Huwebes, Hunyo 26, 2014

Kapinsalaan sa mga Hindi Nag-aabang Part2

    
   Katibayan ng matagumpay na pamumuhay-espirituwal ng bawat mananampalataya ay ang pananatili sa maka-Diyos na kagalakan. Ito ang dapat asahan sa totoong kristiyano at ito rin ang mahigpit na panawagan ng Diyos sa Kanyang bayan. (Filipos 4:4, I Tesalonica 5:16). 

     Ang pananatili sa kagalakan ang inaasahan ng Diyos sa kanyang mga nasasakupan sapagkat naibigay na sa kanila ang karapatan, lahat ng kapakinabangan at pinakadakilang dahilan upang magalak lagi- ang Panginoong Hesus at ang handog Niyang kaligtasan!
   Ngunit sa kabila nito bakit hirap makita at madama ang kagalakan sa mga nagsasabing kristiyano? Sapat bang dahilan na napakaraming pagsubok at pag-uusig na dinaranas o kinakapos sa mga pagpapala? Mas madaling makakita ng kristiyanong dumadaing, naghihinagpis, mga naiinis, masungit, aburido, matamlay. 


    Kung meron man ay mga "kristiyanong" tawa ng tawa sa harap ng telebisyon, nangingiti sa harap ng computer o pagpi-facebook. Meron namang kiliting-kiliti habang pinag-uusapan ang tsismis at kasiraan ng iba. Ang masaklap nito ay ang hagalpakan ng mga nagsasabing mga mangangaral sa malaswa at makalamang biruan. Matibay ang paniniwala ko na kapag ang kasiyahan ay hinahanap pa sa mga materyal na bagay at mga aliw na pangsanlibutan ang "kristiyanong" ito ay wala sa tunay na kagalakan. At kapag wala ang makalangit (espirituwal) na kagalakan, ang nagsasabing kristiyano ay nasa kapinsalaan! At ano ang kaugnayan ng kagalakan sa pag-aabang sa pagbabalik ng Panginoong Hesus?
   Mahigpit ang paalala ng Salita ng Diyos sa Awit 37:4- "Sa DIYOS mo hanapin ang kaligayahan..." Sa Diyos lang dapat manggagaling ang lahat ng kasiyahan, kagalakan at KAALIWAN. At kung nakatuon sa Diyos ang pag-aasam natin ng kasiyahan, ang mga pagpapalang mula sa Diyos ay mga palabok na lang at ang pangunahing kaaliwan natin ay ang Panginoong Hesus mismo! At kung si Hesus ang sentro ng ating kasiyahan, mauunawaan natin ang pinakamapalad na pag-asa na tinutukoy sa Tito 2:13- ang pagbabalik ng Panginoong Hesus!
    Kaya't hindi kataka-taka na obligahin ng Diyos na mag-aliwan ang mga magkakapatid sa pananampalataya patungkol sa nalalapit na pagbabalik ng Panginoon.
  "Sa araw na yaon, kasabay ng malakas na utos, ng tinig ng arkanghel, at ang tunog ng trumpeta ng Diyos, bababa ang Panginoon mula sa langit. Bubuhayin muna ang mga namatay na nanalig kay Cristo. Pagkatapos, tayong mga buhay pa ay titipunin Niya sa ulap at isasama sa mga binuhay upang salubungin sa papawirin ang Panginoon. sa gayo'y makakapiling Niya tayo magpakailanman. Kaya nga MAG-ALIWAN kayo sa pamamagitan ng mga aral na ito.".
  Pananagutan pala natin na aliwin ang mga kapatid kay Cristo. Ngunit mahirap maisagawa ito ng sinumang hindi interesado sa pagbabalik ni Hesus sapagkat hindi naman talaga si Hesus ang kasiyahan niya kundi pera o ang mga bagay-bagay sa sanlibutan. Si Hesus ang sentro ng kasiyahan ng mga nag-aabang sa Panginoong Hesus, kaya't sila ang pwedeng magbigay ng kasiyahan sa kapwa kapatid. Hindi mo maaaring ibahagi sa iba ang wala naman saiyo.
  Ipinaunawa ng Bibliya na habang papalapit ang pagbabalik ni Hesus ay magsusulputan ang mga manlilibak, at patuyang magsasabi, "O. asan na 'yang Hesus na sinasabi n'yong babalik? e ba't wala pa?"(2Pedro3:4). Malakas ang paniniwala ko na ang mga manlilibak na ito ay galing sa kalipunan ng mga "kristiyanong" malungkutin, masungit, aburido o yaong mga kiliting-kiliti sa mga tsismis, awiting makamundo, pera at mga kalayawan ng mundo. Sila ay yaong napinsala sa espirituwal sa kawalan ng interes sa pagbabalik ni Hesus.
  Ngunit ang mga masayahing tagasunod ni Hesus ay buong tiyaga at pananabik at nakangiting nag-aabang sa pagbabalik ng kanilang Minamahal. Mahirap tablan ng kapinsalaan ng diablo ang mga nagtataglay ng kagalakang makalangit!

Biyernes, Hunyo 20, 2014

Kapinsalaan sa Mga Hindi Nag-aabang Part 1

    Mahigpit ang paalala ng Panginoong Diyos sa Hosea 4:6, "Napipinsala ang ang Aking bayan sa kakapusan ng kaalaman!" Ang kaalamang tinutukoy dito ang pagpapahalaga sa Diyos at sa Kanyang Salita. Sa kasalukuyang henerasyon ng mga mananampalataya, ano nga ba ang napapanahong paala-ala mula sa Salita ng Diyos na maituturing na napakahalagang kaalaman na dapat pag-ukulan ng pansin ng mga nagsasabing kristiyano upang huwag siyang mapipinsala? Ayon sa aking pagsasaliksik at pag-arok sa kalooban ng Diyos, ito ay walang iba kundi ang pag-aabang sa muling pagbabalik ng Panginoong Hesus. Napakaseryoso ng paalala ng Panginoong Hesus, pansamantalang inilingid ang eksaktong oras ng Kanyang pagbabalik kaya't mahigpit Siyang nagbabala: "Maging handa kayo lagi!", "Kaya magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam ang araw ni ang oras!" (Mateo24:44; Mateo 25:13; Marcos 13:35; Marcos13:37; Lucas 21:36) Samakatuwid, sinumang nag-aakalang kristiyano ngunit binabalewala ang kaalaman patungkol sa paghahanda sa muling pagbabalik ng Panginoon ay nalalagay sa panganib ng kapinsalaan!

    Nandito ang ilang nasaksihan kong kapinsalaan na karaniwang dinanas ng mga mananampalataya. Ang mga mananampalatayang ito ay talagang aktibo sa ministeryo. Wala silang palya sa pagdalo ng mga gawain at hayagan din namang ipinangangalandakan na sila ay mga tagasunod ni Hesus. Ngunit sa kabila nito, ay ganito ang mga dinanas nila: nawasak ang tahanan, nagkahiwalay silang mag-asawa; hindi na makaahon sa hirap at kagipitan; pagkaubos ng salapi sa karamdaman at pagkaka-ospital; ang mga anak ay napariwara (nalulong sa mga bisyo at nagdalang-tao ng walang matrimonya); dumanas ng matitinding dagok sa buhay, at ang masaklap, may mga kapamilya na binawian ng buhay na hindi man lang nakakilala sa Panginoong Hesus o nakatanggap ng kaligtasan!    
   Ano ang pagkakapareho ng mga dumanas ng ganito? Sila'y pawang hindi intersado sa muling pagbabalik ni Hesus! Naisantabi nila ang mahalagang kaalaman na maging handa lagi! E, ano naman ang koneksyon nito sa pag-aabang sa muling pagbabalik ni Hesus? Ang ibig ba nitong sabihin kapag nag-aabang sa pagbabalik ni Hesus, hindi mawawasak ang kanilang tahanan? Hindi mapapariwara ang kanyang mga anak? Hindi siya mamamatayan ng kapamilya na hindi nakapagsisi? Dumadagundong na "OO" ang sagot ko! Bakit? Ang mga totoong naghihintay kay Hesus ay totoo at seryosong mananalanginin!(Lucas 21:36) Sumasamo sa Diyos araw at gabi. (Lucas 18:7-8). 


     Hindi lamang na matiyaga at masigasig sila sa pananalangin, kundi minamaramapat pa nila ang ang kanilang mga sarili sa pamantayan ng Diyos sapagkat ang mga totoong nag-aabang sa muling pagbabalik ni Hesus ay nagpapakabanal o nagpapakalinis! (1Juan3:3, 1 Tesalonica 5:23) 


    Mahirap tablan ng mga perwisyo at kapinsalaan ng diablo ang mga totoong naghihintay sa pagbabalik ni Hesus sapagkat buhay na nila ang manalangin (pananatili sa presensiya ng Diyos) at walang maisusumbat sa kanila ang kaaway sapagkat taglay nila ang katuwiran ni Hesus. Kayang durugin ang mga kapinsalaan ng kaaway ng seryosong panalangin ng mga banal sapagkat mabisa at makapangyarihan ang panalangin ng mga taong matuwid! (Santiago 5:16). At ang mga matuwid na ito ay ang mga totoong nananabik sa muling pagbabalik ng Panginoong Hesus!