Martes, Pebrero 10, 2015

Pambabalewala sa Napapanahong Mensahe

    Matinding bigat ng kalooban ang nadarama ko sa pangangaral ng ilang mga seryosong tagapagturo ngayon. Katulad na lang ng isang nagpupumilit na kumbinsihin ang mga tagapakinig niya na maniwalang hindi mawawala ang kaligtasan ng isang nanampalataya na. Sobrang malalim ang pagkakadaya ng mangangaral na ito kung paanong nadadaya din ang napakaraming mga nagsasabing mga espirituwal lider ngayon. Ilang mga kalipunan ng mga mananampaltaya sa ibang panig ng daigdig ang nakikipagkompromiso na makiisa sa ibang mga relihiyon. Nabalitaan niyo na ba ang mga 'kristiyanong' nakikipagsambahan na sa mga muslim, at ang tawag ay "chrislam"? Kilalanin din ninyo ang mga "kristiyanong" lider na nakikipagkasundo na sa iniidolong papa nila sa Roma. Kamakailan, isang tagapanguna ng mga mananampalataya ang nakausap ko at katulad ng nakasanayan ko (bilang tugon sa 1 Tesalonica 4:18) ay nabanggit ko sa kanya kung gaano na kalapit ang pagbabalik ng Panginoong Hesus. Halos mapaismid siya sabay sabi ng "Matagal nang isyu yan." Bigla kong naalala ang sinabi ng Salita ng Diyos sa 2Pedro3:3-4. Hindi kataka-taka na ganun ang reaksiyon niya sapagkat meron pa siyang panlupang pangarap ang makapagpatayo ng malaki at magarang bahay sambahan na may madaming dumadalo. Muli kong naalala ang isang babaing mananampalataya na masigasig naman sana sa gawain, e sobrang nabigla, kulang na lang ng sambitin ang "susmaryosep" ng sabihin kong "Malapit ng dumating ang Panginoon!". Hindi rin kataka-taka na ganun ang reaksiyon niya sapagkat napakarami niyang ari-arian katulad ng mga condo, lupain, real state at iba pang panlupang investment.
   Bago isinugo ng Ama ang Kanyang bugtong na Anak, MAY NAPAPANAHONG MENSAHE NA IPINADALA ANG DIYOS SA KANYANG BAYAN- IPAPADALA NIYA ANG MESSIAH UPANG TUBUSIN ANG ISRAEL. Ang napapanahong mensaheng ito noong kapanahunan nila ay binalewala ng nakararami, maliban sa kakaunting katulad nina Simeon at Ana (Lucas2:25-38). Dahil sa pambabalewala ng napapanahong mensahe napahamak ang maraming bilang ng literal na bayan ng Diyos (mga Hudyo).
  Sa kasalukuyang kapanahunan, meron na namang NAPAPANAHONG MENSAHE ang Diyos sa Kanyang Espirituwal na bayan (ang Iglesiya/Mga Mananampalataya) ano ito? MAGBANTAY KAYO SAPAGKAT AKO AY DARATING NA PARANG MAGNANAKAW. (Mateo24:43, Marcos13:33, Lucas 12:39) Sino ang mga katulad ni Ana at Simeon ang nagpapahalaga sa ganitong napapanahong mensahe? Nakakapangilabot kung muling mauulit ang matinding pagkakamali ng bayan ng Diyos.
   Lahat na nang ipinauna ng Bibliya na mangyayari bago at pakatapos ng ipinangakong pagbabalik ng Panginoon ay talagang nagaganap na. Matapos sunduin ng Panginoon ang Kanyang bayan ito ang ilan sa magaganap: pugutan ng ulo, Pahayag 13:15& 20:4 (alam niyo na ba ang tungkuling gagampanan ng mga ISIS?), ang tatakan ng 666! Pahayag 13:16-17 (Panoorin ang napakabagong video sa ibaba kinunan ko ito sa Channel 11, ngayon lang Feb.10,2015)




    Handang-handa na ang galamay ng anti-kristo sa gagawin sa mga maiiwanan sa rapture. Ikaw ba ay nakahanda na? Hindi maaaring magpabaya ang Dakilang Diyos na paalalahanan ang tunay Niyang bayan sa pamamagitan ng Kanyang mga totoong alipin. Ano ang dating sayo ng mga napapanahong mensahe katulad nito?

                          MAGPAKALINIS NA KAYO!
                     TALIKURAN ANG KASALANAN, 
                      ang SARILI AT ang SANLIBUTAN!
                       ISAAYOS ANG SAMBAHAYAN, 
           IPAUNAWA ANG MENSAHE NG KALIGTASAN!
    IPAHAYAG SA LAHAT ANG EBANGHELYO NI KRISTO!
MAHALIN NG TOTOHANAN ANG PANGINOONG HESUS!
                      MAGBANTAY, MANALANGIN 
                  SA TULONG NG ESPIRITU SANTO!
      MANABIK SA NALALAPIT NIYANG PAGDATING!

                                       MARANATHA!