Martes, Oktubre 28, 2014

Mapanganib na Katuruan sa Mapanlinlang na Kapanahunan

   

  Pinagtibay ng Bibliya na habang papalapit ang pagbabalik ng Panginoong Hesus ay aalagwa ang matinding pandaraya sa iba't ibang anyo at larangan. Ang pinakatarget ng lider ng panloloko (diyablo) ay ang mga mananampalataya. (Mateo 24:24). Ang panlilinlang na ito ay sa pamamagitan ng mga mapanganib na katuruan mula sa mga bulaang mangangaral o tagapagturo. (Mateo15:9, 1Timoteo1:7, 1Timoteo4:1-2, 1Timoteo6:3, 2Timoteo4:3, Tito1:11 at 2Pedro2:1)
   Kamakailan lang, ay labis ang pagkabahala ko sa isang pagtuturo sa himpilan ng radyo na madalas pinakikinggan ng mga mananampalataya, ilang araw na tinalakay ng tagapagturo ang paksa na "Kapag ang sinuman ay tumanggap ng kaligtasan, mananatili na ito sa kanya at hindi na mawawala." (???!!!???). Sobrang delikado o mapanganib ang katuruang ito at wala itong konkretong suporta mula sa Bibliya. May 3 o 4 na talatang ginamit ang tagapagturo para sa kanyang argumento ngunit napakadaming katotohanan sa Bibliya ang hindi man lang niya isinaalang-alang (sinadya ba niya o talagang hindi niya alam?) Sana nagpahapyaw man lang siya sa mga sumusunod na talatang ito: Exodus 32:33, Awit69:28, Awit 51:11, Pahayag 3:5, Ezekiel 18:24-27, MATEO 24:13, FILIPOS 2:12, Hebreo 10:26-27, 2Pedro 2:20-22, Pahayag 3:16, Juan 8:11 at napakarami pang iba. Matamis sa pandinig ang argumento ng mangangaral na ito, ngunit ito ay angkop lang sa ikalalakas ng mga nanghihina o nag-aalinlangan sa pag-ibig at pagliligtas ng Diyos. Tunay nga na nakakapagpalakas ang katotohanang walang makakapaghiwalay sa pag-ibig ng Diyos at walang makakaagaw sa atin sa kamay ng Diyos, ngunit ang talatang ito ay hindi batayan na hindi mawawala ang kaligtasan. Bakit? Gawin nating ilustrasyon na ang pag-ibig ng Diyos at palad Niya ay isang entablado. Hangga't nagpapasya ang sinuman na manatili sa entablado andun ang kaligtasan, kahit ano mang pwersa talagang hindi mananaig basta't nasa entablado siya. E paano kung yung may katawan ay nagpasyang umalis sa entablado (palad/pag-ibig ng Dios)? Mula sa pag-ibig ng Diyos ay lumipat sa pag-ibig sa sanlibutan? Katulad ng nangyari kay Demas (2Tim.4:10). Ligtas pa ba 'yun? Yung isa pa niyang argumento na ang kaligtasan ay batay lang sa gawa ng Diyos at ang lahat ay ganap na sa perspektibo ng Diyos ay lubhang masalimoot. Kung ito ay literal na tatanggapin, ay pwedeng isipin na lahat ng tao na nabuhay ay pawang sa langit o kaligtasan ang hantungan!(???) Wala nang parurusahan sa impiyerno!? Sinumang nakapakinig ng delikadong aral na ito (Di raw nawawala ang kaligtasan) na nasa kalagayang "hilaw" pa o naglalaro-laro pa lang sa pananampalataya ay mapapangiti. Yung mga dumadalo sa pananambahan (lalo na sa mga megachurches) na humaling pa rin sa panonood ng sine, telebisyon, internet, facebook, pornograpiya, alak, sigarilyo, kalaswaan, kabaklaan, gadgets, tsismis, paninira, pangungutya, inggit, hinanakit, kayabangan, materyalismo, kaplastikan, kasinungalingan,  at marami pang iba ay lalo pang bubuwelo at aalagwa! Ang mga ganitong bulaang katuruan ang dahilan kung bakit maraming nagsasabing mananampalataya ang lumalakad pa rin sa maluwang na daan! Kung pakasusuriin isa man sa mga sumusunod: Exodus 32:33, Awit69:28, Awit 51:11, Pahayag 3:5, Ezekiel 18:24-27, MATEO 24:13, FILIPOS 2:12, Hebreo 10:26-27, 2Pedro 2:20-22, Pahayag 3:16, Juan 8:11, ang kaligtasan, kapag hindi pinahalagahan ay tiyak na mawawala, ito nga ang puntirya ng diyablo, kapag nawala ang pananampalataya, laglag din kaligtasan. Ipinauna ng 1Timoteo 4:1, maraming tatalikod sa pananampalataya sa mga huling araw. Ligtas pa ba yung mga tumalikod? Bakit nga ba ang Panginoong Hesus ay paulit-ulit sa pagpapaala-ala sa Kanyang mga tagasunod na mag-abang at maghanda sa nalalapit Niyang pagbabalik? Wala bang kinalaman sa paghahanda ang pagtitiyak na taglay ninuman ang kaligtasan? Kung inaakala ninuman na lagi siyang ligtas, interesado pa kaya siya sa panawagan ng 1 Pedro 1:16 at I Juan 3:3? Ito ang aking paninindigan at alam kong sinasang-ayonan ako ng Banal na Espiritu: ang sinumang TOTOONG mananampalataya ay patuloy na nagpapasya hanggang sa kahuli-hulihang sandali niya sa mundong ito. Patuloy siyang nagpapasyang tanggihan ang kasalanan at sanlibutan. Patuloy siyang nagpapasyang sundin ang kalooban ng Diyos! Determinado siyang magpakabanal at magpakadalisay sa pag-aabang sa Kanyang Pinakamamahal. Patuloy siyang nagpapasyang pakaingatan ang KAPAKINABANGAN ng krus. PATULOY SIYANG NAGPAPASYANG PAKAIBIGIN AT PAGTAPATAN ANG PANGINOONG HESU-KRISTO!
  Talagang sa mabiyayang kapamaraanan lang ng Diyos kung bakit mapupunta ng langit ang sinuman- ngunit sa panig ng tao, ang pagpasok dito  ay isa pa ring PAGPAPASYA!
Ang mananatiling tapat
hanggang wakas
ang siyang maliligtas!
(Mateo24:13)

Ang Mga Maiiwan at ang Pelikulang Left Behind




   Isang magandang layunin at kapakinabangan ang agad kung nakita sa pelikulang ito na ipinalabas sa sekular na sinehan sa buong mundo: ang bigyang ideya ang lahat ng tao na talagang magaganap hiwaga na inihayag ng Mateo 24:40, 1Tesalonica 4:15-18 at ang 1 Corinto 15:51-52. Sa isang kisapmata maglalaho ang mga matutuwid na tagasunod ng Diyos at mga batang walang-malay sa kasalanan. Hindi maipagkakaila na may alam sa Biblia ang mga gumawa ng pelikula. Kahit papano ay naipahiwatig na kaya nawala ang mga tao ay dahil maka-Diyos sila, yung isang piloto nga ay may nakasulat pa na Juan 3:16 ang kanyang relo na siyang dahilan kung bakit napasama siya sa dinala sa langit sapagkat napakinabangan niya ang Juan 3:16. At may katuwiran naman na maiwan yung pangunahing tauhan si Nicolas Cage, sa papel bilang piloto, sapagkat binabalewala niya ang paalalang biblikal ng kayang asawa at meron siyang maruming pagnanasa sa isang stewardess. Walang direktang layuning mag-ebanghelyo ang pelikula, ang Biblikal na katotohanan ay parang sahog o sangkap lang sa kuwento. Mas binigyang tampok pa nga kung paanong ligtas na mailapag ang eroplano kesa sa kumbinsihin ang mga manonood na tumalikod sa pagkakasala. Hindi ko maala-alang binanggit ang pangalan ng Panginoong Hesus! Ni hindi nabanggit na kaya nawala ang mga kristiyano ay dahil sinundo ng Panginoong Hesus sa Kanyang muling (palihim)pagbabalik. Hindi ko nagustuhan ang eksenang ibinalibag ang Bibliya. Medyo maayos naman ang mga special effects, naipakita din kahit papano na talagang malaking trahedya ang pagkawala ng mga banal at inosente. Mga nagsasalpukang mga sasakyan at eroplano. Kung maituturing na ito ay isang kristiyanong pelikula? Ang masasabi ko ay hindi. Ngunit mas matino naman ito kung ikukumpara sa mga kasabay nitong pelikula. Sayang at hindi man lang nabigyan ng diin na dapat ay tiyakin ninuman na taglay nila ang totoong HESUS (may kaugnayan at totoong nakipag-isa) upang mapasama sa mga kukunin Niya. May pagsalungat din ito sa pangako ng Diyos sa Gawa 16:31, Ang sinumang sumampalataya sa Panginoong Hesus ay maliligtas, siya at ang kanyang sambahayan. Yung isang mananampalatayang karakter ay kinuha kasama ng kanyang anak pero naiwan naman ang 2 miyembro ng kanyang pamilya. Mas mainam sana kung kumpleto sila. Isa pang panganib ng pelikula: may pahiwatig ito na kahit naiwan sila, ay posible pa ring mapunta ng langit. Walang matibay na suporta ito sa Bibliya. Yung mga napagsarhan sa Mateo 25:12 ay talagang hindi na nabigyan ng ikalawang tsansa. Pwede pa bang balikan ang isinuka na?(Pahayag 3:16). Nasa mapanganib na kalagayan ang sinumang umaasa na maliligtas pa rin sakaling hindi sila mapasama sa paglaho ng mga banal.

   Ang pagkakataong maging handa ay ngayon na, ang mga nalalabing araw ay pagkakataong ibinibigay ng Diyos upang marapatin natin na mapasama sa mga susunduin ng Panginoong HESUS! Ang pelikula ay natapos naman sa talatang Marcos 13:32, wala ngang nakakaalam kung anong araw o oras magaganap, pero mas maganda kung nabigyan ng diin na talagang dapat MAGHANDA AT TALAGANG NAPAKALAPIT NANG BUMALIK NG PANGINOONG HESUS AT PAKATIYAKIN NA SIYA NA TALAGA ANG LAHAT-LAHAT SA ATIN!

Ang Paghihiwalay ng Matatalino sa mga Mangmang

    Noon pa mang bago-bago pa lang naitatag ang mga unang kalipunan ng mga mananampalataya, nagkakasama-sama na ang mga totoong kristiyano at mga peke. NATUKLASAN ito nina Pablo, Juan, Judas at sila ay naperwisyo ng mga pekeng "kapatiran". (2Corinto 11:26, 3Juan 10 at Judas 4).
   Ang katotohanang ito ay tinalakay mismo ng Panginoong Hesus sa isang talinhaga patungkol sa sama-samang pagtubo ng trigo (totoong kristiyano) at damo (mga peke). Pansamantalang hinayaan muna ng Diyos na magkakasama ang mga damo at trigo (mga totoo at peke). Isang dahilan ang nakita ko dito. Ang ikapu ng peke ay mapapakinabangan ng isang totoo at tapat na lingkod ng Diyos. Sa panahon ni Elijah, ginamit ng Diyos ang uwak upang siya ay mapagpala. Sa panahon ngayon, kaya kahalubilo ng mga totoo ang mga peke upang magsilbing mga uwak kahit madalas ang mga "uwak" na ito ay naghahatid ng kaguluhan at impluwensiya ng kamunduhan sa mga matitinong mananampalataya. Ngunit may takdang panahon na talagang maghihiwalay ang landas ng mga totoo at peke. At sa aking pakiwari, habang papalapit nang papalapit ang pagbabalik ng Panginoong Hesus ang paghihiwalay na ito ay nagagaganap na ngayon. Kung pagbubulay-bulayan ang talinhaga ng 10 dalaga sa Mateo 25, makikita dito ang dahilan ng paghihiwalay ng matatalino sa mga mangmang. Ang limang mangmang ay hindi mapalagay kungsaan-saan pa sila pumupunta, naghahanap ng kapunuan sa maraming pagkukulang. 

     Sa panahong ito, ang katulad nila ay mga "kristiyanong paro-paro". Palipa-lipat at kung saan-saan dumadapo. Naghahanap ng kalakasan at kasiyahan kung saan-saan at kung kani-kanino. "Sige doon tayo, sikat, magaling mahusay ang pastor dun, hindi ka aantukin, ang galing-galing magpatawa! Teka dun na lang malaki ang kongregasyon nila, glamoroso, mayaman at naka-aircon pa. Huwag diyan pangit mga manganganta diyan at hindi kumpleto ang instrumento kaya pangit ang tugtugan, walang kabuhay-buhay! Dun na lang sa kabila, laging may natutumba, nagbabagsakan dun at hinihimatay kapag madantayan ng pastor!"
   Naalala ko tuloy ang isang pastor na alam kung nasa piling na ng Panginoon. Bago siya namatay ay naghayag siya ng kalungkutan na ang mga minamahal niyang miyembro ay halos naglipatan lahat sa isang ministeryo na ginaganap sa bagong gawang shopping mall. Ang pastor na ito ay sobrang mapagbigay sa kanyang mga nasasakupan. Ang konting kita niya sa munting panaderya niya ay halos mapunta lang sa pantulong sa mga miyembro at ang mga tinapay ay libreng tinatanggap ng mga kapatiran ngunit sa kabila nito ay basta na lang siyang iniwan ng mga dati niyang pinagmamalasakitan. Tunay ngang nakakasakit ng kalooban ang mga taong walang utang na loob, madami nito ngayon ayon sa 2 Timoteo 3:2. Inaliw ko siya sa pamamagitan ng 1 Juan 2:19. Sa kabila nito lalong lumala ang sakit niya sa puso at umuwi na nga siya sa Panginoon. Ewan ko kung umabot sa kamalayan ng pastor na ang Diyos mismo ang nag-aalis at ang Diyos ang naglalagay. Seryosong mangangaral ng kabanalan ang nabanggit kong pastor. At ang pekeng tagadalo ay hindi talaga matutuwa kahit busugin pa siya ng literal na tinapay ng pastor kaya't hahanap at hahanap siya ng mangangaral na kikiliti sa kanyang pandinig (2 Timoteo 4:3) at kadalasang natatagpuan ito sa mga malalaki, mararangya at maiingay na kalipunan ng mga "mananambahan"! 
  Sino ba ang mga pekeng ito? Sila ay yaong nagtataglay ng IBANG "hesus" (2 Corinto 11:4) at sila din ang tinutukoy ni Pablo na mga kaaway ng krus ni Kristo at ang mga dinidiyos ay ang hilig ng kanilang mga katawan! (Filipos3:18-19). Ang mga pekeng ito ay hindi pa talaga ganap na nakaranas at nakaunawa ng tunay na kahulugan ng pag-ibig at katuwiran.(1 Juan 3:10)

   May inihayag sa akin ang Banal na Espiritu, kung bakit ihihiwalay Niya ang mga totoo sa mga peke. Sa panahon ngayon ang mga peke ay mahilig sa "ecunumical" pagsasama ng ibat ibang relihiyon. (Nasa agenda ito ng anti-kristo) Samasama silang magdarasal kahit iba-iba ang diyos nila. Ngunit hindi ito katanggap-tanggap sa TOTOONG DIYOS! Iipunin NIYA ang mga totoo upang maganap ang Mateo 18:18-20. Sa pagtitipon ng mga totoong kristiyano, napagtitibay ang presensiya ng TOTOONG DIYOS! Magiging mabisa't makapangyarihan ang kanilang pananalangin. Isang napakadakilang pananalangin ang gagawin ng mga totoong kristiyano sa mga huling panahong ito at tiyak na tiyak hindi sila bibiguin ng Diyos! Ano ang ipapanalangin sa pagtitipon ng mga totoong mananampalataya? Eto yun-
             "O Panginoong HESUS, Sunduin Mo na kami! 
                     Dumating Ka na, MARANATHA!"
  

Biyernes, Oktubre 10, 2014

Kapinsalaan sa mga Hindi Nag-aabang Part3

Kapinsalaan Sa Mga Hindi Nag-aabang

   Iba't ibang uri na rin ng mga "mananampalataya" ang mga nakadaupang-palad ko at hindi ko maiwasang magkaroon ng pag-oobserba. Hindi sa pagiging mapanuri o mapanghusga kinakapa ko lang naman sa sinumang nagsasabing "kristiyano" kung pareho din ba ang aming konbiksyon/pasanin o nararamdaman mula sa Espiritu ng Diyos. Ito ay ayon na rin sa diwa ng 1Juan 4:1. Isang malungkot na katotohanan ang napagtanto ko, mangilan-ngilan lang ang nasusumpungan kong kasang-ayon ko sa mahalagang biblikal na aspeto ng pagbabalik ng Panginoong Hesus. Karamihan ay matabang sa nalalapit na pagbabalik ng Panginoon. At dahil hindi sila gaanong interesado, hindi rin makapa sa kanila ang pananabik sa pagbabalik ng Tagapagligtas kaya nga hindi talaga sila nag-aabang. Ang inaabangan nila ay mga pagpapalang materyal, pinansiyal at mga makamundong kapakinabangan.
   Ito pa ang napuna ko sa mga hindi nag-aabang sa pagbabalik ni Lord, wala silang pasanin sa espirituwal na kapakanan ng kanilang mga mahal sa buhay. Kahit napakalayo sa Diyos, hindi interesado sa Bibliya at maraming hayag na kalokohang ginagawa ay ok lang sa kanila. Samantalang ang isang kapatid na laging bukambibig ang pagbabalik ni Hesus ay walang tigil sa pagpapaalala sa mga anak na nahuhumaling sa mga gadget at patuloy na nagsusumamo sa Diyos na mapalaya sa pagkahumaling ang kanyang mga mahal sa buhay at lubos na magsuko ng buhay sa Diyos. Hindi ako maaaaring magkamali dito, hindi partikular sa kabanalan at katwiran ng Diyos ang sinumang matabang sa pagbabalik ni Hesus. Dalang-dala sila o aliw na aliw sa malakas na agos ng mundo. Ang linaw ng sinabi sa 1 Juan 2:15, "Wala ang pag-ibig ng Diyos sa sinumang maibigin sa sanlibutan!". Paulit-ulit kong nababanggit na ang sinumang hindi interesado sa pagbabalik ni Hesus ay hindi talaga totoong umiibig sa Kanya. Ito pa ang natuklasan ko, maraming kunwari mananampalataya ngunit hindi naman talaga nakabatay kay Hesus ang kanilang kasiyahan at kasiglahan! Nakasandal sila sa galing at popularidad ng kanilang mga lider o mangangaral. Ang kasiyahan nila ay nakabatay sa ingay at laki ng kanilang kongregasyon, sa lamig ng aircon at karangyaan nito. Pagnagkaganun, anong napakatinding kapinsalaan ang sasapitin ng "mananampalatayang" katulad nito? Napakasaklap! Sasapitin nila ang sinabi ng Panginoong Hesus sa Pahayag 3:16! Seryoso ang Panginoon sa Kanyang banta sa mga maligamgam- "ISUSUKA KITA!" at ang sinabi sa 5 dalagang hangal na nagsusumamong sila ay pagbuksan ngunit ang wika ng Panginoon ay- "HINDI KO KAYO NAKIKILALA!" Ganito ang kalagayan ng mga naiwan at hindi nakasama sa pagdagit ng Panginoong Hesus sa mga tunay Niyang pinaging-banal!
  Meron akong nalamang aral at hindi ako sang-ayon dito. Kung sakali daw na hindi mapasama sa rapture ay ok lang. meron pa naman daw susunod na "batch". Pwede pa naman daw maligtas basta huwag lang magpatatak ng 666 sa antikristo sa halip ay magpapugot na lang ng ulo. Delikado ang katuruang ito. Para sa akin, kung talagang totoo ka, hindi ka isusuka. At kung isinuka na, ay hindi na talaga muling tatanggapin pa, e, isinuka na nga! Ang alam kung may tsansang maligtas kung magpapapugot ng ulo ay ang mga Hudyo na lamang.
  Kilalang-kilala ng Panginoon kung sino ang talagang Kanya... nagmamahal ng lubos... nagpapakadalisay at buong pananabik na nag-aabang sa ipinangakong pagbabalik ng Hari ng mga hari! Maranatha, dumating ka na nawa Panginoong Hesus!

Gaano na tayo Kalapit sa Pugutan ng Ulo?


     Sa loob ng 7 taong walang kapantay na kapighatian ay maghahari ang Antikristo. Lahat ng nabubuhay sa daigdig ay sapilitang pasasambahin sa kanya sa pamamgitan ng pagtanggap ng kanyang tatak na 666. Lahat ay tiyak na magpapatatak para makabili ng pantawid gutom maliban sa isang uri ng mga tao, ang mga Hudyo! sapagkat sa mga panahong yun, dun lang nila mauunawaan na ang kanilang Messiah ay yaong ipinako nila sa krus, hindi itong sikat na personalidad (antikristo) na inasahang bayani ng lahat ng lahi. At sa kanilang pagtangging magpatatak, sila ay PUPUGUTAN NG ULO! (Pahayag 13:15 at Pahayag 20:4)

     Sino ang mga mamumugot na ito? Matagal pa ba bago mangyari ito? Ano ba ang laman ng mga world news ngayon? sa mga internet? Di ba may mga panatikong muslim ngayon na hayagang namumugot ng ulo? Ito ay ang mga ISIS ng Syria at Iraq. Alam nyo ba kung ano ang pinakalayunin ng kanilang pamumugot ngayon? Ito ay ang marubdob na pagtataguyod nila ng relihiyong Islam, hinihikayat lahat ng muslim na ikonbert ang lahat ng tao sa Islam at kung tututol ay dapat pugutan ng ulo! Ang ganitong dedikasyon ang gagamitin ng paparating na antikristo na mayroong lihim na layunin na pag-isahin ang lahat ng relihiyon upang tanggapin siya bilang diyos ng lahat kasama na ng mga muslim. Sa katusuhan ng antikristo, makukunbinsi rin niya ang mga panatikong mamumugot-ulo! Nakahanda na ang antikristo, nakahanda na rin ang kanyang makinarya upang pugutan ng ulo ang mga Hudyo na hindi tatatanggap ng kayang tatak- ang 666!
Mga kapatid napakalapit na....
   Bago lumitaw ang antikristo, palihim munang darating ang TOTOONG KRISTO upang sunduin ang mga totoong tinubos ng Kanyang banal na dugo!

Pagpula ng Buwan sa taong 2014-2015

Bakit Pambihira ang Pagpula ng Buwan
sa Taong 2014-2015?

   Naitala ng mga batikang astronomeyo at siyentipiko ng NASA (National Aeronautical Space Administration) ang mga kagananapan sa kalawakan maging 3 libong taon pa ang nakalipas lalo na ang mga penomenon patungkol sa mga bituin, araw at buwan. Lalong-lalo na sa bihirang nangyayari ang pagpupula ng buwan at ang pagdidilim ng araw. Ito ang kamangha-manghang natuklasan ng mga Bible scholar at mga Henyong Hudyo: kapag nagaganap ito ayon sa pagkakatala ng NASA ay mayroong mahalagang kaganapan sa daigdig lalo't higit sa mismong bayan ng Diyos! Nakatala sa Bibliya, bago lumaya mula sa Egipto ang bayang Israel, nagkaroon ng malawakang kadiliman dahil nawala ang liwanag ng araw. Habang nakabayubay sa krus ang Panginoon muling nawalan ng liwanag ang araw! (Marcos 15:33) At marami pang pangunahing pangyayari sa Israel na ito ay sinabayan ng pagpupula ng buwan bagamat ito ay nalingid sa mga hudyo nandito ang ilan sa mga ito:
   Ngunit ito ang pinakapambihira sa lahat ay ang kasalukuyang nagaganap ngayon ang 4 na pagpupula ng buwan (tinatawag ng mga siyentipiko na Tetrad) sa loob lamang ng ilang buwan sa taong ito hanggang 2015. Kamakailan Oct.8 naganap ang ikalawang pagpula at yung una ay noong Abril 15, ang 2 huling pagpupula ay sa Abril 4, 2015 at September 28, 2015. Naalarma ang ilang mga henyong biblikal maging ang mga kristiyanong Hudyo sapagkat hindi lang na napakaikling pagitan ng pagpupula nito- ITO AY EKSAKTONG TUMAPAT PA SA 2 MAHALAGANG KAPISTAHAN NG MGA HUDYO NA NGAYON LANG MANGYAYARI, IDAGDAG PA NA SA PAGITAN NITO AY MAY MAGAGANAP NA PAGDILIM NG ARAW! Sinasabi rin ng NASA na ang ganitong kaganapan ay pinakahuli na sa siglong ito at kung mauulit pa ay daang taon na ang palilipasin.
 
   Isang katotohanan ang lalong nakatawag sa aking atensiyon ay ang sinabi sa Joel 2:31 " MAGDIDILIM ANG ARAW AT ANG BUWAN AY PUPULANG ANIMO'Y DUGO BAGO DUMATING ANG NAKAKATAKOT NA ARAW NI YAHWEH!" Ang nakakatakot na araw na iyon ay walang iba kundi ang 7 taong walang katulad na kapighatian na tinutukoy ng Panginoong Hesus sa Mateo 24:21! Ngunit alalahanin natin na bago magsimula ang kakilakilabot na mga pagdurusang iyon ay may dakilang kaganapan muna ang magaganap: maglalahong parang bula ang mga totoong kristiyano! Dadagitin ng Panginoong Hesus sapagkat hindi nakatakda sa kaparusahan ang mga tunay na banal na labis na nagmamahal sa Panginoong Hesus!(1Tesalonica5:9)
Napakalapit na mga kapatid....
NAPAKALAPIT NA!