Martes, Oktubre 28, 2014

Mapanganib na Katuruan sa Mapanlinlang na Kapanahunan

   

  Pinagtibay ng Bibliya na habang papalapit ang pagbabalik ng Panginoong Hesus ay aalagwa ang matinding pandaraya sa iba't ibang anyo at larangan. Ang pinakatarget ng lider ng panloloko (diyablo) ay ang mga mananampalataya. (Mateo 24:24). Ang panlilinlang na ito ay sa pamamagitan ng mga mapanganib na katuruan mula sa mga bulaang mangangaral o tagapagturo. (Mateo15:9, 1Timoteo1:7, 1Timoteo4:1-2, 1Timoteo6:3, 2Timoteo4:3, Tito1:11 at 2Pedro2:1)
   Kamakailan lang, ay labis ang pagkabahala ko sa isang pagtuturo sa himpilan ng radyo na madalas pinakikinggan ng mga mananampalataya, ilang araw na tinalakay ng tagapagturo ang paksa na "Kapag ang sinuman ay tumanggap ng kaligtasan, mananatili na ito sa kanya at hindi na mawawala." (???!!!???). Sobrang delikado o mapanganib ang katuruang ito at wala itong konkretong suporta mula sa Bibliya. May 3 o 4 na talatang ginamit ang tagapagturo para sa kanyang argumento ngunit napakadaming katotohanan sa Bibliya ang hindi man lang niya isinaalang-alang (sinadya ba niya o talagang hindi niya alam?) Sana nagpahapyaw man lang siya sa mga sumusunod na talatang ito: Exodus 32:33, Awit69:28, Awit 51:11, Pahayag 3:5, Ezekiel 18:24-27, MATEO 24:13, FILIPOS 2:12, Hebreo 10:26-27, 2Pedro 2:20-22, Pahayag 3:16, Juan 8:11 at napakarami pang iba. Matamis sa pandinig ang argumento ng mangangaral na ito, ngunit ito ay angkop lang sa ikalalakas ng mga nanghihina o nag-aalinlangan sa pag-ibig at pagliligtas ng Diyos. Tunay nga na nakakapagpalakas ang katotohanang walang makakapaghiwalay sa pag-ibig ng Diyos at walang makakaagaw sa atin sa kamay ng Diyos, ngunit ang talatang ito ay hindi batayan na hindi mawawala ang kaligtasan. Bakit? Gawin nating ilustrasyon na ang pag-ibig ng Diyos at palad Niya ay isang entablado. Hangga't nagpapasya ang sinuman na manatili sa entablado andun ang kaligtasan, kahit ano mang pwersa talagang hindi mananaig basta't nasa entablado siya. E paano kung yung may katawan ay nagpasyang umalis sa entablado (palad/pag-ibig ng Dios)? Mula sa pag-ibig ng Diyos ay lumipat sa pag-ibig sa sanlibutan? Katulad ng nangyari kay Demas (2Tim.4:10). Ligtas pa ba 'yun? Yung isa pa niyang argumento na ang kaligtasan ay batay lang sa gawa ng Diyos at ang lahat ay ganap na sa perspektibo ng Diyos ay lubhang masalimoot. Kung ito ay literal na tatanggapin, ay pwedeng isipin na lahat ng tao na nabuhay ay pawang sa langit o kaligtasan ang hantungan!(???) Wala nang parurusahan sa impiyerno!? Sinumang nakapakinig ng delikadong aral na ito (Di raw nawawala ang kaligtasan) na nasa kalagayang "hilaw" pa o naglalaro-laro pa lang sa pananampalataya ay mapapangiti. Yung mga dumadalo sa pananambahan (lalo na sa mga megachurches) na humaling pa rin sa panonood ng sine, telebisyon, internet, facebook, pornograpiya, alak, sigarilyo, kalaswaan, kabaklaan, gadgets, tsismis, paninira, pangungutya, inggit, hinanakit, kayabangan, materyalismo, kaplastikan, kasinungalingan,  at marami pang iba ay lalo pang bubuwelo at aalagwa! Ang mga ganitong bulaang katuruan ang dahilan kung bakit maraming nagsasabing mananampalataya ang lumalakad pa rin sa maluwang na daan! Kung pakasusuriin isa man sa mga sumusunod: Exodus 32:33, Awit69:28, Awit 51:11, Pahayag 3:5, Ezekiel 18:24-27, MATEO 24:13, FILIPOS 2:12, Hebreo 10:26-27, 2Pedro 2:20-22, Pahayag 3:16, Juan 8:11, ang kaligtasan, kapag hindi pinahalagahan ay tiyak na mawawala, ito nga ang puntirya ng diyablo, kapag nawala ang pananampalataya, laglag din kaligtasan. Ipinauna ng 1Timoteo 4:1, maraming tatalikod sa pananampalataya sa mga huling araw. Ligtas pa ba yung mga tumalikod? Bakit nga ba ang Panginoong Hesus ay paulit-ulit sa pagpapaala-ala sa Kanyang mga tagasunod na mag-abang at maghanda sa nalalapit Niyang pagbabalik? Wala bang kinalaman sa paghahanda ang pagtitiyak na taglay ninuman ang kaligtasan? Kung inaakala ninuman na lagi siyang ligtas, interesado pa kaya siya sa panawagan ng 1 Pedro 1:16 at I Juan 3:3? Ito ang aking paninindigan at alam kong sinasang-ayonan ako ng Banal na Espiritu: ang sinumang TOTOONG mananampalataya ay patuloy na nagpapasya hanggang sa kahuli-hulihang sandali niya sa mundong ito. Patuloy siyang nagpapasyang tanggihan ang kasalanan at sanlibutan. Patuloy siyang nagpapasyang sundin ang kalooban ng Diyos! Determinado siyang magpakabanal at magpakadalisay sa pag-aabang sa Kanyang Pinakamamahal. Patuloy siyang nagpapasyang pakaingatan ang KAPAKINABANGAN ng krus. PATULOY SIYANG NAGPAPASYANG PAKAIBIGIN AT PAGTAPATAN ANG PANGINOONG HESU-KRISTO!
  Talagang sa mabiyayang kapamaraanan lang ng Diyos kung bakit mapupunta ng langit ang sinuman- ngunit sa panig ng tao, ang pagpasok dito  ay isa pa ring PAGPAPASYA!
Ang mananatiling tapat
hanggang wakas
ang siyang maliligtas!
(Mateo24:13)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento