Biyernes, Hulyo 26, 2013

Mga Manunuya/Manlilibak Patungkol sa Pagbabalik ng Panginoong Hesus Part2

   

 Nabanggit ko sa nakalipas na isyu na ang mga pelikulang "Rapture Palooza" at "This is the End" ay kaganapan ng 2Pedro 3:3-5; 
  "Una sa lahat, dapat niyong malamang sa mga huling araw ay lilibakin (tutuyain) kayo at pagtatawanan ng mga taong namumuhay ayon sa kanilang mahahalay na pita. Sasabihin nila, "Si Cristo'y nangakong darating, hindi ba? Nasaan na Siya ngayon? Inabot na ng kamatayan ang ating mga magulang ngunit wala pa ring pagbabago buhat ng lalangin ang mundong ito!" Walang halaga sa kanila ang katotohanang ang langit at lupa ay nalikha ng Diyos sa bisa ng Kanyang Salita..."
   
    Sa nasabing 2 pelikula, ipinakita ang mga eksena na dumating na ang Panginoon kaya biglang naglaho paitaas ang mga 'mananampalataya'. Malaki ang paniniwala ko na may ideya sa Bibliya ang mga may-likha ng 2 pelikulang ito ngunit tiyak kong kabilang sila sa mga tinutukoy sa Filipos 3:19 at 2Pedro 3:3. Hindi sila nangimi na haluan ng kabalbalan o kabulastugan ang banal na katotohanan ng Bibliya. Ano ba ang gustong iparating ng eksenang katulad ng mga ito: biglang bumagsak ang bote ng beer sapagkat ang manginginom ay kinuha na ng Dios; isang ina na ni-'rapture' ngunit muling bumalik dahil sa kakatwang kadahilanan; isang napunta ng langit ngunit nagmumura at nagsalita ng malaswa at marami pang iba. Maliwanag na mga manlilibak ang mga gumawa ng pelikulang ito, sila mismo ay ginagawang biro ang nalalapit na pagbabalik ng Panginoong Hesus. Hindi sila kuntento na sila lang ang tumawa at gusto nilang ang buong mundo ay tumawa rin patungkol sa seryosong pinaniniwalaan ng mga totoong kristiyano na ang Panginoong Hesus ay babalik. Gusto ng mga manlilibak na kumbinsihin ang lahat na ang pagbabalik ni Hesus ay isang malaking kalokohan. Ito rin ang aking palagay, sinumang may alam na babalik na nga ang Panginoon  ngunit walang interes o hindi nananabik, ay malamang patungo na sa kategoriya ng manlilibak o isa nang tahimik na manunuya o pasimpleng nag-iinsulto sa mga nagmamahal sa pagbabalik ng Panginoon. 
   Sa talatang 2Pedro 3:4, pansinin natin ang pangungusap na "inabot na ng kamatayan ang ating mga magulang", nangangahulugan ito na kapwa hudyo ang tumutuya sa kapwa hudyong nanalig kay Hesus. Pwedeng kasamahan niya ang nanlilibak. At ang kasamahang nanlilibak ay namumuhay sa mahahalay na pita ng laman. Sa ating kapanahunan, pwedeng kapareho ng sekta ang mga manlilibak na ito at nagsasabing "nagkamatayan na ang mga espirituwal lider natin o yung matatandang pastor, e hanggang ngayon, wala namang pagbabalik na nangyayari?" Malinaw na inilalarawan ng 2Pedro3:3 kung sino ang mga manlilibak-"mga taong namumuhay ayon  sa kanilang mahahalay na pita!". Samakatuwid, ito yung mga nagsasabing 'kristiyano' ngunit nasa kalalagayan pa ring makalaman, makasarili at makasanlibutan. Ang pamumuhay, hilig, galaw, pananalita at pananaw ay kapareho lang ng nakararaming walang alam sa Bibliya o pagkakakilala sa totoong Diyos. Mga dumadalo ng kristiyanong pagtitipon ngunit pumapadyak at kinikiliti pa rin ng mga sekular o makasanlibutang awitin. Kamakailan, sobra akong nadismaya sapagkat nasaksihan ko mismo kung paanong ang mga naturingang lider sa pananampalataya ay masayang pinag-uusapan ang kinagigiliwan nilang teleserye patungkol sa kabaklaan. Hindi kataka-taka na hindi man lang mabanggit sa kanilang usapan na malapit nang dumating ang Panginoon kaya nga mala-Sodoma na ang nangyayari ngayon sa lipunan.(Lucas 17:28) Sa mga pagtitipon naman ng mga mangangaral, ay hindi man lang matalakay ang kaaliwan(1Tesalonica 4:18) sa nalalapit na pagbabalik ni Hesus sa halip ay kinikilig sa mga tsismis o kasiraan ng kasamahan o kaya pag-usapan masasarap na pagkain o pumunta ng mga kilalang restoran at magpakabusog. Salamat sa mga mananampalataya na tumutugon sa panawagan na mag-ayuno. Isang katiyakan dito: napakarami sa mga aktibong dumadalo ng kristiyanong gawain, mga lider at mangangaral ang hindi nanabik sa pagbabalik ni Hesus sapagkat nasa kalalagayang makasarili (2Timoteo3:2), makalaman(Roma8:8) at makasanlibutan(1Juan2:16). At ang dahilan nito- ang BANAL NA ESPIRITU ay naisasantabi (1Tesalonica 5:19) at pinipighati (Efeso 4:30). Tandaan natin: ANG MGA TOTOONG ANAK NG DIYOS AY YAONG PINAPATNUBAYAN (GINAGABAYAN) NG BANAL NA ESPIRITU! (Roma 8:14)

   Mahalagang ginagawa ng Banal na Espiritu upang patnubayan ang mga totoong kristiyano ay ang pagbibigay ng pananabik sa pagbabalik ng Panginoong Hesus. Sobrang napakahalaga ng ginagampanan ng Banal na Espiritu sa huling panahon kaugnay nang nalalapit na pagbabalik ng Panginoong Hesus. Patuloy nawa Niya akong gabayan sapagkat nais ko itong talakayin sa mga susunod pang isyu. Ipanalangin po ninyo ako na kahit mabigat ang mga natatalakay ko at tatalakayin pa ay maging kalakasan pa rin sa mga totoong tupa.





Huwebes, Hulyo 25, 2013

Mga Manunuya/Manlilibak Patungkol sa Pagbabalik ng Panginoong Hesus

   Isa sa malinaw na tanda na nasa huling panahon na nga ang henerasyong ito kung kelan talagang malapit nang dumating ang Panginoong Hesus ay ang inihayag ng Diyos sa pamamagitan ni Pedro sa 2 Pedro 3:3-5;
  "Una sa lahat, dapat niyong malamang sa mga huling araw ay lilibakin (tutuyain) kayo at pagtatawanan ng mga taong namumuhay ayon sa kanilang mahahalay na pita. Sasabihin nila, "Si Cristo'y nangakong darating, hindi ba? Nasaan na Siya ngayon? Inabot na ng kamatayan ang ating mga magulang ngunit wala pa ring pagbabago buhat ng lalangin ang mundong ito!" Walang halaga sa kanila ang katotohanang ang langit at lupa ay nalikha ng Diyos sa bisa ng Kanyang Salita..."

   Karaniwang hinahamak o inaapi ang sinumang nagkaroon ng makatotohanang relasyon sa Panginoong Hesus. Sa sandaling ang isang makasalanan ay totoong nagsisi at tumanggap ng kapatawaran at bagong buhay kay Kristo, siya ay kusang humihiwalay na sa sanlibutan, at ang sanlibutang iniwan niya ay nagkakaroon na ng hayagan o pailalim na pagkamuhi sa kanya. Ang sabi nga sa I Juan3:13- "Kaya nga mga kapatid, huwag kayong magtaka kung kinapopootan kayo ng sanlibutan." Indikasyon din nga ito kung ang isang dumadalo ng kristiyanong gawain ay talagang pag-aari na nga Ng Panginoon (totoong ligtas) o kasama lang sa mga mapagkunwari(mga peke). Ang mga kristiyanong totoo ay kinaiinisan ng mundo samantalang ang mga peke ay tumatanggap ng matamis na pakikitungo. Ang linaw ng sinabi ng Panginoong Hesus sa Juan 15:18-19, "Kung namumuhi sainyo ang sanlibutan, alalahanin ninyo na Ako ang una nilang kinamuhian. Kung makasanlibutan pa kayo, kagigiliwan pa nila kayo, ngunit pinili ko na kayo kaya nga nasusuklam na sila sa inyo." Ang sabi din sa 2 Timoteo 3:12, "Ang sinumang namumuhay ng matuwid na kasama ang Panginoong Hesus ay daranas ng pag-uusig!".
   Hindi na kailangan pang humanap ng dahilan para kainisan ng sanlibutan ang mga papunta ng langit. Wala namang pamimiwersiyo ang kaya pang gawin ng maaamong tupa ng Panginoon. Ngunit isang tiyak na dahilan upang pagtawanan(tuyain/kainisan) ng sanlibutan ang mga kristiyano ay ang hayagang pangungusap na si Hesus ay talagang babalik na. Madalas kong nababanggit na ang sinumang may tunay na kaugnayan kay Hesus ay talagang kariringgan ng mga paghahayag na darating na nga Siya. Ang mga totoong mananampalataya noong panahon nina Pablo ay laging pagbabalik ng Panginoon ang bukam-bibig. (ICorinto 16:22, 1Tesalonica 4:18). Nandito na nga ba ang mga mapang-insulto o manlilibak sa mga kristiyanong laging bukam-bibig na paparating na si Hesus? 
   Maaaring akalain na wala pa ang mga manlilibak na ito kasi nga bihira o mahirap ng makakita ng isang puspos na mananampalataya na naghahayag na darating na ang Panginoon. Ngunit matibay ang aking paniniwala na nandito na nga ang mga manlilibak. At ang kanilang panlilibak, pangungutya at pag-iinsulto ay ginagawa na sa ngayon sa pamamagitan ng mga pelikula o panoorin. Ginagawang katatawanan ang seryosong katotohanan ng Bibliya na paparating na si Hesus upang kunin ang sa Kanya. Pang-buong mundo na ang pang-iinsulto ng mga makalamang ito sa pamamagitan ng mga sekular na pelikula katulad ng "Rapture Palooza" at "This is the End" (Ipapalabas pa lang sa Pilipinas) at iba pa. Halatang may biblikal na kaalaman ang mga may akda ng mga nasabing pelikula, sapagkat may mga binabanggit ito patungkol sa mga biblikal na kaganapan sa huling kapanahunan, lalo na nga ang pagbabalik ng Panginoong Hesus. Napakamapangib ng mga pelikulang ito. Ito ay nasa anyong komedya o katatawanan na kung mapapanood ng isang mahinang kristiyano ay delikadong gawing parang biro na lang ang pagbabalik ni Hesus. At sa mga pekeng may alam sa Bibliya ay lalong makukumbinsing kalokohan lang ang mag-abang sa pagbabalik ni Hesus. Napakalinaw, ang mga pelikulang katulad ng "Rapture Palooza" at "This is the End" ay produkto ng mga manlilibak upang gawing katatawanan ang katotohanan ng Salita ng Diyos na si Hesus ay talagang napakalapit nang dumating.

   Hindi ko ipinagkakaila na ang paghahayag ng katotohanang babalik na si Hesus ay hindi lang sa panulat ko idinadaan, ito ay maging sa pakikipag-usap ko sa lahat, sa mga kristiyano man o sa mga taong nais kong akayin sa Panginoon. Sa aking karanasan, wala pa namang nangyari na biglang humagalpak at ako'y ininsulto. Wala pa naman akong narinig na nagsasabing tigilan ko na lang ang kalokohang ito.  Karaniwan ay mga malamig o blankong reaksiyon lang. Hindi ko makalimutan ang reaksiyon ng isang masugid na tagadalo ng kristiyanong gawin ng bigkasin niya "Naku naman,kakatakot naman yan! wag kayong magsasabi nang ganyan, marami pa akong dapat gawin!" Kulang na lang na magsabi siya ng "susmayosep!" at sumenyas ng krus mula ulo, tiyan at balikat. Meron din naman na bahagyang napaismid ng sabihin kong malapit nang dumating ang Panginoon. Ngunit ang nakakarami ay mga reaksiyong matamlay. Hindi man sila magsalita ay tila nababakas ko sa kanilang mga reaksiyon ang ganitong mga kaisipan:

   "Matagal ko nang alam 'yan!"
   "Kung mangyari man yan, tiyak matagal pa!"
   "Nakakasawa na ang isyu na babalik na si Hesus!"
   "May mga iba pang paksa o isyu na dapat pagtuunan kaysa sa "rapture" na yan!"
   "Kulto ata 'to? Ayaw kong mahawa sa kakultohan nito!"

    Ang mga maka-Diyos ay nanginginig sa Salita ng Panginoon.(Ezra 9:4 & 10:3). Mahalagang bahagi ng Salita ng Diyos na si Hesus ay muling babalik. Hindi ba dapat lang na manginig ang mga papuntang langit lalo pa halos kumpleto na ang mga ipinaunang palatandaan? Ngunit ang mga namumuhay sa laman at makasanlibutan (mga pekeng 'kristyano') ay magtatawa lang, at kukutyain ang mga maaamong tupang nag-aabang sa kanilang Dakilang Pastol.

Martes, Hulyo 16, 2013

Talagang Malapit na ang Pagbabalik ng Panginoong Hesus, Pangunahing Aralin sa Huling Panahon

Halaw sa Aralin ng UB David& I'll B Jonathan Inc. at isinalin sa Filipino ni Bro.Jojo

     Si Hesus ay muling babalik! Ano ang katiyakan nito? Paano natin malalaman? Sapagkat Siya mismo ang nagsabi nito. Ganito ang sabi Niya,
"Ako ay aalis upang maghanda ng lugar para sayo. At kapag ako ay umalis at naghanda ng lugar para sayo, AKO AY MULING BABALIK...."John 14:2,3

   Kapag binabanggit ng Bibliya ang pagdating ng PANGINOON, hindi ibig-sabihin nito  ay kamatayan, o sinasabing pagdating ng Banal na Espiritu. Binabanggit nito ang personal, pisikal o literal nating makikita ang pagdating ng Panginoong Hesu Kristo. Nang si Hesus ay paaakyat sa langit, habang ang kanyang mga alagad ay nakatayong nanonod, dalawang anghel ang lumitaw sa kanila at sinabi,

  "Mga Galileo, bakit kayo nakatingala sa langit? Itong si Hesus...ay darating katulad ng nasaksihan ninyo ng Siya ay pumunta sa Kalangitan." Gawa 1:11

  Paano darating si Hesus? Siya ay darating kagaya ng Kanyang pag-akyat sa Langit. Ang mga alagad ni Hesus na nakakita sa Kanyang pag-akyat, at yaong mga may buhay na nakasaksi ng kanyang muling pagdating ay makikita Siya.

  Kailan si Hesus darating? Ano ang mangyayari kapag Siya dumating? Ano ang mangyayari sa mga di-mananampalataya at sa mga kristiyano kapag muling dumating ang Panginoon? Ito ang mga mahahalagang tanong, at hahanapin natin ang mga kasagutan sa katuruang ito.

Kailan si Hesus darating?
 Posible bang alam ng isang tao ang eksaktong panahon ng pagdating Panginoon? Posibleng hindi. Sabi ng Panginoong Hesus, "Walang sinumang tao ang nakaaalam ng araw at oras na yaon". Sa kadahilanang hindi natin alam ang eksaktong pagdating ng Panginoon, tiyakin nating sa lahat ng oras ay handa tayo sa Kanyang pagdating.
  Ang nararapat na pagtanggap ng mananampalataya tungkol sa pagdating ng Panginoon ay yung laging nag-aabang at naghahanda.

Ano ang mga sinyales ng pagdating ni Hesus?
   Gayong hindi natin nalalaman ang saktong oras ng pagdating ni Hesus, alam natin na malapit na Siyang dumating. Paano natin malalaman ito? Sa pamamagitan ng mga palatandaan na pinapahayag ng Bibliya. Tutukan natin kung paano ito naisasakatuparan.

