Biyernes, Marso 28, 2014

Kapag Sinasabi ng Mga Tao-"Kapayapaan at katiwasayan!"...(1Tesalonica5:3)

    

     Ang mga huling araw ay mapupuno ng mga isyu patungkol sa kapayapaan, o kapanatagan at mga panawagan ng pagkakaisa. May dalawang anggulo ang isyu ng kapayapaan. Unang anggulo ay kapag nahaharap sa mga problema at banta ng mga panganib ang mamamayan at tungkulin ng mga nasa pamahalaan o pamunuan ang magpalaganap ng impormasyon na walang dapat ipag-alala ang mga tao. Lalabas nga namang walang silbi ang mga nasa maykapangyarihan kung hahayaang nagpapanik ang mga tao o tuliro na sa kawalan ng seguridad. Pangalawang anggulo ay ang panawagan ng pagkakaisa. Mababatbat ng paglalaban-laban ang mga huling panahon, maraming sigalutan at di-pagkakaunawaan ang magaganap sa iba't ibang sangay at larangan ng lipunan. Sinabi nga ng Bibliya na maglalaban-laban ang mga bansa, lahi at pamunuan. (Mateo 24:7). Habang nagaganap ito, ay marami pa ring magpupursige na ipangalandakan ang "kapayapaan'! Kung kaya ang mga balita at panawagan patungkol sa kapayapaan ay magiging palasak(karaniwan) habang nalalapit na ang pagbabalik ng Panginoong Hesus.
   Inihayag ng Bibliya na nakatakdang lumitaw ang isang makapangyarihang personalidad na maituturing na "Ginoo ng Kapayapaan" (man of peace). Ang mga nagaganap sa kasalukuyan na mga kahirapan, problema, banta ng mga krisis at panganib, paglalaban-laban/hindi pagkakaunawaan, pag-aangkin ng mga teritoryo at marami pang hamon sa lipunan ay paglalagay sa isang malawakang kondisyon na ang lahat ng nasa sanlibutan ay totoong nangangailangan na ng pandaigdigang bayani. Hindi nakapagtataka na ang mga tao ay nananabik at hindi magkamayaw sa ekspektasyon kapag may nailuluklok na bagong pangulo o pinuno. Naalala nyo ang reaksiyon ng mga kano ng mailuklok si Obama? Marami rin ang natuwa ng mahalal ang Pangulong Noynoy.
    
    Ang pangangailangan ng magaling na lider pangkapayapaan ay matutugunan  sa katauhan ng malapit ng lumitaw na "Ginoo ng Kapayapaan", walang iba kundi ang anti-kristo. Ipapakilala niya na siya ang solusyon sa lahat ng problemang pandaigdigan at bilang instrumento ng pagkakasundo ay pagkakaisahin niya ang lahat ng bansa.(Daniel 11:23 at Pahayag 17:17). 

    Inihayag na ng Bibliya- ang tiyak na mangyayari sa mga susunod na araw: yayakapin ng maraming tao ang inaalok na kapayapaan ng Anti-kristo! Ito ay mangangahulugan ng tiyak na kapahamakan. Ngunit ang eksaktong pakahulugan ng 1Tesalonica5:3 ay sa ganito ipinauunawa- mababatbat ng isyung pangkapayapaan ang mga huling panahon kaya't ito ay nangangahulugan na napakalapit na ng pagbabalik ng Panginoong Hesus. Ang katumbas ng pagbabalik ng Panginoon sa mga hindi nagsipaghanda ay kapahamakan. Kapahamakan sa mga hindi nagsipagsisi o naglinis ng kanilang kalagayan sa paningin at pamantayan ng Diyos. Kapahamakan ang katumbas ng pagbabalik ng Panginoon sapagkat ito ay katapusan o ultimatum na sa pagkakataong maligtas ang mga mga tao. Kapag dumating na ang Panginoong Hesus, at lihim na sinundo (mahiwagang maglalaho) ang mga banal(totoong born-again christian), wala ng pag-asa pang mapunta ng langit ang mga hentil (hindi hudyo) na naiwan (Mat25:11, Mateo24:39-42, Pahayag3:16), maliban na lamang sa mga Hudyo. Kung susuriin sa diwa ng Bibliya ang kasalukuyang pandaigdigang sitwasyon, hindi maipagkakamali na nakakondisyon na ang lahat sa pagtanggap sa paparating na "pandaigdigang bayani"/"ginoo ng kapayapaan" o ang Anti-kristo.

  Ngunit bago siya malantad sa lahat ay palihim munang darating ang Prinsipe ng Kapayapaan, (Isaiah9:6), ang Panginoong Hesus, upang iadya sa malupit na kamay ng Anti-kristo (sa una lang siya magiging mabait, ngunit lilitaw ang totoong kulay niya matapos ang tatlo at kalahating taon)!
     Nasa iyo na ba ang Prinsipe ng Kapayapaan? Natanggap mo na ba Siya sa iyong puso at may tiyak na kaugnayan sa Kanya? Naisuko mo na ba ang iyong buhay sa Kanya? Naunawaan mo na ba ang dakilang kapakinabangang ginawa Niya sa krus ng kalbaryo? Nagpakababa ka na ba sa Kanya at humingi ng kapatawaran sa lahat mong kasalanan? Kapag "oo" ang sagot mo, taglay mo na ang kapayapaang walang kapantay

  Walang ibang maaaring magkaloob ng totoong kapayapaan at KALIGTASAN kundi ang Anak ng Diyos lamang, ang
Panginoong Hesus!