Huwebes, Mayo 29, 2014

Kagilagilas ng mga Tanda sa Kalangitan

     Patuloy na pinagtitibay ng maraming kaganapan sa kasalukuyan na talagang maikli na lang ang panahon at ang inaabangan ng mga TOTOONG KRISTIYANO na pangakong pagdating ng Panginoong Hesus ay magaganap na nga. Lahat ng naitala sa Bibliya ay halos nagaganap ng lahat.
   May binanggit ang Panginoong Hesus sa Lucas 21:28- "Kapag nakita ninyo na nagaganap na ang mga ito, tumindig kayo at tumingala sa itaas sapagkat ang kaganapan ng pagliligtas (rapture/pagdagit) sa inyo ay napakalapit na." 
   Ang espirituwal at malalim na pakahulugan ng sinabing ito ng Panginoon ay ganito: kapag nandiyan na ang mga palatandaan ng pagbabalik ni Hesus, ang mga mananampalataya ay dapat na manindigan o maging matatag na iukol ang pansin, atensiyon at pagpapahalaga sa mga bagay na makalangit o espirituwal. Kinakailangan mapaglabanan ang matitinding pang-akit at isyu ng sanlibutan. Habang papalapit ang pagbabalik ng Panginoon ang diablo naman ay gagawa ng lahat ng pamamaraan upang agawin ang atensiyon ng mga mananampalataya papalayo sa Diyos at sa Kanyang pamantayan. Sa tindi ng ginagawa ng demonyo, minsan, hindi namamalayan ng mga hinirang na impluwensiyado na pala siya ng kalakaran, sistema o galaw ng mga walang Diyos! Kaya nga mahigpit ang paalala ng Salita ng Diyos sa Colosas 3:2, "Ituon ninyo ang inyong mga paningin sa mga bagay na panlangit, hindi sa mga panlupa o pangsanlibutan!" Ngunit nakita ko rin sa talatang ito na may literal din na nais iparating ang Panginoong Hesus. Nais din Niyang tumingala ang mga kristiyano, tumingin sa kalangitan at obserbahan ang mga magaganap sa araw, buwan at mga bituin upang abangan ang mga kaganapan ng inihayag mismo ni Hesus sa Lucas11:21, mga tanda sa kalangitan/himpapawid at sa Lucas 21:25, mga tanda sa araw, buwan at mga bituin.

  Sa iba't-ibang panahon, at panig ng mundo, napakaraming naibalita na pambihirang naipamalas ng araw, buwan at mga bituin na dati-rati ay hindi naman karaniwang ganun. Iba-'t ibang "phenomena" na talagang tumawag sa atensiyon ng maraming nag-oobserba katulad ng mga ito:








   Kamakailan, Mayo 24, 2014, bandang alas-10 ng umaga, habang ako ay nasa lalawigan ng Sorsogon ang tanawing ito ng araw ay nagbigay ng kilabot sa aking katauhan. Sa buong buhay ko ay talagang ito ang una kong nasaksihan. Namamangha ako sa tuwing nakikita ko ang araw na parang dugo ang kulay, ngunit ang larawang ito ng araw ay talagang pambihira! 

   Tunay na napakalapit na ng pagbabalik ng Panginoong Hesus! Naniniwala akong marami pang katulad nito ang masasaksihan sa iba't ibang panig ng mundo bilang pagtitibay na TOTOO TALAGA ANG BAWAT NAITALA SA BIBLIYA at 
TOTOONG NAPAKALAPIT NA NG PAGBABALIK NG PANGINOONG HESUS!