1. Digmaan

   Nariyan lagi ang digmaan, ngunit sabi ni Hesus na sa mga huling kapanahunan masasaysay ang matataas na bilang ng mga digmaan. Sabi niya, " Ang bansa laban sa bansa, at kaharian laban sa kaharian. Simula ng pangalawang digmaang pandaigdig, 45 na mga digmaan na ang lumipas, labindalawa dito ay malalaki ang nasakop.

2. Taggutom, epidemya ng mga sakit, mga lindol


   Sabi ng panginoong Hesus"... magkakaroon ng mga taggutom at paglaganap ng mga sakit, at mga lindol sa iba't-ibang mga lugar." Simula noon hindi pa nakapagtala ang mga siyentipiko ng mararaming mga lindol makalipas ng 20 taon.

3.  Sa Israel

   600 taon bago ang kapanahunan ni Kristo, ang Israel pinipigilang magkaroon ng kasarinlan upang maging isang bansa. Nagkalat ang mga hudyo sa iba't-ibang panig ng mundo. Ngunit ayon sa propesiya ng Bibliya na ibabalik ng Panginoon sa mga huling araw ang kanyang bayan sa kanilang  lupain, at ang desyerto na tuyot ng mahabang panahon ay" mamumukadkad ng maraming rosas." Ito nga ay nangyari.

4. Sa Jerusalem

  Ang Panginoong Hesus ay nagbigay ng mas detalyadong senyales sa mga huling panahon. Binigyang pansin nito ang Jerusalem. Sabi ng Panginoong Hesus,
" Ang Jerusalem ay uusigin o gagawing busabos ng mga Hentil. Hanggang sa maganap ang ang nakatakda sa mga Hentil." Lucas 21:24
  Ang Jerusalem ay sinakop ng mga Hentil/o dayuhan nang halos 1900. Ngunit noong taon ng 1967 ang Jerusalem ay muling nabawi ng mga Israelita/Hudyo. Ito ay isa sa mga palatandaan na ang pagbabalik ng Panginoon ay napakalapit na talaga.

5.Ang 10 Kaharian
  Ipinahiwatig ng Banal na Kasulatan na sa huling panahon ay may lilitaw na samahan ng sampung kahariang nagkakaisa na pangungunahan ng lumang empiro Romano. Alam nyo na ba na ang lahat ng bansa sa mundong ito ay nahati na sa 10 rehiyon at ito ay sa pangunguna ng European Common Market at United nations?

6.Ang Mga Hakbang Pangkapayapaan
   Isang palatandaan ng Huling panahon ay ang pagsusumikap na maitaguyod ang kapayapaan. Kaya nga laging may ginaganap ng pagpupulong para sa pagkakaisa at kapayapaan ng mga bansa. ngunit alam natin na ito ay mauuwi lang sa kabiguan sapagkat tanging ang Prinsepe ng Kapayapaan (si Hesus) lamang ang makakapagpatupad nito. "Ang mga sugong pangkapayapaan ay maghihinagpis" (Isaiah 33:7)

7.Mabilisang Paglalakbay at Pag-alagwa ng Kaalaman
   Ayon sa Daniel 12:4 "sa huling panahon, marami ang magpaparoo't parito at ang karunungan ng tao ay papailanlang!"
Ang liham na minsan inaabot ng isang buwan bago matanggap ay pwede nang maipadala sa loob lang ng 2 segundo. sinong mag-aakala na ang telepono at telebisyon ay mailalagay na sa bulsa ng pantalon? Ang imbensiyon ng kompyuter ang isa sa pinakarurok na bunga ng katalinuhan ng tao!

8. Talamak na kasamaan at kalaswaan


  Inilarawan ng Bibliya na ang panahon ng pagbabalik ng Panginoon ay katulad ng panahon ni Noah (Lucas17:26) at panahon ng Sodoma (Lucas 17:28-30) Ang dalawang kapanahonang ito ay naglalarawan ng karimarimarim na kasamaan ng tao. Matinding paghamak at paglapastangan sa Diyos. Hindi na nagugulat o manhid na ata ang mga tao sa pamayamayang balita patungkol sa karumal-dumal na patayan. Ang napakalaswa at kasuklam-suklam sa mata ng Diyos na relasyong kabaklaan ay hinahangaan at niyayakap na ng lipunan. Ang mga panooring porno ay madaling mapasakamay kahit ng mga musmos. Kamakailan lang napabalita ang panggagahasa ng 12 taong bata sa 3 taong gulang!

"At nakita ng Diyos, sukdulan na ang kasamaan ng tao! puno ng kadiyablohan ang kanilang isip, puso at mga gawa!" (Genesis6:5)

9.Mga Kulto,Pangkukulam at Espiritismo

  "Sa huling panahon magpapasabog ng panlilinlang ang mga masasamang espiritu at tatangkilikin ng mga tao ang mga doktrina ng demonyo!" (1Timoteo 4:1) Ang mga ito ay makikita ngayon sa mga laro ng kabataan sa kompyuter at maging sa pelikula na may kinalaman sa mga pangkukulam, mga kakaibang kapagyarihang taglay, bampira, aswang, multo,horoscope, fengshui  at iba pa. Ang mga katatakutan o mula sa kadiliman/kadiyablohan ay ipinapalagay na karaniwan na lamang o kaya nakakaaliw.

10.Panlalamig at Pagtalikod

    Hudyat din ng panahong babalik na nga ang Panginoon ay ang ipinauna ng Bibliya na sa huling panahon ay magaganap ang panlalamig at pagtalikod ng mga nakakilala na sana sa Tagapagligtas. Maraming napunta sa mga kristiyanong kalipunan ang muling babalik sa makasalanan at makasanlibutang pamumuhay na kanilang iniwan na sana. Ang isang dahilan nito ay dahil maraming pinakawalan ang diyablo na mga pekeng pastor at mangangaral. Nakakagulat ngayon dahil maraming seminaryo at paaralang pam-Bibliya, mga guro at propesor na pinabubulaanan na ang Bibliya ay tunay at buhay na Salitang  kinasihan ng Diyos. Pinagagaan na nila ang mga himala sa mga likhang-taong kapaliwanagan, itinatanggi na si Hesus ay isinilang ng isang birhen. Pinag-aalinlangan ang mga tinuturuan kung ang Panginoong Hesus ay tunay ngang Diyos at umiiwas sa isyu ng pagpapakabanal. Dahil dito ang mga dumadalo ay nananatiling taga-dalo na lang ang hindi namamalayang nabubuwag na ang kanilang dalisay na pananalig sa Diyos. Napakarami na ngayong mga bulaang mangangaral kung saan hindi na dalisay na ebenghelyo ang hinahatid sa halip kung ano na lang na nakakakiliti sa pandinig ng nakararami.
  BABALA ng Bibliya (Kawikaan19:27): "Layuan niyo ang mga tagapagturong sumasalungat sa kung ano ang tama at matuwid!"

   Hinog na hinog na nga ang panahon! Maaari nang dumating ang Panginoong Hesus, mamayang gabi, bukas o sa isang buwan. Kaya nga may sinabi ang Panginoon sa Lucas 21:31- " Kapag nakikita na ninyo na nagaganap na ang mga bagay na ito, tandaan niyo napakalapit na ng paghahari ng Diyos!"

Ano talaga ang mga Kaganapan kapag Dumating na ang Panginoong Hesus?

  Una, palihim na darating ang Panginoong Hesus upang dagitin ang mga totoong mananampalataya. Biglang maglalahong parang bula ang mga banal at maka-Diyos na ikagugulantang ng maraming tao sa lahat ng panig ng mundo. Magiging kagulat-gulat na pangunahing balita ito sa lahat ng diyaryo at telebisyon. Ito ang sinasabing HIWAGA ng I Corinto 15:51-53 na magaganap lamang sa isang kisap-mata. Ang pambihirang pangyayaring ito ang tinutukoy din sa I tesalonica 4:15-18. Ito ay isang napakalaking katotohanan na kung saan sa mga taong walang alam sa Bibliya ay aakalaing kathang-isip o kwentong pantasya lang. Ngunit ang Bibliya ay nagtala ng mga taong pumunta ng langit na hindi dumaan sa kamatayan. Sila'y basta kinuha na lang ng Diyos. Si Enoch sa Genesis 5:24, si Elijah, sa 2Hari 2:11, at maging si Moses ay pinapalagay na kinuha rin ng Diyos sapagkat kahit binanggit na si Moses ay inilibing ng Diyos (ang Diyos mismo) sa Moab (Deuteronomio 34:6) ngunit talagang hindi na nakita ang kanyang bangkay. Isang katiyakan: may mga pupunta ng langit na hindi dumaan sa pagiging isang malamig na bangkay sa halip bigla na lang mawawala.( Mateo 24:40-41)

   Kasunod kaagad ng pagkawala ng mga banal at mababait (totoong mga kristiyano) ay ang biglang pag-alagwa ng kagulat-gulat na pagbuhos ng kasamaan at kahalayan sa bawat bahagi ng lipunan. Bakit? Ito'y dahil sinabi ng 2Tesalonica 2:6-8, na ang "Pumipigil sa Kasamaan" (ang Banal na Espiritu ay hindi pa umaaalis. Ngunit ang banal na Espiritu ay aalis din at ito ay kapag kinuha na ni Hesus ang mga maaamong tupa na nag-aabang sa Kanya. Sa panahon ngayon sobrang laganap na nga ang kasamaan, ngunit maituturing na banayad pa rin ito, pag wala na ang Banal na Espiritu at mga kristiyano, ay grabeng kasamaan ang hayagan at lantarang magaganap. Sa mga nakalipas na panahon, disente pa ang mga makikita sa mga komersiyal na patalastas. Sa paglipas ng panahon, halos mga hubad at nang-aakit na ang nakabalandra, pati na ang maaarteng binabae ay ginagawa ng "endorser", pati na ang mga papalit-palit ng asawa ay mabenta rin sa komersiyal. Kahit ang mga sensitibong produktong may kaugnayan sa sekswal ay pinapatalastas na rin sa telebisyon. Ano na kaya ang mga susunod na makikita sa telebisyon kasunod ng malaking balita na nagkawalaan ang mga mababait na laging nag ha-"Hallelujah!" at nagpi-"Praise the LORD!"?

  Halos kasabay ng mga pangyayaring ito ay pagsulpot sa eksena ng isang pambihihira, makarisma at napakamaimpluwensiyang personalidad na magpapakilala sa lahat ng nilalang sa bawat panig ng mundo. Magtataglay siya ng kahanga-ngang kakayanan sa pamumuno at paglutas ng pandaigdigang suliranin at usapin. Mapapanganga ang lahat sa ipapakita niyang pambihirang kapangyarihan. Ngunit ang anumang dunong at kapangyarihang taglay niya ay hindi galing sa Diyos kundi ito ay galing kay satanas. Hindi lamang na siya ay kakasihan ng diablo kundi lulukuban mismo siya ni satanas.
   Siya ang tinutukoy ng Bibliya at tinatawag na Anti-Kristo. Ang ibig sabihin ng "anti" ay kasalungat/kalaban/kaaway. Siya ang lilitaw na matinding kalaban ng Diyos at mahigpit na kasalungat ni Cristo Hesus!

  Sa pamamagitan ng mga panlilinlang at kapangyarihang makadiyablo, ang Anti-kristong ito na sugo ni satanas ay kikilanling pandaigdigang bayani at magkakaroon siya ng kumpletong kontrol sa buong sangkatauhan. Maglalagay siya ng kanyang imahe upang bigyang pugay at pagsamba ng lahat ng tao. At magaganap ang sinasabi ng Bibliya sa Pahayag 13: 15-18 na hindi niya papayagang magbenta at bumili kung wala ang kanyang tatak, at ang tatak ng Anti-kristo ay 666. Pangunahing instrumento ng Anti-kristo ay ang kompyuter at iba pang gadget na may kinalaman dito. Ang hindi sasamba sa anti-kristo at magpapatatak ay papatayin!


Ang 7 Taong walang katulad na Kapighatian

   Sa panahong nagkawalaan na ang mga totoong kristiyano, ito ang magiging hudyat ng pagsisimula ng sinasabi ng Bibliya na pitong(7) taong matinding kapighatian ng buong daigdig, sinasabing ito ay walang katulad. Ang sabi ng matatanda, pinakamahirap daw na panahon ay yaong panahon ng giyera, ngunit si Hesus mismo ang nagsabi sa Mateo 24:21, ito ay walang katulad at di pa nagaganap sa mga panahong nakalipas. Talagang ibubuhos na ng makatarungang Diyos ang pagngingitngit Niya sa sangkatauhang bumalewala sa inaalok Niyang kaligtasan sa pamamagitan ng kanyang bugtong na Anak. Ang kakilakilabot na panahong ito ay tinatawag ng Bibliya na "matinding kapighatian". Kung baga, dito pa lang sa lupa ay ipapalasap na ng Diyos ang lupit at lagim ng impiyerno.

  Ayon sa mga impormasyon ng Bibliya, magkakaroon ng mga trahedya ng mga planeta sa kalawakan. Mangingitim ang araw, magiging kulay dugo ang buwan. Ang ang mundo ay lulukuban ng mga nakamamatay na salot, mga nakakahawang sakit, sunod-sunod na teribleng lindol at kung ano-ano pang nakakahilakbot na kaganapan. Bata, matanda, mga taga-iskuwater o milyonaryo at sikat ay parehong dadaing sa matinding sakuna ano pa't dahil wala nang makain ay kakainin na ng hilaw ang mga bangkay na nagkalat sapagkat wala nang pwede pang maglibing sa mga ito. Napakalinaw ng sinabi ng Bibliya, Pahayag 9:18, sa 3 salot pa lang ay ikatlong bahagi na ng populasyon ang mamamatay. Sa Pahayag 8:11, napakarami ring mamamatay dahil sa tubig na maiinom. Milyon-milyon din ang mamamatay dahil sa sunod-sunod na lindol at pagbagsak na mula sa kalawakan. Ipinapalagay na ikatlong bahagi ng sangkatauhan lang ang matitirang buhay matapos ang 7 taong matinding pagdurusa.

   Maaaaring akalain ninuman na mayroon pa ring magsisisi habang nagaganap ang 7 taong pagdurusa. Ngunit ang linaw ng sinasabi ng Bibliya sa Pahayag 9:20-21, sa katakot-takot na daranasin ng mga tao sa panahong yun ay hindi pa rin sila magsisipagsisi. Ang pagkakataong magsisi ay hanggang sa panahon lamang na hindi pa dumarating ang Panginoong Hesus. Ang nakakapangilabot na katotohanan ay marami sanang nakarinig ng Salita, napunta at nakadalo sa mga gawain ng mga kristiyano ngunit daranas ng matinding kapighatian dito pa lang sa lupa sapagkat kabilang sila sa binabanggit ng 2 Tesalonica 2:10-12 na-

"...maliligtas sana ang mga taong ito kung tinanggap nila at minahal ang KATOTOHANAN (ang Panginoong Hesus), kaya't hinayaan na lang sila ng Diyos na mabulid sa teribleng pagkakadaya upang sila ay maparusahan, sila na bumalewala sa katotohanan at mas piniling magpakaligaya sa katiwalian!"

"Mula sa kalangitan, masasaksihan nila ang Panginoong Hesus, kasama ang Kanyang mga anghel na naglalagablab upang ibuhos ang paghihiganti sa mga taong hindi kumilala sa Diyos at lumapastangan sa ebanghelyo ng Panginoong Hesu-Kristo". (2tesalonica 1:7-8)

Talagang Darating na ang Panginoong Hesus!

 Sa mga hindi naniniwala, ang pagbabalik ni Hesus ay nangangahulugan ng tiyak na kaparusahan, malagim at kahindik-hindik na kaparusahan dito pa lang sa lupa (7taon) at ang kasunod ay panghabang panahong pagdurusa sa impiyerno. Ngunit sa mga totoong mananampalataya (tunay na kristiyano) ang pagbabalik ni Hesus ay:

1)Pag-asang Napakapalad (Tito 2:13)
  Sa pagbabalik ng Panginoong Hesus, bibigyan Niya ng makalangit na kalikasan ang katawang pisikal ng bawat mananampalataya. Ang katawang mahihina, nagkakasakit at nasasaktan ay gagawing makalangit at imortal katulad ng maluwalhating katawan ng Panginoong Hesus nang Siya ay muling nabuhay.

2)Pag-asang Nagbibigay kaaliwan (ITesalonica 4:18)
   Ang bawat totoong kristriyano ay dadanas ng pag-uusig kung paanong inusig ang Panginoong Hesus.(Juan 16:33) Sapagkat nagngingitngit ang mga makasanlibutan/makasalanan sa mga taong maka-Hesus (2 Timoteo 3:12). Ngunit anumang pagtitiis ng mga nanalig kay Hesus ay nasasapawan ng kagalakang dulot ng pag-asang si Hesus ay babalik! (1Corinto 2:9)

3)Pag-asang Nagpapadalisay ( 1Juan 3:3)
  Nauunawaan ng mga naghihintay sa Panginoong Hesus na kaya sIYA ay babalik ay upang dalhin sa espesyal na lugar na Kanyang inihanda. (Juan 14:2-3) At ang lugar na inihanda ng banal na Diyos ay banal na lugar para lamang sa mga pinaging banal. Ang sinumang may hinihintay na espesyal na darating ay matinding preparasyon ang ginagawa. Isa sa mga preparasyon ay ang pagpapakalinis at pagpapaganda.

  Seryosong ipinapaalala ng Bibliya na ang lahat ay tatayo sa harapan ng luklukan ng Dakilang Hukom upang ipagsusulit natin ang lahat nating ginawa habang nandito pa sa mundong ito, lahat ay dadaan sa paghahatol ng Diyos, mabuti man o masamang ginawa ng bawat tao. 2 Corinto 5:10


HANDA KA NA NGA BA SA NAPAKALAPIT NANG PAGBABALIK NG PANGINOONG HESUS?
   Kung talagang seryoso kang naniniwala na si Hesus ay malapit na ngang dumating, ang mga sumusunod ay karaniwan mo nang pinapahalagahan.  Nauunawaan mo kung gaano kahalaga ng mga ito:

1.Pagpapakasipag sa gawain ng Diyos. Alalahanin natin na ang bawat iniligtas ng Panginoon ay may mga kanya-kanyang misyon na gagampanan. Unang-una na nga dito ay ang pagbabahagi ng kaligtasan sa mga napapahamak. 

2.Pagpapakalalim sa biyaya at pagkakakilala sa Panginoong Hesus. Ito ay sa pamagitan ng pagsasaliksik at pag-aaral ng Bibliya. Kailangang-kailangan natin sa panahong ito ang mga instruksiyon ng Diyos dulot ng Kanyang Salita.

3.Seryoso at marubdub na pananalangin. Sobrang mahalaga ang patuloy na pakikipagniig sa Panginoon Hesus sa panalangin upang mapaglabanan natin ang mga nakaambang panunukso ng diablo.

4.Patuloy na paglimot at pagkakait sa sarili. Hinihikayat ng Diyos na maging patay na tayo sa ating laman. (Juan 12:24) Ito ang sekreto para sa mabungang buhay-kristiyano!

5.Pakikiisa at pakikisama sa mga totoong kristiyano. Maging kalakasan sa bawat kapatiran. Ngunit maging maingat, sapagkat napakaraming nasa gawain ng Diyos na hindi naman talaga totoong nagsisuko ng buhay kay Hesus. Maraming peke ngayon sa kalipunan ng mga kristiyanong pagtitipon. Ang ilang nga sa mga ito ay may palagay na totoo rin sila pero ang pamumuhay ay walang pagkakaiba sa mga makasanlibutan.

6.Maging mapagbantay sa mga lalang ng diyablo. Maging mapangahas na tadyakan at palayasin si satanas. Makipagbuno sa espirituwal!

7.Pahalagahan, laging sangguniin ang Banal na Espiritu. Tanging sa lakas, gabay at kapangyarihan lang ng Banal na Espiritu ang ating katagumpayan.

Alalahanin natin: Kung saan tayo madalas, doon tayo daratnan ng Panginoong Hesus!


MARANATHA

   Kapag nagkikita-kita ang mga kristiyano noong unang panahon, ang pinakabatiaan nila ay "Maranatha!" (1Corinto 16:22) na ang ibig sabihin "Paparating na ang Panginoon!" Hindi sila pinigilan ng Banal na Espiritu na gawin yun, gayong dadaan pa ang 2,000 taon baga maganap ito at ang unang naganap sa kanila ay ang pagdating ng kamatayan. Kung ginawa nila yun at aprubado sa Diyos, mas dapat lang na gawin natin ito sa ating kapanahunan sapagkat sa henerasyon natin matutupad ang ipinangako Niyang pagbabalik...Maranatha!






Martes, Hulyo 9, 2013

Ayon kay Pastor Park: Napakaraming Mapapahamak sa Impiyerno

   

    Ang impiyerno ay nilikha ng Diyos para lamang sana kay satanas at sa kanyang mga demonyo/mga masasamang espiritu. (Mateo 25:41). At ang orihinal at dakilang layunin ng mabait na Diyos ay maligtas ang lahat ng tao. Nais kong bigyan ng diin-  nais ng DIYOS na maligtas ang lahat ng tao at makapiling Niya sa Kanyang kaharian ayon sa sinabi ng 2Pedro 3:9. Subalit nasira ang orihinal na plano ng Diyos para sa napakalagim na hantungan (ang impiyerno), kung ito ay dati eksklusibo lamang para sa kaaway ng Diyos , destinasyon na rin ito ng napakakaraming bilang ng mga tao! Noong unang pagparito ng Panginoong Hesus, habang nagmiministeryo sa bayan ng Israel, may mga napagsabihan na Siya kung saan nakadestino ang mga taong ito- "Mga ahas! Mga lahi ng ulupong! Sa palagay kaya niyo, makakaiwas kayo sa kaparusahan sa lupit ng impiyertno?"
    May seryosong mungkahi pa nga ang Panginooong Hesus na kung mata ang magiging dahilan para magkasala, mas mabuting dukitin ito, o kaya ang kanang kamay ay putulin na lang kung ito ay instrumento ng pagkakasala kaysa naman buo nga ang katawan, e sa impiyerno naman ang hantungan! (Mateo 5:29-30). Sa usapin patungkol sa impiyerno hindi kailanman maaaring magbiro ang Panginoong Hesus. Ano nga ba ang dapat gawin sa dila ng mga sinungaling, mapanira, palamura, at mga mapanglait?
  Isang mangangaral ang nagtiyagang gumawa ng sarili niyang 'survey'. Siya si Pastor park Yong Gyu. Interesado siyang malaman kung ilan ang pumupunta sa langit at kung ilan ang pumupunta sa impiyerno sa bawat maikling panahong lumilipas. Marahil inaalam niya ang mga 'background' o uri ng pamumuhay ng mga taong nababalitaan niyang namamatay. At ito ang kanyang natuklasan: sa bawat isang tao na langit ang tiyak na pinuntahan, ang katumbas naman nito ay isang libo na impiyerno ang tinungo!

    Tiyak na alam ni Pastor Park ang susi ng pagpasok ng langit:  ito ay ang totohanang pagsisisi at pagsuko ng buhay sa Panginoong Hesus at alam din niya ang paglalarawan sa mga ibubulid sa impiyerno. (Roma 1:26-27, Pahayag 21:8, Pahayag 22:15). Ang pinakamahalagang isyu dito na alam kong kinonsidera ni Ptr.Park, ay kung ano ang kalagayan ng isang tao, nang siya ay dinatnan ng kamatayan. Ang isang talamak sa kasamaan ng bisyo at sugal ay pwede rin namang pumasok ng langit kung siya ay totohanang nakapagsisi at tinanggap si Hesus bilang kanyang Panginoon at Tagapagligtas habang siya ay nakaratay sa hospital bago siya nalagutan ng hininga.
   Ngunit ito ang malungkot na larawan na naglalaro sa aking isipan: sa 1,001 na taong disente, mga propesyonal o edukado, isa lang sa mga ito ang luluha bilang pagkilala sa kanyang nagawang kasalanan at kikilala sa Totoong Tagapagligtas, ang Panginoong Hesus. Sa 1,001 na halang ang mga kaluluwa/kriminal/mamamatay tao/labas-masok sa bilangguan, isa lang sa mga ito ang hihingi ng tawad sa Diyos at yayakapin si Hesus bilang kanyang Manunubos. Sa 1,001 mga nagtitiliang binabae/mga bruskong tomboy o mga ingat na ingat na wag mahalata ang lihim ng kanilang sekswalidad, isa lang sa kanila ang tatanggap sa inaalok na pag-ibig ng Dakilang Mangingibig, ang Panginoong Hesus!
   Maaaring sabihin na masyado namang malupit o eksaherado ang istatistika ni Pastor Park, biruin mo nga naman, sa 1,001 ay isa lang ang pupunta ng langit at ang iba ay impiyerno na lahat! Kung sakali mang siya ay nagkakamali, ang Salita ng Diyos ay hindi maaaring magkamali! Kung pagbabatayan ang Bibliya, si Hesus na mismo ang nagsasabi:
  "Pumasok kayo sa makipot na pintuan, sapagkat maluwang ang pintuan at malapad ang daang patungo sa kapahamakan (impiyerno) at ito ay dinaraanan ng marami. Ngunit makipot ang pintuan at makitid ang daang patungo sa buhay (langit) at kakaunti ang kakakasumpong niyon!" (Mateo7:13-14).

   Iisang dahilan lang ang ibinigay ng Bibliya kung bakit medyo naaantala (nadi-'delay') ang pangakong pagbabalik ng Panginoong Hesus- ito ay ang mabigyan pa ng pagkakataon ang mga tao na magsisi ng kanilang mga kasalanan. (2Pedro 3:19). Ang pagkakataong ibinibigay ng Dios ay hindi panghabang panahon. Anumang oras ang pagkakataong ininibigay ay pwedeng matapos. Dumarating ang kamatayan anumang oras, at walang maaaring makapagpigil sa Panginoong Hesus kung gugustuhin na Niyang dumating mamaya o bukas. Napakainam sana na ang 1,001 tao na kinabibilangan mo ay tumanggap lahat kay Hesus, ngunit kung ayaw ng nakararami, sana kaibigan, ikaw yung iisa, na hindi tatanggi sa inaalok na kaligtasan ng Panginoong Hesus! Ang magpapahalaga sa naganap sa krus ng kalbaryo.

  At determinadong dumaan sa makitid na daan, na kakaunti ang nakakasumpong ngunit ang dulo naman ay kaligtasan, sa piling ng Panginoong Hesus!