Martes, Hulyo 9, 2013

Ayon kay Pastor Park: Napakaraming Mapapahamak sa Impiyerno

   

    Ang impiyerno ay nilikha ng Diyos para lamang sana kay satanas at sa kanyang mga demonyo/mga masasamang espiritu. (Mateo 25:41). At ang orihinal at dakilang layunin ng mabait na Diyos ay maligtas ang lahat ng tao. Nais kong bigyan ng diin-  nais ng DIYOS na maligtas ang lahat ng tao at makapiling Niya sa Kanyang kaharian ayon sa sinabi ng 2Pedro 3:9. Subalit nasira ang orihinal na plano ng Diyos para sa napakalagim na hantungan (ang impiyerno), kung ito ay dati eksklusibo lamang para sa kaaway ng Diyos , destinasyon na rin ito ng napakakaraming bilang ng mga tao! Noong unang pagparito ng Panginoong Hesus, habang nagmiministeryo sa bayan ng Israel, may mga napagsabihan na Siya kung saan nakadestino ang mga taong ito- "Mga ahas! Mga lahi ng ulupong! Sa palagay kaya niyo, makakaiwas kayo sa kaparusahan sa lupit ng impiyertno?"
    May seryosong mungkahi pa nga ang Panginooong Hesus na kung mata ang magiging dahilan para magkasala, mas mabuting dukitin ito, o kaya ang kanang kamay ay putulin na lang kung ito ay instrumento ng pagkakasala kaysa naman buo nga ang katawan, e sa impiyerno naman ang hantungan! (Mateo 5:29-30). Sa usapin patungkol sa impiyerno hindi kailanman maaaring magbiro ang Panginoong Hesus. Ano nga ba ang dapat gawin sa dila ng mga sinungaling, mapanira, palamura, at mga mapanglait?
  Isang mangangaral ang nagtiyagang gumawa ng sarili niyang 'survey'. Siya si Pastor park Yong Gyu. Interesado siyang malaman kung ilan ang pumupunta sa langit at kung ilan ang pumupunta sa impiyerno sa bawat maikling panahong lumilipas. Marahil inaalam niya ang mga 'background' o uri ng pamumuhay ng mga taong nababalitaan niyang namamatay. At ito ang kanyang natuklasan: sa bawat isang tao na langit ang tiyak na pinuntahan, ang katumbas naman nito ay isang libo na impiyerno ang tinungo!

    Tiyak na alam ni Pastor Park ang susi ng pagpasok ng langit:  ito ay ang totohanang pagsisisi at pagsuko ng buhay sa Panginoong Hesus at alam din niya ang paglalarawan sa mga ibubulid sa impiyerno. (Roma 1:26-27, Pahayag 21:8, Pahayag 22:15). Ang pinakamahalagang isyu dito na alam kong kinonsidera ni Ptr.Park, ay kung ano ang kalagayan ng isang tao, nang siya ay dinatnan ng kamatayan. Ang isang talamak sa kasamaan ng bisyo at sugal ay pwede rin namang pumasok ng langit kung siya ay totohanang nakapagsisi at tinanggap si Hesus bilang kanyang Panginoon at Tagapagligtas habang siya ay nakaratay sa hospital bago siya nalagutan ng hininga.
   Ngunit ito ang malungkot na larawan na naglalaro sa aking isipan: sa 1,001 na taong disente, mga propesyonal o edukado, isa lang sa mga ito ang luluha bilang pagkilala sa kanyang nagawang kasalanan at kikilala sa Totoong Tagapagligtas, ang Panginoong Hesus. Sa 1,001 na halang ang mga kaluluwa/kriminal/mamamatay tao/labas-masok sa bilangguan, isa lang sa mga ito ang hihingi ng tawad sa Diyos at yayakapin si Hesus bilang kanyang Manunubos. Sa 1,001 mga nagtitiliang binabae/mga bruskong tomboy o mga ingat na ingat na wag mahalata ang lihim ng kanilang sekswalidad, isa lang sa kanila ang tatanggap sa inaalok na pag-ibig ng Dakilang Mangingibig, ang Panginoong Hesus!
   Maaaring sabihin na masyado namang malupit o eksaherado ang istatistika ni Pastor Park, biruin mo nga naman, sa 1,001 ay isa lang ang pupunta ng langit at ang iba ay impiyerno na lahat! Kung sakali mang siya ay nagkakamali, ang Salita ng Diyos ay hindi maaaring magkamali! Kung pagbabatayan ang Bibliya, si Hesus na mismo ang nagsasabi:
  "Pumasok kayo sa makipot na pintuan, sapagkat maluwang ang pintuan at malapad ang daang patungo sa kapahamakan (impiyerno) at ito ay dinaraanan ng marami. Ngunit makipot ang pintuan at makitid ang daang patungo sa buhay (langit) at kakaunti ang kakakasumpong niyon!" (Mateo7:13-14).

   Iisang dahilan lang ang ibinigay ng Bibliya kung bakit medyo naaantala (nadi-'delay') ang pangakong pagbabalik ng Panginoong Hesus- ito ay ang mabigyan pa ng pagkakataon ang mga tao na magsisi ng kanilang mga kasalanan. (2Pedro 3:19). Ang pagkakataong ibinibigay ng Dios ay hindi panghabang panahon. Anumang oras ang pagkakataong ininibigay ay pwedeng matapos. Dumarating ang kamatayan anumang oras, at walang maaaring makapagpigil sa Panginoong Hesus kung gugustuhin na Niyang dumating mamaya o bukas. Napakainam sana na ang 1,001 tao na kinabibilangan mo ay tumanggap lahat kay Hesus, ngunit kung ayaw ng nakararami, sana kaibigan, ikaw yung iisa, na hindi tatanggi sa inaalok na kaligtasan ng Panginoong Hesus! Ang magpapahalaga sa naganap sa krus ng kalbaryo.

  At determinadong dumaan sa makitid na daan, na kakaunti ang nakakasumpong ngunit ang dulo naman ay kaligtasan, sa piling ng Panginoong Hesus!

1 komento: