Biyernes, Oktubre 10, 2014

Kapinsalaan sa mga Hindi Nag-aabang Part3

Kapinsalaan Sa Mga Hindi Nag-aabang

   Iba't ibang uri na rin ng mga "mananampalataya" ang mga nakadaupang-palad ko at hindi ko maiwasang magkaroon ng pag-oobserba. Hindi sa pagiging mapanuri o mapanghusga kinakapa ko lang naman sa sinumang nagsasabing "kristiyano" kung pareho din ba ang aming konbiksyon/pasanin o nararamdaman mula sa Espiritu ng Diyos. Ito ay ayon na rin sa diwa ng 1Juan 4:1. Isang malungkot na katotohanan ang napagtanto ko, mangilan-ngilan lang ang nasusumpungan kong kasang-ayon ko sa mahalagang biblikal na aspeto ng pagbabalik ng Panginoong Hesus. Karamihan ay matabang sa nalalapit na pagbabalik ng Panginoon. At dahil hindi sila gaanong interesado, hindi rin makapa sa kanila ang pananabik sa pagbabalik ng Tagapagligtas kaya nga hindi talaga sila nag-aabang. Ang inaabangan nila ay mga pagpapalang materyal, pinansiyal at mga makamundong kapakinabangan.
   Ito pa ang napuna ko sa mga hindi nag-aabang sa pagbabalik ni Lord, wala silang pasanin sa espirituwal na kapakanan ng kanilang mga mahal sa buhay. Kahit napakalayo sa Diyos, hindi interesado sa Bibliya at maraming hayag na kalokohang ginagawa ay ok lang sa kanila. Samantalang ang isang kapatid na laging bukambibig ang pagbabalik ni Hesus ay walang tigil sa pagpapaalala sa mga anak na nahuhumaling sa mga gadget at patuloy na nagsusumamo sa Diyos na mapalaya sa pagkahumaling ang kanyang mga mahal sa buhay at lubos na magsuko ng buhay sa Diyos. Hindi ako maaaaring magkamali dito, hindi partikular sa kabanalan at katwiran ng Diyos ang sinumang matabang sa pagbabalik ni Hesus. Dalang-dala sila o aliw na aliw sa malakas na agos ng mundo. Ang linaw ng sinabi sa 1 Juan 2:15, "Wala ang pag-ibig ng Diyos sa sinumang maibigin sa sanlibutan!". Paulit-ulit kong nababanggit na ang sinumang hindi interesado sa pagbabalik ni Hesus ay hindi talaga totoong umiibig sa Kanya. Ito pa ang natuklasan ko, maraming kunwari mananampalataya ngunit hindi naman talaga nakabatay kay Hesus ang kanilang kasiyahan at kasiglahan! Nakasandal sila sa galing at popularidad ng kanilang mga lider o mangangaral. Ang kasiyahan nila ay nakabatay sa ingay at laki ng kanilang kongregasyon, sa lamig ng aircon at karangyaan nito. Pagnagkaganun, anong napakatinding kapinsalaan ang sasapitin ng "mananampalatayang" katulad nito? Napakasaklap! Sasapitin nila ang sinabi ng Panginoong Hesus sa Pahayag 3:16! Seryoso ang Panginoon sa Kanyang banta sa mga maligamgam- "ISUSUKA KITA!" at ang sinabi sa 5 dalagang hangal na nagsusumamong sila ay pagbuksan ngunit ang wika ng Panginoon ay- "HINDI KO KAYO NAKIKILALA!" Ganito ang kalagayan ng mga naiwan at hindi nakasama sa pagdagit ng Panginoong Hesus sa mga tunay Niyang pinaging-banal!
  Meron akong nalamang aral at hindi ako sang-ayon dito. Kung sakali daw na hindi mapasama sa rapture ay ok lang. meron pa naman daw susunod na "batch". Pwede pa naman daw maligtas basta huwag lang magpatatak ng 666 sa antikristo sa halip ay magpapugot na lang ng ulo. Delikado ang katuruang ito. Para sa akin, kung talagang totoo ka, hindi ka isusuka. At kung isinuka na, ay hindi na talaga muling tatanggapin pa, e, isinuka na nga! Ang alam kung may tsansang maligtas kung magpapapugot ng ulo ay ang mga Hudyo na lamang.
  Kilalang-kilala ng Panginoon kung sino ang talagang Kanya... nagmamahal ng lubos... nagpapakadalisay at buong pananabik na nag-aabang sa ipinangakong pagbabalik ng Hari ng mga hari! Maranatha, dumating ka na nawa Panginoong Hesus!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento