Maituturing ko na espesyal na pagkakataon mula sa Diyos na muli Niya akong idinako sa kongregasyon kung saan makatotohanan Niya akong kinatagpo at kinalinga noong mga panahong mistula pa lang akong gumagapang na sanggol sa aking nasumpungang pananampalataya, ang ministeryo ng Jesus Reigns. Kahapon, araw ng Linggo (Oktubre 13,2013), matapos kong ihatid ang aking maybahay sa airport para sa official trip ng kanilang tanggapan, inudyukan ako ng Panginoon na muling makipanambahan sa itinuring kong mga kapamilya bagamat hindi nila ako kilala. Medyo matagal ding panahong nakasama ko sila sa matamis at makapangyarihang presensiya ng Diyos sa dating sinehan sa dako ng Sta.Cruz,Manila ngunit walang nakakilala sa akin hanggang sa dalhin ako ng Diyos sa labas ng Metro Manila upang magbuo ng isang tahanan at ministeryo. Ibayong pagpapala ang muli kong nadama mula sa Panginoon ng muli kong makasama ang pinagpalang ministeryong ito. Pagpasok pa lang namangha na kaagad ako sa nakita kong marangyang pagpapalang iginawad ng Diyos sa ministeryong ito, sobrang malayo na sa dating sinehang pinagdadausan! Isang katotohanan ang napagtibay sa aking puso, sobrang kinagiliwan ng Diyos ang ministeryong ito. sinikap kong igala ang aking paningin sa pagbabakasakaling may makita akong pamilyar na mukha, ngunit ako ay nabigo, halos mga kabataan na lang lahat. Labis akong nagpasalamat sa Diyos, sapagkat ipinahintulot Niya na sa sandaling iyon, ang pinakapamilyar na mukha ng ministeryong iyon ang nakatakdang maghayag ng mensahe, si Pastor Vincent!
Lalong nadagdagan ang aking pagkamangha, hindi man lang nagbago ng hitsura at pananamit ng lingkod ng Diyos sa kabila ng maraming taong hindi ko siya nasilayan! Higit sa lahat, ang puso at kapangyarihan ng Diyos ay nandoon pa rin sa kanyang paghahayag ng katotohanang ng Salita ng Diyos. Kahit noon pa man, sa tuwing ako'y nakikinig sa kanyang mensahe, wala akong magawa kundi ang mag-"amen", magpuri at pumalakpak sapagkat madalas na ang kapahayagan ni Ptr.Vincent ay kompirmasyon na lamang ng mga naunang natanggap ko sa Panginoon sa aking personal na pagbubulay-bulay ng kanyang salita! Lagi kong nasasabi sa aking sarili- talagang naririnig ni Pastor ang tinig ng Diyos at sensitibo siya sa puso at Espiritu ng Diyos! Bagamat wala akong matandaang bagong kapahayagan noong hapong yun ngunit ibayong galak at kalakasan pa rin ang aking nadama sapagkat ang pasaning nasa aking puso ay muling pinagtibay ng Diyos. Sobrang sang-ayon ako sa sinabi ni Pastor na ang pag-hahanda o pag-aabang sa pagbabalik ng Panginoong Hesus ay mensaheng hindi popular (o kinagigiliwan) sa panahon ngayon! Totoong natatangay ang maraming mananampalataya sa sobrang materyalismo ng mundo at lalong nagagatungan ng mga mensahe mula sa mga mangangaral na hirap makarinig mula sa Banal na Espiritu. Mga mangangaral na walang tunay na pasanin sa mga tupa at hindi alam ang distinksiyon ng katuwiran at kasalanan. Mga mensaheng nag-uudyok upang ituon ang pansin at pagpapahalaga sa sarili at kapakinabangang pansamantala lamang ang hinahabol-habol. Maging maunlad, magaling, mahusay o makapangyarihan. Naniniwala akong may mga natitira pa ring matitinong mangangaral ang katulad ni Pastor Vincent na nagdadala ng dalisay na mensahe mula sa puso ng Panginoong Hesus, ngunit nariyan ang katotohanan- hindi ito makakahuli ng kiliti ng nakararami (2Timoteo4:3). Maliban na lamang sa kakaunting kabilang sa tunay na kasintahan ng Lalaking ikakasal.
Tama nga naman, paanong maririnig ng isang taga-dalo ng kristiyanong gawain ang "sigaw sa hatinggabi" (panawagang "andiyan na ang Lalaking ikakasal!" Mateo25:6) kung ang kamalayan niya ay nakatuon sa kapanapanabik na teleserye, mga bagong labas na gadget, mag-upload ng mga bagong litrato sa kanyang Facebook at kung ano-ano pang makasanlibutang aliw. Hindi ako nagtaka kung ang bilang ng mga mananambahan noong hapon na yun ay halos 1/4 na lang nung mga panahong lumipas noong nandun pa sa lumang sinehan, talagang marami ang manlalamig at tatalikod habang papalapit na ang pagbabalik ng Panginoong Hesus! Ako'y labis na napagpala sa buhay ni Pastor Vincent isa siya sa matibay na dahilan kung bakit sobrang nalugod ang Diyos sa ministeryong ipinagkatiwala sa kanya. Nanariwa sa akin ang matatamis na ala-ala noong bago-bago pa lang ako sa Panginoon. Sa pamamagitan ni Pastor Vincent muling umaalingawngaw ang panawagan na mahalin ng lubos-lubos ang Panginoong Hesus, limutin ang sarili, iwan ang mundo upang si Hesus na lamang ang maging lahat-lahat sa buhay ng isang naghahangad ng buhay na walang hanggan. Pinupuri ko't dinadakila ang Panginoon sapagkat may itinitira pa rin Siyang mga lingkod/mangangaral na seryosong ipinakikipagtipan ang Panginoong Hesus sa Kanyang kasintahan (2Corinto 11:2), ang mga nanampalataya!
Pakinggan natin ang hindi popular na mensahe ng mga totoong lingkod ng Diyos- Magbantay, maghanda-
napakalapit na ng pagdating ng Lalaking ikakasal! Maranatha! (Pahayag 22:20)