End" (Ipapalabas pa lang sa Pilipinas) at iba pa. Halatang may biblikal na kaalaman ang mga may akda ng mga nasabing pelikula, sapagkat may mga binabanggit ito patungkol sa mga biblikal na kaganapan sa huling kapanahunan, lalo na nga ang pagbabalik ng Panginoong Hesus. Napakamapangib ng mga pelikulang ito. Ito ay nasa anyong komedya o katatawanan na kung mapapanood ng isang mahinang kristiyano ay delikadong gawing parang biro na lang ang pagbabalik ni Hesus. At sa mga pekeng may alam sa Bibliya ay lalong makukumbinsing kalokohan lang ang mag-abang sa pagbabalik ni Hesus. Napakalinaw, ang mga pelikulang katulad ng "Rapture Palooza" at "This is the End" ay produkto ng mga manlilibak upang gawing katatawanan ang katotohanan ng Salita ng Diyos na si Hesus ay talagang napakalapit nang dumating.

   Hindi ko ipinagkakaila na ang paghahayag ng katotohanang babalik na si Hesus ay hindi lang sa panulat ko idinadaan, ito ay maging sa pakikipag-usap ko sa lahat, sa mga kristiyano man o sa mga taong nais kong akayin sa Panginoon. Sa aking karanasan, wala pa namang nangyari na biglang humagalpak at ako'y ininsulto. Wala pa naman akong narinig na nagsasabing tigilan ko na lang ang kalokohang ito.  Karaniwan ay mga malamig o blankong reaksiyon lang. Hindi ko makalimutan ang reaksiyon ng isang masugid na tagadalo ng kristiyanong gawin ng bigkasin niya "Naku naman,kakatakot naman yan! wag kayong magsasabi nang ganyan, marami pa akong dapat gawin!" Kulang na lang na magsabi siya ng "susmayosep!" at sumenyas ng krus mula ulo, tiyan at balikat. Meron din naman na bahagyang napaismid ng sabihin kong malapit nang dumating ang Panginoon. Ngunit ang nakakarami ay mga reaksiyong matamlay. Hindi man sila magsalita ay tila nababakas ko sa kanilang mga reaksiyon ang ganitong mga kaisipan:

   "Matagal ko nang alam 'yan!"
   "Kung mangyari man yan, tiyak matagal pa!"
   "Nakakasawa na ang isyu na babalik na si Hesus!"
   "May mga iba pang paksa o isyu na dapat pagtuunan kaysa sa "rapture" na yan!"
   "Kulto ata 'to? Ayaw kong mahawa sa kakultohan nito!"

    Ang mga maka-Diyos ay nanginginig sa Salita ng Panginoon.(Ezra 9:4 & 10:3). Mahalagang bahagi ng Salita ng Diyos na si Hesus ay muling babalik. Hindi ba dapat lang na manginig ang mga papuntang langit lalo pa halos kumpleto na ang mga ipinaunang palatandaan? Ngunit ang mga namumuhay sa laman at makasanlibutan (mga pekeng 'kristyano') ay magtatawa lang, at kukutyain ang mga maaamong tupang nag-aabang sa kanilang Dakilang Pastol.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento