Isang magandang layunin at kapakinabangan ang agad kung nakita sa pelikulang ito na ipinalabas sa sekular na sinehan sa buong mundo: ang bigyang ideya ang lahat ng tao na talagang magaganap hiwaga na inihayag ng Mateo 24:40, 1Tesalonica 4:15-18 at ang 1 Corinto 15:51-52. Sa isang kisapmata maglalaho ang mga matutuwid na tagasunod ng Diyos at mga batang walang-malay sa kasalanan. Hindi maipagkakaila na may alam sa Biblia ang mga gumawa ng pelikula. Kahit papano ay naipahiwatig na kaya nawala ang mga tao ay dahil maka-Diyos sila, yung isang piloto nga ay may nakasulat pa na Juan 3:16 ang kanyang relo na siyang dahilan kung bakit napasama siya sa dinala sa langit sapagkat napakinabangan niya ang Juan 3:16. At may katuwiran naman na maiwan yung pangunahing tauhan si Nicolas Cage, sa papel bilang piloto, sapagkat binabalewala niya ang paalalang biblikal ng kayang asawa at meron siyang maruming pagnanasa sa isang stewardess. Walang direktang layuning mag-ebanghelyo ang pelikula, ang Biblikal na katotohanan ay parang sahog o sangkap lang sa kuwento. Mas binigyang tampok pa nga kung paanong ligtas na mailapag ang eroplano kesa sa kumbinsihin ang mga manonood na tumalikod sa pagkakasala. Hindi ko maala-alang binanggit ang pangalan ng Panginoong Hesus! Ni hindi nabanggit na kaya nawala ang mga kristiyano ay dahil sinundo ng Panginoong Hesus sa Kanyang muling (palihim)pagbabalik. Hindi ko nagustuhan ang eksenang ibinalibag ang Bibliya. Medyo maayos naman ang mga special effects, naipakita din kahit papano na talagang malaking trahedya ang pagkawala ng mga banal at inosente. Mga nagsasalpukang mga sasakyan at eroplano. Kung maituturing na ito ay isang kristiyanong pelikula? Ang masasabi ko ay hindi. Ngunit mas matino naman ito kung ikukumpara sa mga kasabay nitong pelikula. Sayang at hindi man lang nabigyan ng diin na dapat ay tiyakin ninuman na taglay nila ang totoong HESUS (may kaugnayan at totoong nakipag-isa) upang mapasama sa mga kukunin Niya. May pagsalungat din ito sa pangako ng Diyos sa Gawa 16:31, Ang sinumang sumampalataya sa Panginoong Hesus ay maliligtas, siya at ang kanyang sambahayan. Yung isang mananampalatayang karakter ay kinuha kasama ng kanyang anak pero naiwan naman ang 2 miyembro ng kanyang pamilya. Mas mainam sana kung kumpleto sila. Isa pang panganib ng pelikula: may pahiwatig ito na kahit naiwan sila, ay posible pa ring mapunta ng langit. Walang matibay na suporta ito sa Bibliya. Yung mga napagsarhan sa Mateo 25:12 ay talagang hindi na nabigyan ng ikalawang tsansa. Pwede pa bang balikan ang isinuka na?(Pahayag 3:16). Nasa mapanganib na kalagayan ang sinumang umaasa na maliligtas pa rin sakaling hindi sila mapasama sa paglaho ng mga banal.
Ang pagkakataong maging handa ay ngayon na, ang mga nalalabing araw ay pagkakataong ibinibigay ng Diyos upang marapatin natin na mapasama sa mga susunduin ng Panginoong HESUS! Ang pelikula ay natapos naman sa talatang Marcos 13:32, wala ngang nakakaalam kung anong araw o oras magaganap, pero mas maganda kung nabigyan ng diin na talagang dapat MAGHANDA AT TALAGANG NAPAKALAPIT NANG BUMALIK NG PANGINOONG HESUS AT PAKATIYAKIN NA SIYA NA TALAGA ANG LAHAT-LAHAT SA ATIN!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento