Lunes, Nobyembre 11, 2013

Sunod-sunod na Kalamidad, Ano ang Mensahe?

    

    Nagiging karaniwang laman ng mga balita ang sunod-sunod na malalagim na balita patungkol sa iba't-ibang kalamidad na nagaganap sa lahat ng panig ng mundo. Madalas, ay natatabunan ang naunang balita ng kapapasok na bagong balita patungkol sa kalamidad. Di pa gaanong natatagalan, daan-daan ang namatay sa lindol na naganap sa Pakistan, kaagad itong natabunan ng mga sumunod na kaganapan tulad ng malaganap na sunog ng kagubatan, panibagong lindol, mga giyera at labanan. Hindi pa nga ganap na nasasaklolohan ang mga biktima ng lindol sa Bohol, mga biktima naman ng bagyong yolanda sa Tacloban, Leyte ang pinag-uukulan ng saklolo ngayon. 

   Bakit ganito na ang mga nagaganap? Ano ang maliwanag na mensahe ng mga ito? Nagbubulay-bulay ako, at sinaliksik ang Salita kasabay ang mataimtim na pagsamo sa Diyos. Dalawang (2) dahilan agad ang nasagap ko:

1)Hinog na ang Panahon!

   Malinaw na inihayag ng Bibliya ang maraming tanda ng pagbabalik ng Panginoon, kasama na ang mga kalamidad. (Mateo24:7) Ang sabi nga ng 2Timoteo3:1, "Mababatbat ng kahirapan ang mga huling araw!" Markahan natin ang sinabi ng Panginoong Hesus sa Mateo24:8, "Ang mga ito ay pasimula pa lang ng kahirapan!" Bakit nga ba "pasimula"? Kung pasimula, ibig sabihin meron darating na pinakamatindi! Samakatuwid, kung ang napakalakas na ulan ay nagpapasimula muna sa ambon at ang pagsiklab ng dambuhalang sunog, ay nagpapasimula muna ang usok, ang mga kalamidad na nagaganap ngayon ay mga 'ambon' at 'usok' pa lang sa matinding mangyayari na talaga namang kagimbal-gimbal, sapagkat si Hesus mismo ang nagsabi na magaganap ang matinding kapighatian sa daigdig na walang katulad (DELUBYO) at hindi pa nagaganap sa nakalipas! (Mateo24:21) Hindi ba natin napapansin ang ipinahahayag ng mga nakakatanda sa mga nangyayari ngayon? "Hindi naman ito dating ganito sa amin. Ngayon lang nangyayari ito!" Nakakahilakbot ang mga resulta ng kalamidad na ipinapakita sa telebisyon! Mga bangkay na nagkalat, mga nagmamakaawang nasalanta, mga gutom na sumasalakay sa mga tindahan upang agawin ang hindi kanila! Ngunit ang mga ito ay mga banayad na eksena pa lamang kung ikukumpara sa kagimbal-gimbal na magaganap. Mainam pa ngayon sapagkat may mga rescue team pa. May mga ahensiya pa na nag-aabot ng tulong o donasyon. Meron pang namamahala upang ilibing ang mga bangkay! Ang mga mapepera, aristokrata at mga tuso ay hindi pa apektado! Ngunit kapag naganap na ang ipinauna ng Bibliya sa Jeremias 30:7, Daniel 12:1 at ang sinabi mismo ng Panginoon sa Mateo 24:8, wala nang maglilibing sa libo-libong bangkay na maghahambalang hanggang sa mamaho, ang mga glamorosong mayayaman ay mapipilitang kumain ng bulok o tangkilin ang kanibalismo! 

     Sinasabi ng Bibliya ito ay sa loob ng pitong(7) taon! Ngunit ang napakagandang katotohanan ng Bibliya, bago magpasimula ang 7 taong walang katulad na kapighatian, susunduin muna ng Panginoong Hesus ang mga banal upang huwag sapitin ang malagim na kapighatian!(Pahayag 3:10)
   Kaya nga sinabi ng Panginoong Hesus, sa Lucas 21:28 "Kapag nakikita ninyo na nagagaganap na ang mga ito ('ambon' at 'usok') kayo'y magalak sapagkat nalalapit na ang pagliligtas sa inyo!(Ang pangakong pagsundo ni Hesus sa mga mananampalataya.) Ang mga tumanggap kay Hesus at nagsipagsuko ng buhay sa Kanya ay hindi na nakatakda sa kaparusahan kundi sa pagliligtas! (1 Tesalonica 5:9)


2)Panawagan para sa Taos-pusong Pagsisisi

    May mga nasasagap akong isyu na kaya daw sunod-sunod ang dagok sa bisaya sapagkat marami sa kanila ay mga 'aswang', 'mangkukulam', kulto at mga kilabot na kriminal! Ang sabi pa ng isang mapag-obserba, maraming nahuhuling sindikato ay mga 'bisaya' DAW! Isang indikasyon nito na bagamat maraming napabalitang kalamidad sa iba't-ibang panig ng Pilipinas ay tanging sa bisaya naipakita ang marahas na pagsalakay sa mga tindahan upang nakawin ang mga paninda at groseriya. Maaari itong pasubalian, mahirap gumawa ng konklusyon sa kaisipang ito lalo pa na ayaw ng Diyos ang maging mapanghusga. May kaugnay na tagpo sa Bibliya na natalakay na ang masasama ay talagang may nakalaang dagok o parusa at mayroong mahalagang mensahe ang Panginoong Hesus! Pagtuuan natin ang tagpo sa Lucas 13:1-5. Lumaganap sa Israel ang nakakabiglang balita patungkol sa mga ilang namatay! Malinaw ang naging mensahe ng Panginoong Hesus- "Huwag ninyong akalain na higit silang makasalanan kaysa sa inyo kaya't sinapit nila ang gayong trahedya...(Lucas13:5) NGUNIT SINASABI KO SA INYO; KAPAG HINDI NINYO PINAGSISIHAN AT TINALIKDAN ANG INYONG MGA KASALANAN, MAPAPAHAMAK DIN KAYONG LAHAT!"         Kung ganun, hindi isyu kung sino ang mas masama sa mga bisaya, bicolano, ilocano, tagalog o muslim! Ang mahalagang mensahe sa mga trahedyang nagaganap ay- LAHAT AY MAGSISI! Unibersal na panawagan ng Diyos ay magsisi ng kanilang mga kasalanan ang lahat!(Gawa 3:19) Bagamat malawakan ang panawagan ng Diyos na ang lahat ay magsisi, may partikular na kalipunan ng tao ang inaasahan ng Diyos na talagang tumugon sa panawagan ng pagsisisi! Ang panawagang magsisi sa Lucas 13:5 ay para sa mga Hudyo (bayan ng Diyos), at suriin din nating ang panawagang magsisi sa 2 Pedro 3:9, kung bakit naaantala ang pagdating ng Panginoon, ang panawagan ay para sa mga kristiyano (bayan ng Diyos)! Malawakan ang panawagan ng pagsisisi, ngunit partikular na inaasahan ng Diyos na tumugon ay ang Kanyang bayan!!!(2Cronica7:14) Kung pagbabatayan natin ang 2 Cronica 7:14, hindi sa buong populasyon ng Pilipino nananawagan ang Diyos kundi sa Kanyang bayan, ang mga mananampalatayang Pilipino! TANGING ANG MGA TOTOONG MANANAMPALATAYA LAMANG ANG PWEDENG TUMUGON SA PANAWAGANG MAGSISI! Ang mga pagano (walang Diyos), mga nasa relihiyon/kulto at mga makasanlibutan/makalaman/makasalanan ay kailanaman hindi maaaring magsisi kahit bugbugin pa ng katakot-takot na trahedya. Kahila-hilakbot ang magaganap sa 7 taong walang katulad na kapighatian, ngunit sa kabila ng malagim na pagdurusa sinasabi ng Bibliya, hindi pa rin sila magsisisi at susumpain pa nila ang Diyos! (Pahayag 9:20-21, Pahayag 16:11, Pahayag 16:21.) Nais kung ipagdiinan, ang mga totoong mananampalataya lamang ang tutugon sa panawagan na magsisi. Kaya nga magaganap ang dapat maganap na sinabi ng Bibliya, sa huling panahon ang masama ay lalong magpapakasama, ngunit ang matuwid ay lalo pang magpapakatino-tino, magpapakabanal! (Daniel 12:10, 2Timoteo3:13 at Pahayag 22:11) Totohanang pagsisisi ang susi kung bakit ang kasintahang babae (mananampalataya) ay daratnan ng Lalaking Ikakasal (si HESUS) na nasa kalagayang walang bahid-dungis, kulubot o mantsa! Mga kapatid, sama-sama tayong magpakababa sa Panginoon, nawa'y magawa natin ang ginawa ng publikano sa Lucas 18:13! Pagsisihan natin ang ating mga kapalaluan/kataasan, pagkukunwari, pagiging makasarili, pagka-kanyakanya, pag-iimbot, pagiging makalaman /makasanlibutan, madami tayong oras na sinasayang sa telebisyon, computer, cellphone, naisasantabi natin ang pagbababad sa panalangin at pagbubulay-bulay ng salita ng Diyos. Pagsisihan natin at isuka ang pagtangkilik natin ng mga sama ng loob, galit, inggit, hinanakit, pornograpiya, kalaswaan, karahasan, kasinungalingan, pagkokompromiso sa pulitika, paninirang-puri at napakaraming pang iba. 


    O Banal na Espiritu, tulungan Mo po ang Iyong Bayan na matukoy namin ang bawat pagsalansang 
o kaliit-liitang kasalanan sa banal na Diyos... 
bigyan Mo po kami ng pusong handang magpatuwid at lubos na pagpapasakop sa Iyong kabanalan at katwiran... 
patawad po Aming Ama sa pagsasantabi namin 
sa Iyong Anak na si Hesus, 
sa paglimot namin sa aming unang pag-ibig sa Iyo...
sa pagpighati namin sa Iyong Banal na Espiritu... 
patawad aming Diyos....
mahabag Ka sa Iyong Bayan... 
sa pangalan ng aming Panginoong Hesus, 
AMEN!